Kristiyanong mga Saksi Ukol sa Banal na Soberanya
“‘Ipahayag ninyo nang malawakan ang mga kamahalan’ ng isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.”—1 PEDRO 2:9.
1. Anong mabisang patotoo tungkol kay Jehova ang naibigay bago ang panahong Kristiyano?
BAGO ang panahong Kristiyano, isang mahabang talaan ng mga saksi ang buong-tapang na nagpatotoo na si Jehova ang tanging tunay na Diyos. (Hebreo 11:4–12:1) Taglay ang matibay na pananampalataya, walang-takot na sinunod nila ang mga batas ni Jehova at tumangging makipagkompromiso sa mga bagay na may kinalaman sa pagsamba. Sila’y nagbigay ng mabisang patotoo sa pansansinukob na soberanya ni Jehova.—Awit 18:21-23; 47:1, 2.
2. (a) Sino ang pinakadakilang Saksi ni Jehova? (b) Sino ang humalili sa bansang Israel bilang saksi ni Jehova? Papaano natin nalalaman?
2 Ang pinakahuli at pinakadakilang saksi bago ang panahong Kristiyano ay si Juan Bautista. (Mateo 11:11) Siya’y nagkapribilehiyo na ibalita ang pagdating ng Isa na Pinili, at ipinakilala niya si Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas. (Juan 1:29-34) Ang pinakadakilang Saksi ni Jehova ay si Jesus, “ang saksing tapat at totoo.” (Apocalipsis 3:14) Dahil si Jesus ay itinakwil ng likas na Israel, sila ay itinakwil ni Jehova at humirang ng isang bagong bansa, ang espirituwal na Israel ng Diyos, upang maging kaniyang saksi. (Isaias 42:8-12; Juan 1:11, 12; Galacia 6:16) Sinipi ni Pedro ang isang hula tungkol sa Israel at ipinakita na kumakapit ito sa “Israel ng Diyos,” ang Kristiyanong kongregasyon, nang kaniyang sabihin: “Kayo ay ‘isang lahing pinili, isang maharlikang pagkasaserdote, isang bansang banal, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang maipahayag ninyo nang malawakan ang mga kamahalan’ ng isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.”—1 Pedro 2:9; Exodo 19:5, 6; Isaias 43:21; 60:2.
3. Ano ang pangunahing pananagutan ng Israel ng Diyos at ng “malaking pulutong”?
3 Ipinakikita ng mga salita ni Pedro na ang pangunahing pananagutan ng Israel ng Diyos ay ang magpatotoo sa madla tungkol sa kaluwalhatian ni Jehova. Sa ating kaarawan nakikisama sa espirituwal na bansang ito ang “isang malaking pulutong” ng mga saksi na lumuluwalhati rin sa Diyos nang hayagan. Sila’y sumisigaw nang may malakas na tinig upang marinig ng lahat: “Kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.” (Apocalipsis 7:9, 10; Isaias 60:8-10) Papaano maisasakatuparan ng Israel ng Diyos at ng mga kasama nito ang kanilang pagpapatotoo? Sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya at pagsunod.
Mga Bulaang Saksi
4. Bakit mga bulaang saksi ang mga Judio noong kaarawan ni Jesus?
4 Kasangkot sa pananampalataya at pagsunod ang pamumuhay ayon sa maka-Diyos na mga simulain. Nakikita ang kahalagahan nito sa sinabi ni Jesus tungkol sa mga Judiong pinuno ng relihiyon noong kaniyang kaarawan. Ang mga ito ay “umupo sa upuan ni Moises” bilang mga guro ng Batas. Nagsugo pa man din sila ng mga misyonero upang kumbertihin ang mga di-nananampalataya. Gayunman, sinabi ni Jesus sa kanila: “Tinatawid ninyo ang dagat at ang tuyong lupa upang gawing proselita ang isa, at kapag siya ay naging gayon ay ginagawa ninyo siyang sakop para sa Gehenna na makalawang ulit pa kaysa sa inyong mga sarili.” Ang mga relihiyonistang ito ay mga bulaang saksi—mga hambog, mapagpaimbabaw, at di-maibigin. (Mateo 23:1-12, 15) Minsan ay sinabi ni Jesus sa ilang Judio: “Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo, at ninanais ninyong gawin ang mga nasa ng inyong ama.” Bakit sasabihin ni Jesus ang gayong bagay sa mga miyembro ng bansang pinili ng Diyos? Sapagkat ayaw nilang pakinggan ang mga salita ng pinakadakilang Saksi ni Jehova.—Juan 8:41, 44, 47.
