Lahat Nawa Tayo ay Maging Isa Kung Paanong si Jehova at si Jesus ay Iisa
“Humihiling ako [na] silang lahat ay maging isa, kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko.”—JUAN 17:20, 21.
1, 2. (a) Ano ang hiniling ni Jesus sa kaniyang huling panalangin kasama ang mga apostol niya? (b) Bakit nababahala si Jesus tungkol sa pagkakaisa?
NABABAHALA si Jesus tungkol sa pagkakaisa noong huling hapunan niya kasama ang kaniyang mga apostol. Habang nananalangin, sinabi ni Jesus na gusto niyang maging isa ang lahat ng mga alagad niya, kung paanong siya at ang kaniyang Ama ay iisa. (Basahin ang Juan 17:20, 21.) Kung nagkakaisa sila, malaking patotoo ito na isinugo nga ni Jehova si Jesus sa lupa para gawin ang kalooban ng Diyos. Makikilala ang mga tunay na alagad ni Jesus sa kanilang pag-ibig, na tutulong para magkaisa sila.—Juan 13:34, 35.
2 Hindi kataka-takang idiin ni Jesus ang tungkol sa pagkakaisa. Napapansin niyang may mga pagkakataong hindi nagkakaisa o nagkakasundo ang mga apostol, gaya noong huling hapunan niya kasama sila. Gaya ng nangyari na, bumangon uli ang isang pagtatalo tungkol sa “kung sino sa kanila ang waring pinakadakila.” (Luc. 22:24-27; Mar. 9:33, 34) May pagkakataon ding hiniling nina Santiago at Juan kay Jesus na ibigay sa kanila ang prominenteng posisyon sa kaniyang Kaharian.—Mar. 10:35-40.
3. Ano ang posibleng dahilan ng di-pagkakasundo ng mga alagad ni Kristo, at anong mga tanong ang tatalakayin natin?
3 Pero hindi lang ang kagustuhang maging prominente ang posibleng dahilan para di-magkasundo ang mga alagad ni Kristo. Nababahagi ang mga tao noon dahil sa matinding poot at pagtatangi. Kailangang paglabanan ng mga alagad ni Jesus ang gayong saloobin. Tatalakayin sa artikulong ito ang sumusunod na mga tanong: Paano hinarap ni Jesus ang pagtatangi? Paano niya tinuruan ang mga tagasunod niya na huwag magtangi at manatiling nagkakaisa? At paano makatutulong ang mga turo niya para manatili tayong nagkakaisa?
PAGTATANGING NARANASAN NI JESUS AT NG MGA TAGASUNOD NIYA
4. Magbigay ng mga halimbawa ng pagtatangi na naranasan ni Jesus.
4 Si Jesus mismo ay nakaranas ng pagtatangi. Nang sabihin ni Felipe kay Natanael na nasumpungan na niya ang Mesiyas, sinabi ni Natanael: “Mayroon kayang anumang mabuting bagay na manggagaling sa Nazaret?” (Juan 1:46) Malamang na alam ni Natanael ang hula sa Mikas 5:2 at inisip niyang napakaliit ng Nazaret para pagmulan ng Mesiyas. Hinamak din si Jesus ng mga prominenteng Judeano dahil taga-Galilea siya. (Juan 7:52) Para sa maraming Judeano, mababang uri ng tao ang mga taga-Galilea. Ininsulto si Jesus ng iba pang Judio sa pagtawag sa kaniya na isang Samaritano. (Juan 8:48) Ang bansa at relihiyon ng mga Samaritano ay iba sa mga Judio. Walang gaanong respeto ang mga taga-Judea at Galilea sa mga Samaritano, at iniiwasan nila ang mga ito.—Juan 4:9.
5. Anong pagtatangi ang naranasan ng mga tagasunod ni Jesus?
5 Hinamak din ng mga Judiong lider ang mga tagasunod ni Jesus. Para sa mga Pariseo, sila ay “mga taong isinumpa.” (Juan 7:47-49) Oo, itinuturing nilang hamak at pangkaraniwan ang sinumang hindi nakapag-aral sa paaralang rabiniko o hindi sumusuporta sa kanilang mga tradisyon. (Gawa 4:13) Ang pagtatanging naranasan ni Jesus at ng mga alagad niya ay dulot ng pagkakabaha-bahagi sa relihiyon, lipunan, at lahi. Naapektuhan din ng pagtatangi ang mga alagad. Para manatiling nagkakaisa, kailangan nilang baguhin ang kanilang pananaw.
