DECAPOLIS
[Pook ng Sampung Lunsod]. Isang liga o kompederasyon ng sampung lunsod (mula sa Griegong deʹka, nangangahulugang “sampu,” at poʹlis, “lunsod”). Ang pangalang ito ay itinawag din sa pook na kinaroroonan ng karamihan sa mga lunsod na ito.—Mat 4:25.
Kasunod ng pananakop ni Alejandrong Dakila noong mga 332 B.C.E., nagkaroon ng mga kolonyang Griego sa Sirya at Palestina, na lumilitaw na pinamayanan ng mga beterano mula sa mga hukbo ni Alejandro na sinundan naman ng mga nandayuhang nagsasalita ng Griego. Ang karamihan sa mga kolonyang ito ay itinatag sa mga lugar ng mas naunang mga bayang Judio, samantalang ang iba naman ay itinayo sa mga bagong lugar, partikular na sa S ng Ilog Jordan. Umunlad ang mga ito noong panahon ng pamamahala ng mga Seleucido ng Sirya at ng mga Ptolemy ng Ehipto, ngunit ang pagbangon ng Macabeo-Judiong estado (pasimula noong mga 168 B.C.E.) ay lubhang nagsapanganib sa halos independiyenteng katayuan ng mga ito. Bagaman tiyak na kabilang sa populasyon ng mga lunsod na ito ang maraming Judio, ang mga lunsod na ito ay mga sentro pa rin ng kultura at organisasyong Griego at sa gayon ay lubhang hindi kaayon ng mga tunguhin ng mga Macabeo. Nang lupigin at reorganisahin ni Pompey ang Palestina noong 63 B.C.E., ang Helenistikong mga lunsod na ito ay binigyan ng Roma ng proteksiyon at sinang-ayunang katayuan. Pinahintulutan silang gumawa ng sarili nilang mga barya at magkaroon ng malaking kapamahalaan sa kanilang sarili, bagaman dapat pa rin silang magpasakop sa Roma at sa pamahalaang probinsiyal ng Sirya at hinilingan silang magbayad ng buwis at maglaan ng mga kalalakihan para sa paglilingkod militar.
Kung Paano Nabuo ang Liga. Malamang na sa pagitan ng pananakop ni Pompey at ng kamatayan ni Herodes na Dakila (mga 1 B.C.E.), sampu sa Helenistikong mga lunsod na ito ang nagsama-sama sa pederasyong nakilala bilang Decapolis. Waring ang motibo nila sa pagsasama-samang ito ay ang pakikipagkalakalan sa isa’t isa at ang pagdedepensa laban sa mga puwersang kontra sa Helenismo sa loob ng Palestina o laban sa agresibong mga tribong pagala-gala sa mga disyertong rehiyon sa dakong S. Ang terminong “Decapolis” ay unang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at sa mga akda nina Josephus at Pliny na Nakatatanda (kapuwa nabuhay noong unang siglo C.E.). Bagaman kinikilala ni Pliny na mayroon nang iba-ibang opinyon tungkol dito, itinala niya ang sumusunod na mga lunsod bilang kasama sa orihinal na sampu: Damasco, Filadelfia, Rafana, Scythopolis, Gadara, Hippo (Hippos), Dion, Pela, Galasa (Gerasa), at Canatha. (Natural History, V, XVI, 74) Sa mga ito, tanging ang Scythopolis (Bet-sean) ang nasa K ng Jordan; dahil sa estratehikong posisyon ng Libis ng Esdraelon (Jezreel), nagsilbi itong isang mahalagang kawing sa Baybayin ng Mediteraneo at sa mga daungang-dagat nito. Maliwanag na ang Damasco, na nasa malayong H sa Sirya, ay isinama dahil sa kahalagahan nito bilang isang sentro ng kalakalan. Ang Filadelfia (sinaunang Raba, makabagong ʽAmman) ang pinakatimugan sa sampung lunsod, anupat mga 40 km (25 mi) lamang ito sa HS ng hilagaang dulo ng Dagat na Patay. Ang iba pa sa mga lunsod ay nasa matabang pook ng Gilead o ng karatig na Basan. Pinaniniwalaan na ang karamihan sa mga iyon ay nasa mga pangunahing lansangan ng pook na iyon o malapit sa mga ito. Malamang na ang Canatha ay ang Kenat na binanggit sa Bilang 32:42.
