Tinupad Nila ang Kalooban ni Jehova
Si Jesus ay Ibinunyi Bilang Mesiyas at Hari!
NAKAGULAT sa maraming Judio ang maingay na pulutong na pumasok sa Jerusalem noong Nisan 9, 33 C.E. Bagaman karaniwan na makita ang pagdagsa ng mga tao sa lunsod bago ang Paskuwa, ang mga panauhing ito ay naiiba. Ang pangunahing tao sa kanila ay ang lalaking nakasakay sa bisiro ng isang asno. Ang lalaki ay si Jesu-Kristo, at ang mga tao ay naglalatag ng mga kasuutan at mga sanga ng palma sa unahan niya habang sila ay sumisigaw: “Magligtas ka, aming dalangin, sa Anak ni David! Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ni Jehova! Magligtas ka sa kaniya, aming dalangin, sa kaitaasan!” Nang makita ang pulutong, marami sa mga naroon sa Jerusalem ang naudyukang sumali sa prusisyon.—Mateo 21:7-9; Juan 12:12, 13.
Bagaman siya noon ay ipinagbubunyi, batid ni Jesus na may mga pagsubok na naghihintay sa kaniya. Aba, sa loob lamang ng limang araw, siya ay papatayin sa mismong lunsod na ito! Oo, alam ni Jesus na ang Jerusalem ay matigas na teritoryo, at isinaayos niya ang kaniyang hayagang pagpasok sa lunsod taglay ang mismong kaisipang ito.
Isang Sinaunang Hula na Natupad
Noong 518 B.C.E., inihula ni Zacarias ang matagumpay na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem. Sumulat siya: “Humiyaw ka nang matagumpay, O anak na babae ng Jerusalem. Narito! Ang iyong hari mismo ang naparoroon sa iyo. Siya’y matuwid, oo, nagliligtas; mapagpakumbaba, at nakasakay sa isang asno, samakatuwid nga’y sa isang husto-na-sa-gulang na hayop na anak ng isang asnong-babae. . . . At siya’y aktuwal na magsasalita ng kapayapaan sa mga bansa; at ang kaniyang pamamahala ay magiging mula sa dagat hanggang sa kabilang dagat at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa.”—Zacarias 9:9, 10.
Kaya ang pagpasok ni Jesus sa Jerusalem noong Nisan 9 ay tumupad ng hula sa Bibliya. Hindi ito nagkataon lamang kundi maingat na naiplano. Una rito, samantalang nasa labas ng Jerusalem, tinagubilinan ni Jesus ang dalawa sa kaniyang mga alagad: “Pumaroon kayo sa nayon na abot-tanaw ninyo, at masusumpungan ninyo karaka-raka ang isang asnong nakatali, at isang bisirong kasama niya; kalagan ninyo sila at dalhin sa akin. At kung may magsabi sa inyo ng anuman, sabihin ninyo, ‘Kailangan sila ng Panginoon.’ Sa gayon ay ipadadala niya sila kaagad-agad.” (Mateo 21:1-3) Ngunit bakit nais ni Jesus na pumasok sa Jerusalem sakay ng isang asno, at ano ang kahulugan ng reaksiyon ng pulutong?
Isang Mensahe Tungkol sa Pagkahari
Ang nakikitang larawan ay kadalasang mas mapuwersa kaysa sa binibigkas na salita. Kaya naman, may panahon na ipinatanghal ni Jehova sa kaniyang mga propeta ang kanilang mensahe upang lalong patibayin ang makahulang mensahe ng mga ito. (1 Hari 11:29-32; Jeremias 27:1-6; Ezekiel 4:1-17) Ang mahusay na nakikitang paraan ng pakikipagtalastasang ito ay nag-iwan ng di-makatkat na impresyon sa isip maging sa walang-damdaming tagamasid. Sa gayunding paraan, itinanghal ni Jesus ang isang mapuwersang mensahe sa pamamagitan ng pagpasok sa lunsod ng Jerusalem sakay ng isang asno. Paano?
