Sa Paggamit ng Awtoridad, Tularan si Kristo
ILANG taon na ang nakalilipas, kapansin-pansin ang naging resulta ng isang eksperimento tungkol sa paggawi ng tao. Hinati sa dalawang grupo ang mga kabilang sa eksperimento. Ang isang grupo ay ginawang guwardiya at pinabantayan ang kabilang grupo, na kunwari’y mga bilanggo. Ano ang nangyari?
“Sa loob lamang ng ilang araw,” ayon sa ulat, “karamihan sa [mga guwardiya] ay umabuso at naghari-harian, anupat palaging nagpaparusa, samantalang ang mga bilanggo naman ay naduwag at naging sunud-sunuran.” Ito ang naging konklusyon ng mga mananaliksik: Halos lahat ay maaaring mahulog sa bitag ng maling paggamit ng awtoridad.
Awtoridad—Tama at Maling Paggamit
Mangyari pa, ang tamang paggamit ng awtoridad ay posibleng maging kapaki-pakinabang na impluwensiya. Makapaglalaan ito ng angkop na patnubay at maaaring magdulot ng pisikal, emosyonal, at espirituwal na mga pakinabang. (Kawikaan 1:5; Isaias 48:17, 18) Gayunman, gaya ng ipinakikita sa nabanggit na eksperimento, palaging naririyan ang panganib na umabuso sa paggamit ng awtoridad. Tinukoy ng Bibliya ang panganib na ito at sinabi: “Kapag ang balakyot ang may hawak ng pamamahala, ang bayan ay nagbubuntunghininga.”—Kawikaan 29:2; Eclesiastes 8:9.
Nakapipinsala ang pag-abuso sa awtoridad, kahit maganda pa ang motibo nito. Halimbawa, kamakailan lamang sa Ireland, isang grupo ng relihiyong nagtuturo ang humingi ng tawad sa madla dahil inabuso ng ilang guro nila ang kanilang awtoridad sa mga batang nasa pangangalaga nila. Walang-alinlangang marangal naman ang layunin ng marami sa mga gurong ito, subalit ang pamamaraan ng ilan ay lubhang nakapinsala. Isang pahayagan ang nag-ulat na “nakatatak na sa kalooban ng maraming bata ang pasakit na dinanas nila sa sobrang karahasan at kalupitan ng maraming kapatirang tagapagturo.” (The Irish Times) Kung gayon, paano mo kaya magagamit ang awtoridad upang mapakilos ang iba na gawin ang pinakamabuti sa halip na ilayo ang kanilang loob o saktan ang kanilang damdamin dahil sa iyong sinasabi at ginagawa?—Kawikaan 12:18.
Ang “Lahat ng Awtoridad” ay Ibinigay kay Jesu-Kristo
Tingnan natin ang halimbawa ni Jesu-Kristo. Nang malapit na siyang umakyat sa langit, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” (Mateo 28:18) Ikinatakot ba ito ng mga alagad? Inisip ba nila na si Jesus ay magiging gaya ng mga Cesar ng Roma na kilala sa marahas na pagsupil sa mga protesta at rebelyon?
Isang mariing hindi ang sagot ng Bibliya! Tinularan ni Jesu-Kristo ang kaniyang Ama sa paggamit ng awtoridad. Bagaman si Jehova ang nararapat na pinakamakapangyarihang Soberano ng Sansinukob, humihiling siya ng kusang-loob na paglilingkod sa kaniyang sakop, hindi ng wala-sa-loob, takót, o sunud-sunurang pagtalima. (Mateo 22:37) Hindi kailanman inaabuso ni Jehova ang kaniyang awtoridad. Ipinakikita ito ng isang malinaw na pangitaing ibinigay kay propeta Ezekiel.
Sa pangitaing ito, nakakita si Ezekiel ng apat na nilalang na anghel na nagtataguyod sa soberanya ng Diyos. Bawat isa ay may apat na mukha. “Kung tungkol sa wangis ng kanilang mga mukha,” isinulat ni Ezekiel, “silang apat ay may mukha ng tao at may mukha ng leon sa kanan, at silang apat ay may mukha ng toro sa kaliwa; silang apat din ay may mukha ng agila.” (Ezekiel 1:10) Inilalarawan ng apat na mukhang ito ang apat na pangunahing katangian ng Diyos na sakdal sa pagiging timbang. Tinukoy ang mga ito sa Salita ng Diyos bilang: pag-ibig, inilalarawan ng mukha ng tao; katarungan, inilalarawan ng mukha ng leon; at karunungan, inilalarawan ng mukha ng agila. Ang tatlong katangiang ito ay kaisa ng ikaapat—kapangyarihan, gaya ng ipinakikita ng mukha ng toro. Ano ang ibig sabihin ng lahat ng ito? Ipinakikita ng pangitain na hindi kailanman ginagamit ni Jehova ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at awtoridad nang hindi kaayon ng iba pa niyang pangunahing katangian.
