Walang Asawa Ngunit Walang Kulang sa Paglilingkod sa Diyos
“Kaya nga ang nag-iiwan ng kaniyang pagkabinata at nag-aasawa ay gumagawa ng mabuti, ngunit ang hindi nag-aasawa ay gumagawa ng lalong mabuti.”—1 CORINTO 7:38.
1. Paanong ang pag-aasawa ay napatunayan na isang pagpapala?
KAILANMAN ay hindi inasahan ni Jehova na ang unang lalaki ay mananatiling walang asawa. Bagkus, ang Diyos ay lumalang ng isang asawa para kay Adan, ang pinagmulan ng lahi ng tao. (Genesis 2:20-24; Gawa 17:26) At ang pag-aasawa ay napatunayan na isang pagpapala nga! Hindi na suliranin ang pag-iisa, magkakatulungan na ang dalawa, at ang pag-aasawa’y isang marangal na kaayusan sa pagkakaroon ng mga supling, at nagdulot ng malaking kaligayahan sa tao. Oo, kahit ang mga dukha at api-apihan ay maaaring magtamasa ng isang bagay na hindi mabibili ng gaano man karaming salapi—ang pag-iibigan ng mag-asawa!—Awit ni Solomon 8:6, 7.
2, 3. (a) Ano ang pangmalas ng isang pahayagang relihiyoso tungkol sa celibato at sa pag-aasawa? (b) Ayon sa Kasulatan, paano dapat malasin ang pag-aasawa?
2 Gayunman, ang pangmalas ng iba sa pag-aasawa ay naiiba. Ganito ang sabi ng isang pahayagang relihiyoso: “Ang celibato ang eklesyastikong batas sa Kanluraning Iglesya na ipinapataw sa mga klerigo at ibinabawal ang ordinasyon ng mga may asawa at ang pag-aasawa ng mga nasa banal na orden. Kasali na rito ang obligasyon na sumunod sa alituntunin ng ganap na kalinisan bilang panata. Ang mga dahilan para rito ay: upang yaong mga ordinado ay maglingkod sa Diyos na ang isip ay nakapako sa iisang layunin. (1 Cor. 7:32), at sa pamumuhay ng may kalinisan sila ay nakapananatili sa kalagayan ng pagkabinata, na mas banal at mas mataas kaysa kalagayan ng pagkamay-asawa. Sa NT [Bagong Tipan] ang celibato o pagkabinata ay itinaas sa lalong mataas na pagkatawag kaysa kalagayang pagkamay-asawa.”—The Catholic Encyclopedia, tinipon ni Robert C. Broderick.
3 Talaga nga bang ang pilit na pagkabinata ay ‘mas banal at mas mataas kaysa pag-aasawa’? Hindi naman, sang-ayon sa “Bagong Tipan,” na nagsasabi ayon sa Jerusalem Bible ng Katoliko: “Ang Espiritu ay malinaw na nagsabi na sa mga huling panahon ang ilan ay hihiwalay sa pananampalataya at makikinig sa magdarayang mga espiritu at mga aral na galing sa mga diyablo; at ang sanhi nito ay ang mga kasinungalingan na sinalita ng mga mapagpaimbabaw na ang mga budhi ay mistulang henerohan ng nagbabagang bakal: kanilang sasabihin na ipinagbabawal ang pag-aasawa, at sila’y nagtatakda ng mga alituntunin tungkol sa pag-iwas sa mga pagkain na nilalang ng Diyos upang tanggapin nang may pasasalamat ng lahat ng sumasampalataya at nakakaalam ng katotohanan.” (1 Timoteo 4:1-3) Ang totoo, ang pag-aasawa ay isang kaloob buhat sa Diyos, at ito’y mabuti.—Ruth 1:9.
4. Sa liwanag ng 1 Corinto 7:38, anong mga tanong ang bumabangon?
4 Bagaman ang pag-aasawa ay isang kaloob buhat sa Diyos, si apostol Pablo ay sumulat: “Kaya nga ang nag-iiwan ng kaniyang pagkabinata at nag-aasawa ay gumagawa ng mabuti, ngunit ang hindi nag-aasawa ay gumagawa ng lalong mabuti.” (1 Corinto 7:38) Bakit nga ba binanggit ni Pablo na lalong mabuti ang manatiling walang asawa? Dapat bang madama ng isang taong walang asawa na siya’y may kulang? At maaari kayang maging kasiya-siya ang di-pag-aasawa?
