Kabanata 18
“Ang Katapusan ng Sanlibutan” ay Malapit Na!
1. Papaano malalaman ng mga makalupang tagasunod ni Kristo na siya ay nagsimula nang mamahala sa langit?
NANG IHAGIS ni Jesu-Kristo si Satanas at ang kaniyang mga anghel mula sa langit at magpasimulang magpuno sa kaniyang Kaharian, nangahulugan yaon na malapit na ang katapusan ni Satanas at ng kaniyang masamang sistema. (Apocalipsis 12:7-12) Subali’t papaano malalaman ng mga tagasunod ni Kristo sa lupa na ang pangyayaring ito, na hindi nila nakikita, ay naganap na sa langit? Papaano nila malalaman na si Kristo ay naririto bagaman hindi nakikita taglay ang kapangyarihan ng Kaharian at na malapit na ang “katapusan ng sanlibutan”? Malalaman nila sa pamamagitan ng pagsusuri kung baga natutupad na ang “tanda” na ibinigay ni Jesus.
2. Anong tanong ang iniharap ng mga alagad ni Kristo sa kaniya?
2 Nang malapit nang mamatay si Jesus, samantalang siya ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, apat sa kaniyang mga apostol ang nagsilapit sa kaniya upang humingi ng “tanda.” Ang kanilang tanong ay nababasa ng milyun-milyong tao sa King James Version sa ganitong pananalita: “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanlibutan?” (Mateo 24:3) Ano talaga ang kahulugan ng mga pangungusap na “iyong pagparito” at “ang katapusan ng sanlibutan?”
3. (a) Ano ang talagang kahulugan ng mga pananalitang “iyong pagparito” at “ang katapusan ng sanlibutan”? (b) Papaano, kung gayon, wastong isinasalin ang tanong na ibinangon ng mga alagad ni Kristo?
3 Ang salitang Griyego na dito’y isinaling “pagparito” ay ang parousia, at nangangahulugan ito ng “pagkanaririto.” Kaya nga, kapag ang “tanda” ay nakita, nangangahulugan ito na alam natin na si Kristo ay naririto bagaman hindi nakikita, na siya ay dumating taglay ang kapangyarihan ng Kaharian. Ang pananalitang “katapusan ng sanlibutan” ay nakakalinlang din. Hindi nangangahulugan ito ng katapusan ng lupa, kundi, sa halip, ng katapusan ng sistema ng mga bagay ni Satanas. (2 Corinto 4:4) Kaya ang tanong ng mga apostol ay may kawastuang mababasa nang ganito: “Sabihin mo sa amin, Kailan magaganap ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?”—Mateo 24:3, New World Translation.
4. (a) Ano ang bumubuo sa “tanda” na ibinigay ni Jesus? (b) Papaano maihahambing ang “tanda” sa bakas ng isang daliri?
4 Hindi binanggit ni Jesus ang iisang pangyayari bilang “ang tanda.” Bumanggit siya ng maraming pangyayari at kalagayan. Bukod kay Mateo ang iba pang manunulat ng Bibliya ay bumanggit ng karagdagang mga pangyayari na magpapakilala sa “mga huling araw.” Lahat ng mga inihulang bagay na ito ay magaganap sa panahon na kung tawagin ng mga manunulat ng Bibliya ay “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5; 2 Pedro 3:3, 4) Ang mga pangyayaring ito ay magiging gaya ng iba’t-ibang guhit na bumubuo ng bakas ng daliri ng isang tao, isang bakas na hindi maaaring makatulad ng sinoman. Ang “mga huling araw” ay naglalaman ng sarili nitong mga palatandaan, o pangyayari. Ang mga ito ay bumubuo ng isang positibong “fingerprint” na hindi maaaring iukol sa alinmang ibang yugto ng panahon.
5, 6. Samantalang sinusuri ang 11 ebidensiya ng “mga huling araw” sa sumusunod na mga pahina, ano ang nauunawaan ninyo tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay”?
