PASKUWA
Ang Paskuwa (sa Heb., peʹsach; sa Gr., paʹskha) ay pinasinayaan noong gabi bago ang Pag-alis mula sa Ehipto. Ipinagdiwang ang kauna-unahang Paskuwa humigit-kumulang noong panahon ng kabilugan ng buwan sa ika-14 na araw ng Abib (nang maglaon ay tinawag na Nisan) ng taóng 1513 B.C.E. Mula noon ay dapat itong ipagdiwang taun-taon. (Exo 12:17-20, 24-27) Pumapatak ang Abib (Nisan) sa mga buwan ng Marso-Abril ng kalendaryong Gregorian. Ang Paskuwa ay sinusundan ng pitong-araw na Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, Nisan 15-21. Ginugunita tuwing Paskuwa ang pagliligtas sa mga Israelita mula sa Ehipto at ang ‘paglampas’ sa kanilang mga panganay nang puksain ni Jehova ang mga panganay ng Ehipto. Ginaganap ito sa panahong nagsisimula na ang pag-aani ng sebada.—Exo 12:14, 24-47; Lev 23:10.
Ang Paskuwa ay isang pagdiriwang na nagsisilbing tagapagpaalaala. Kaya naman iniutos sa Kasulatan: “At mangyayari nga na kapag sinabi sa inyo ng inyong mga anak, ‘Ano ang kahulugan sa inyo ng paglilingkod na ito?’ kung gayon ay sabihin ninyo, ‘Ito ang hain ng paskuwa para kay Jehova, na lumampas sa mga bahay ng mga anak ni Israel sa Ehipto nang salutin niya ang mga Ehipsiyo, ngunit iniligtas niya ang aming mga sambahayan.’”—Exo 12:26, 27.
Dahil ang isang araw sa mga Judio ay nagsisimula pagkalubog ng araw at nagtatapos kinabukasan sa paglubog ng araw, nagsisimula ang Nisan 14 pagkalubog ng araw. Sa gayon, ang Paskuwa ay ipinagdiriwang sa gabi pagkaraan ng Nisan 13. Yamang tuwirang sinasabi ng Bibliya na si Kristo ang hain ng Paskuwa (1Co 5:7) at na ipinagdiwang niya ang hapunan ng Paskuwa noong gabi bago siya patayin, ang petsa ng kaniyang kamatayan ay papatak ng Nisan 14, hindi Nisan 15, sa gayo’y tumutugma sa eksaktong araw kung kailan ginanap ang makahulang larawan, o anino, na inilaan ng Kautusan.—Heb 10:1.
Mga Kautusan Hinggil sa Pagdiriwang Nito. Bawat sambahayan ay pipili ng isang lalaking tupa o kambing na malusog at isang taóng gulang. Ipapasok ito sa loob ng bahay sa ika-10 araw ng buwan ng Abib at iingatan doon hanggang sa ika-14 ng buwan, at pagkatapos ay papatayin ito at ang dugo nito ay iwiwisik, gamit ang isang bigkis ng isopo, sa mga poste ng pinto at sa itaas na bahagi ng pintuan ng bahay kung saan nila ito kakainin (hindi sa ibaba ng pintuan kung saan matatapakan ang dugo).
Ang kordero (o kambing) ay papatayin at babalatan, ang mga lamang-loob nito ay lilinisin at ibabalik sa loob ng katawan, at iihawin ito nang buo at lutung-luto, ngunit hindi babaliin ang alinmang buto. (2Cr 35:11; Bil 9:12) Kung ang sambahayan ay napakaliit anupat hindi nila mauubos ang isang buong hayop, paghahatian nila ito ng kanilang kapitbahay na sambahayan at kakainin ito sa gabi ring iyon. Anumang matira ay susunugin bago mag-umaga. (Exo 12:10; 34:25) Kakainin ito na may kasamang mga tinapay na walang pampaalsa, “ang tinapay ng kapighatian,” at mapapait na gulay, sapagkat naging mapait ang buhay nila sa ilalim ng pagkaalipin.—Exo 1:14; 12:1-11, 29, 34; Deu 16:3.
Ano ang ibig sabihin ng pananalitang “sa pagitan ng dalawang gabi”?