5. Papaano natin nalalaman na ang Sangkakristiyanuhan ay nagbigay ng bulaang patotoo tungkol sa Diyos?
5 Sa katulad na paraan, noong mga siglo sapol ng panahon ni Jesus, inangkin ng daan-daang milyon sa Sangkakristiyanuhan na sila’y kaniyang mga alagad. Datapuwâ, hindi nila ginawa ang kalooban ng Diyos at sa gayo’y hindi sila kinilala ni Jesus. (Mateo 7:21-23; 1 Corinto 13:1-3) Ang Sangkakristiyanuhan ay nagsugo ng mga misyonero, marami sa mga ito ay tiyak na taimtim. Gayunman, tinuruan nila ang mga tao na sambahin ang isang Trinitaryong diyos na sumusunog ng mga makasalanan sa apoy ng impiyerno, at karamihan sa kanilang mga nakumberte ay hindi nagtataglay ng katunayan ng pagiging Kristiyano. Halimbawa, ang Aprikanong lupain ng Rwanda ay naging isang mayamang bukirin para sa mga misyonerong Katoliko Romano. Subalit, buong-pusong nakibahagi ang mga Katolikong taga-Rwanda sa kamakailang pagdidigmaan ng mga lipi sa lupaing iyan. Ipinakikita ng mga bunga sa bukiring iyan ng mga misyonero na hindi nito natamo ang tunay na Kristiyanong patotoo buhat sa Sangkakristiyanuhan.—Mateo 7:15-20.
Pamumuhay Ayon sa Maka-Diyos na mga Simulain
6. Sa anu-anong paraan ang wastong paggawi ay isang mahalagang bahagi ng pagpapatotoo?
6 Ang maling paggawi niyaong mga nag-aangking Kristiyano ay nagdudulot ng kadustaan sa “daan ng katotohanan.” (2 Pedro 2:2) Ang isang tunay na Kristiyano ay namumuhay ayon sa maka-Diyos na mga simulain. Hindi siya nagnanakaw, nagsisinungaling, nandaraya, o gumagawa ng imoralidad. (Roma 2:22) Tiyak na hindi siya pumapatay ng kaniyang kapuwa. Ang Kristiyanong mga asawang lalaki ay maibiging nangangasiwa sa kani-kanilang pamilya. Magalang na sinusuportahan ng mga asawang babae ang pangangasiwang iyan. Ang mga anak ay sinasanay ng kanilang mga magulang at sa gayo’y naihahanda upang maging responsableng mga adultong Kristiyano. (Efeso 5:21–6:4) Totoo, lahat tayo ay di-sakdal at nagkakamali. Subalit iginagalang ng isang tunay na Kristiyano ang mga pamantayan ng Bibliya at taimtim na nagsisikap na ikapit ang mga ito. Ito ay napapansin ng iba at nagbibigay ng mainam na patotoo. Kung minsan, yaong mga dating salansang sa katotohanan ay nakamasid sa wastong paggawi ng isang Kristiyano at dahil dito sila ay nawagi.—1 Pedro 2:12, 15; 3:1.