6. Magbigay ng mga halimbawa kung paano tayo puwedeng maapektuhan ng pagtatangi.
6 Laganap din ang pagtatangi sa ngayon. Puwede tayong maging biktima nito, o kaya nama’y tayo mismo ang magtangi. “Tumitindi ang galit ko sa mga puti habang nakapokus ako sa kawalang-katarungang ginagawa nila sa mga Aborigine—noon at ngayon,” ang sabi ng isang sister na payunir ngayon sa Australia. “Nagatungan pa ito ng pang-aabusong dinanas ko mismo.” Ikinuwento naman ng isang brother na taga-Canada na dati ay nagtangi siya dahil sa wika. “Akala ko, mas nakatataas ang mga nagsasalita ng French,” ang sabi niya. “Kaya galít ako sa mga nagsasalita ng Ingles.”
7. Paano hinarap ni Jesus ang pagtatangi?
7 Ang pagtatangi ay maaaring nakaugat din sa mga tao sa ngayon, gaya noong panahon ni Jesus. Paano ito hinarap ni Jesus? Una, hindi siya kailanman nagtangi. Nangaral siya sa mayayaman at mahihirap, sa mga Pariseo at Samaritano, at maging sa mga maniningil ng buwis at makasalanan. Ikalawa, sa kaniyang pagtuturo at halimbawa, ipinakita ni Jesus sa mga alagad niya na dapat nilang paglabanan ang pagiging mapaghinala o mapanghamak sa iba.
DINARAIG NG PAG-IBIG AT KAPAKUMBABAAN ANG PAGTATANGI
8. Ano ang isang mahalagang simulain na saligan ng ating pagkakaisa? Ipaliwanag.
8 Itinuro ni Jesus sa mga tagasunod niya ang isang mahalagang simulain na saligan ng ating pagkakaisa. “Lahat kayo ay magkakapatid,” ang sabi niya. (Basahin ang Mateo 23:8, 9.) Totoo naman, “magkakapatid” tayo dahil lahat tayo ay nanggaling kay Adan. (Gawa 17:26) Pero hindi lang iyan. Ipinaliwanag ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay magkakapatid dahil kinikilala nila si Jehova bilang makalangit na Ama. (Mat. 12:50) Magkakapatid din sila dahil kabilang sila sa isang malaking espirituwal na pamilya, na pinagkakaisa ng pag-ibig at pananampalataya. Kaya naman sa kanilang liham, madalas tukuyin ng mga apostol ang kanilang mga kapuwa alagad bilang “mga kapatid.”—Roma 1:13; 1 Ped. 2:17; 1 Juan 3:13.
9, 10. (a) Bakit hindi dapat ipagmapuri ng mga Judio ang kanilang lahi? (b) Paano itinuro ni Jesus ang isang aral kung paano paglalabanan ang pagtatangi ng lahi? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
9 Matapos linawin ni Jesus kung bakit dapat nating ituring na kapatid ang isa’t isa, idiniin naman niya ang kapakumbabaan. (Basahin ang Mateo 23:11, 12.) Gaya ng natalakay na, ang pagmamataas ay naging dahilan ng ilang di-pagkakasundo ng mga apostol. At posible ring naging dahilan ang pagmamapuri sa lahi. Dapat bang ipagmalaki ng mga Judio na inapo sila ni Abraham? Iyan ang ipinagyayabang ng maraming Judio noon. Pero sinabi ni Juan Bautista sa kanila: “Ang Diyos ay may kapangyarihang magbangon ng mga anak kay Abraham mula sa mga batong ito.”—Luc. 3:8.
10 Hinatulan ni Jesus ang pagmamapuri sa lahi. Ipinakita niya ito nang magtanong ang isang eskriba: “Sino ba talaga ang aking kapuwa?” Bilang sagot, nagbigay si Jesus ng ilustrasyon tungkol sa isang Samaritano na tumulong sa isang manlalakbay—isang Judio—na binugbog ng mga magnanakaw. Hindi pinansin ng mga nagdaraang Judio ang kaawa-awang taong iyon, pero ang Samaritano ay nahabag sa kaniya. Tinapos ni Jesus ang kuwento sa pagsasabing dapat tularan ng eskriba ang Samaritanong iyon. (Luc. 10:25-37) Ipinakita ni Jesus na may matututuhan ang mga Judio sa isang Samaritano tungkol sa kahulugan ng tunay na pag-ibig sa kapuwa.