Sinusukat ng mga Israelita ang isang araw mula sa paglubog ng araw hanggang sa sumunod na paglubog ng araw. Kaya ang araw ng Paskuwa ay nagsisimula sa paglubog ng araw sa pagtatapos ng ika-13 araw ng Abib (Nisan). Ang hayop ay dapat patayin “sa pagitan ng dalawang gabi.” (Exo 12:6) Iba-iba ang opinyon hinggil sa eksaktong panahon na tinutukoy nito. Ayon sa ilang iskolar, gayundin sa mga Judiong Karaite at mga Samaritano, ito ang panahon sa pagitan ng paglubog ng araw at ng pagkagat ng dilim. Para naman sa mga Pariseo at mga Rabbinista, ang unang gabi ay kapag nagsimula nang bumaba ang araw at ang ikalawang gabi naman ay kapag lumubog na ito. Dahil sa huling nabanggit na pangmalas, naniniwala ang mga rabbi na ang kordero ay dapat patayin sa huling bahagi ng ika-14 na araw, hindi sa pasimula nito, at sa gayon, ang hapunan ng Paskuwa ay aktuwal na kakainin sa araw ng Nisan 15.
Hinggil sa puntong ito, ganito ang sinabi ng mga propesor na sina Keil at Delitzsch: “Noon pa mang una ay mayroon nang iba’t ibang opinyon ang mga Judio hinggil sa eksaktong panahon na tinutukoy. Sumasang-ayon si Aben Ezra sa mga Caraite at mga Samaritano sa pagsasabing ang unang gabi ay ang panahon kapag lumubog ang araw sa kagiliran, at ang ikalawa naman ay ang panahon ng ganap na kadiliman; sa gayon, ang ‘pagitan ng dalawang gabi’ ay mula alas 6 hanggang 7.20. . . . Ayon sa rabinikong ideya, ang panahon kung kailan nagsisimula nang bumaba ang araw, samakatuwid ay mula alas 3 hanggang alas 5, ang siyang unang gabi, at ang paglubog naman ng araw ang siyang ikalawa; anupat ang ‘pagitan ng dalawang gabi’ ay mula alas 3 hanggang alas 6. Tama ang pasiya ng makabagong mga komentarista na tanggapin ang pangmalas ni Aben Ezra at ang kaugaliang sinunod ng mga Caraite at mga Samaritano.”—Commentary on the Old Testament, 1973, Tomo I, The Second Book of Moses, p. 12; tingnan ang ARAW, II.
Batay sa mga nabanggit, at partikular na dahil sa mga tekstong gaya ng Exodo 12:17, 18, Levitico 23:5-7, at Deuteronomio 16:6, 7, mahihinuha natin na ang pananalitang “sa pagitan ng dalawang gabi” ay tumutukoy sa panahon sa pagitan ng paglubog ng araw at ng dilim. Mangangahulugan ito na talagang gabi na kapag kinakain ang hapunan ng Paskuwa sa araw ng Nisan 14, sapagkat matagal ding patayin, balatan, at ihawin nang husto ang hayop. Ang Deuteronomio 16:6 ay nag-utos: “Dapat mong ihain ang paskuwa sa kinagabihan paglubog ng araw.” Ipinagdiwang ni Jesus at ng kaniyang mga apostol ang hapunan ng Paskuwa “pagsapit ng gabi.” (Mar 14:17; Mat 26:20) Kaagad namang lumabas si Hudas matapos ang pagdiriwang ng Paskuwa, “At gabi na noon.” (Ju 13:30) Nang ipagdiwang ni Jesus ang Paskuwa kasama ng kaniyang 12 apostol, tiyak na nagkaroon sila ng mahaba-habang pag-uusap, at walang alinlangan na matagal-tagal ding panahon ang ginugol ni Jesus sa paghuhugas ng mga paa ng mga apostol. (Ju 13:2-5) Samakatuwid, tiyak na malalim na ang gabi nang pasinayaan ang Hapunan ng Panginoon.—Tingnan ang HAPUNAN NG PANGINOON.
Noong Paskuwa sa Ehipto, ang ulo ng pamilya sa bawat tahanan ang siyang pumatay sa kordero (o kambing), at ang lahat ay kinailangang manatili sa loob ng bahay upang hindi sila patayin ng anghel. Ang mga nakibahagi sa hapunan ay kumain nang nakatayo, may bigkis sa mga balakang, may baston sa kamay, at nakasandalyas, sa gayo’y nakahanda para sa mahabang paglalakbay sa malubak na lupain (kadalasa’y nakatapak lamang sila sa kanilang pang-araw-araw na gawain). Pagsapit ng hatinggabi, pinatay ng anghel ang lahat ng panganay ng mga Ehipsiyo, ngunit nilampasan nito ang mga bahay na winisikan ng dugo. (Exo 12:11, 23) Naapektuhan ang bawat sambahayang Ehipsiyo kung saan may panganay na lalaki, mula sa sambahayan ni Paraon mismo hanggang sa panganay ng bilanggo. Hindi ang ulo ng sambahayan ang pinatay noon, bagaman maaaring panganay rin siya, kundi ang lahat ng panganay na lalaki sa ilalim ng ulo ng sambahayan, gayundin ang panganay na lalaki ng mga hayop.—Exo 12:29, 30; tingnan ang PANGANAY.
