Ginagantimpalaan ni Jehova ang mga Humahanap sa Kaniya
“Siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.”—HEB. 11:6.
1, 2. (a) Paano magkaugnay ang pag-ibig at pananampalataya? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
MAHAL natin si Jehova dahil “siya ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:19) Bilang kapahayagan ng kaniyang magiliw na pagmamahal, pinagpapala ni Jehova ang mga tapat na lingkod niya. Habang lumalago ang pag-ibig natin sa Diyos, lalong tumitibay ang ating pananampalataya, hindi lang sa kaniyang pag-iral, kundi sa kaniyang pagiging tagapagbigay-gantimpala sa mga iniibig niya.—Basahin ang Hebreo 11:6.
2 Mahalagang bahagi ng personalidad at gawain ni Jehova ang pagiging tagapagbigay-gantimpala. Dahil “ang pananampalataya ay ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan,” hindi ito magiging ganap kung hindi tayo kumbinsido na gagantimpalaan ng Diyos ang mga may-pananabik na humahanap sa kaniya. (Heb. 11:1) Oo, kung may pananampalataya tayo, aasahan natin na tutuparin ng Diyos ang mga pagpapalang ipinangako niya. Pero paano makatutulong sa atin kung aasa tayo sa gantimpala? Paano ginagantimpalaan ni Jehova ang mga lingkod niya noon at ngayon? Tingnan natin.
NANGAKO SI JEHOVA NA PAGPAPALAIN NIYA ANG KANIYANG MGA LINGKOD
3. Anong pangako ang mababasa natin sa Malakias 3:10?
3 Nangangako si Jehova na gagantimpalaan niya ang kaniyang tapat na mga lingkod, kaya naman hinihimok niya tayong pagsikapang tamuhin ang kaniyang pagpapala. Mababasa natin: “‘Subukin ninyo ako . . . , pakisuyo,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga pintuan ng tubig sa langit at ibubuhos sa inyo ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’” (Mal. 3:10) Kung tatanggapin natin ang paanyayang ito ni Jehova, ipinakikita natin na talagang pinahahalagahan at pinasasalamatan natin ang kaniyang pagkabukas-palad.
4. Bakit tayo makapagtitiwala sa sinabi ni Jesus sa Mateo 6:33?
4 Tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga alagad na kung uunahin nila ang Kaharian, tutulungan sila ng Diyos. (Basahin ang Mateo 6:33.) Masasabi iyan ni Jesus dahil alam niya na laging tinutupad ni Jehova ang Kaniyang mga pangako. (Isa. 55:11) Kaya naman makatitiyak tayo na kung mananampalataya tayo nang lubos kay Jehova, tutuparin niya ang kaniyang pangako: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” (Heb. 13:5) Kung nagtitiwala tayo sa pangakong iyan, susundin natin ang sinabi ni Jesus na hanapin muna ang Kaharian at ang katuwiran ng Diyos.
5. Bakit nakapagpapatibay ng pananampalataya ang sagot ni Jesus kay Pedro?
5 Minsan, tinanong ni apostol Pedro si Jesus: “Iniwan na namin ang lahat ng mga bagay at sumunod sa iyo; ano nga ba talaga ang mayroon para sa amin?” (Mat. 19:27) Sa halip na sawayin si Pedro, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na gagantimpalaan sila dahil sa pagsasakripisyo nila. Ang tapat na mga apostol at iba pa ay mamamahalang kasama niya sa langit. Pero ngayon pa lang, may mga gantimpala na. Sinabi ni Jesus: “Ang bawat isa na nag-iwan ng mga bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ama o ina o mga anak o mga lupain alang-alang sa aking pangalan ay tatanggap ng lalong marami pa at magmamana ng buhay na walang hanggan.” (Mat. 19:29) Mas maraming pagpapala ang matatamo ng kaniyang mga alagad kumpara sa anumang sakripisyong gagawin nila. Hindi ba’t mas mahalaga ang mga espirituwal na ama, ina, kapatid, at anak kaysa sa anumang tinalikuran at isinakripisyo natin para sa Kaharian?