Noong panahon ng Bibliya ang asno ay ginagamit ng mga maharlika. Halimbawa, pinahiran si Solomon bilang hari habang sakay ng “babaing-mula” ng kaniyang ama, isang mestisong supling ng isang lalaking asno.a (1 Hari 1:33-40) Kaya ang pagpasok ni Jesus sa Jerusalem sakay ng isang asno ay mangangahulugang inihaharap niya ang kaniyang sarili bilang isang hari. Ang mensaheng ito ay lalong pinatibay ng ikinilos ng pulutong. Ang grupo, na sa kalakhan ay tiyak na binubuo ng mga taga-Galilea, ay naglatag ng kanilang mga kasuutan sa unahan ni Jesus—isang pagkilos na nagpapaalaala sa hayagang pagpapatalastas sa pagkahari ni Jehu. (2 Hari 9:13) Ang kanilang pagtukoy kay Jesus bilang “ang Anak ni David” ay nagdiin ng kaniyang legal na karapatang mamahala. (Lucas 1:31-33) At ang paggamit nila ng mga sanga ng palma ay maliwanag na nagpakita ng kanilang pagpapasakop sa kaniyang makaharing awtoridad.—Ihambing ang Apocalipsis 7:9, 10.
Kaya ang prusisyon na dumating sa Jerusalem noong Nisan 9 ay naghatid ng isang malinaw na mensahe na si Jesus ang Mesiyas at Haring hinirang ng Diyos. Sabihin pa, hindi lahat ay masaya na makitang ipinakikilala si Jesus sa ganitong paraan. Ang mga Fariseo ang lalo nang nag-iisip na talagang hindi angkop na pag-ukulan si Jesus ng gayong maharlikang karangalan. “Guro,” ang sabi nila, na tiyak na sa pagalit na boses, “sawayin mo ang iyong mga alagad.” Sumagot si Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, Kung ang mga ito ay mananatiling tahimik, ang mga bato ang sisigaw.” (Lucas 19:39, 40) Oo, ang Kaharian ng Diyos ang siyang tema ng pangangaral ni Jesus. Tahasan niyang ipahahayag ang mensaheng ito tanggapin man ito o hindi ng mga tao.
Aral Para sa Atin
Kinailangan ni Jesus ang lakas ng loob upang makapasok sa Jerusalem sa paraang ayon sa inihula ni propeta Zacarias. Batid niya na sa paggawa niyaon ay pinupukaw niya ang poot ng kaniyang mga kaaway. Bago ang kaniyang pag-akyat sa langit, inatasan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa.” (Mateo 24:14; 28:19, 20) Kailangan din ang lakas ng loob para magampanan ang gawaing ito. Hindi lahat ay naliligayahang marinig ang mensahe. Ang iba ay walang-interes dito, samantalang salansang naman dito ang iba. Hinigpitan ng ilang pamahalaan ang gawaing pangangaral o lubusan na itong ipinagbawal.
Gayunpaman, natatanto ng mga Saksi ni Jehova na kailangang ipangaral ang mabuting balita ng natatag na Kaharian ng Diyos, makinig man o hindi ang mga tao. (Ezekiel 2:7) Habang kanilang patuloy na ginagampanan ang nagliligtas-buhay na gawaing ito, tinitiyak sa kanila ang pangako ni Jesus: “Narito! ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mateo 28:20.
[Talababa]
a Idinagdag ng ulat ni Marcos na ang bisiro ay isa “na hindi pa nauupuan ng sinuman sa sangkatauhan.” (Marcos 11:2) Maliwanag, ang isang hayop na hindi pa ginamit ay pantanging naaangkop ukol sa mga sagradong layunin.—Ihambing ang Bilang 19:2; Deuteronomio 21:3; 1 Samuel 6:7.