11. Bakit ang mga alagad ni Kristo ay hindi dapat magtangi ng mga banyaga, at paano iyon ipinaunawa sa kanila ni Jesus?
11 Para magampanan ng mga alagad ni Jesus ang kanilang atas, kailangan nilang daigin ang pagmamataas at pagtatangi. Bago umakyat si Jesus sa langit, inutusan niya sila na magpatotoo “sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Naihanda na sila ni Jesus sa gayon kalawak na atas, dahil madalas niyang sabihin sa kanila ang magagandang katangian ng mga banyaga. Pinuri niya ang isang banyagang opisyal ng hukbo dahil sa pambihirang pananampalataya nito. (Mat. 8:5-10) Sa kaniyang bayan sa Nazaret, binanggit ni Jesus kung paano kinalugdan ng Diyos ang mga banyaga, gaya ng babaeng balo na taga-Zarepat sa Fenicia at ng ketonging si Naaman na taga-Sirya. (Luc. 4:25-27) At hindi lang nangaral si Jesus sa isang Samaritana, dalawang araw din siyang tumuloy sa isang bayan sa Samaria dahil interesado ang mga tagaroon sa kaniyang mensahe.—Juan 4:21-24, 40.
PINAGLABANAN ANG PAGTATANGI NOONG UNANG SIGLO
12, 13. (a) Ano ang reaksiyon ng mga apostol nang turuan ni Jesus ang isang Samaritana? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Ano ang nagpapakitang hindi lubusang naunawaan nina Santiago at Juan ang aral?
12 Pero hindi naging madali sa mga apostol na huwag magtangi. Nagulat sila nang makita nilang tinuturuan ni Jesus ang isang Samaritana. (Juan 4:9, 27) Ang mga Judiong lider ng relihiyon ay hindi nakikipag-usap sa isang babae sa publiko, lalo na sa isang Samaritana na kuwestiyonable ang reputasyon. Hinimok ng mga apostol si Jesus na kumain. Pero makikita sa sagot ni Jesus na mas mahalaga sa kaniya ang pakikipag-usap tungkol sa Diyos kaysa sa kumain. Ang pangangaral—kahit sa isang Samaritana—ay kalooban ng kaniyang Ama, at itinuring niya itong pagkain.—Juan 4:31-34.
13 Hindi naunawaan nina Santiago at Juan ang aral na ito. Sa paglalakbay ng mga alagad sa Samaria kasama ni Jesus, inabot sila ng gabi kaya naghanap ang mga alagad ng matutulugan sa isang nayon doon. Hindi sila tinanggap ng mga Samaritano, kaya nagalit sina Santiago at Juan at sinabing magpababâ ng apoy mula sa langit para lipulin ang buong nayon. Sinaway sila ni Jesus. (Luc. 9:51-56) Ganoon din kaya ang magiging reaksiyon nila kung sa isang nayon sa sariling bayan nila sa Galilea nangyari iyon? Posibleng pagtatangi ang dahilan ng kanilang galit. Malamang na napahiya si apostol Juan sa reaksiyon niyang iyon nang mangaral sila sa mga Samaritano at makinig ang mga ito sa kanila.—Gawa 8:14, 25.
14. Paano nalutas ang isyu na posibleng may kinalaman sa wika?
14 Di-nagtagal matapos ang Pentecostes 33 C.E., may bumangong isyu tungkol sa diskriminasyon. Noong namamahagi ng pagkain para sa mahihirap na babaeng balo, napabayaan ang mga balong nagsasalita ng Griego. (Gawa 6:1) Posibleng pagtatangi sa wika ang dahilan nito. Nilutas agad ng mga apostol ang isyu. Nag-atas sila ng kuwalipikadong mga lalaki para mamahagi ng pagkain. Ang mga lalaking ito ay may Griegong pangalan, kaya posibleng napagaan nito ang loob ng mga nagdamdam na balo.
15. Paano naipakita ni Pedro na hindi siya nagtatangi ng sinuman? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
15 Noong 36 C.E., umabot na sa ibang bansa ang paggawa ng alagad. Nakaugalian ni apostol Pedro na sa mga Judio lang makihalubilo. Pero matapos linawin ng Diyos na hindi dapat magtangi ang mga Kristiyano, nangaral si Pedro kay Cornelio, na isang kawal na Romano. (Basahin ang Gawa 10:28, 34, 35.) Mula noon, nakisalo na at nakihalubilo si Pedro sa mga mananampalatayang Gentil. Pero pagkaraan ng ilang taon, sa lunsod ng Antioquia, huminto si Pedro sa pagkain kasama ng mga di-Judiong Kristiyano. (Gal. 2:11-14) Kaya sinaway siya ni Pablo, at tinanggap naman niya ito. Nang isulat ni Pedro ang unang liham niya sa mga Kristiyanong Judio at Gentil sa Asia Minor, binanggit niya na mahalagang magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid.—1 Ped. 1:1; 2:17.
