KABANATA 102
Pumasok sa Jerusalem ang Hari Sakay ng Isang Bisiro
MATEO 21:1-11, 14-17 MARCOS 11:1-11 LUCAS 19:29-44 JUAN 12:12-19
NAGKAROON NG MALAKING KASIYAHAN PAGPASOK NI JESUS SA JERUSALEM
INIHULA ANG PAGKAWASAK NG JERUSALEM
Kinabukasan, araw ng Linggo, Nisan 9, umalis si Jesus at ang mga alagad sa Betania at nagpunta sa Jerusalem. Nang malapit na sila sa Betfage, sa Bundok ng mga Olibo, sinabi ni Jesus sa dalawang alagad:
“Pumunta kayo sa nayon na abot-tanaw ninyo, at makakakita kayo agad ng isang asnong nakatali, kasama ang isang bisiro. Kalagan ninyo ang mga ito at dalhin sa akin. Kung may magtanong sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kailangan ng Panginoon ang mga ito.’ At agad niyang ipadadala ang mga ito.”—Mateo 21:2, 3.
Hindi alam ng mga alagad na ang iniutos ni Jesus ay may kaugnayan sa hula ng Bibliya. Pero nang maglaon, naunawaan nila ang katuparan ng hula ni Zacarias na ang Haring ipinangako ng Diyos ay darating sa Jerusalem sa paraang “mapagpakumbaba at nakasakay sa asno, sa isang bisiro, ang anak ng babaeng asno.”—Zacarias 9:9.
Nang dumating sa Betfage ang mga alagad at kunin ang bisiro pati ang nanay nito, sinabi ng mga nakatayo roon: “Bakit ninyo kinakalagan ang bisiro?” (Marcos 11:5) Pero nang malaman na para iyon sa Panginoon, hinayaan nila ang mga alagad. Ipinatong ng mga alagad ang kanilang mga balabal sa asno at sa bisiro nito, pero sa bisiro sumakay si Jesus.
Dumarami ang tao habang papalapit sa Jerusalem si Jesus sakay ng bisiro. Marami ang naglatag ng kanilang balabal sa daan. Pumutol naman ang iba ng mga sanga ng puno o “ng mga sanga mula sa bukid” at inilatag ang mga ito. Sumisigaw sila: “Iligtas nawa siya! Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ni Jehova! Pinagpala ang dumarating na Kaharian ng ama nating si David!” (Marcos 11:8-10) Nainis ang mga Pariseo sa isinisigaw ng mga tao. Sinabi nila kay Jesus: “Guro, sawayin mo ang mga alagad mo.” Sumagot si Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, kung mananahimik sila, ang mga bato ang sisigaw.”—Lucas 19:39, 40.
Nang matanaw ni Jesus ang Jerusalem, umiyak siya at sinabi: “Kung naunawaan mo lang sana ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan—pero itinago na ang mga iyon mula sa iyong paningin.” Pagbabayaran ng Jerusalem ang kaniyang pagsuway. Inihula ni Jesus: “Ang mga kaaway mo ay magtatayo sa paligid mo ng kuta na may matutulis na tulos, palilibutan ka, at lulusubin ka mula sa lahat ng panig. Ikaw at ang mga naninirahan sa loob mo ay dudurugin, at wala silang ititira sa iyo na magkapatong na bato.” (Lucas 19:42-44) Nagkatotoo ang sinabi ni Jesus nang mawasak ang Jerusalem noong 70 C.E.
Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, ‘nagkagulo ang buong lunsod, na sinasabi: “Sino ito?”’ Sinasabi ng mga tao: “Ito ang propetang si Jesus, mula sa Nazaret ng Galilea!” (Mateo 21:10, 11) Kabilang sa mga ito ang ilang nakasaksi sa pagbuhay-muli ni Jesus kay Lazaro, at ipinamalita nila ito sa mga nandoon. Dismayado na ang mga Pariseo dahil walang nangyayari sa mga plano nila. Sinabi nila sa isa’t isa: “Ang buong mundo ay sumusunod na sa kaniya.”—Juan 12:18, 19.
Tulad ng nakagawian ni Jesus kapag bumibisita sa Jerusalem, pumunta siya sa templo para magturo. Doon, nagpagaling siya ng mga bulag at pilay. Nagalit ang mga punong saserdote at mga eskriba sa ginagawa niya at sa isinisigaw ng mga batang lalaki sa templo, “Iligtas nawa ang Anak ni David!” Sinabi ng mga lider ng relihiyon kay Jesus: “Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?” Sumagot si Jesus: “Hindi pa ba ninyo nabasa ang ganito, ‘Pinalabas mo mula sa bibig ng mga bata at mga sanggol ang papuri’?”—Mateo 21:15, 16.
Tiningnan ni Jesus ang palibot ng templo. Pero hapon na, kaya siya at ang mga apostol ay umalis na. Bago magsimula ang Nisan 10, bumalik siya sa Betania at doon nagpalipas ng Linggo ng gabi.