7. Gaano kahalaga na ibigin ng mga Kristiyano ang isa’t isa?
7 Ipinakita ni Jesus ang isang mahalagang bahagi ng Kristiyanong paggawi nang sabihin niya: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Nakikilala ang sanlibutan ni Satanas dahil sa “kalikuan, kabalakyutan, kaimbutan, kasamaan, punô ng inggit, pagpaslang, alitan, panlilinlang, mapaminsalang disposisyon, na mga mapagbulong, mga mapanira sa talikuran, mga napopoot sa Diyos, mga walang-pakundangan, mga palalo, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga mangangatha ng nakapipinsalang mga bagay, mga masuwayin sa mga magulang.” (Roma 1:29, 30) Sa gayong kapaligiran, ang isang pambuong-daigdig na organisasyon na nagtataglay ng pag-ibig ay magiging isang matibay na ebidensiya ng pagkilos ng espiritu ng Diyos—isang mabisang patotoo. Ang mga Saksi ni Jehova ang bumubuo sa gayong organisasyon.—1 Pedro 2:17.
Ang mga Saksi ay mga Estudyante ng Bibliya
8, 9. (a) Papaano napatibay ang salmista sa kaniyang pag-aaral at pagbubulay-bulay sa Batas ng Diyos? (b) Sa anu-anong paraan mapatitibay tayo ng pag-aaral at pagbubulay-bulay sa Bibliya upang patuloy na magpatotoo?
8 Upang magtagumpay sa pagbibigay ng mainam na patotoo, kailangang malaman at mahalin ng isang Kristiyano ang matutuwid na simulain ni Jehova at totoong kapootan ang kasamaan ng sanlibutan. (Awit 97:10) Mapanghikayat ang sanlibutan sa pagtataguyod ng sarili nitong kaisipan, at ang espiritu nito ay maaaring mahirap na tanggihan. (Efeso 2:1-3; 1 Juan 2:15, 16) Ano ang makatutulong sa atin upang panatilihin ang wastong saloobin ng kaisipan? Ang regular at makabuluhang pag-aaral ng Bibliya. Maraming beses na inulit ng manunulat ng Awit 119 ang kaniyang pag-ibig sa Batas ni Jehova. Kaniyang binabasa iyon at binubulay-bulay nang palagian, “buong araw.” (Awit 119:92, 93, 97-105) Bilang resulta, naisulat niya: “Kinapootan ko ang kabulaanan, at patuloy kong kinasusuklaman iyon. Iniibig ko ang iyong batas.” Bukod dito, pinakikilos siya ng kaniyang matinding pag-ibig. Ganito ang sabi niya: “Pitong ulit sa isang araw na pinuri kita dahil sa iyong matuwid na mga hudisyal na pasiya.”—Awit 119:163, 164.
9 Sa katulad na paraan, ang ating regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos at pagbubulay-bulay dito ay aantig ng ating puso at magpapakilos sa atin na ‘purihin siya’—magpatotoo tungkol kay Jehova—nang malimit, kahit “pitong ulit sa isang araw.” (Roma 10:10) Kasuwato nito, sinasabi ng manunulat ng unang awit na ang isang regular na nagbubulay-bulay sa mga salita ni Jehova ay “tiyak na magiging kagaya ng isang punungkahoy na naitanim sa tabi ng daloy ng tubig, na nagbibigay ng bunga nito sa kapanahunan at ang mga dahon nito ay hindi nalalanta, at lahat ng bagay na ginagawa niya ay magtatagumpay.” (Awit 1:3) Ipinakita rin ni apostol Pablo ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos nang sumulat siya: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17.
10. Ano ang maliwanag hinggil sa bayan ni Jehova sa mga huling araw na ito?
10 Ang mabilis na pagsulong sa bilang ng tunay na mga mananamba sa ika-20 siglong ito ay nagpapahiwatig ng pagpapala ni Jehova. Walang alinlangan, bilang isang grupo, ang modernong-panahong mga saksing ito para sa banal na soberanya ay nakapaglinang sa kanilang puso ng pag-ibig sa batas ni Jehova. Tulad ng salmista, sila’y napakilos na sundin ang Kaniyang batas at may katapatang magpatotoo “araw at gabi” tungkol sa kaluwalhatian ni Jehova.—Apocalipsis 7:15.
Makapangyarihang mga Gawa ni Jehova
11, 12. Ano ang naisakatuparan ng mga himalang ginawa ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod?