Ang Pinaka-Sentro ng Buhay Kristiyano
5. Ano ang dapat na maging pinaka-sentro ng buhay Kristiyano?
5 Ang paglilingkod kay Jehova ang dapat na maging pinaka-sentro ng ating buhay Kristiyano, tayo man ay walang asawa o may asawa. Ang banal na paglilingkod na may kagalakang ginagawa sa Diyos ay nagbibigay ng patotoo ng ating pagmamahal sa kaniya bilang ang Pansansinukob na Soberano. Ang buong pusong pagtalima at masigasig na pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano ang mga paraan upang ipakilala ang pagmamahal na iyon. (1 Juan 5:2, 3; 1 Corinto 9:16) Kapuwa ang ministeryo at ang iba pang masunuring pagkilos ng naaayon sa kalooban ng Diyos ay maaaring magampanan kung ang isang tao ay walang asawa.
6. May asawa man tayo o wala, ano ang pinapangyayari ng isang masigasig na ministeryo na gawin natin?
6 Mga ebanghelisador ang ngayo’y nagsasagawa ng gawaing pangangaral ng Kaharian sa ikapupuri ni Jehova. At may asawa man tayo o wala, ang isang masigasig na ministeryo ay nagbibigay-pagkakataon sa atin na gamitin ang anuman sa ating sariling ari-arian at mga kakayahan sa paglilingkod sa Diyos. Subalit kailangan nating paunlarin at mapamahalaan ang ating mga kalagayan na anupa’t ang ministeryo ay hindi napapalagay sa isang tabi at hindi ito nagiging pinaka-sentro sa ating buhay. Ating ‘hanapin muna ang Kaharian.’ (Mateo 6:33) May kagalakan na ipako natin ang ating pansin sa mga kapakanan ng Diyos imbis na sa personal na mga kapakanan lamang.
Walang Kulang Para sa Ministeryo
7. Anong halimbawa ang nagpapakita na ang isang Kristiyanong walang asawa ay maaaring maging walang kulang para sa ministeryo?
7 Ang mga Kristiyano ay maaaring maging walang kulang para sa ministeryo maging sila man ay walang asawa o may asawa. Samakatuwid ang pagkawalang-asawa ay isang pundasyon na hindi naman sa tuwina’y nangangailangan ng pagbabago. (Ihambing ang 1 Corinto 7:24, 27.) Ang pangmalas ng Salita ng Diyos ay hindi katulad ng pangmalas ng mga ilang tribo na ang isang lalaki raw ay hindi sumasapit sa kaniyang ganap na pagkalalaki maliban sa siya’y may asawa. Si Jesu-Kristo ay namatay na walang asawa, at isang espirituwal na kasintahan sa langit ang tanging asawa na pinayagan ni Jehova na magkaroon si Jesus. (Apocalipsis 21:2, 9) Gayunman, bagaman ang Anak ng Diyos ay hindi nag-asawa nang siya’y isang tao, siya ang pangunahing halimbawa ng isang tao na walang kulang para sa ministeryo.
8. Gaya ng ipinakikita ni Pablo, ang pagkawalang-asawa ay nagpapahintulot ng ano?
8 Ang totoo, ang pagkawalang-asawa ay nagpapahintulot ng lalong malaking pansariling kalayaan at panahon para sa ministeryo. Ang di-pag-aasawa ang inirekomenda ni Pablo at sinabi niya: “Ayaw kong mabalisa kayo. Ang lalaking walang asawa ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya matatamo ang pagsang-ayon ng Panginoon. . . . Isa pa, ang babaing walang asawa, at ang dalaga, ay balisa sa mga bagay ng Panginoon.” (1 Corinto 7:32-34) Ito’y kapit sa mga Kristiyanong walang asawa at sa kanila na dating may asawa ngunit nagbago ang kalagayan, at sila ngayo’y walang asawa.—Mateo 19:9; Roma 7:2, 3.