“ANGKLA PARA SA KALULUWA”
6. Bakit nangangako si Jehova ng gantimpala sa mga mananamba niya?
6 Sa pamamagitan ng ipinangako niyang gantimpala, tinutulungan ni Jehova ang mga mananamba niya na mabata ang mga pagsubok sa kanilang katapatan. Bukod sa saganang espirituwal na pagpapalang natatanggap nila ngayon, inaasam din nila ang mas malalaking pagpapala sa hinaharap. (1 Tim. 4:8) Oo, kapag kumbinsido tayo na si Jehova ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya,” nagiging matatag tayo sa pananampalataya.—Heb. 11:6.
7. Paano nagsisilbing angkla ang pag-asa?
7 Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Magsaya kayo at lumukso sa kagalakan, yamang malaki ang inyong gantimpala sa langit; sapagkat sa gayong paraan nila pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.” (Mat. 5:12) Bukod sa mga tatanggap ng gantimpala sa langit, talagang may dahilan ang mga umaasang mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa na ‘magsaya at lumukso sa kagalakan.’ (Awit 37:11; Luc. 18:30) Sa langit man o sa lupa ang ating pag-asa, ito ay magsisilbing “angkla para sa kaluluwa, na kapuwa tiyak at matatag.” (Heb. 6:17-20) Dahil sa angkla, nagiging matatag ang barko sa kinaroroonan nito kahit may bagyo. Tutulungan din tayo ng ating pag-asa na manatiling matatag sa emosyonal, mental, at espirituwal na paraan. Palalakasin tayo nito na mabata ang mga pagsubok.
8. Paano nakababawas sa pag-aalala ang ating pag-asa?
8 Dahil sa ating pag-asang mula sa Bibliya, nababawasan ang pag-aalala natin. Pinapayapa ng mga pangako ng Diyos ang ating nababalisang puso. Gumagaan ang ating loob kapag ‘naihahagis natin ang ating pasanin kay Jehova,’ dahil alam nating ‘siya ang aalalay sa atin.’ (Awit 55:22) Makatitiyak tayo na ang Diyos ay “makagagawa ng ibayo pang higit sa lahat ng mga bagay na ating mahihingi o maiisip.” (Efe. 3:20) Isip-isipin iyan! Gagawin ng Diyos, hindi lang ang inaasahan natin, o higit sa inaasahan natin, kundi “ibayo pang higit”!
9. Paano tayo nakatitiyak na pagpapalain tayo ni Jehova?
9 Para matanggap ang gantimpala, kailangan tayong magpakita ng lubos na pananampalataya kay Jehova at sumunod sa kaniyang mga tagubilin. Sinabi ni Moises sa bansang Israel: “Walang pagsalang pagpapalain ka ni Jehova sa lupain na ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos bilang mana upang ariin, kung makikinig ka lamang nang walang pagsala sa tinig ni Jehova na iyong Diyos na maingat na gawin ang lahat ng utos na ito na iniuutos ko sa iyo ngayon. Sapagkat pagpapalain ka nga ni Jehova na iyong Diyos gaya ng ipinangako niya sa iyo.” (Deut. 15:4-6) Kumbinsido ka bang pagpapalain ka ni Jehova kung maglilingkod ka nang tapat sa kaniya? Makapagtitiwala kang gagawin niya iyan!
SI JEHOVA ANG KANILANG TAGAPAGBIGAY-GANTIMPALA
10, 11. Paano ginantimpalaan ni Jehova si Jose?
10 Isinulat ang Bibliya para makinabang tayo. Mababasa rito ang mga ulat kung paano ginantimpalaan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod. (Roma 15:4) Tingnan ang halimbawa ni Jose. Dahil sa sabuwatan ng kaniyang mga kapatid at sa maling akusasyon ng asawa ng kaniyang panginoon, nabilanggo siya sa Ehipto. Iniwan na ba siya ng kaniyang Diyos? Hinding-hindi! “Si Jehova ay nanatiling sumasa kay Jose at patuloy na naggagawad ng maibiging-kabaitan sa kaniya . . . Si Jehova ay sumasa kay Jose at ang kaniyang ginagawa ay pinagtatagumpay ni Jehova.” (Gen. 39:21-23) Sa mahihirap na panahong iyon, matiyagang naghintay si Jose sa kaniyang Diyos.