Ang Sampung Salot na pinasapit sa Ehipto ay pawang nagsilbing paghatol sa mga diyos ng Ehipto, lalo na ang ikasampu, ang pagkamatay ng mga panganay. (Exo 12:12) Yamang ang barakong tupa ay sagrado sa diyos na si Amon-Ra, ang pagsasaboy ng dugo ng kordero ng Paskuwa sa mga pintuan ay kalapastanganan sa paningin ng mga Ehipsiyo. Sagrado rin sa kanila ang toro, at ang pagpatay sa mga panganay ng mga toro ay isang dagok sa diyos na si Osiris. Si Paraon mismo ay sinasamba bilang anak ni Ra. Kaya naman ipinakita ng pagkamatay ng mismong panganay ni Paraon na kapuwa inutil si Ra at si Paraon.
Sa Ilang at sa Lupang Pangako. Isa lamang ang pagdiriwang ng Paskuwa sa ilang na binanggit sa Kasulatan. (Bil 9:1-14) Malamang na naging limitado ang pagdaraos ng Paskuwa noong panahon ng paglalakbay sa ilang dahil sa dalawang kadahilanan: (1) Batay sa orihinal na mga tagubilin ni Jehova, dapat itong isagawa kapag nakarating na sila sa Lupang Pangako. (Exo 12:25; 13:5) (2) Ang mga ipinanganak sa ilang ay hindi pa natutuli (Jos 5:5), at dapat na tuli ang lahat ng lalaking kakain ng Paskuwa.—Exo 12:45-49.
Rekord ng mga Paskuwang Idinaos. Malinaw na iniuulat sa Hebreong Kasulatan ang mga Paskuwa na ipinagdiwang (1) sa Ehipto (Exo 12); (2) sa ilang ng Sinai, Nisan 14, 1512 B.C.E. (Bil 9); (3) nang makarating sila sa Lupang Pangako, sa Gilgal matapos tuliin ang mga lalaki, 1473 B.C.E. (Jos 5); (4) noong panahong isauli ni Hezekias ang tunay na pagsamba (2Cr 30); (5) ang Paskuwa ni Josias (2Cr 35); at (6) ang pagdiriwang ng Israel pagkabalik nila mula sa pagkatapon sa Babilonya (Ezr 6). (Binabanggit din sa 2Cr 35:18 na may mga Paskuwang idinaos noong panahon ni Samuel at noong mga araw ng mga hari.) Nang manirahan na ang mga Israelita sa lupain, ang kapistahan ng Paskuwa ay ipinagdiwang “sa dakong pipiliin ni Jehova upang doon patahanin ang kaniyang pangalan,” sa halip na sa bawat tahanan o sa iba’t ibang lunsod. Nang maglaon, pinili ang Jerusalem bilang ang dako ng pagdiriwang.—Deu 16:1-8.
Mga Kaugaliang Idinagdag. Noong naninirahan na ang Israel sa Lupang Pangako, may ilang kaugaliang binago at idinagdag sa pagdiriwang ng Paskuwa. Hindi na nila kinakain ang hapunang iyon nang nakatayo, o nakahanda para sa paglalakbay, yamang naroon na sila sa lupaing ibinigay ng Diyos sa kanila. Noong unang siglo, naging kaugalian ng mga nagdiriwang na kainin iyon habang nakahilig sa kanilang kaliwang tagiliran at nakapatong ang ulo sa kaliwang kamay. Ito ang dahilan kung bakit masasabing ang isa sa mga alagad ni Jesus ay “nakahilig sa harap ng dibdib ni Jesus.” (Ju 13:23) Walang ginamit na alak noong ganapin ang Paskuwa sa Ehipto, ni ipinag-utos man ni Jehova ang paggamit nito sa kapistahang iyon. Idinagdag na lamang ang kaugaliang ito nang bandang huli. Hindi hinatulan ni Jesus ang pag-inom ng alak sa hapunan ng Paskuwa, anupat uminom pa nga siya nito kasama ng kaniyang mga apostol at pagkatapos ay inalok niya silang uminom ng alak mula sa isang kopa noong pasinayaan niya ang Hapunan ng Panginoon, ang Memoryal.—Luc 22:15-18, 20.