9. Paanong ipinakikita ng halimbawa ni Jesus na kung walang asawa ang isang tao siya’y walang kulang para sa ministeryong Kristiyano?
9 Sa pagsapit sa pisikal, mental, at espirituwal na pagkamaygulang ang isa ay nagiging ganap para sa paglilingkuran sa Diyos. Si Jesu-Kristo ay hindi nangailangan noon ng isang asawa upang maging ganap para sa papel na gagampanan niya bilang Punong Ministro ng Diyos at siyang gagamitin na pantubos. (Mateo 20:28) Dahilan sa siya’y walang asawa, si Jesus ay malaya na gamitin ang kaniyang buong lakas sa kaniyang ministeryo. Ang kaniyang kalagayang pagkawalang-asawa ay malaki ang pagkakaiba sa pamantayan ng mga Judio, na doon ang pag-aasawa at ang mga anak ang idiniriin. Gayumpaman, si Jesus ay lubusang may kakayahan na tapusin ang kaniyang bigay-Diyos na gawain. (Lucas 3:23; Juan 17:3, 4) Samakatuwid, ang pagiging walang asawa ay hindi nagpapakita na kulang ang isang tao para sa ministeryong Kristiyano.
Ang mga Taong May-asawa ay “Nahahati”
10. Dahilang sa “iisang laman” na pagkabuklod, ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa mga may asawa kung ihahambing sa mga walang asawa?
10 Bilang kaibahan sa mga taong walang asawa, ang Kristiyanong may asawa ay dapat magtaguyod ng ministeryo taglay ang pagkakilala sa kanilang “iisang laman” na pagkabuklod. (Mateo 19:5, 6) Dahilan sa pagkabuklod na iyan at sa taglay niyan na sarisaring mga pananagutan, sinabi ni Pablo na ang mga taong may asawa ay “nahahati.” Siya ay sumulat: “Ayaw kong mabalisa kayo. Ang lalaking walang asawa ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya matatamo ang pagsang-ayon ng Panginoon. Ngunit ang lalaking may asawa ay nababalisa sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya matatamo ang pagsang-ayon ng asawa niya, at nahahati siya. Isa pa, ang babaing walang asawa at ang dalaga, ay balisa sa mga bagay ng Panginoon, upang maging banal siya kapuwa sa katawan at sa espiritu. Ngunit, ang babaing may asawa ay balisa sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya matatamo ang pagsang-ayon ng kaniyang asawa. Ngunit sinasabi ko ito para sa inyong kabutihan, hindi upang maglagay ng silo, kundi upang pakilusin kayo tungo sa nababagay at nangangahulugan ng laging pag-aasikaso sa Panginoon nang walang anumang hadlang.”—1 Corinto 7:32-35.
11. Ano ang ipinakikita ni Pablo sa 1 Corinto 7:32-35?
11 Maliwanag, para sa isang buhay na walang gaanong hadlang, inirekomenda ni Pablo ang di-pag-aasawa. Siya mismo ay baka isang biyudo na hindi na muling nag-asawa. (1 Corinto 9:5) Anuman iyon, batid niya na mayroong mga kabalisahan ang buhay may asawa sa sanlibutang ito. Kaniyang ipinakikita rito ang kalayaan na maaaring tamasahin ng mga Kristiyanong walang asawa kung ihahambing sa mga may asawa at kung paanong ang mga interes ng mga mananampalatayang may asawa ay nahahati sa pagitan ng mga bagay na ukol sa laman at ng mga bagay na ukol sa espiritu. Hindi lubos ang kapangyarihan ng taong may asawa sa kaniyang katawan, sapagkat ang kaniyang asawa ay kaisang-laman na niya at samakatuwid ay may kapangyarihan sa kaniyang katawan. (1 Corinto 7:3-5) Dahilan dito, tama naman ang pagkasabi ni Pablo na ang Kristiyanong walang asawa ay nakapagiging-banal, samakatuwid nga, lubusang nakabukod at nakalaan upang tuwirang gamitin ng Diyos na Jehova, kapuwa sa katawan at sa espiritu.