5 Sa kabanata 16 ng aklat na ito tinalakay natin ang katibayan mula sa Bibliya na si Kristo ay nagbalik na at nagpasimula nang maghari sa gitna ng kaniyang mga kaaway mula noong 1914. Ngayon maingat nating suriin ang iba’t-ibang bahagi ng “tanda” ng pagkanaririto ni Kristo at karagdagang patotoo hinggil sa “mga huling araw” ng masamang sistema ng mga bagay ni Satanas. Habang sinusuri ninyo ang inihulang mga bagay na ito sa susunod na apat na pahina, pansinin kung papaanong ang mga ito ay natutupad na mula pa noong 1914.
“ANG BANSA AY TITINDIG LABAN SA BANSA AT ANG KAHARIAN LABAN SA KAHARIAN.”—Mateo 24:7.
Tiyak na nakita ninyong natutupad ang bahaging ito ng “tanda” mula pa noong 1914! Nang taong yaon sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I. Kailanma’y hindi pa nagkaroon ng gayong kahindikhindik na digmaan sa kasaysayan. Yao’y isang panlahatang digmaan. Nahigitan ng Digmaang Pandaigdig I ang lahat ng pangunahing digmaan sa loob ng 2,400 taon bago ang 1914. Subali’t 21 taon lamang pagkaraan ng digmaang yaon, sumiklab naman ang Digmaang Pandaigdig II. Ang pinsalang dulot nito ay apat na ulit niyaong sa Digmaang Pandaigdig I.
Patuloy ang kakilakilabot na mga digmaan. Mula nang magwakas ang Digmaang Pandaigdig II noong 1945, mahigit na 25 milyong tao ang namatay sa mga 150 digmaan na pinaglabanan sa palibot ng globo. Sa bawa’t araw, may kalagitnaang bilang na 12 digmaan ang nagaganap sa daigdig. Ang Estados Unidos lamang ay may sapat na sandatang nukliyar upang patayin ang bawa’t lalaki, babae at bata sa lupa nang 12 ulit!
“MAGKAKAROON NG KAKAPUSAN SA PAGKAIN.”—Mateo 24:7.
Kasunod ng Digmaang Pandaigdig I ay ang pinakamalubhang taggutom sa buong kasaysayan. Sa hilagang Tsina lamang 15,000 ang namatay araw-araw dahil sa gutom. Subali’t ang kakapusan sa pagkain ay lalo pang naging matindi pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig II. Ikaapat na bahagi ng daigdig ang nagugutom noon! At buhat noon, ang pagkain ay nanatiling salat para sa maraming tao sa lupa.
“Bawa’t 8.6 segundo isang tao sa isang hindi maunlad na bansa ang namamatay bunga ng sakit na dulot ng malnutrisyon,” anang New York Times noong 1967. Milyun-milyon pa rin ang namamatay sa gutom—humigit-kumulang 50 milyon taun-taon! Noong 1980, ikaapat na bahagi ng tao sa lupa (1,000,000,000) ang nagugutom sapagka’t hindi sapat ang kanilang pagkain. Maging sa mga lugar na sagana sa pagkain, marami ang napakadukha upang makabili nito.
“SA IBA’T-IBANG DAKO AY MGA SALOT.”—Lucas 21:11.
Karakaraka matapos ang Digmaang Pandaigdig I mas maraming tao ang namatay dahil sa trangkaso Espaniyola kaysa alinmang salot sa kasaysayan ng sangkatauhan. Ang bilang ng namatay ay mga 21 milyong tao! Gayunma’y patuloy ang pananalanta ng salot at pagkakasakit. Milyun-milyon ang namamatay taun-taon dahil sa sakit sa puso at kanser. Mabilis ang paglaganap ng sakit benereal. Ang iba pang nakapangingilabot na sakit, gaya ng malaria, sistosoma at river blindness, ay nagaganap sa maraming bansa, lalo na sa Asya, Aprika at Latin Amerika.
“MAGKAKAROON NG . . . MGA LINDOL SA IBA’T-IBANG DAKO.”—Mateo 24:7.
Mula noong 1914 hanggang ngayon, nagkaroon ng mas malalakas na lindol kaysa alinmang katulad na haba ng panahon sa kasaysayan. Sa loob ng 1,000 taon, mula noong 856 C.E. hanggang 1914, nagkaroon lamang ng 24 na malalakas na lindol, na nakamatay ng 1,973,000. Subali’t sa 63 taon mula noong 1915 hanggang 1978, 1,600,000 tao ang namatay sa 43 malalakas na lindol.