11 Noong unang siglo, ang tapat na mga Kristiyanong saksi ay binigyang-kapangyarihan ng banal na espiritu upang gumawa ng mga himala, na nagbigay ng matibay na ebidensiya na ang kanilang patotoo ay tunay. Nang nasa bilangguan si Juan Bautista, nagsugo siya ng mga alagad upang itanong kay Jesus: “Ikaw ba ang Isa na Darating, o aasahan ba namin ang iba pa?” Hindi sumagot si Jesus ng oo o hindi. Sa halip, sinabi niya: “Humayo kayo at iulat ninyo kay Juan ang inyong naririnig at nakikita: Ang mga bulag ay nakakakitang muli, at ang mga pilay ay lumalakad, ang mga ketongin ay nalilinisan at ang mga bingi ay nakaririnig, at ang mga patay ay ibinabangon, at ang mga dukha ay pinapahayagan ng mabuting balita; at maligaya siya na hindi nakasusumpong sa akin ng sanhi ng ikatitisod.” (Mateo 11:3-6) Ang makapangyarihang mga gawang ito ay nagsilbing patotoo kay Juan na si Jesus na nga “ang Isa na Darating.”—Gawa 2:22.
12 Sa katulad na paraan, ang ilan sa mga tagasunod ni Jesus ay nagpagaling ng mga maysakit at bumuhay pa nga ng mga patay. (Gawa 5:15, 16; 20:9-12) Ang mga himalang ito ay para na ring patotoo mula sa Diyos mismo alang-alang sa kanila. (Hebreo 2:4) At ang gayong mga gawa ay nagtanghal ng nakahihigit-sa-lahat na kapangyarihan ni Jehova. Halimbawa, totoo na si Satanas, “ang tagapamahala ng sanlibutan,” ay may kakayahang magpangyari ng kamatayan. (Juan 14:30; Hebreo 2:14) Subalit nang ibangon ni Pedro ang tapat na babaing si Dorcas mula sa mga patay, nagawa lamang niya iyon sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jehova, yamang tanging Siya lamang ang makapagsasauli ng buhay.—Awit 16:10; 36:9; Gawa 2:25-27; 9:36-43.
13. (a) Sa anong paraan ang mga himala sa Bibliya ay nagpapatotoo pa rin sa kapangyarihan ni Jehova? (b) Papaanong ang katuparan ng hula ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa pagpapatotoo sa pagka-Diyos ni Jehova?
13 Sa ngayon, hindi na nagaganap ang gayong mga himala. Natupad na ang layunin ng mga ito. (1 Corinto 13:8) Gayunpaman, taglay pa rin natin ang mga ulat nito sa Bibliya, na pinatunayan ng maraming nakamasid. Kapag inaakay ng mga Kristiyano sa ngayon ang pansin sa mga salaysay na ito, ang mga gawang iyon ay nagbibigay pa rin ng mabisang patotoo sa kapangyarihan ni Jehova. (1 Corinto 15:3-6) Karagdagan pa, noong kaarawan ni Isaias, tinukoy ni Jehova ang wastong hula bilang isang litaw na katibayan na Siya ang tunay na Diyos. (Isaias 46:8-11) Natutupad sa ngayon ang maraming kinasihan-ng-Diyos na mga hula—ang ilan sa mga ito ay natutupad sa Kristiyanong kongregasyon. (Isaias 60:8-10; Daniel 12:6-12; Malakias 3:17, 18; Mateo 24:9; Apocalipsis 11:1-13) Bukod pa sa pagtukoy na tayo ay nabubuhay sa “mga huling araw,” ipinagbabangong-puri ng katuparan ng mga hulang ito si Jehova bilang ang tanging tunay na Diyos.—2 Timoteo 3:1.
14. Sa anu-anong paraan ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa modernong panahon ay isang mabisang patotoo na si Jehova ang Soberanong Panginoon?
