Ang Pangmalas ng Bibliya
May Halaga Ka sa Paningin ng Diyos!
“SINASALOT AKO NG DAMDAMIN NG PAGKAWALANG-HALAGA HALOS SA BUONG BUHAY KO,” SULAT NG ISANG BABAING KRISTIYANO. “GAANO MAN KALAKI ANG PAG-IBIG KO KAY JEHOVA O GAANO MAN ANG PAGSISIKAP NA GINAGAWA KO UPANG MAGLINGKOD SA KANIYA, LAGI KONG NADARAMA NA HINDI ITO SAPAT.”
MAY kilala ka bang nakikipagpunyagi sa matinding damdamin ng kakulangan o kawalang-halaga? O kung minsan ay ganiyan mismo ang nadarama mo? Ang mga damdaming ito ay pangkaraniwan, kahit na sa mga tapat na mananamba ng Diyos. Walang sinuman ang ligtas sa mga epekto ng pamumuhay sa “mga panahong [ito na] mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Naranasan ng marami ang pagpapabaya at pag-aabuso mula sa mga indibiduwal na “mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan”—mga katangian na palasak sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Ang masaklap na mga karanasang ito ay maaaring mag-iwan ng malalim na mga pilat sa damdamin, anupat nagiging sanhi ng pagkadama ng lubos na pagkawalang-halaga.
Sa ibang kaso, ang negatibong mga damdamin ay maaaring resulta ng mga taong nagtatakda ng napakataas na mga pamantayan para sa kanilang sarili. Lalo lamang sumisidhi ang damdamin na sila’y talagang hindi kailanman nararapat kapag hindi nila naabot ang mga pamantayang ito. Anuman ang dahilan, baka mahirapan yaong mga nakikipagpunyagi sa damdamin ng kawalang-halaga na maunawaan kung bakit sila minamahal ng Diyos—o ng sino pa man, alin man ang pinag-uusapan. Oo, maaari pa nga silang maniwala na talagang walang nagmamahal sa kanila.
Subalit hindi ganiyan ang nadarama ng Diyos na Jehova! Sa kaniyang Salita, si Jehova ay nagbababala sa atin na magbantay laban sa “mapanlinlang na mga taktika” ng kaniyang Kaaway, si Satanas na Diyablo. (Efeso 6:11, Jewish New Testament) Ginagamit ni Satanas ang kaniyang mapanlinlang na mga taktika upang pahintuin tayo sa pagsamba sa ating Diyos. Sa layuning iyan, pinupukaw ni Satanas ang damdamin na tayo’y walang-halaga, na hindi tayo kailanman maaaring mahalin ni Jehova. Subalit si Satanas ay “isang sinungaling”—sa katunayan, “ang ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Kaya nga, hindi tayo dapat padaya sa kaniyang mapanlinlang na mga taktika! Sa Bibliya, mismong si Jehova ang nagsasabi, anupat tinitiyak sa atin ang ating halaga sa kaniyang paningin.
Isang Timbang na Pangmalas sa Ating Halaga
Ang Bibliya ay nagbababala tungkol sa negatibong epekto sa atin ng panghihina ng loob. Ganito ang sabi ng Kawikaan 24:10: “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” Ang nagtatagal na negatibong mga damdamin sa loob natin ay maaaring mag-alis sa atin ng lakas, anupat tayo’y nanghihina at madaling nasasaktan. Makatitiyak ka na alam na alam ito ni Satanas. Mahirap kung ang ating puso ay salutin ng mga damdamin ng kawalang-halaga. Subalit, kapag sinisikap ni Satanas na kasangkapanin ang mga damdaming ito, lalo pa nitong pinabibigat ang gayong kalagayan.
Kung gayon, mahalaga na tayo’y magkaroon ng isang matatag at timbang na pangmalas tungkol sa ating halaga. “Sinasabi ko sa bawat isa sa inyo,” ang himok ni apostol Pablo, “na huwag mag-isip nang higit sa kaniyang sarili kaysa nararapat isipin; kundi mag-isip upang magkaroon ng matinong kaisipan.” (Roma 12:3) Ganito naman ang pagkakasabi ng isa pang salin: “Sasabihin ko sa bawat isa sa inyo na huwag tantiyahin ang kaniyang sarili nang higit sa kaniyang tunay na halaga, kundi magkaroon ng matinong pagtatasa sa kaniyang sarili.” (Charles B. Williams) Kaya hinihimok tayo ng kasulatan na magkaroon ng isang timbang na pangmalas sa ating sarili. Sa isang panig, dapat tayong magbantay laban sa labis na kapalaluan; sa kabilang panig naman, huwag nating hamakin ang ating sarili, sapagkat ipinahihiwatig ni Pablo na upang magkaroon ng matinong pag-iisip, kailangang mayroon tayong iisipin tungkol sa ating sarili. Oo, sa ilalim ng pagkasi ng Diyos, ipinahihiwatig ni Pablo na ang bawat isa sa atin ay may halaga sa paningin ni Jehova.
