Dinalaw ni Papa John Paul ang Naliligalig na Kawan
SA LOOB ng sampung abalang mga araw noong nakaraang Setyembre, si Papa John Paul II ay naglakbay sa ibayo ng Hilagang Amerika, dinadalaw ang siyam na mga lunsod ng E.U. at isang nayon sa Hilagang-kanlurang mga Teritoryo ng Canada. Inabot niya ang mga hindi Katoliko at kasabay nito ay pinakitunguhan niya ang lumalagong pagsasarili sa kaniyang kawan sa Hilagang Amerika.
Pinag-aalinlanganan ng mga pari ang mga tuntunin ng simbahan tungkol sa celibato (hindi pag-aasawa ng mga pari). Sinabi ng mga obispo na ang mga tuntuning moral nito ay napakahigpit. Ang mga Amerikanong Indyan ay nagprotesta sa paraan ng pakikitungo ng simbahan sa kanilang mga ninuno.
Binanggit ng papa ang lumalagong gawain sa gitna ng mga Katoliko sa E.U. na ‘paghanap at pagpili’ sa mga turo ng simbahan na nais nilang sundin. Halimbawa, ipinaliwanag ni Monsenyor John Tracy Ellis na maraming tao ang nagsasabi: “Ako’y Katoliko, subalit hindi ko tatanggapin ang lahat ng itinuturo ng Papa.” Ang magasing Time ay nag-uulat: “Dating itinuturing ng Roma bilang isa sa pinakamasunuring anak na lalaki at babae ng simbahan, maraming Katolikong Amerikano ang ngayo’y naniniwala na sila ay may karapatang humanap at pumili sa mga elemento ng kanilang pananampalataya, waling-bahala ang mga turo ng simbahan na hindi nila sinasang-ayunan.”
Maingat na Pagpaplano
Ang pagdalaw na ito ay maingat na isinaayos. Mga teksto ng kung ano ang sasabihin sa papa hindi lamang ng mga kinatawan ng simbahan kundi maging ng mga lider na Judio, Muslim, Hindu, at Budista ay matagal nang ipinadala sa Vaticano nang patiuna upang maihanda ang maingat na mga tugon.
Ang paglalakbay ay nagsimula sa Miami noong Setyembre 10. Doon, hinimok ng paring Katoliko na si Frank J. McNulty, nagsasalita bilang kinatawan ng 57,000 mga pari sa E.U., ang papa na isaalang-alang ang bumabahaging mga isyu na gaya ng celibato ng mga pari, ang lumalaking paghiwalay ng mga Katoliko sa mga turo ng simbahan, at ang pagnanais ng mga babae para sa mas malaking bahagi sa simbahan. Sinabi niya na ang halaga ng celibato “ay naagnas na at patuloy na naaagnas sa isipan ng marami.” Ang Los Angeles Times ay nagkomento na ang “malumanay ang pagkakasalitang” tugon ng papa ay “hindi tuwirang bumanggit tungkol sa anumang isyu na ibinangon [ni McNulty]” kundi “idiniin [ng papa] ang tungkulin ng mga pari na magpasakop sa kaniyang awtoridad ng pagtuturo.”
Sumunod, sa Columbia, South Carolina, si John Paul ay nakipagkita sa mga lider ng relihiyon na hindi Katoliko. Sa New Orleans binabalaan niya ang mga teologo na nagtuturo sa mga paaralang Katoliko na sila ay hindi malayang humiwalay sa opisyal na mga turo ng simbahan.
Sa Phoenix, Arizona, inamin niya ang “mga pagkakamali at mga pagkakasala” na nagawa noon ng mga membro ng kaniyang simbahan laban sa mga Amerikanong Indyan, at hayagan niyang tinanggap ang isang relihiyosong makasagisag na balahibo ng agila mula sa isang manggagamot na Indyan.