Noong ikalawang siglo C.E., bumanggit si Ptolemy ng 18 lunsod na nasa “Decapolis,” na maaaring nagpapahiwatig na ang pangalang ito ay ginamit nang maglaon sa malawak na paraan at na ang bilang ng mga lunsod ay paiba-iba. Inilalakip naman ng ilang iskolar ang Abila, na itinala ni Ptolemy, bilang kasama sa orihinal na sampu kahalili ng Rafana. Gayunpaman, lumilitaw na ang pook ng Decapolis ay walang tiyak na mga hangganan at na hindi saklaw ng awtoridad ng mga lunsod ng Decapolis ang lahat ng nakapagitang teritoryo kundi sumasaklaw lamang ito sa loob ng distrito ng bawat partikular na lunsod.
Ang Ministeryo ni Jesus at ang Decapolis. Bagaman may mga tao mula sa Decapolis na kabilang sa mga pulutong na dumagsa upang marinig ang pagtuturo ni Jesus sa Galilea (Mat 4:25), walang espesipikong binanggit na nag-ukol siya ng panahon sa alinman sa Helenistikong mga lunsod nito. Totoo na pumasok si Jesus sa pook ng Decapolis noong panahon ng kaniyang ministeryo sa Galilea nang tumawid siya sa Dagat ng Galilea at pumasok sa lupain ng mga Geraseno (o mga Gadareno ayon sa Mat 8:28). (Mar 5:1) Ngunit dito, pagkatapos niyang palayasin ang mga demonyo at pahintulutan silang pumasok sa isang kawan ng mga baboy, anupat nalipol ang kawan, sinabihan si Jesus ng mga tao mula sa kalapit na lunsod at karatig na lupain na “umalis sa kanilang mga distrito.” Tumalima naman si Jesus, ngunit ang lalaking pinalaya niya mula sa pag-ali ng mga demonyo ay sumunod sa tagubilin ni Jesus na magpatotoo siya sa kaniyang mga kamag-anak, at ipinahayag niya ang mga pagpapagaling na ginawa ni Jesus sa Decapolis. (Mar 5:2-20) Ipinapalagay ng ilang iskolar na ang kawan ng mga baboy roon ay higit pang katibayan ng impluwensiya ng mga di-Judio na laganap sa pook na iyon.
Pagkatapos ng Paskuwa ng 32 C.E., at pagkabalik niya mula sa isang paglalakbay sa mga pook ng Tiro at Sidon sa Fenicia, pumaroon si Jesus “sa dagat ng Galilea hanggang sa mga pook ng Decapolis.” (Mar 7:31) Sa isang lugar sa pook na iyon, nagpagaling siya ng isang lalaking bingi na may kapansanan sa pagsasalita at nang maglaon ay makahimala niyang pinakain doon ang isang pulutong ng 4,000 katao.—Mar 7:32–8:9.
Kasaysayan Nang Dakong Huli. Ayon kay Eusebius, bago mawasak ang Jerusalem noong 70 C.E., ang mga Kristiyano sa Judea ay tumakas patungo sa Pela, isang lunsod sa Decapolis, na nasa bulubunduking pook ng Gilead, bilang pagsunod sa makahulang babala ni Jesus.—Luc 21:20, 21; The Ecclesiastical History, III, V, 3.
Palibhasa’y kabilang sa mga lunsod sa Palestina na nakahilig sa Helenismo, nakita sa mga lunsod sa Decapolis ang pinakamaraming palatandaan ng impluwensiyang Griego. Pinaniniwalaang umabot ang mga ito sa kanilang tugatog noong ikalawang siglo C.E., at nang sumunod na siglo, nagsimulang mabuwag ang liga. Ang katibayan ng malaking impluwensiyang Griego, gayundin ang kayamanan ng mga lunsod ng Decapolis, ay makikita sa kahanga-hangang labí ng mga dulaan, mga ampiteatro, mga templo, mga paliguan, mga paagusan, at ng iba pang mga istraktura sa Gerasa (makabagong Jarash) at sa iba pang mga lunsod.
[Mapa sa pahina 573]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
DECAPOLIS
Lansangan
Malaking Dagat
Damasco
Rafana (?)
Hippos
Dagat ng Galilea
Dion
Canatha (Kenat)
Abila (?)
Gadara
Scythopolis (Bet-sean)
Pela
Gerasa
Filadelfia (Raba)
Dagat Asin