Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ipinaghalimbawa ang Piging ng Kasalan
SA PAMAMAGITAN ng dalawang paghahalimbawa, ibinilad ni Jesus ang mga eskriba at mga pangulong saserdote, at nais nila na patayin siya. Ngunit marami pang sasabihin sa kanila si Jesus. Kaniyang inilahad sa kanila ang isa pang paghahalimbawa, na nagsasabi:
“Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao, isang hari, na naghanda ng isang piging ng kasalan para sa kaniyang anak na lalaki. At sinugo ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ng kasalan, ngunit sila’y ayaw magsidalo.”
Ang Diyos na Jehova ang siyang Hari na siyang naghahanda ng isang piging ng kasalan para sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Balang araw, ang kaniyang kasintahang binubuo ng 144,000 pinahirang mga tagasunod ay makakasal sa kaniya sa langit. Ang mga sakop ng Hari ay yaong mga mamamayan ng Israel, na, nang mapalakip sa tipang Kautusan noong 1513 B.C.E., ay tumanggap ng pagkakataong maging “isang kaharian ng mga saserdote.” Kaya naman, sila ang unang binigyan ng paanyaya sa piging ng kasalan.
Gayunman, ang unang pagtawag sa mga inanyayahan ay hindi naganap kundi noong taglagas ng 29 C.E., nang si Jesus at ang kaniyang mga alagad (mga alipin ng hari) ay nagsimula ng kanilang gawaing pangangaral ng Kaharian. Ngunit ang likas na mga Israelita na tumanggap ng panawagang ito na ipinahayag ng mga alipin mula 29 C.E. hanggang 33 C.E. ay tumangging pumaroon. Kaya ang bansang inanyayahan ay binigyan ng Diyos ng isa pang pagkakataon, gaya ng paliwanag ni Jesus:
“Muling nagsugo siya ng mga iba pang alipin, na nagsasabi, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: “Narito! Inihanda ko na ang aking piging, pinatay na ang aking mga baka at mga hayop na matataba, at lahat ng bagay ay handa na. Magsiparito na kayo sa piging ng kasalan.” ’ ” Itong ikalawa at katapusang pananawagan sa mga inanyayahan ay nagsimula noong Pentecostes 33 C.E., nang ang banal na espiritu ay ibuhos sa mga tagasunod ni Jesus. Ang panawagang ito ay nagpatuloy hanggang 36 C.E.
Datapuwat, ang lubhang karamihan ng mga Israelitang iyon ay tumanggi rin sa panawagang ito. “Hindi nila pinansin iyon,” ang paliwanag ni Jesus, “at sila’y nagsiyaon sa kanilang lakad, ang isa’y sa kaniyang sariling bukid, ang isa’y sa kaniyang pangangalakal; ngunit sinunggaban ng iba ang kaniyang mga alipin, tinrato nang marahas at pinagpapatay.” “Datapuwat,” ang patuloy ni Jesus, “ang hari ay nagalit, at sinugo ang kaniyang mga hukbo at pinuksa ang mga mamamatay-taong iyon at sinunog ang kanilang lunsod.” Ito’y naganap noong 70 C.E., nang ang Jerusalem ay lubusang sunugin ng mga Romano, at ang mga mamamatay-taong iyon ay pinagpapatay.
Nang magkagayo’y ipinaliwanag ni Jesus ang naganap pansamantala: “Saka sinabi [ng hari] sa kaniyang mga alipin, ‘Nahahanda na ang piging ng kasalan, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Magsiparoon nga kayo sa mga daang palabas sa lunsod, at anyayahan ninyo sa piging ng kasalan ang sinumang inyong masumpungan.’ ” Ganoon nga ang ginawa ng mga alipin, at “ang silid-kasalan ay napuno ng mga panauhing nakahilig sa hapag.”
Ang gawaing ito na pag-aanyaya ng mga panauhin buhat sa mga daang palabas sa lunsod ay nagsimula noong 36 C.E. Ang Romanong opisyal ng hukbo na si Cornelio at ang kaniyang pamilya ang mga una sa di-tuling mga di-Judio na naanyayahan. Ang pagtitipon sa mga di-Judiong ito, na pawang mga panghalili sa mga una na tumanggi sa paanyaya, ay nagpatuloy magpahanggang sa ika-20 siglong ito.
Sa panahong ito na ika-20 siglo napupuno ng mga panauhin ang silid-kasalan. Inilalahad ni Jesus ang nagaganap pagkatapos, na ang sabi: Nang pumasok ang hari upang suriin ang mga panauhin kaniyang namataan ang isang lalaking hindi nakadamit ng damit-kasalan. Kaya’t sinabi niya, ‘Kaibigan, Papaano ka nakapasok dito nang walang damit-kasalan?’ Siya’y hindi nakakibo. Nang magkagayo’y sinabi ng hari sa kaniyang mga utusan, ‘Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya at itapon siya sa kadiliman sa labas. Diyan na nga ang pagtangis at pagngangalit ng kaniyang mga ngipin.’ ”
Ang taong hindi nakadamit-kasalan ay lumalarawan sa imitasyong mga Kristiyano ng Sangkakristiyanuhan. Ang mga ito ay hindi kailanman kinilala ng Diyos bilang may taglay ng wastong pagkakakilanlan bilang espirituwal na mga Israelita. Kailanman ay hindi sila pinahiran ng Diyos ng banal na espiritu bilang tagapagmana ng Kaharian. Kaya sila’y inihahagis sa labas sa kadiliman na kung saan sila’y magdaranas ng pagkapuksa.
Tinatapos ni Jesus ang kaniyang paghahalimbawa sa pamamagitan ng pagsasabi: “Sapagkat marami ang inanyayahan, ngunit kakaunti ang napili.” Oo, marami ang inanyayahan buhat sa bansang Israel upang maging mga miyembro ng kasintahan ni Kristo, subalit kakaunti lamang sa likas na mga Israelita ang napili. Karamihan sa 144,000 mga panauhin na tumatanggap ng makalangit na gantimpala ay napatunayang mga di-Israelita. Mateo 22:1-14; Exodo 19:1-6; Apocalipsis 14:1-3.
◆ Sino yaong mga unang-unang inanyayahan sa piging ng kasalan, at kailan sila binigyan ng paanyaya?
◆ Kailan lumabas ang unang paanyaya sa mga kinauukulan, at sino ang mga alipin na ginamit upang magbigay niyaon?
◆ Kailan lumabas ang ikalawang paanyaya, at sino pagkatapos ang naanyayahan?
◆ Ano ang mga inilalarawan ng taong hindi nakadamit-kasalan?
◆ Sino ang marami na mga tinawag, at ang kakaunti na napili?