Bilang pagtulad sa kaniyang Ama, palaging ginagamit ni Jesu-Kristo ang kaniyang awtoridad sa paraang ganap na kasuwato ng pag-ibig, karunungan, at katarungan. Napakalaking ginhawa para sa mga alagad ni Jesus ang maglingkod sa ilalim ng kaniyang awtoridad. (Mateo 11:28-30) Kung mayroon mang isang katangian na maglalarawan sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo, iyon ay pag-ibig, hindi kapangyarihan o awtoridad!—1 Corinto 13:13; 1 Juan 4:8.
Paano Mo Ginagamit ang Awtoridad?
Kumusta ka naman pagdating sa bagay na ito? Halimbawa, ginagamit mo ba ang iyong awtoridad sa pamilya para kontrolin ang mga bagay-bagay ayon sa iyong sariling kagustuhan o kapritso? Sinusunod ba ng ilan sa iyong pamilya ang mga desisyon mo dahil sa takot o dahil sa pag-ibig? Dahil ba sa mas makapangyarihan ka kung kaya ikaw ang dapat masunod? Ito ang mga tanong na dapat isaalang-alang ng mga ulo ng pamilya upang matulungan silang mapanatili ang teokratikong kaayusan sa pamilya.—1 Corinto 11:3.
Kumusta naman kung may awtoridad ka sa kongregasyong Kristiyano? Upang matiyak kung ginagamit mo ito nang tama, suriin mo ang iyong sarili kung naikakapit mo ang mga simulaing kinasihan ng Diyos na Jehova at sinunod ni Jesu-Kristo bilang halimbawa.
“Ang alipin ng Panginoon . . . ay kailangang maging banayad sa lahat, . . . nagpipigil sa ilalim ng kasamaan, nagtuturo nang may kahinahunan doon sa mga hindi nakahilig sa mabuti.”—2 Timoteo 2:24, 25.
May ilang indibiduwal sa sinaunang kongregasyong Kristiyano na humahawak ng malaking awtoridad. Halimbawa si Timoteo, puwede pa nga niyang ‘utusan ang ilan na huwag magturo ng kakaibang doktrina.’ (1 Timoteo 1:3) Subalit makatitiyak tayo na tinularan ni Timoteo ang mga katangian ng Diyos sa lahat ng kaniyang ginawa, sapagkat walang-alinlangang sinunod niya ang payo ni Pablo na magturo “nang may kahinahunan” at “maging banayad sa lahat” sa kaniyang pangangasiwa sa kongregasyong Kristiyano. Dahil medyo nasa kabataan pa siya, kailangan niyang maging gaya ng isang magalang na anak sa mga nakatatanda at isang mapagmalasakit na kapatid naman sa mga nakababata. (1 Timoteo 5:1, 2) Sa gayong maibiging pangangalaga, makikita sa kongregasyong Kristiyano ang espiritu ng isang magiliw at nagmamahalang pamilya, sa halip na parang isang korporasyon ng negosyo na walang malasakit at walang pakialam sa isa’t isa.—1 Corinto 4:14; 1 Tesalonica 2:7, 8.
“Ang mga tagapamahala ng mga bansa ay namamanginoon sa kanila at ang mga dakilang tao ay gumagamit ng awtoridad sa kanila. Hindi ganito ang paraan sa inyo; kundi ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay dapat na maging lingkod ninyo.”—Mateo 20:25, 26.
Ang makapangyarihang mga pinuno sa daigdig ay “namamanginoon” sa iba sa pamamagitan ng paggigiit sa sarili nilang kagustuhan at pamimilit sa iba na gawin ang mga bagay sa paraang gusto nila, at kung hindi ay parurusahan nila ang mga ito. Gayunman, ang idiniin ni Jesu-Kristo ay ang paglilingkod sa iba at hindi ang panggigipit sa kanila. (Mateo 20:27, 28) Palagi niyang pinakikitunguhan ang kaniyang mga alagad sa maibigin at mapagmalasakit na paraan. Kapag tinularan mo ang halimbawa ni Jesus, hindi mahihirapan ang iba na makipagtulungan sa iyo. (Hebreo 13:7, 17) Nagiging madali rin para sa kanila na magpasakop sa awtoridad, na ginagawa ang higit kaysa sa hinihiling sa kanila, nang kusang-loob at hindi dahil sa anumang pamimilit.—Mateo 5:41.
“Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga, hindi . . . namamanginoon sa mga mana ng Diyos, kundi maging mga halimbawa sa kawan.”—1 Pedro 5:2, 3.
Batid ng mga tagapangasiwa sa ngayon na pananagutan nilang ingatan ang espirituwal na kapakanan ng lahat ng kabilang sa kongregasyon. Seryoso sila sa pagtanggap sa responsibilidad na ito. Sinisikap nilang pangalagaan ang kawan ng Diyos nang may pagkukusa, sigasig, at pag-ibig. Gaya ni apostol Pablo, sinisikap nilang patibayin at palakasin ang pananampalataya ng mga pinangangasiwaan nila, sa halip na gumawing parang mga panginoon sa pananampalataya ng mga ito.—2 Corinto 1:24.
Kapag kinailangan ang angkop na payo, ginagawa ito ng matatanda nang may espiritu ng kahinahunan upang ibalik sa ayos ang nagkasala o kaya’y tulungan ang isang kapuwa Kristiyano na sumulong sa espirituwal. Laging nasa isip nila ang paalaala ni apostol Pablo: “Mga kapatid, bagaman ang isang tao ay makagawa ng anumang maling hakbang bago niya mabatid ito, kayong may mga espirituwal na kuwalipikasyon ay magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan, habang minamataan ng bawat isa ang kaniyang sarili, dahil baka matukso rin kayo.”—Galacia 6:1; Hebreo 6:1, 9-12.
“Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa . . . Damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”—Colosas 3:13, 14.
Paano mo pinakikitunguhan ang isa na maaaring hindi lubusang nakaaabot sa mga pamantayang Kristiyano? Pinagpapaumanhinan mo ba ang kanilang mga di-kasakdalan, na gaya ng ginagawa ni Jehova at ni Jesu-Kristo? (Isaias 42:2-4) O pilit mong ipinasusunod ang nakasulat sa kautusan sa lahat ng pagkakataon? (Awit 130:3) Tandaan, angkop lamang na magpakita ng kahinahunan hangga’t maaari at katatagan tangi lamang kung kinakailangan. Ang pag-ibig ay tutulong upang mabuo ang matibay na buklod ng pananalig at pagtitiwala sa pagitan mo at ng mga nasa ilalim ng iyong awtoridad.
Kung ipinagkatiwala sa iyo ang anumang uri ng awtoridad, sikapin mong matularan ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo sa paggamit nito. Alalahanin ang napakagandang paglalarawan ng salmista sa paraan ng paggamit ni Jehova ng kaniyang awtoridad sa bayan niya. Umawit si David: “Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako kukulangin ng anuman. Sa mga madamong pastulan ay pinahihiga niya ako; sa tabi ng mga pahingahang-dako na natutubigang mainam ay pinapatnubayan niya ako. Ang aking kaluluwa ay kaniyang pinagiginhawa. Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran alang-alang sa kaniyang pangalan.” Tungkol naman kay Jesus, mababasa natin: “Ako ang mabuting pastol, at kilala ko ang aking mga tupa at kilala ako ng aking mga tupa, kung paanong kilala ako ng Ama at kilala ko ang Ama; at ibinibigay ko ang aking kaluluwa alang-alang sa mga tupa.” May hihigit pa kaya sa halimbawang ito ng maibiging paggamit ng awtoridad?—Awit 23:1-3; Juan 10:14, 15.
[Blurb sa pahina 18]
Ang paggamit ni Jehova ng kapangyarihan ay palaging ganap na kasuwato ng kaniyang katarungan, karunungan, at pag-ibig
[Larawan sa pahina 18]
Kung minsan, ang matatanda ay dapat magbigay ng maibiging payo sa mga nagkakasala
[Larawan sa pahina 19]
Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na gumawing gaya ng isang magalang na anak at mapagmalasakit na kapatid
[Larawan sa pahina 20]
Ginagamit ni Jesu-Kristo ang kaniyang awtoridad sa matalino, makatarungan, at maibiging paraan