11 Pagkaraan ng maraming taon, pinalaya ni Paraon si Jose, at mula sa pagiging alipin, ginawa siyang pangalawang tagapamahala sa Ehipto. (Gen. 41:1, 37-43) Nang isilang ng asawa ni Jose ang kanilang dalawang anak, “tinawag ni Jose na Manases ang pangalan ng panganay, sapagkat, ang sabi niya, ‘Ipinalimot ng Diyos sa akin ang lahat ng aking kabagabagan at ang buong sambahayan ng aking ama.’ At ang pangalan ng ikalawa ay tinawag niyang Efraim, sapagkat, ang sabi niya, ‘Ginawa akong palaanakin ng Diyos sa lupain ng aking kaabahan.’” (Gen. 41:51, 52) Dahil nanatiling matapat sa Diyos si Jose, ginantimpalaan siya at pinagpala, kung kaya naingatan ang buhay ng mga Israelita at mga Ehipsiyo. Ang punto ay, kinilala ni Jose na si Jehova ang nagbigay ng gantimpala at pagpapala sa kaniya.—Gen. 45:5-9.
12. Paano nakapanatiling tapat si Jesus sa harap ng pagsubok?
12 Si Jesu-Kristo rin ay nanatiling masunurin sa Diyos sa harap ng iba’t ibang pagsubok sa kaniyang pananampalataya, kaya ginantimpalaan siya. Ano ang nakatulong sa kaniya? Ipinaliliwanag ng Salita ng Diyos: “Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan.” (Heb. 12:2) Tiyak na nakadama si Jesus ng kagalakan dahil napabanal niya ang pangalan ng Diyos. Sinang-ayunan din siya ng kaniyang Ama at ginantimpalaan ng magagandang pribilehiyo. Sinasabi ng Bibliya na siya ay “umupo sa kanan ng trono ng Diyos.” Mababasa rin natin: “Dinakila siya ng Diyos sa isang nakatataas na posisyon at may-kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan.”—Fil. 2:9.
HINDI KINALILIMUTAN NI JEHOVA ANG GINAGAWA NATIN
13, 14. Ano ang tingin ni Jehova sa ginagawa natin para sa kaniya?
13 Pinahahalagahan ni Jehova ang bawat pagsisikap nating paglingkuran siya. Nauunawaan niya ang anumang ikinababahala natin at pag-aalinlangan sa sarili. Nahahabag siya kapag namomroblema tayo sa pera o kapag nalilimitahan ang sagradong paglilingkod natin dahil sa kondisyon ng ating kalusugan at emosyon. At makapagtitiwala tayo na pinahahalagahan ni Jehova ang ginagawa ng kaniyang mga lingkod para manatiling tapat sa kaniya.—Basahin ang Hebreo 6:10, 11.
14 Tandaan din na si Jehova ang “Dumirinig ng panalangin.” Malalapitan natin siya nang may pagtitiwala na bibigyang-pansin niya ang ating ikinababahala. (Awit 65:2) “Ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan” ay saganang magbibigay ng emosyonal at espirituwal na suportang kailangan natin, marahil sa pamamagitan ng ating mga kapananampalataya. (2 Cor. 1:3) Naaantig si Jehova kapag nagpapakita tayo ng habag sa iba. “Siyang nagpapakita ng lingap sa maralita ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang pakikitungo ay babayaran Niya sa kaniya.” (Kaw. 19:17; Mat. 6:3, 4) Kaya kapag tumutulong tayo sa mga nangangailangan, itinuturing ni Jehova na may utang siya sa atin. At nangangako siya na gagantihan niya ang ating kabaitan.
MGA GANTIMPALA NGAYON AT MAGPAKAILANMAN
15. Anong mga gantimpala ang inaasam-asam mo? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
15 Ang mga pinahirang Kristiyano ay may pag-asang tumanggap ng “korona ng katuwiran, na ibibigay . . . ng Panginoon, ang matuwid na hukom, bilang gantimpala sa araw na iyon.” (2 Tim. 4:7, 8) Pero kahit iba ang pag-asa mo, mahalaga ka pa rin sa Diyos. Inaasam ng milyon-milyong “ibang mga tupa” ni Jesus ang gantimpalang buhay na walang hanggan sa paraisong lupa. Doon, “makasusumpong . . . sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Juan 10:16; Awit 37:11.
