KABANATA 109
Binatikos ang mga Mananalansang
MATEO 22:41–23:24 MARCOS 12:35-40 LUCAS 20:41-47
KANINONG ANAK ANG KRISTO?
INILANTAD NI JESUS ANG MGA MAPAGKUNWARING MANANALANSANG
Nabigo ang mga mananalansang na siraan si Jesus o hulihin siya sa kaniyang salita at ipaaresto sa mga Romano. (Lucas 20:20) Nasa templo pa rin si Jesus noong Nisan 11, at siya naman ang nagtanong sa kanila para ipakita kung sino talaga siya: “Ano ang tingin ninyo sa Kristo? Kaninong anak siya?” (Mateo 22:42) Alam ng lahat na ang Kristo, o Mesiyas, ay manggagaling sa angkan ni David. At iyan ang isinagot nila.—Mateo 9:27; 12:23; Juan 7:42.
Nagtanong uli si Jesus: “Kung gayon, bakit siya tinawag ni David na Panginoon? Sinabi ni David udyok ng banal na espiritu: ‘Sinabi ni Jehova sa Panginoon ko: “Umupo ka sa kanan ko hanggang sa ilagay ko ang mga kaaway mo sa ilalim ng iyong mga paa.”’ Ngayon, kung tinatawag siya ni David na Panginoon, paano siya naging anak ni David?”—Mateo 22:43-45.
Walang maisagot ang mga Pariseo, dahil isang tao sa angkan ni David ang inaasahan nilang darating para palayain sila mula sa Roma. Pero gamit ang salita ni David sa Awit 110:1, 2, ipinakita ni Jesus na ang Mesiyas ay hindi lang basta isang tagapamahalang tao; Panginoon siya ni David. At matapos umupo sa kanan ng Diyos, mamamahala siya bilang Hari. Sa sagot ni Jesus, hindi nakakibo ang mga kaaway niya.
Bukod sa mga alagad, marami pang iba ang nakikinig. Ngayon, nagbabala si Jesus tungkol sa mga eskriba at Pariseo. Ang mga ito ay “umupo sa upuan ni Moises” para magturo ng Kautusan ng Diyos. Pinayuhan ni Jesus ang mga nakikinig: “Gawin ninyo ang lahat ng sinasabi nila, pero huwag ninyong gayahin ang ginagawa nila, dahil hindi nila ginagawa ang sinasabi nila.”—Mateo 23:2, 3.
Nagbigay si Jesus ng halimbawa ng pagkukunwari nila: “Pinalalaki nila ang mga sisidlang naglalaman ng kasulatan na isinusuot nila bilang proteksiyon.” Ang ilang Judio ay naglalagay sa noo o sa braso nila ng maliliit na lalagyan na may maiikling pagsipi sa Kautusan. Pero pinalaki ng mga Pariseo ang lalagyan nila para palabasing may debosyon sila sa Kautusan. Kanila ring “pinahahaba ang mga palawit ng mga damit nila.” Dapat maglagay ng palawit sa damit ang mga Israelita, pero mas pinahaba ng mga Pariseo ang palawit ng damit nila. (Bilang 15:38-40) Ginagawa nila ang mga ito “para makita ng mga tao.”—Mateo 23:5.
Kahit ang mga alagad ni Jesus ay may tendensiyang maghangad ng posisyon, kaya pinayuhan niya sila: “Huwag kayong patawag na Rabbi, dahil iisa ang inyong Guro, at lahat kayo ay magkakapatid. Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman sa lupa, dahil iisa ang inyong Ama, ang nasa langit. At huwag kayong patawag na mga lider, dahil iisa ang inyong Lider, ang Kristo.” Kaya ano ang dapat na tingin ng mga alagad sa sarili? At paano sila dapat gumawi? Idinagdag ni Jesus: “Ang pinakadakila sa inyo ay dapat na maglingkod. Sinumang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.”—Mateo 23:8-12.
Pagkatapos, ipinahayag ni Jesus ang miserableng kalagayan ng mapagkunwaring mga eskriba at Pariseo: “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Isinasara ninyo ang Kaharian ng langit sa mga tao; dahil kayo mismo ay hindi pumapasok, at hinahadlangan ninyo ang mga papasók na rito.”—Mateo 23:13.
Binatikos ni Jesus ang mga Pariseo dahil wala silang pakialam sa kung ano ang mahalaga sa Diyos, gaya ng makikita sa mga tuntuning gawa-gawa nila. Halimbawa, sinasabi nila: “Kung ipanumpa ng isa ang templo, hindi siya obligadong tuparin ang isinumpa niya; pero kung ipanumpa niya ang ginto ng templo, obligado siyang tuparin ito.” Kitang-kita ang baluktot na pangangatuwiran nila. Mas mahalaga sa kanila ang ginto ng templo kaysa sa layunin kung bakit may templo—sambahin si Jehova at mapalapít sa kaniya. At binabale-wala nila ang “mas mahahalagang bagay sa Kautusan: ang katarungan at awa at katapatan.”—Mateo 23:16, 23; Lucas 11:42.
Tinawag ni Jesus na “mga bulag na tagaakay” ang mga Pariseong ito, “na sumasala ng niknik pero lumululon ng kamelyo!” (Mateo 23:24) Sinasala nila ang niknik mula sa alak dahil marumi ito sa seremonyal na paraan. Pero ang pagbale-wala nila sa mas mahahalagang bagay sa Kautusan ay tulad ng paglulon ng kamelyo, na marumi rin sa seremonyal na paraan at di-hamak na mas malaki kaysa sa niknik.—Levitico 11:4, 21-24.