16. Sa ano nakilala ang unang mga Kristiyano?
16 Maliwanag na natuto ang mga apostol sa halimbawa ni Jesus na ibigin ang “lahat ng uri ng tao.” (Juan 12:32; 1 Tim. 4:10) Binago nila ang kanilang pananaw, kahit nangailangan ito ng panahon. Kaya naman nakilala ang unang mga Kristiyano sa kanilang pag-ibig sa isa’t isa. Sinipi ni Tertullian, isang manunulat noong ikalawang siglo, ang sinasabi ng mga tao tungkol sa mga Kristiyano: “Mahal nila ang isa’t isa . . . Handa pa nga silang mamatay para sa isa’t isa.” Dahil isinuot ng unang mga Kristiyano ang “bagong personalidad,” natutuhan nilang ituring ang lahat ng tao na pantay-pantay, gaya ng pananaw ng Diyos sa kanila.—Col. 3:10, 11.
17. Paano natin maaalis ang pagtatangi sa ating puso? Magbigay ng mga halimbawa.
17 Sa ngayon, baka kailangan din natin ng panahon para maalis ang pagtatangi sa ating puso. Sinabi ng isang sister sa France ang pinaglalabanan niya: “Itinuro sa akin ni Jehova kung ano ang ibig sabihin ng pag-ibig, ng pagbibigay, at ng pagmamahal sa lahat ng uri ng tao. Pero pinagsisikapan ko pa ring huwag magtangi, at hindi ito laging madali. Kaya lagi ko itong ipinapanalangin.” Ganiyan din ang nararanasan ng isang sister sa Spain: “Kung minsan, pinaglalabanan ko ang matinding poot na nadarama ko sa isang etnikong grupo, at madalas na napagtatagumpayan ko iyon. Pero alam kong kailangan ko itong patuloy na paglabanan. Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil bahagi ako ng kaniyang nagkakaisang pamilya.” Dapat nating suriin ang ating sarili. Kailangan din ba nating paglabanan ang anumang bahid ng pagtatangi, gaya ng dalawang sister na ito?
HABANG SUMISIDHI ANG PAG-IBIG, NAWAWALA ANG PAGTATANGI
18, 19. (a) Bakit dapat nating tanggapin ang lahat ng tao? (b) Paano natin ito magagawa sa praktikal na paraan?
18 Tandaan natin na tayong lahat ay dating “mga taga-ibang bayan,” o banyaga, na hindi malapít sa Diyos. (Efe. 2:12) Pero inilapit tayo ni Jehova sa kaniya “sa pamamagitan ng mga panali ng pag-ibig.” (Os. 11:4; Juan 6:44) At tinanggap tayo ni Kristo. Binuksan niya ang pinto, wika nga, para maging bahagi tayo ng pamilya ng Diyos. (Basahin ang Roma 15:7.) Dahil tinanggap tayo ni Jesus kahit hindi tayo sakdal, hindi nga makatuwiran na tanggihan o iwasan natin ang iba!
19 Habang papalapit tayo sa wakas ng masamang sistemang ito, ang pagkakabaha-bahagi, pagtatangi, at pagkapoot ay lalo pang titindi sa mundong ito. (Gal. 5:19-21; 2 Tim. 3:13) Pero bilang mga lingkod ni Jehova, hinahanap natin ang karunungan mula sa itaas, na nagtataguyod ng kapayapaan at di-nagtatangi. (Sant. 3:17, 18) Natutuwa tayong makipagkaibigan sa mga tagaibang bansa, na tinatanggap nating magkakaiba tayo ng kultura at posibleng pinag-aaralan pa nga natin ang ibang wika. Sa paggawa nito, ang ating kapayapaan ay dadaloy na gaya ng ilog, at ang katarungan gaya ng mga alon sa dagat.—Isa. 48:17, 18.
20. Ano ang epekto kapag binago ng pag-ibig ang puso’t isip natin?
20 “Nabuksan sa akin ang pintuan ng tunay na kaalaman,” ang sabi ng sister sa Australia, na nabanggit kanina. Inamin niyang malaki ang epekto sa kaniya ng pag-aaral ng Bibliya: “Binago nito ang puso’t isip ko, kaya nawala lahat ng pagtatangi at matinding galit na nararamdaman ko.” Sinabi naman ng brother na taga-Canada na nakita niyang “ang pagtatangi ay kadalasan nang dahil hindi natin kilalá ang isang tao at na ang magagandang katangian ng mga tao ay hindi nakadepende kung saan sila ipinanganak.” Nakapag-asawa pa nga siya ng isang sister na nagsasalita ng Ingles! Ang mga halimbawang ito ay patunay na kayang daigin—at talagang nadaraig—ng Kristiyanong pag-ibig ang pagtatangi. Pinagkakaisa tayo ng matibay na bigkis na ito ng pag-ibig.—Col. 3:14.