12. Palibhasa’y walang asawa, ano ang maaaring gawin ng gayong tao?
12 Para sa Kristiyanong walang asawa, ang kaniyang espiritu, o kahiligan ng isip, ang nagpapakilos sa kaniya sa aktibo, walang abalang paglilingkod sa Kaharian ng Diyos. Palibhasa’y walang asawa na nag-aangking may kapangyarihan sa kaniyang katawan, maaari niyang sundin ang espiritu, o kinahihiligan, ng kaniyang isip at puso. Maaari siyang mag-ukol ng bukod-tanging paglilingkod kay Jehova na dito nakapako ang lakas ng kaniyang katawan at isip. Samakatuwid ang lalaki o babae na walang asawa ay makaaasang makalugod tangi lamang sa Panginoon taglay ang pinakamalaking personal na kalayaan. Wala tayong karapatan na ipagwalang-bahala ang sinabi ni Pablo, sapagkat minabuti ni Jehova na ito’y mapasulat sa ikatututo natin.
May Kulang ba ang Isang Taong May Asawa
13, 14. Anong maling ideya ang hindi gaanong nagpapahalaga sa “iisang laman” na pagkabuklod at ang isang taong may asawa ay nagiging kulang para sa ministeryong Kristiyano?
13 Dahil sa maling ideya na higit ang kanilang magagawa sa paglilingkuran sa Diyos, ang ibang mga Kristiyanong may asawa ay baka ilagay ang kanilang pag-aasawa sa isang di-gaanong mahalagang dako sa buhay. Halimbawa, ang asawang babae ay baka kumilos ng sa ganang sarili niya at hiwalay sa kaniyang asawa sa mga paraan na nakapipinsala. Baka ang asawang lalaki ay abalang-abala sa mga gawain sa kongregasyon. Sa ganiyang mga kalagayan, baka kanilang isipin na mahusay naman ang kanilang ginagawang paglilingkod kay Jehova. Subalit, ang totoo, sila’y baka gumagawa ng isang bagay na hindi gaanong nagpapahalaga sa “iisang laman” na pagkabuklod. Kung gayon, hindi makalulugod iyan kay Jehova.
14 Sa katunayan, ang di-pagpapahalaga sa “iisang laman” na pagkabuklod ay nagiging dahilan upang ang isang taong may asawa ay maging kulang para sa ministeryong Kristiyano. Hindi dahil sa pag-aasawa ay nagdaragdag ito sa kaganapan ng ministeryo kundi binabawasan pa nga nito ang personal na atensiyon na maaaring ibigay sa ministeryo. (Ihambing ang Lucas 14:16, 17, 20.) Gayunman, kung ibig ng mga taong may asawa na makalugod sa Diyos at maging ganap bilang kaniyang mga ministro, sila’y kailangang mamuhay ayon sa kanilang mga obligasyon bilang mag-asawa.
Ang Di-Pag-aasawa Alang-alang sa Kaharian
15. (a) Anong katangian ang dapat pagyamanin ng mga Kristiyanong walang asawa? (b) Anong mahalagang punto tungkol sa pag-aasawa at sa di-pag-aasawa ang iniharap ni Pablo sa 1 Corinto 7:36, 37?
15 Samantalang ang may asawang mga lingkod ni Jehova ay dapat mamuhay ayon sa kanilang mga obligasyon bilang may asawa, dapat na pagyamanin naman ng walang asawang mga Kristiyano ang pagkakontento sa kanilang pagiging ganap bilang walang asawa. Gaya ng sinabi ni Pablo: “Ngayon sinasabi ko sa mga walang asawa at sa mga babaing balo, mabuti sa kanila kung sila’y mananatiling gaya ko [na walang asawa]. Nakatali ka ba sa isang asawa? Huwag kang maghanap na makalaya. Nakalaya ka ba mula sa isang asawa? Huwag ka nang maghanap ng asawa.” (1 Corinto 7:8, 27) Sa tulong ni Jehova, bilang isang taong walang asawa, pagyamanin mo ang matatag na kalagayang pinapangyayari ng Diyos. Anumang pagbabago ng katayuan sa buhay ay hindi basta ginagawa nang hindi muna pinag-iisipan, ito’y hindi dahil sa isang kaugalian iyon o hinikayat ka ng iyong mga kasama. Bagkus, ito’y dapat na resulta ng hinihiling ng Kasulatan, sapagkat sinabi i Pablo: “Kung iniisip ng sinumang lalaki na hindi siya gumagawi nang marapat sa kaniyang pagkabinata, kung iyon ay lampas na sa kasariwaan ng kabataan, at ito nga ang dapat mangyari, gawin niya ang ibig niya; siya’y hindi nagkakasala. Bayaaang mag-asawa sila. Subalit kung ang sinuman ay nananatiling matatag sa kaniyang puso, na walang pangangailangan, kundi may kapangyarihan sa kaniyang sariling kalooban, na ingatan ang kaniyang sariling pagkabinata, mabuti ang kaniyang gagawin.”—1 Corinto 7:36, 37.
