Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ang Pagtuturo ni Jesus sa Jerico
HINDI nagtagal at si Jesus at ang karamihan na naglalakbay kasama niya ay sumapit sa Jerico, na isang lunsod na maghapong lakbayin buhat sa Jerusalem. Marahil ang Jerico ay isang doblehang lunsod, ang dating lunsod na Judio na mga isang kilometro at kalahati ang layo sa bagong lunsod na Romano. Samantalang ang karamihan ng tao’y nagsisilabas sa matandang lunsod at papunta sa bago, dalawang pulubing bulag ang nakarinig sa kaguluhang iyon. Isa sa kanila ay nagngangalang Bartimeo.
Nang kanilang mapag-alaman na si Jesus ay dumaraan doon, si Bartimeo at ang kaniyang kasama ay nagsimulang magsisigaw: “Panginoon, ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa amin!” Nang sila’y mahigpit na pagsabihan ng karamihan na tumahimik, lalo silang naghumiyaw sa malakas na tinig: “Panginoon, ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa amin!”
Nang marinig ni Jesus ang kagulong iyon, siya’y huminto. Kaniyang sinabi sa kaniyang mga kasama na tawagin ang nagsisisigaw na iyon. Ang mga ito naman ay lumapit sa mga pulubing bulag at sinabi sa isa sa kanila: “Lakasan mo ang iyong loob, magtindig ka, tinatawag ka niya.” Sa di-mailarawang katuwaan, inihagis nga ng taong bulag ang kaniyang panlabas na kasuotan, nagmamadaling tumindig, at lumapit kay Jesus.
“Ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo?” ang tanong ni Jesus sa dalawang lalaki.
“Panginoon, isauli mo ang aming paningin,” ang pamanhik nila.
Sa malaking awa, hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata. Sang-ayon sa ulat ni Marcos, sinabi ni Jesus sa isa sa kanila: “Humayo ka, ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo.” Karakaraka ang mga pulubing bulag ay nakakita, at walang alinlangang kapuwa sila lumuwalhati sa Diyos. Nang makita ng lahat ng tao ang nangyaring iyon, sila man ay pumuri sa Diyos. Walang pagpapaliban, si Bartimeo at ang kaniyang kasama ay nagsimulang sumunod kay Jesus.
Habang dumaraan si Jesus sa Jerico, ang mga tao ay napakakapal. Ibig na makita ng bawat isa yaong nagpagaling sa mga lalaking bulag. Si Jesus ay sinisiksik ng mga tao na nanggagaling sa lahat ng direksiyon, kaya naman, hindi man lamang siya masilayan ng iba. Kabilang na sa mga ito si Zakeo, ang punò ng mga maniningil ng buwis sa Jerico at sa palibot. Siya ay napakapandak kaya’t hindi niya makita ang nangyayari.
Kaya naman si Zakeo ay tumakbo na nagpapauna at umakyat sa isang punong sikomoro na naroon sa ruta na pagdaraanan ni Jesus. Buhat sa mainam na dakong ito, maaari niyang matanaw na mabuti ang lahat ng nangyayari roon. Habang palapit ang karamihan ng tao, si Jesus ay tumingala sa punò at ang sabi: “Zakeo magmadali ka at bumaba ka, sapagkat ngayo’y kinakailangang ako’y tumuloy sa bahay mo.”
Si Zakeo ay nagmamadaling bumaba nang may kagalakan at nagmamadaling umuwi upang ihanda ang mga bagay-bagay para sa kaniyang tanyag na panauhin. Subalit nang makita ng mga tao ang nangyayari, silang lahat ay nagsimulang magbulung-bulungan. Sa palagay nila’y hindi nararapat na si Jesus ay maging panauhin ng gayong tao. Alam mo, si Zakeo ay yumaman sa pamamagitan ng pangingikil ng salapi sa kaniyang mga parukyano sa hanapbuhay niya na pangungulekta ng buwis.
Maraming mga tao ang sumunod at nang pumasok si Jesus sa tahanan ni Zakeo, sila’y nagreklamo: “Sa isang taong makasalanan nanunuluyan siya.” Gayunman ay nakita ni Jesus kay Zakeo ang potensiyal sa pagsisisi. At si Jesus ay hindi naman nabigo, sapagkat tumindig si Zakeo at ang sabi: “Narito! Ang kalahati ng aking mga pag-aari ay ibinibigay ko sa mga dukha, at kung sakaling nakasingil ako nang may daya sa kaninumang tao ay isinasauli ko nang makaapat.”
Pinatunayan ni Zakeo na ang kaniyang pagsisisi ay tunay sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga dukha ng kalahati ng kaniyang mga pag-aari at paggamit sa natitirang kalahati pa upang ibayad sa mga taong kaniyang dinaya. Maliwanag na naari niyang kalkulahin buhat sa rekord ng mga nagbabayad ng buwis kung gaano ang pagkakautang niya sa mga taong ito. Kaya’t siya’y nangako na makaapat na ulit na isasauli iyon, bilang pagsunod sa kautusang ng Diyos na nagsasabi: ‘Kung ang isang tao’y magnakaw ng isang tupa, kaniyang babayaran iyon ng apat na tupa.’
Si Jesus ay natuwa sa ipinangako ni Zakeo tungkol sa gagawin niya sa kaniyang mga pag-aari, sapagkat Siya ay nagsabi: “Dumating sa bahay na ito ngayon ang pagkaligtas, sapagkat siya’y anak din naman ni Abraham. Sapagkat ang Anak ng tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang nawala.”
Kamakailan, ipinaghalimbawa ni Jesus ang kalagayan ng “nawala” sa pamamagitan ng kaniyang paglalahad ng tungkol sa alibughang anak. Ngayon ay mayroon siyang isang tunay-na-buhay na halimbawa ng isang taong nawala at nasumpungan uli. Kahit na kung ang relihiyosong mga pinuno at ang kanilang mga tagasunod ay nagbubulungan at nagrereklamo tungkol sa atensiyon na ibinibigay ni Jesus sa mga taong tulad ni Zakeo, si Jesus ay nagpapatuloy ng paghanap at pagliligtas sa nangawalang anak na ito ni Abraham. Mateo 20:29-34; Marcos 10:46-52; Lucas 18:35–19:10; Exodo 22:1.
◆ Saan kaya nasalubong ni Jesus ang mga pulubing bulag, at ano ang kaniyang ginagawa para sa kanila?
◆ Sino si Zakeo, at bakit siya umakyat sa isang punungkahoy?
◆ Papaano pinatunayan ni Zakeo ang kaniyang pagsisisi?
◆ Anong aral ang maaari nating matutuhan buhat sa pakikitungo ni Jesus kay Zakeo?