Ang isang timbang na pagkadama ng pagpapahalaga-sa-sarili ay maliwanag din sa mga salita ni Jesus nang sabihin niya: “Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) Ang mga salitang “gaya ng iyong sarili” ay nagpapahiwatig na dapat tayong magkaroon ng damdamin ng pagpapahalaga-sa-sarili, o paggalang-sa-sarili. Totoo, may mga pagkukulang tayo at nagkakamali tayo. Ngunit kapag nagsusumikap tayong palugdan ang Diyos, ikinalulungkot natin ang ating mga pagkukulang, at hinahangad natin ang kaniyang pagpapatawad, magkakaroon pa rin tayo ng pagpapahalaga-sa-sarili. Maaaring iba naman ang igiit ng ating mapamintas na puso, subalit alalahanin, “ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso.” (1 Juan 3:20) Sa ibang salita, nakikita tayo ni Jehova sa paraan na lubhang kakaiba sa pagtingin natin sa ating mga sarili.
Mga Wasak ang Puso, mga May Espiritung Nasisiil
Ang salmistang si David ay sumulat: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.” (Awit 34:18) Sa pagkokomento sa talatang ito, ang Matthew Henry’s Commentary on the Whole Bible ay nagsasabi: “Katangian ng matuwid . . . ang wasak na puso at espiritung nagsisisi, yaon ay, nagpakababa dahil sa kasalanan, at hindi nakadarama ng pagpapahalaga-sa-sarili; sila’y mababa sa kanilang sariling paningin, at walang pagtitiwala sa kanilang sariling merito.”
Maaaring madama niyaong mga “wasak ang puso” o “may espiritung nasisiil” na napakalayo ni Jehova at na napakaliit nila upang mahalin sila ni Jehova. Subalit hindi ganiyan ang kalagayan. Tinitiyak sa atin ng mga salita ni David na hindi pinababayaan ni Jehova yaong “mababa sa kanila mismong paningin.” Alam ng ating madamaying Diyos na sa mga panahong iyon ay kailangan natin siya nang higit kailanman, at siya’y malapit lamang.
Isaalang-alang ang isang halimbawa. Mga ilang taon na ang nakalipas, isinugod ng isang ina ang kaniyang dalawang-taóng-gulang na anak na lalaki sa ospital sapagkat ito’y nahihirapang huminga dahil sa matinding ubo. Pagkatapos masuri ang batang lalaki, ipinaalam ng mga doktor sa ina na kailangan nilang panatilihin ito sa ospital sa loob ng magdamag. Saan nagpalipas nang gabing iyon ang ina? Sa isang silya sa silid ng ospital, sa tabi ng kama ng kaniyang anak. May sakit ang kaniyang munting anak na lalaki, at kailangang nasa tabi siya nito. Tiyak na higit pa ang maaasahan natin sa ating maibiging makalangit na Ama, na sa larawan niya tayo ay ginawa! (Genesis 1:26; Isaias 49:15) Ang nakaaantig na pananalita sa Awit 34:18 ay tumitiyak sa atin na kapag “wasak ang puso” natin, si Jehova, na gaya ng isang maibiging magulang, “ay malapit” lamang—laging nagbabantay, nakikinig, at handang tumulong.—Awit 147:1, 3.
“Kayo ay Nagkakahalaga Nang Higit Kaysa Maraming Maya”
Noong panahon ng kaniyang makalupang ministeryo, isiniwalat ni Jesus ang maraming bagay tungkol sa mga kaisipan at mga damdamin ni Jehova, pati na kung ano ang nadarama ni Jehova sa Kaniyang makalupang mga lingkod. Tiniyak ni Jesus nang ilang ulit sa kaniyang mga alagad ang kanilang halaga sa paningin ni Jehova.—Mateo 6:26; 12:12.
Halimbawa, sa paglalarawan may kinalaman sa indibiduwal na halaga ng bawat alagad niya, sinabi ni Jesus: “Hindi ba ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga? Gayunman ay walang isa man sa kanila ang mahuhulog sa lupa na hindi nalalaman ng inyong Ama. Ngunit ang mismong mga buhok ng inyong ulo ay biláng na lahat. Samakatuwid huwag kayong matakot: kayo ay nagkakahalaga nang higit kaysa maraming maya.” (Mateo 10:29-31) Isaalang-alang ang maaaring naging kahulugan ng mga salitang ito sa mga tagapakinig ni Jesus noong unang siglo.