Pagkatapos, sa isang pulong na kasama ng 300 mga obispo ng E.U. sa Los Angeles, sinabi ni kardinal John R. Quinn sa papa: “Kami bilang mga pastor ay lubhang nababahala na ang ilang partikular na mga bagay sa turo ng simbahan kapuwa sa moralidad sa sekso at sa lipunan ay kung minsan napapasailalim ng negatibong pamumuna sa aming bansa at kung minsan ng mga mabubuting loob na mga Katoliko.” Ang papa ay tumugon na isang “malaking pagkakamali” para sa mga Katoliko na ituring ang kanilang mga sarili na tapat kung sila ay humihiwalay sa mga turo ng simbahan tungkol sa “moralidad sa sekso at pangmag-asawa, diborsiyo at muling pag-aasawa . . . [at] aborsiyon.”
Ang homoseksuwalidad ay tinalakay sa San Francisco, isang lunsod na doon ang AIDS ay sumawi na ng 2,150 mga buhay. Animnapu’t dalawang mga biktima ng AIDS ay bahagi ng isang pangkat na nakipagkita sa papa. Kabilang sa mga ito ay dalawang pari, isang dating monghe, maraming homoseksuwal na mga lalaki, at isang kuwatro-anyos na batang lalaki na nagkaroon ng AIDS sa pamamagitan ng isang pagsasalin ng dugo.
Sa Detroit, kinondena ni John Paul ang aborsiyon. Sabi niya: “Ang paggalang sa buhay at ang pag-iingat dito ng batas [ay dapat] ipagkaloob sa bawat tao mula sa paglilihi hanggang sa likas na kamatayan.” Mula sa Detroit nagtungo siya sa Fort Simpson, sa Canada, kung saan nagbigay siya ng isang “umaalingawngaw na pagsang-ayon” sa mga kahilingan ng mga Indyan para sa sariling-gobyerno at pag-aari ng kanilang sariling lupa.
Ano ang naging reaksiyon ng mga Katoliko sa E.U. sa paninindigan ng papa? Ganito ang sabi ng The Times ng London: “Samantalang ang magnetikong personal na pagkanaroroon niya ay walang alinlangang nagpataas sa Simbahan, ang kaniyang hindi nagkukompromisong mga kahilingan sa pagsunod sa Vaticano ay lalo lamang nagpalubha sa di pagsang-ayon.”
Pinamamahalaan ni Kristo?
Sa Miami, sa simula ng kaniyang paglalakbay, sinabi ni Papa John Paul na ang dahilan ng pagtanggap sa awtoridad ng Katoliko ay na ang kaniyang simbahan “ay isang institusyong pinamamahalaan ni Jesu-Kristo.” Kung totoo iyan, hindi ba dapat ay walang pagkukompromisong sundin ang mga turo nito? Bakit nanaisin ng mga pari na baguhin ang mga turo ni Kristo? At bakit dapat mabahala ang mga obispo sa pamumuna ng madla?
Ang problema ay na hindi lahat ng mga tuntuning ito ng simbahan ay salig sa mga turo ni Jesu-Kristo. Ang ilang mga ideya, patakaran, at mga tradisyon ay nagpapabanaag na ito ay natipon sa nilakad-lakad ng mga dantaon sa halip na nasasalig sa mga turo at mga paniniwala mismo ni Kristo na orihinal niyang sinabi sa kaniyang mga tagasunod.
Maaaring masumpungan mong lubhang kawili-wiling ihambing ang modernong mga turong ito sa kung ano ang talagang itinuro ni Jesus at ng kaniyang mga apostol.
Kung Ano ang Talagang Sinabi ni Jesus at ng Kaniyang mga Apostol
Ang mga turong ito ay iningatan sa isang aklat na naglalaman ng tanging wastong nasusulat na rekord ng mismong mga salita ni Jesus at ng kung ano ang aktuwal na itinuro niya at ng kaniyang mga apostol. Baka mayroon ka ng isang kopya ng aklat na iyon, ang Bibliya. Ipinakikita nito kung ano ang talagang itinuro ng tunay na Kristiyanismo bago naidagdag ang napakaraming mga ideya ng tao. Ang sumusunod na mga sinipi (maliban yaong isa na mula sa Exodo) ay mga pangungusap na itinala ng mga apostol mismo ni Jesus, tinatalakay ang mga pagkilos na hindi ipinahihintulot sa tunay na kongregasyong Kristiyano:
Sekso sa Labas ng Pag-aasawa: “Ang mga taong imoral, sumasamba sa diyus-diyusan, nangangalunya . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 6:9, 10, The Jerusalem Bible.