Ayon sa mga tradisyong Judio, pulang alak ang ginagamit noon at apat na kopa ang ipinapasa, bagaman maaari rin na higit pa sa apat ang ipasa. Inaawit ang Awit 113 hanggang 118 sa panahon ng pagkain, anupat nagtatapos sa Awit 118. Malamang na isa sa mga awit na ito ang inawit ni Jesus at ng kaniyang mga apostol nang tapusin nila ang Hapunan ng Panginoon.—Mat 26:30.
Mga Kaugalian sa Panahon ng Paskuwa. Maraming paghahanda ang ginagawa noon sa Jerusalem kapag sumapit na ang kapistahan, yamang hinihiling ng Kautusan na magdiwang ng Paskuwa ang bawat lalaking Israelita at ang bawat tuling lalaki sa mga naninirahang dayuhan. (Bil 9:9-14) Nangangahulugan ito na napakarami ng maglalakbay patungo sa lunsod ilang araw bago ang kapistahan. Darating sila bago ang Paskuwa upang maglinis ng kanilang sarili sa seremonyal na paraan. (Ju 11:55) Sinasabi na may mga lalaking isinusugo mga isang buwan ang kaagahan upang ihanda ang mga tulay at ayusin ang mga daan para sa kaalwanan ng mga manlalakbay. Yamang ang paghipo sa bangkay ay nagpaparumi sa isang tao, may mga pantanging pag-iingat na ginagawa upang maprotektahan ang mga naglalakbay. Dahil kaugalian noon na ilibing sa parang ang mga taong namatay roon, pinapuputi ang mga libingang ito isang buwan ang kaagahan upang mas madaling makita. (The Temple, ni A. Edersheim, 1874, p. 184, 185) Batay sa impormasyong ito, mauunawaan natin ang sinabi ni Jesus sa mga eskriba at mga Pariseo na kahalintulad sila ng “mga pinaputing libingan.”—Mat 23:27.
Ang mga pumaparoon sa Jerusalem upang magdiwang ng Paskuwa ay ipinaghahanda ng dakong matutuluyan sa mga tahanan. Ang lahat ng silid sa mga tahanan sa Silangan ay maaaring tulugan, at mga ilang tao rin ang maaaring magkasya sa isang silid. Bukod diyan, maaaring gamitin ang patag na bubong ng mga bahay. Karagdagan pa, ang marami sa mga magdiriwang ay humahanap ng kanilang matutuluyan sa labas ng lunsod, lalo na sa Betfage at Betania, dalawang nayon na nasa mga dalisdis ng Bundok ng mga Olibo.—Mar 11:1; 14:3.
Mga Tanong Hinggil sa Pagkakasunud-sunod ng mga Pangyayari. Ganito ang sinasabi ng ulat tungkol sa ilang Judio na umiiwas sa karungisan: “Sila mismo ay hindi pumasok sa palasyo ng gobernador, upang hindi sila madungisan at nang makakain ng paskuwa.” (Ju 18:28) Itinuring ng mga Judiong iyon na nakapagpaparungis ang pagpasok sa tahanan ng isang Gentil. (Gaw 10:28) Gayunman, “umaga na” nang sabihin ang pananalitang ito, samakatuwid ay tapos na noon ang hapunan ng Paskuwa. Dapat tandaan na noong panahong iyon, ang buong yugto, na sumasaklaw sa araw ng Paskuwa at sa kasunod nito na Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, ay tinutukoy kung minsan bilang “Paskuwa.” Kaayon nito, si Alfred Edersheim ay nagpaliwanag: Isang kusang-loob na handog ukol sa kapayapaan ang inihahandog sa araw ng Paskuwa at isa pang handog, na sapilitan naman, ang ibinibigay sa sumunod na araw, Nisan 15, ang unang araw ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang ikalawang handog na ito ang pinangambahan ng mga Judio na hindi nila makakain kung madudungisan sila sa bulwagan ng paghatol ni Pilato.—The Temple, 1874, p. 186, 187.
“Unang araw ng mga tinapay na walang pampaalsa.” Mayroon ding tanong na bumangon hinggil sa pananalita sa Mateo 26:17: “Nang unang araw ng mga tinapay na walang pampaalsa ang mga alagad ay lumapit kay Jesus, na nagsasabi: ‘Saan mo ibig na maghanda kami upang makakain ka ng paskuwa?’”