16. (a) Ano ang ibig sabihin ng pagiging “lampas na sa kasariwaan ng kabataan”? (b) Sa ano dapat maging kumbinsido ang Kristiyanong nananatiling walang asawa?
16 Sa gayo’y ipinakita ni Pablo na hindi masama ang mag-asawa kung ang isang tao ay gumagawi nang di-marapat sa kaniyang pagkabinata, bagaman walang alinlangan na hindi ang tinutukoy ng apostol ay ang malubhang pagkakasala. Gaya ng sinabi niya sa bandang unahan, “Mas mabuti ang mag-asawa kaysa magningas ang pita.” (1 Corinto 7:9) Kung sa bagay, ang kaniyang tinutukoy ay ang pag-aasawa sa ilalim ng mga kalagayan na kung ang isang tao’y “lampas na sa kasariwaan ng kabataan,” lampas na sa panahon na ang interes sa sekso ay unang tumindi. Kung ang isang maygulang na tao ay “may kapangyarihan sa kaniyang sariling kalooban” at matatag na nagpasiya na sa kaniyang puso na bigyang-dako ang pagkabinata, mabuti ang kaniyang gagawin. Ang matagumpay na di-pag-aasawa ay hindi nangangahulugan na susugpuin mo ang isang umuukilkil at halos nananaig na hangaring ikaw ay mag-asawa at magpamily. Bagkus, ang Kristiyanong nagpapasiyang manatiling walang asawa ay dapat maging lubusang kumbinsido sa kaniyang puso na ang pananatiling walang asawa ang tamang kalagayan para sa kaniya at siya’y dapat handa na gumawa ng lahat ng pagsisikap na kailangan upang manatili sa kalagayang iyon nang may kalinisan. Ang Kristiyanong gumagawa ng gayon ay magkakaroon ng mas kakaunting pagkaabala at ng lalong malaking kalayaan na maglingkod sa Panginoon.
17. Sang-ayon kay Jesus, bakit ang iba ay nananatiling walang asawa?
17 Ang mga Kristiyanong walang asawa ay matutulungan na magpatuloy sa kalagayang walang asawa kung kanilang pagyayamanin sa kanila ang kaisipan ni Jesu-Kristo. Bagaman siya’y walang asawa at namumuhay sa gitna ng isang kultura na pag-aasawa ang idiniriin, ang kaniyang panahon at kakayahan ay ginugol niya sa kaniyang ministeryo na hindi na maaaring ulitin pa. Tulad ni Jesus, ang isang Kristiyanong walang asawa ay maaaring magalak sa kaloob na di-pag-aasawa na ipinagkakaloob ng Diyos sa mga taong nagbibigay doon ng dako. Tungkol dito, sinabi ni Jesus: “Hindi matatanggap ng lahat ng mga tao ang pananalitang ito, kundi niyaong pinagkalooban lamang. Sapagkat may mga bating na ipinanganak na bating na mula pa sa tiyan ng kanilang mga ina, at may mga bating na ginagawang bating ng mga tao, at mayroong mga bating na nagpakabating sa kanilang sarili alang-alang sa kaharian ng langit. Ang makatatanggap nito ay pabayaang tumanggap.”—Mateo 19:11, 12.