“Kapag ang pagpapalayaw-sa-sarili ay gumagana ang mga resulta ay maliwanag: pakikiapid, kahalayan at kawalang responsabilidad sa sekso . . . yaong mga gumagawi na gaya nito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—Galacia 5:19-21, JB.
“Yamang ang sekso ay lagi nang isang panganib, bawat lalaki at babae ay dapat magkaroon ng kani-kaniyang asawa.”—1 Corinto 7:2, tingnan din ang 1 Tesalonica 4:3-8.
Homoseksuwal na mga Gawain: “Dahil dito’y ibinigay sila ng Diyos sa kahiya-hiyang mga pita ng sekso: . . . at gayundin iniwan ng mga lalaki ang likas na paggamit sa mga babae at nagbigay-daan sa kanilang malalaswang pita sa isa’t isa, lalaki sa lalaki na gumagawa niyaong mahalay at tumatanggap sa kanilang sarili ng lubos na kagantihan na karapat-dapat sa kanilang kamalian.”—Roma 1:26, 27, JB.
“Kahit ang mga mapakiapid . . . ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa kapuwa mga lalaki . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. At ganiyan ang iba sa inyo dati. Ngunit kayo’y nahugasan nang malinis, ngunit kayo’y binanal na, ngunit kayo’y inaring-matuwid na sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at taglay ang espiritu ng ating Diyos.”—1 Corinto 6:9-11; tingnan din ang 1 Timoteo 1:9-11.
Aborsiyon: Sinasabi ng Bibliya na kahit na kung sa pamamagitan ng aksidente ang dalawang naglalabang lalaki ay “makasakit ng isang babaing buntis anupa’t nakunan . . . kung may anumang aksidenteng nakamamatay na mangyari, magbabayad ka nga ng buhay kung buhay.” Sa gayon, kahit na kung ang dahilan ng kamatayan ng di pa isinisilang na sanggol ay walang-ingat na kakulangan ng pagkabahala, ang aktong iyon ay pinarurusahan ng kamatayan. At ang Kristiyanong apostol na si Juan ay sumulat: “Sinumang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang-hanggan.”—Exodo 21:22, 23; 1 Juan 3:15.
Ang sumusunod ang mga bagay na hindi binanggit ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. Ito ang di-mahalagang mga pagbabawal na idinagdag nang dakong huli.
Celibato ng mga Pari: Ipinakita ni Pablo, ang apostol ni Jesus na nagdala ng Kristiyanismo sa daigdig ng mga di-Judio, na ang celibato ay hindi kahilingan. Sulat niya: “Wala baga kaming karapatang isama ang isang Kristiyanong asawang babae na gaya ng iba pang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at ni Cefas [Pedro]?”—1 Corinto 9:5, The New American Bible, Edisyon ni San Jose.
Isinulat din niya: “Dapat nga, na ang obispo ay . . . asawa ng isa lamang babae.”—1 Timoteo 3:2, Romano Katolikong Douay Version; tingnan din ang 1 Timoteo 4:1-3.
Walang Pag-aasawang-muli: Ipinakita ni Jesus na mayroong isang kasalanan laban sa kabiyak ng isa na napakagrabe anupa’t maaari nitong ipahintulot ang diborsiyo at pag-aasawang-muli. Sabi niya: “Sinasabi ko sa inyo, sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae (ang mahalay na pag-uugali ay ibang kaso) at mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang lalaking mag-asawa sa babaing diborsiyada ay nagkakasala ng pangangalunya.” (Mateo 19:9, NAB) Sa isang talababa sa talatang 9 sa nabanggit na salin ng Bibliya ay ganito ang sinasabi: “Ang mahalay na pag-uugali ay ibang kaso: literal na ‘liban na kung sa porneia,’ yaon ay, imoralidad, pakikiapid, o insesto pa nga.”
