ARALIN 20
Kung Paano Inoorganisa ang Kongregasyon
Si Jehova ay Diyos ng kaayusan. (1 Corinto 14:33) Kaya dapat lang na organisado rin ang bayan niya. Paano inoorganisa ang Kristiyanong kongregasyon? Paano tayo makakatulong sa pagiging organisado ng kongregasyon?
1. Sino ang ulo ng kongregasyon?
Si “Kristo ang ulo ng kongregasyon.” (Efeso 5:23) Mula sa langit, inoorganisa niya ang mga gawain ng bayan ni Jehova sa buong mundo. Inatasan ni Jesus ang “tapat at matalinong alipin”—isang maliit na grupo ng makaranasang mga elder na tinatawag ding Lupong Tagapamahala. (Basahin ang Mateo 24:45-47.) Gaya ng mga apostol at elder sa Jerusalem noong unang siglo, nagbibigay ng instruksiyon ang Lupong Tagapamahala sa mga kongregasyon sa buong mundo. (Gawa 15:2) Pero hindi sila ang mga lider ng organisasyon natin. Umaasa sila sa patnubay ni Jehova at ng kaniyang Salita, at sumusunod sila sa mga direksiyon ni Jesus.
2. Ano ang mga gawain ng mga elder?
Ang mga elder ay tapat na mga Kristiyanong lalaki na matagal nang naglilingkod kay Jehova. Nagpapastol sila sa bayan ni Jehova—nagtuturo at nagpapatibay gamit ang Bibliya. Pero hindi sinusuwelduhan ang mga elder. Naglilingkod sila “nang maluwag sa loob sa harap ng Diyos; hindi dahil sa kasakiman sa pakinabang, kundi nang may pananabik.” (1 Pedro 5:1, 2) Tinutulungan ng mga ministeryal na lingkod ang mga elder. At kapag kuwalipikado na sila, puwede rin silang maging elder.
May mga elder na inaatasan ng Lupong Tagapamahala na maging tagapangasiwa ng sirkito. Dumadalaw sila sa mga kongregasyon para magbigay ng patnubay at pampatibay. Nag-aatas din sila ng mga elder at ministeryal na lingkod na nakakaabot sa mga kahilingan na nakasulat sa Bibliya.—1 Timoteo 3:1-10, 12; Tito 1:5-9.
3. Ano ang gawain ng bawat Saksi?
Lahat ng nasa kongregasyon ay ‘pumupuri sa pangalan ni Jehova.’ Ginagawa nila ito kapag nakikibahagi sila sa mga pulong at ministeryo sa abot ng makakaya nila.—Basahin ang Awit 148:12, 13.
PAG-ARALAN
Alamin kung anong uri ng lider si Jesus, kung paano siya matutularan ng mga elder, at kung paano tayo makikipagtulungan kay Jesus at sa kanila.
4. Si Jesus ay mabait na lider
May napakagandang imbitasyon si Jesus para sa atin. Basahin ang Mateo 11:28-30. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Anong uri ng lider si Jesus, at ano ang gusto niyang maramdaman natin?
Paano tinutularan ng mga elder si Jesus? Panoorin ang VIDEO.
Itinuturo ng Bibliya kung paano dapat gawin ng mga elder ang atas nila.
Basahin ang Isaias 32:2 at 1 Pedro 5:1-3. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang epekto sa iyo nang malaman mo na nagsisikap ang mga elder na maging mabait sa lahat gaya ni Jesus?
Paano pa tinutularan ng mga elder si Jesus?
5. Nagpapakita ng magandang halimbawa ang mga elder
Ano ang gusto ni Jesus na maging pananaw ng mga elder sa atas nila? Panoorin ang VIDEO.
Itinuro ni Jesus ang mga dapat gawin ng mga nangunguna sa kongregasyon. Basahin ang Mateo 23:8-12. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang sinasabi ng Bibliya na dapat gawin ng mga elder? Sa tingin mo, nasusunod ba iyan ng mga lider ng relihiyon?
Pinapatibay ng mga elder ang kaugnayan nila at ng pamilya nila kay Jehova
Inaalagaan ng mga elder ang kongregasyon
Regular na nangangaral ang mga elder
Nagtuturo ang mga elder. Tumutulong din sila sa paglilinis at iba pang gawain
6. Makipagtulungan sa mga elder
Sinasabi ng Bibliya kung bakit dapat makipagtulungan sa mga elder. Basahin ang Hebreo 13:17. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit sinasabi ng Bibliya na dapat tayong sumunod sa mga nangunguna sa atin? Ano ang opinyon mo tungkol dito?
Basahin ang Lucas 16:10. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit mahalaga na makipagtulungan sa mga elder kahit sa maliliit na bagay?
MAY NAGSASABI: “Hindi mo kailangang sumama sa isang relihiyon.”
Ano ang naiisip mong pakinabang kapag bahagi ka ng isang kongregasyon na sumasamba kay Jehova?
SUMARYO
Si Jesus ang ulo ng kongregasyon. Masaya tayong nakikipagtulungan sa mga elder na inatasan niya. Nagpapakita sila ng magandang halimbawa at napapatibay nila tayo.
Ano ang Natutuhan Mo?
Sino ang ulo ng kongregasyon?
Paano tinutulungan ng mga elder ang kongregasyon?
Ano ang gawain ng mga sumasamba kay Jehova?
TINGNAN DIN
Nagmamalasakit ang Lupong Tagapamahala at ang mga elder sa kongregasyon. Tingnan ang isang ebidensiya.
Alamin ang gawain ng isang tagapangasiwa ng sirkito.
Ang Buhay ng Isang Tagapangasiwa ng Sirkito na Naglilingkod sa Probinsiya (4:51)
Alamin ang mga gawain ng mga babae sa kongregasyon.
“May mga Babaing Ministro Ba ang mga Saksi ni Jehova?” (Ang Bantayan, Setyembre 1, 2012)
Anong pagsisikap ang ginagawa ng mga elder para mapatibay ang mga kapananampalataya nila?
“Mga Elder—‘Mga Kamanggagawa Ukol sa Ating Kagalakan’” (Ang Bantayan, Enero 15, 2013)