“PAGLAGO NG KATAMPALASANAN.”—Mateo 24:12.
Mula sa buong daigdig ay natatanggap ang ulat hinggil sa lumalalang paglabag sa batas at krimen. Ang mga krimen ng karahasan, gaya ng pagpatay, panggagahasa at pagnanakaw, ay hindi na masugpo. Sa Estados Unidos lamang, isang malubhang krimen ang nagaganap sa bawa’t segundo, sa kalagitnaan. Sa maraming lugar ang isa ay hindi na ligtas sa lansangan, maging sa araw. Sa gabi ang mga tao ay nagkukulong sa kanilang mga bahay sa pamamagitan ng nakakandaduhang mga pinto, takot na lumabas.
“ANG MGA TAO AY NANLULUPAYPAY SA TAKOT.”—Lucas 21:26.
Malamang na ang takot ay siyang nangingibabaw na damdamin sa buhay ng mga tao ngayon. Hindi nagtagal pagkatapos pasabugin ang unang mga bombang nukliyar, sinabi ng siyentipikong atomiko na si Harold C. Urey: “Kakain tayo sa takot, matutulog sa takot, mabubuhay sa takot at mamamatay sa takot.” Ganito nga ang nangyayari sa kalakhang bahagi ng sangkatauhan. At ito’y hindi lamang dahil sa namamalaging banta ng digmaang nukliyar. Ikinatatakot din ng mga tao ang krimen, polusyon, sakit, implasyon at marami pang ibang bagay na nagbabanta sa kanilang katiwasayan at sa mismong mga buhay nila.
‘PAGSUWAY SA MGA MAGULANG.’—2 Timoteo 3:2.
Ang mga magulang sa ngayon ay nahihirapan nang sumupil sa kanilang mga anak. Ang mga kabataan ay naghihimagsik sa bawa’t uri ng autoridad. Kaya bawa’t bansa sa lupa ay apektado ng salot na krimen ng kabataan. Sa ibang bansa mahigit na kalahati ng malulubhang krimen ay ginaganap ng mga bata na ang edad ay 10 hanggang 17. Pagpatay, panggagahasa, pananalakay, pagnanakaw, panloloob at pagnanakaw ng kotse—lahat ng ito ay ginagawa ng mga kabataan. Sa buong kasaysayan ang pagsuway sa magulang ay hindi pa naging karaniwan na gaya sa ngayon.
“MAIBIGIN SA SALAPI.”—2 Timoteo 3:2.
Saanman kayo tumingin ngayon makakakita kayo ng kasakiman. Marami ang gagawa ng kahit ano dahil sa salapi. Magnanakaw sila o papatay. Pangkaraniwan nang ang mga sakim ay gumagawa at nagbibili ng mga paninda na kilala, sa iba’t-ibang paraan, bilang nakapipinsala o nakamamatay. Sa paraang hayagan, o sa kanilang paraan ng pamumuhay, sinasabi ng mga tao tungkol sa pera, ‘Ito ang aking diyos.’
“MGA MAIBIGIN SA KALAYAWAN KAYSA MGA MAIBIGIN SA DIYOS.”—2 Timoteo 3:4.
Karamihan ng tao ngayon ay nag-iisip lamang tungkol sa kung ano ang nakalulugod sa kanila o sa kanilang pamilya, hindi kung ano ang nakalulugod sa Diyos. Lalo pang minamahal ng marami ang mga bagay na hinahatulan ng Diyos, gaya ng pakikiapid, pangangalunya, paglalasing, pag-aabuso sa droga at iba pang itinuturing na mga kalayawan. Kahit ang paglilibang ay pinag-uukulan ng higit na pansin kaysa sa pagkatuto tungkol sa Diyos at paglilingkod sa kaniya.
“MAY ANYO NG KABANALAN NGUNI’T TINATANGGIHAN ANG KAPANGYARIHAN NITO.”—2 Timoteo 3:5.