14 Sa wakas, gumagawa pa rin si Jehova ng mga dakilang bagay, kamangha-manghang mga bagay, para sa kaniyang bayan. Ang lalong lumiliwanag na katotohanan sa Bibliya ay itinuturo ng espiritu ni Jehova. (Awit 86:10; Apocalipsis 4:5, 6) Ang mahahalagang pagsulong na iniuulat sa buong daigdig ay ebidensiya na si Jehova ang ‘nagpapabilis nito sa kaniyang sariling kapanahunan.’ (Isaias 60:22) Nang sumiklab ang mahigpit na pag-uusig sa sunud-sunod na mga bansa sa mga huling araw, ang may lakas ng loob na pagbabata ng bayan ni Jehova ay naging posible dahil sa nagpapalakas na alalay ng banal na espiritu. (Awit 18:1, 2, 17, 18; 2 Corinto 1:8-10) Oo, ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa modernong panahon ay isang mabisang patotoo mismo na si Jehova ang Soberanong Panginoon.—Zacarias 4:6.
Ipangangaral ang Mabuting Balita
15. Anong pinalawak na patotoo ang kailangang maibigay ng Kristiyanong kongregasyon?
15 Inatasan ni Jehova ang Israel bilang kaniyang saksi sa mga bansa. (Isaias 43:10) Gayunman, iilan lamang na mga Israelita ang inutusan ng Diyos na humayo at mangaral sa mga di-Israelita, at karaniwan nang ito’y upang ipahayag ang mga kahatulan ni Jehova. (Jeremias 1:5; Jonas 1:1, 2) Gayunpaman, ang mga hula sa Hebreong Kasulatan ay nagpapahiwatig na darating ang araw na ibabaling ni Jehova ang kaniyang pansin sa mga bansa sa isang malawakang paraan, at ginawa niya ito sa pamamagitan ng espirituwal na Israel ng Diyos. (Isaias 2:2-4; 62:2) Bago umakyat sa langit, inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19) Samantalang si Jesus ay nagtuon ng pansin sa “nawawalang mga tupa ng bahay ng Israel,” isinugo naman ang kaniyang mga tagasunod sa “lahat ng mga bansa,” maging “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Mateo 15:24; Gawa 1:8) Kailangang marinig ng buong sangkatauhan ang Kristiyanong patotoo.
16. Anong atas ang tinupad ng unang-siglong Kristiyanong kongregasyon, at sa anong lawak?
16 Ipinakita ni Pablo na ito’y lubusan niyang nauunawaan. Pagsapit ng taong 61 C.E., masasabi nga niya na ang mabuting balita ay “namumunga at lumalago sa buong sanlibutan.” Ang mabuting balita ay hindi lamang para sa isang bansa o sekta, tulad niyaong nagsasagawa ng “pagsamba sa mga anghel.” Sa halip, ito ay hayagang “ipinangaral sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.” (Colosas 1:6, 23; 2:13, 14, 16-18) Sa gayon, tinupad ng Israel ng Diyos noong unang siglo ang atas nito na “ ‘ipahayag nang malawakan ang mga kamahalan’ ng isa na tumawag [sa kanila] mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.”
17. Papaano patuloy na natutupad sa malawak na paraan ang Mateo 24:14?
17 Gayunpaman, ang gawaing pangangaral na iyon noong unang siglo ay patikim lamang ng kung ano ang maisasakatuparan sa mga huling araw. Sa pagtanaw sa hinaharap lalo na sa ating panahon, ganito ang sabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14; Marcos 13:10) Natupad ba ang hulang ito? Oo, natupad ito. Buhat sa maliit na pasimula noong 1919, ang pangangaral ng mabuting balita ay umaabot na ngayon sa mahigit na 230 bansa. Ang patotoo ay naririnig sa nagyeyelong Hilaga at sa maalinsangang tropiko. Nalalaganapan ang malalaking kontinente, at nasasaliksik ang malalayong isla upang mapatotohanan ang mga naninirahan doon. Kahit sa gitna ng matinding kaguluhan, tulad ng digmaan sa Bosnia at Herzegovina, patuloy na ipinangangaral ang mabuting balita. Gaya noong unang siglo, ang patotoo ay namumunga sa “buong sanlibutan.” Ang mabuting balita ay hayagang ibinabalita “sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.” Ang resulta? Una, ang mga nalabi ng Israel ng Diyos ay natipon “mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa.” Pangalawa, milyun-milyon sa “malaking pulutong” ang sinimulang dalhin buhat sa “lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Apocalipsis 5:9; 7:9) Ang Mateo 24:14 ay patuloy na natutupad sa isang malawak na paraan.