18. Ano ang tumutulong sa mga ‘nagpapakabating’ alang-alang sa Kaharian upang huwag mag-asawa?
18 Hindi sinabi ni Jesus na ang isang taong walang asawa ay nakahihigit kaysa mga taong may asawa. Hindi niya ipinayo ang di-pag-aasawa upang ang isa’y magkaroon lamang ng buhay na walang iniintindi, at tiyak na hindi niya inirekomenda ito upang ang taong walang asawa ay makapag-ukol ng kaniyang atensiyon sa maraming babae kung siya’y isang lalaki at sa maraming lalaki naman kung siya’y babae. Hindi, kundi yaong mga taong ‘nagpapakabating’ alang-alang sa Kaharian ay mga taong may kalinisang-asal na ang ganitong kalagayan ay tinatanggap sa kanilang mga puso. Ano ang tumutulong sa kanila upang huwag mag-asawa? Hindi ang anumang kapansanan ng katawan kundi ang nananaig na pagnanasang gamitin ang kanilang sarili nang lubusan hangga’t maaari sa paglilingkod sa Diyos. Ang paglilingkod na ito’y lalung-lalo nang mahalaga ngayon sapol nang ang Kaharian ay matatag sa langit noong 1914 at “ang mabuting balitang ito ng kaharian” ay kailangang ipangaral sa buong lupa bilang patotoo bago dumating ang mabilis na kawakasan ng hinatulang sistemang ito ng mga bagay.—Mateo 24:14.
Papurihan ang mga Kristiyanong Walang Asawa
19. Tungkol sa mga nananatiling walang asawa alang-alang sa Kaharian, ano ang dapat gawin ng lahat ng Kristiyano?
19 Yaong mga di-nag-aasawa alang-alang sa Kaharian ay dapat papurihan at patibaying-loob ng lahat ng Kristiyano. Higit sa lahat, ang di-pag-aasawa ay “nangangahulugan ng laging pag-aasikaso sa Panginoon nang walang anumang hadlang.” (1 Corinto 7:35) Makabubuti para sa mga magulang na turuan ang kanilang mga anak ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa di-pag-aasawa at ng mga bentaha nito para sa paglilingkod kay Jehova. Lahat tayo ay maaaring magpalakas-loob sa ating wala pang asawang mga kapananampalataya at hindi natin dapat pahinain ang kanilang pasiya na manatiling walang asawa alang-alang sa Kaharian.
20. Kung ikaw ay isang Kristiyanong walang asawa, ano ang dapat mong gawin?
20 Ang walang asawang mga Kristiyano ay maaaring magalak bilang walang kulang na mga ministro ng Diyos. Sa panahong ito ng kasukdulan, sila’y nalulugod na makibahagi sa apurahang gawain na pangangaral ng Kaharian. Kung gayon, kung ikaw ay walang asawa, magalak ka na ikaw ay ginagamit ni Jehova bilang isang walang kulang bagaman walang asawa na ministrong Kristiyano. ‘Gumawa kayo ng inyong sariling ikaliligtas taglay ang takot at panginginig samantalang sumisikat kayong tulad sa mga ilaw sa sanlibutan, na nanatiling mahigpit ang kapit sa salita ng buhay.’ (Filipos 2:12-16) Ibuhos mo ang iyong buong pansin sa mga kapakanan ng Kaharian samantalang ikaw ay nananatiling kaisa ng pandaigdig na kapatiran ng mga Saksi ni Jehova at tinutupad mo ang ministeryong Kristiyano. Ang Paggawa mo ng gayon bilang isang taong walang asawa ay isang kasiya-siyang paraan ng buhay, gaya ng makikita natin.
Ano ang Iyong mga Sagot?
◻ Ano ang dapat na maging pinaka-sentro ng buhay Kristiyano?
◻ Bakit ang walang asawang mga lingkod ni Jehova ay maaaring maging walang kulang para sa ministeryong Kristiyano?
◻ Paanong ang isang taong may asawa ay magiging kulang?
◻ Ano ang ibig sabihin ng pagiging isang “bating” alang-alang sa Kaharian?
◻ Bakit kailangan nating patibaying-loob ang mga Kristiyanong walang asawa?
[Larawan sa pahina 10]
Bagaman walang asawa, si apostol Pablo ay walang kulang
[Larawan sa pahina 12]
Si Jesus ang pangunahing halimbawa ng isang taong walang kulang para sa ministeryo
[Larawan sa pahina 15]
Iyo bang pinapupurihan yaong mga nananatiling walang asawa alang-alang sa Kaharian?