Dito, ang pananalitang “unang araw” ay maaaring isalin bilang “ang araw bago.” Hinggil sa paggamit ng salitang Griego na isinalin dito bilang ‘una,’ isang talababa ng Mateo 26:17 sa New World Translation ang nagsabi: “O, ‘Nang araw bago.’ Ang pagkakasaling ito ng salitang Gr. [na proʹtos] na sinusundan ng salitang nasa kaukulang genitive ay kaayon ng diwa at pagkakasalin ng isang kahawig na pananalita sa Ju 1:15, 30, samakatuwid nga, ‘umiral siya bago [proʹtos] pa ako.’” Ayon sa Greek-English Lexicon nina Liddell at Scott, “ang [proʹtos] ay ginagamit paminsan-minsan kung saan ang ibig sabihin ay [proʹte·ros (nangangahulugang ‘dati, nauna’)].” (Nirebisa ni H. Jones, Oxford, 1968, p. 1535) Noong panahong iyon, ang araw ng Paskuwa ay karaniwan nang itinuturing na unang araw ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa. Kaya naman ang orihinal na Griego, kaayon ng kaugaliang Judio, ay nagpapahiwatig na iniharap kay Jesus ang katanungang iyon nang araw bago ang Paskuwa.
“Paghahanda.” Sa Juan 19:14, nang inilalahad ng apostol na si Juan ang huling bahagi ng paglilitis kay Jesus sa harap ni Pilato, sinabi niya: “Ngayon ay paghahanda na ng paskuwa; mga ikaanim na oras na noon [ng umaga, sa pagitan ng 11:00 n.u. at tanghaling-tapat].” Sabihin pa, ito’y pagkatapos ng hapunan ng Paskuwa, na kinain noong gabing nagdaan. Mababasa ang katulad na mga pananalita sa mga talata 31 at 42. Dito, ang salitang Griego na pa·ra·skeu·eʹ ay isinaling “paghahanda.” Waring tumutukoy ang salitang ito, hindi sa araw bago ang Nisan 14, kundi sa araw bago ang lingguhang Sabbath, na sa pagkakataong iyon ay isang ‘dakilang’ Sabbath, yamang ito’y naging Sabbath hindi lamang dahil Nisan 15 noon, ang unang araw ng aktuwal na Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, kundi dahil natapat din ito sa lingguhang Sabbath. Makatuwiran naman ang ganitong paliwanag, sapagkat gaya ng nabanggit na, ang “Paskuwa” ay ginagamit kung minsan upang tumukoy sa buong kapistahan.—Ju 19:31; tingnan ang PAGHAHANDA.
Makahulang Kahulugan. Nang himukin ng apostol na si Pablo ang mga Kristiyano na mamuhay nang malinis, binigyan niya ng makasagisag na kahulugan ang Paskuwa. Sinabi niya: “Sapagkat si Kristo nga na ating paskuwa ay inihain na.” (1Co 5:7) Dito ay inihalintulad niya si Kristo Jesus sa kordero ng Paskuwa. Itinawag-pansin naman ni Juan na Tagapagbautismo si Jesus sa pagsasabing: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!” (Ju 1:29) Maaaring ang nasa isip ni Juan noon ay ang kordero ng Paskuwa, o kaya naman ay ang lalaking tupa na inihandog ni Abraham kapalit ng kaniya mismong anak na si Isaac o ang lalaking kordero na inihahandog sa altar ng Diyos sa Jerusalem bawat umaga at gabi.—Gen 22:13; Exo 29:38-42.
Ang ilang aspekto ng pagdiriwang ng Paskuwa ay natupad kay Jesus. Isa na rito ang pagliligtas sa mga panganay mula sa pagkapuksa sa kamay ng tagapuksang anghel sa pamamagitan ng dugong iwinisik sa mga bahay sa Ehipto. Tinukoy ni Pablo ang mga pinahirang Kristiyano bilang ang kongregasyon ng panganay (Heb 12:23), at si Kristo bilang ang kanilang tagapagligtas sa pamamagitan ng kaniyang dugo. (1Te 1:10; Efe 1:7) Hindi binabali ang alinmang buto ng kordero ng Paskuwa. Inihula na walang isa mang buto ni Jesus ang babaliin, at natupad ito noong mamatay siya. (Aw 34:20; Ju 19:36) Sa gayon, ang Paskuwang ipinagdiwang ng mga Judio sa loob ng maraming siglo ay isa sa mga pitak ng Kautusan na nagsilbing anino ng mga bagay na darating at tumukoy kay Jesu-Kristo, “ang Kordero ng Diyos.”—Heb 10:1; Ju 1:29.