Maliwanag na ang mga maya ang pinakamura sa lahat ng ibon na kinakain. Ang maliliit na ibong ito ay karaniwang inaalisan ng balahibo, itinutuhog sa patpat na kahoy, at iniihaw na parang barbekyu. Walang alinlangang nakita ni Jesus ang mahihirap na babae sa dakong pamilihan na nagbibilang ng kanilang mga barya upang malaman kung ilang maya ang kanilang mabibili. Napakaliit ng halaga ng mga ibon anupat sa isang barya na maliit ang halaga (sa literal, isang asaryon, wala pang limang sentimos ang halaga), ang isa ay makabibili ng dalawang maya.
Muling binanggit ni Jesus ang ilustrasyong ito nang dakong huli—subalit may kaunting pagkakaiba. Ayon sa Lucas 12:6, sinabi ni Jesus: “Ang limang maya ay nabibili sa dalawang barya na maliit ang halaga, hindi ba?” Pag-isipan ito. Sa isang barya na maliit ang halaga, makakakuha ng dalawang maya ang isang bumibili. Subalit kung handa siyang gumugol ng dalawang barya, makakakuha siya hindi lamang ng apat na maya kundi lima. Ang sobrang ibon ay idinaragdag na para bang ito’y walang halaga. “Gayunman,” ang sabi ni Jesus, “walang isa man sa kanila [kahit na ang isa na idinagdag] ang nalilimutan sa harap ng Diyos.” Sa pagkakapit ng ilustrasyon, ganito ang konklusyon ni Jesus: “Kayo ay mas mahalaga kaysa maraming maya.” (Lucas 12:7) Tiyak na napatibay ng mga salitang ito ang kaniyang mga tagapakinig!
Naunawaan mo ba ang nakapagpapasigla sa pusong ilustrasyon ni Jesus? Kung itinuturing ni Jehova na mahalaga kahit na ang mumunting ibon, tiyak na mas mahalaga sa kaniya ang kaniyang makalupang mga lingkod! Kay Jehova, lahat tayo ay mahalaga. Ang bawat isa sa atin ay gayon na lamang kahalaga kay Jehova anupat napapansin niya kahit na ang pinakamaliit na detalye tungkol sa atin—ang mismong buhok sa ating mga ulo ay isa-isang biláng.
Sabihin pa, patuloy na gagamitin ni Satanas ang kaniyang “mapanlinlang na mga taktika”—gaya ng pagsasamantala sa mga damdamin ng kawalang-halaga—upang mapahinto tayo sa paglilingkod kay Jehova. Subalit huwag mong hayaang magwagi si Satanas! Alalahanin ang babaing Kristiyano na sinipi sa pasimula. Siya’y natulungan ng isang artikulo sa magasing Bantayan na nagbabala tungkol sa mga pagsisikap ni Satanas na pagsamantalahan ang ating mga damdamin.a Sabi niya: “Hindi ko natanto na sinisikap gamitin ni Satanas ang aking mga damdamin upang pahinain ang loob ko. Ang pagkaalam nito ay nag-udyok sa akin na labanan ang mga damdaming ito. Ngayon ay nahaharap ko na ang mga pagsalakay na ito ni Satanas, taglay ang pagtitiwala.”
Si Jehova ay “nakaaalam ng lahat ng mga bagay.” (1 Juan 3:20) Oo, alam niya kung ano ang binabata natin ngayon. Alam din niya ang naranasan natin noon na maaaring sumiil sa ating paggalang-sa-sarili. Alalahanin, ang pangmalas ni Jehova tungkol sa atin ang siyang mahalaga! Isipin man natin na walang nagmamahal sa atin o na tayo’y walang-halaga, muling tinitiyak sa atin ni Jehova na ang bawat lingkod niya ay mahalaga sa kaniya. Mapagtitiwalaan natin si Jehova at ang kaniyang salita, sapagkat, di-tulad ng kaniyang Kaaway, ang Diyos ay “hindi makapagsisinungaling.”—Tito 1:2.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Mahalaga Ka sa Paningin ng Diyos!” sa Abril 1, 1995, na labas ng Ang Bantayan, pahina 10-15.
[Blurb sa pahina 12]
Tulad ng isang maibiging magulang, si Jehova ay malapit sa mga nalulungkot ang puso
[Mga larawan sa pahina 13]
Kung hindi nalilimutan ni Jehova ang maya, paano ka niya malilimutan?
[Credit Lines]
Lydekker
Illustrated Natural History