KABANATA 64
Kailangang Magpatawad
MAGPATAWAD HANGGANG PITONG ULIT?
ILUSTRASYON TUNGKOL SA WALANG-AWANG ALIPIN
Narinig ni Pedro ang payo ni Jesus tungkol sa paglutas sa di-pagkakaunawaan. Pero parang gustong malaman ni Pedro kung hanggang ilang beses dapat magsikap ang isa na lutasin ang di-pagkakaunawaan.
Nagtanong si Pedro: “Panginoon, hanggang ilang ulit ako dapat magpatawad sa kapatid ko na nagkakasala sa akin? Hanggang sa pitong ulit?” Itinuturo ng ilang lider ng relihiyon na hanggang tatlong beses dapat magpatawad. Kaya baka nadarama ni Pedro na napakabait na niya kung patatawarin niya ang kaniyang kapatid “hanggang sa pitong ulit.”—Mateo 18:21.
Gayunman, hindi kaayon ng turo ni Jesus ang pagbibilang ng mali. Kaya itinuwid niya si Pedro: “Sinasabi ko sa iyo, hindi hanggang sa pitong ulit, kundi hanggang sa 77 ulit.” (Mateo 18:22) Ibig sabihin, walang takda. Hindi dapat magbilang si Pedro kung ilang beses siyang magpapatawad.
Pagkatapos, naglahad si Jesus ng isang ilustrasyon para idiin ang obligasyong magpatawad. Tungkol ito sa isang alipin na hindi tumulad sa kaniyang maawaing panginoon. Isang hari ang naningil sa mga alipin niyang may utang. Dinala sa kaniya ang isang alipin na may napakalaking utang—10,000 talento [60,000,000 denario]. Imposible nang makabayad ang alipin. Kaya nag-utos ang hari na ipagbili ang aliping iyon pati na ang asawa’t anak nito para makapagbayad. Lumuhod ang alipin sa kaniyang panginoon at nagmakaawa: “Pasensiya na po kayo, babayaran ko rin ang lahat ng utang ko sa inyo.”—Mateo 18:26.
Naawa ang hari at hindi na pinagbayad ang alipin. Matapos patawarin ng hari, umalis ang alipin at nakita nito ang kapuwa niya alipin na may utang sa kaniya na 100 denario. Sinunggaban niya ito at sinakal, na sinasabi: “Bayaran mo ang utang mo.” Pero lumuhod at nagmakaawa ang kapuwa niya alipin: “Pasensiya ka na, babayaran ko rin ang utang ko sa iyo.” (Mateo 18:28, 29) Pero hindi tinularan ng aliping pinatawad ng hari ang kaniyang panginoon. Ipinabilanggo niya ang kaniyang kapuwa alipin, na di-hamak na mas maliit ang utang.
Pagkatapos, sinabi rin ni Jesus na nang makita ng ibang alipin ang ginawa ng walang-awang aliping ito, isinumbong nila ito sa hari. Galít na galít ang hari. Ipinatawag niya ang alipin at sinabi: “Napakasama mong alipin. Hindi ko na pinabayaran sa iyo ang lahat ng utang mo nang magmakaawa ka sa akin. Hindi ba dapat naawa ka rin sa kapuwa mo alipin, gaya ko na naawa sa iyo?” Sa galit ng hari, ipinabilanggo niya ang alipin hanggang sa makabayad ito ng utang. Sinabi ni Jesus bilang konklusyon: “Ganiyan din ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa langit kung hindi ninyo patatawarin mula sa puso ang inyong kapatid.”—Mateo 18:32-35.
Napakagandang aral nga tungkol sa pagpapatawad! Pinatawad tayo ng Diyos sa mga kasalanan natin. Anumang nagawang mali ng mga kapatid natin sa atin ay maliit lang kumpara sa mga kasalanan natin sa Diyos. At hindi lang minsan tayo pinatawad ni Jehova kundi libo-libong ulit. Kaya ba nating paulit-ulit na patawarin ang kapatid natin, kahit may dahilan tayong magalit sa kaniya? Gaya ng itinuro ni Jesus sa Sermon sa Bundok, patatawarin tayo ng Diyos “kung paanong pinatatawad [natin] ang mga nagkakasala sa [atin].”—Mateo 6:12.