16. Paano tayo napatitibay ng 1 Juan 3:19, 20?
16 Kung minsan, baka pakiramdam natin ay wala tayong gaanong nagagawa, o baka iniisip natin kung talaga kayang nalulugod si Jehova sa mga pagsisikap natin. Baka nga mag-alinlangan pa tayo kung nararapat ba tayong gantimpalaan. Pero huwag nating kalilimutan na “ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.” (Basahin ang 1 Juan 3:19, 20.) Ginagantimpalaan niya ang bawat paglilingkod at sakripisyong mula sa pusong punô ng pananampalataya at pag-ibig, gaano man ito kaliit sa paningin ng gumawa nito.—Mar. 12:41-44.
17. Ano ang ilang gantimpalang tinatamasa natin ngayon?
17 Kahit sa mga huling araw na ito ng masamang sistema ni Satanas, pinagpapala pa rin ni Jehova ang kaniyang bayan. Tinitiyak ni Jehova na mananagana ang kaniyang mga mananamba sa kanilang espirituwal na lupain. (Isa. 54:13) Gaya ng ipinangako ni Jesus, ginagantimpalaan tayo ni Jehova ngayon. Ginawa niya tayong bahagi ng isang maibiging espirituwal na pamilya, isang internasyonal na kapatiran. (Mar. 10:29, 30) Ang mga may-pananabik na humahanap sa Diyos ay ginagantimpalaan din at pinagpapala ng kapayapaan ng isip, pagkakontento, at kaligayahan.—Fil. 4:4-7.
18, 19. Ano ang nadarama ng mga lingkod ni Jehova sa mga gantimpalang tinatanggap nila?
18 Tumatanggap ang mga lingkod ni Jehova sa buong daigdig ng magagandang gantimpala mula sa kaniya. Halimbawa, sinabi ni Bianca, taga-Germany: “Hindi ko alam kung paano ko pasasalamatan si Jehova dahil tinutulungan niya ako sa mga problema ko at nariyan siya araw-araw. Magulo ang mundo at walang kapag-a-pag-asa. Pero habang kapiling ko si Jehova, panatag ako. Sa tuwing nagsasakripisyo ako para sa kaniya, sandaang ulit ang kapalit na gantimpala.”
19 Si Paula, 70 anyos at taga-Canada, ay may spina bifida, isang malubhang sakit sa gulugod. “Hindi porke limitado ang galaw ko, limitado na rin ang ministeryo ko,” ang sabi niya. “Sinasamantala ko ang iba’t ibang pamamaraan gaya ng pagpapatotoo sa telepono at sa di-pormal na paraan. Para mapatibay ako, may notebook ako na may mga teksto at punto mula sa ating mga publikasyon, na puwede kong tingnan sa pana-panahon. Ito ang aking ‘Survival Notebook.’ Lilipas din ang panghihina ng loob kung nakapokus tayo sa mga pangako ni Jehova. Laging nandiyan si Jehova at handang tumulong, anuman ang ating sitwasyon.” Baka iba ang kalagayan mo kina Bianca at Paula. Pero malamang na nakita mo na kung paano naging tagapagbigay-gantimpala si Jehova sa iyo at sa mga kakilala mo. Napakasarap ngang bulay-bulayin kung paano ka ginagantimpalaan ni Jehova—ngayon at sa hinaharap!
20. Ano ang maaasahan natin kung patuloy tayong maglilingkod nang buong kaluluwa kay Jehova?
20 Tandaan na ang iyong taos-pusong mga panalangin at kalayaan sa pagsasalita sa Diyos ay “may malaking gantimpalang kabayaran.” Makatitiyak ka na ‘pagkatapos mong magawa ang kalooban ng Diyos, matatanggap mo ang katuparan ng pangako.’ (Heb. 10:35, 36) Kaya patuloy nating patibayin ang ating pananampalataya at maglingkod sa Diyos nang buong kaluluwa. Tiyak na tatanggap tayo ng kaukulang gantimpala mula kay Jehova.—Basahin ang Colosas 3:23, 24.