Kapuwa ang mga pinuno ng daigdig at ang karaniwang mga mamamayan ay gumagawa ng panlabas na anyo ng pagiging maka-diyos. Maaaring nagsisimba sila at nag-aabuloy sa relihiyosong mga kapakanan. Yaong mga nasa gobiyerno ay maaaring manumpa sa Bibliya kapag nagsimulang manungkulan. Subali’t madalas na ito ay “anyo ng kabanalan” lamang. Gaya ng inihula ng Bibliya, ang tunay na pagsamba sa Diyos ay hindi isang tunay na puwersa sa buhay ng marami sa ngayon. Hindi sila napakikilos ng isang tunay na puwersa ukol sa kabutihan.
“NAGPAPAHAMAK NG LUPA.”—Apocalipsis 11:18.
Ang hangin na ating nilalanghap, ang tubig na ating iniinom at ang lupang pinagtatamnan ng ating pagkain ay nadudumhan. Napakalubha nito anupa’t nagbabala ang siyentipikong si Barry Commoner: “Naniniwala ako na ang patuluyang pagpaparumi sa lupa, kung hindi susupilin, ay hahantong sa pagkasira ng kakayahan ng planetang ito bilang dakong tirahan ng tao.”
6 Pagkatapos isaalang-alang ang mga bagay na ito, hindi ba maliwanag na “ang tanda” na ibinigay ni Kristo at ang mga ebidensiya na inihula ng kaniyang mga alagad ay pawang natutupad na ngayon? Bagaman marami pang ibang patotoo, yaong nakatala dito ay sapat na upang ipakita na talagang tayo ay nabubuhay sa panahon na inihula ng Bibliya bilang ang “mga huling araw.”
7. (a) Bakit kapansinpansin ang mga hula ng Bibliya hinggil sa pagkanaririto ni Kristo at ng “mga huling araw”? (b) Kabaligtaran ng inihula ng Bibliya, ano ang pinapanukala ng mga pinuno ng daigdig bago ang 1914?
7 Nguni’t sasabihin marahil ng iba: ‘Ang mga bagay na gaya ng digmaan, gutom, salot at lindol ay madalas maganap sa buong kasaysayan. Kaya hindi mahirap hulaan na ang mga ito ay magaganap uli.’ Pero isipin ito: Hindi lamang ito inihula ng Bibliya, kundi ipinahiwatig na ito’y magaganap sa pandaigdig na lawak. At saka, sinabi ng Bibliya na lahat ng bagay na ito ay magaganap sa lahi na nabubuhay noong 1914. Gayunma’y ano ba ang inihuhula ng prominenteng mga pinuno ng daigdig bago ang 1914? Sinasabi nila na ang mga pag-asa ukol sa pandaigdig na kapayapaan ay hindi kailanman naging gayong kaganda. Subali’t ang kakilakilabot na mga bagay na inihula ng Bibliya ay naganap nang tamang-tama sa panahon, noong 1914! Sa katunayan, sinasabi ngayon ng mga pinuno ng daigdig na ang 1914 ay isang yugto ng pagbabago sa kasaysayan.
8. (a) Aling lahi ang tinukoy ni Jesus na siyang makakakita ng wakas ng sistema ng mga bagay? (b) Kaya sa ano tayo makatitiyak?
8 Pagkatapos akayin ang pansin sa maraming bagay na nagpapakilala sa panahon mula noong 1914 patuloy, sinabi ni Jesus: “Hindi lilipas ang lahing ito hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito [lakip na ang katapusan ng sistemang ito].” (Mateo 24:34, 14) Aling lahi ang tinutukoy ni Jesus? Tinukoy niya ang lahi ng mga tao na nabubuhay noong 1914. Napakatanda na ngayon ng mga taong natitira mula sa lahing yaon. Gayumpaman, ang ilan sa kanila ay mananatiling buháy upang makita ang katapusan ng masamang sistemang ito. Kaya ito ang matitiyak natin: Hindi na matatagalan at magkakaroon ng biglang kawakasan ang lahat ng kasamaan at masasamang tao sa Armahedon.
[Larawan sa pahina 149]
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad kung ano ang magiging nakikitang patotoo ng di-nakikitang presensiya niya taglay ang kapangyarihan ng Kaharian
[Larawan sa pahina 154]
1914—ARMAHEDON
Ilan sa lahing nabubuhay noong 1914 ay makakakita at makakaligtas sa wakas ng sistema ng mga bagay