Mga Tuntunin Tungkol sa Kontrasepsiyon: Sinasabi ng Bibliya na ang mga anak ay dapat na mahalin, pangalagaan, at arugain ayon sa maka-Diyos na mga simulain, subalit hindi nito binabanggit na ang bawat gawa ng pagsisiping ay dapat na maglaan ng pagkakataon na ang isang bata ay maipaglihi. Hindi nito binabanggit ang tungkol sa birth control upang takdaan ang laki ng pamilya sa loob ng pag-aasawa.
Kung ang Iglesya Katolika ay tunay na isang institusyong pinamamahalaan ni Kristo Jesus, kung gayon ang lahat ng mga turo at mga gawain nito ay dapat na lubusang kasuwato ng Salita ng Diyos, ang Banal na Kasulatan. Hindi nito mararanasan ang pagkakabaha-bahagi sa gitna ng mga obispo, mga pari, at mga membro ng relihiyon nito. Ang bagay na ito ay maselan. Sinabi ni Jesus: “Ang bawat kahariang nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili ay patungo sa pagkalipol, at ang sambahayang nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili ay babagsak.” (Lucas 11:17, JB) Pakilusin nawa ng kalagayang ito ang aming mga mambabasang Katoliko na pag-aralan pa nang higit ang Bibliya upang alamin kung ano ang hinihiling ng Diyos upang tayo’y maging karapat-dapat sa kaniya. Ang mga Saksi ni Jehova ay magagalak na tumulong sa bagay na ito.
[Kahon sa pahina 25]
Pagtanggap sa Turo ng Simbahan
Ipinakita ng isang surbey ng magasing Time na isinagawa noong nakaraang Agosto (inilathala noong Setyembre 7) ang lawak ng di pagsang-ayon ng mga Amerikanong nagsasabing sila’y mga Katoliko sa opisyal na turo ng simbahan. Iniulat nito ang mga bilang na ito:
27% ng mga Katoliko sa E.U. na kinapanayam ay nagsabi na ang mga babae ay dapat na magkaroon ng karapatan upang magpalaglag kung kinakailangan
53% ang nag-aakalang ang mga pari ay dapat na pahintulutang mag-asawa
78% ang nagsabi na maipahihintulot sa mga Katoliko na “gumawa ng kanilang sariling pasiya” tungkol sa mga isyu na gaya ng birth control at aborsiyon
93% ang naniniwala na “posibleng hindi sumang-ayon sa Papa at maging isang mabuting Katoliko pa rin.”
Ipinakita ng New York Times/CBS News Poll (inilathala noong Setyembre 11, 1987, sa The New York Times) ang kahawig na mga pag-aalinlangan sa gitna ng mga pari:
24% ang nagsabi na personal na sang-ayon sila sa “paggamit ng artipisyal na mga paraan ng birth control”
55% ang sang-ayon sa pagpapahintulot sa mga pari na mag-asawa
57% ang nagsabi na ang isang tao ay maaaring tumutol “sa simbahan na ang pagsasagawa ng aborsiyon ay isang kasalanan” at “maging isang mabuting Katoliko pa rin”
[Kahon sa pahina 26]
Celibato Hindi Isang Kautusan Noong Unang-Siglo
Pinagtibay ni Papa Paul VI ang kahilingan ng celibato para sa mga klero subalit inamin niya na “ang Bagong Tipan na nag-iingat sa turo ni Kristo at ng mga Apostol . . . ay hindi hayagang humihiling ng celibato ng banal na mga ministro . . . Hindi ito ginawa ni Jesus Mismo na isang kahiligan sa Kaniyang pagpili sa Labindalawa, ni ginawa man ito ng mga Apostol na nangasiwa sa unang mga pamayanang Kristiyano.”—Sacerdotalis Caelibatus (Celibato ng mga Pari, 1967).
[Kahon sa pahina 26]
“Alisin ang Manggagawang Ito ng Kasamaan . . . ”
Sinabi ni apostol Pablo sa unang-siglong mga Kristiyano kung ano ang gagawin sa isang imoral na tao sa loob ng kongregasyon: “Huwag kayong makisama sa kaninumang tinatawag na kapatid na namumuhay nang imoral na buhay . . . Alisin nga ninyo sa gitna ninyo ang manggagawang ito ng kasamaan.” Talaga bang ginagawa iyan ng iyong relihiyon?—1 Corinto 5:11-13, JB.