18. Ano ang ilang bagay na naisakatuparan ng pambuong-daigdig na pangangaral ng mabuting balita?
18 Ang pambuong-daigdig na pangangaral ng mabuting balita ay tumutulong upang patunayan na nagsimula na ang maharlikang pagkanaririto ni Jesus. (Mateo 24:3) Isa pa, ito ang pangunahing paraan na kung saan “ang aanihin sa lupa” ay ginagapas na, habang inaakay nito ang mga tao sa tanging tunay na pag-asa ng sangkatauhan, ang Kaharian ni Jehova. (Apocalipsis 14:15, 16) Yamang ang tunay na mga Kristiyano lamang ang nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita, ang mahalagang gawaing ito ay nakatutulong upang makilala ang tunay na mga Kristiyano buhat sa mga huwad. (Malakias 3:18) Sa ganitong paraan, nagbubunga ito ng kaligtasan niyaong mga nangangaral gayundin niyaong mga tumutugon. (1 Timoteo 4:16) Higit sa lahat, ang pangangaral ng mabuting balita ay nagdudulot ng kapurihan at karangalan sa Diyos na Jehova, ang isa na nag-utos na ito ay isagawa, na siyang sumusuporta sa mga nagsasagawa nito, at siya na ginagawa itong mabunga.—2 Corinto 4:7.
19. Anong pasiya ang pinatitibay-loob na taglayin ng mga Kristiyano habang pumapasok sila sa bagong taon ng paglilingkod?
19 Hindi nakapagtataka na si apostol Pablo ay napakilos na magsabi: “Ako ay aba kung hindi ko ipinahayag ang mabuting balita!” (1 Corinto 9:16) Ganito rin ang nadarama ng mga Kristiyano sa ngayon. Isang dakilang pribilehiyo at malaking pananagutan na maging “mga kamanggagawa ng Diyos,” na nagpapasikat ng liwanag ng katotohanan sa madilim na sanlibutang ito. (1 Corinto 3:9; Isaias 60:2, 3) Ang gawain na nagkaroon ng maliit na pasimula noong 1919 ay umabot na ngayon sa nakapanggigilalas na antas. Halos limang milyong Kristiyano ang nagpapatotoo sa banal na soberanya habang gumugugol sila ng mahigit sa isang bilyong oras sa isang taon upang dalhin sa iba ang mensahe ng kaligtasan. Anong laking kagalakan na magkaroon ng bahagi sa gawaing ito ng pagpapabanal sa pangalan ni Jehova! Habang papasók tayo sa 1996 taon ng paglilingkod, nawa’y maging pasiya natin na huwag magmabagal. Sa halip, diringgin natin higit kailanman ang mga salita ni Pablo kay Timoteo: “Ipangaral mo ang salita, maging apurahan ka rito.” (2 Timoteo 4:2) Habang ginagawa natin ito, buong-puso tayong nananalangin na nawa’y patuloy na pagpalain ni Jehova ang ating mga pagsisikap.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Sino ang humalili sa Israel bilang “saksi” ni Jehova sa mga bansa?
◻ Papaano nakatutulong sa pagpapatotoo ang Kristiyanong paggawi?
◻ Bakit ang pag-aaral at pagbubulay-bulay sa Bibliya ay mahalaga para sa mga Kristiyanong Saksi?
◻ Sa anong paraan ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa modernong panahon ay nagsisilbing patotoo na si Jehova ang tunay na Diyos?
◻ Ano ang naisasakatuparan ng pangangaral ng mabuting balita?
[Mga larawan sa pahina 15]
Sa halip na sa iilan lamang, ang mabuting balita ay ipinangangaral ngayon “sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit”