Pag-oorganisa Ngayon Para sa Sanlibong Taóng Darating
“Sila’y . . . maghaharing kasama niya nang sanlibong taon.”—APOCALIPSIS 20:6.
1. Ano ang magiging kalagayan ng mga bagay sa lupa makalipas ang mahigit na isang libong taon mula ngayon?
ANO! Ibig ba naming sabihin na makalipas ang mahigit na isang libong taon mula ngayon, ang sangkatauhan ay naririto pa rin sa lupa? Iyang-iyan ang ibig naming sabihin! At higit sa lahat, lahat ng tao sa panahong iyon ay magiging sakdal sa katawan, puso, at isip—katulad ng unang lalaki at babae nang magsimula ang buhay ng tao sa globong ito. Oo, isang libong taon mula ngayon, ang mga tao ay magiging kawangis at kalarawan ng kanilang Diyos at Tagapagligtas. (Genesis 1:26-30) Sila’y lubusang maliligayahan sa buhay sa isang “halamanan ng Eden,” isang paraiso ng kaluguran, sa isang lupang nilinis na hindi na magsisiksikan sa mga taong naninirahan doon. (Genesis 2:15) Lahat ng ito ay magiging katuparan ng panimulang layunin ng Maylikha sa lupa at sa mga mananahanan dito. Ang magandang tagumpay na ito ay magbabangong puri sa kaniya bilang tapat sa kaniyang maibiging pangako na pagpalain ang buong sangkatauhan sa kabila ng lahat ng pananalansang.
2. Papaanong sa mahigit na 19 na siglo nang lumipas ay may mga taong nakakita ng magiging katulad ng pinasakdal na mga tao?
2 Ang pinagpalang tagumpay na iyon ang magsisilbing tugatog ng Sanlibong Taóng Paghahari ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang niluwalhating Anak na gumugol ng 33 1/2 taon sa lupa bilang isang sakdal na tao mahigit na 19 na siglo na ang lumipas. Tungkol sa kaniyang anyo noon, ating mababasa: “Ang Salita ay naging laman at tumahan sa gitna natin, at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, isang kaluwalhatian na gaya ng sa isang bugtong na anak ng isang ama; at siya’y puspos ng di-na sana nararapat na awa at ng katotohanan.” (Juan 1:14) Kaya kay Jesu-Kristo, nakita noon ng mga tao ng Israel kung ano ang katulad ng isang sakdal na tao. (Lucas 3:23, 38) Oo, 19 na siglo ang lumipas nakita ng ilang mga tao ang magiging katulad ng pinasakdal na mga tao sa dumarating na makalupang Paraiso.
3, 4. (a) Gaanong kahaba sa aktual ang paghahari ni Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at ng 144,000? (b) Ano ang tawag sa yugto ng panahong iyon, at papaano ipinahiwatig iyan ng mga titulo ng mga ilang lathalain ng Watch Tower?
3 Ang haba ng pamamahala ng Kaharian ni Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at ng kaniyang 144,000 niluwalhating mga alagad ay tinukoy sa hula na magiging isang libong taon. Tungkol sa Sanlibong Taóng Paghahari na iyon, ang matanda nang apostol na si Juan ay sumulat: “Nakita ko ang mga trono, at may mga nakaupo roon, at binigyan sila ng kapangyarihang maghukom. Oo, nakita ko ang mga kaluluwa ng mga pinatay ng palakol dahil sa kanilang pagpapatotoo tungkol kay Jesus at sa pagsasalita tungkol sa Diyos, at sila’y hindi sumamba sa mabangis na hayop ni sa kaniyang larawan man at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay. At sila’y nabuhay at naghari na kasama ng Kristo nang may isang libong taon. (Ang iba pa sa mga patay ay hindi nangabuhay kundi hanggang sa natapos ang isang libong taon.) Ito ang unang pagkabuhay-muli. Maligaya at banal ang sinuman na may bahagi sa unang pagkabuhay-muli; sa kanila’y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan, kundi sila’y magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at maghaharing kasama niya nang sanlibong taon.”—Apocalipsis 20:4-6.
4 Yamang ang isang libong taon ay isang milenyo, ang yugto ng panahong iyan ay tinatawag na Milenaryong Paghahari ni Kristo. Yaong mga tumatanggap at nagtuturo ng doktrinang ito ng Bibliya ay kung minsan tinatawag na mga milenaryan o chiliasts, ayon sa salitang Griego para sa “sanlibo.” Kapuna-puna, ang mga tomo ng Studies in the Scriptures (noong una’y inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society) ay nang panimula tinatawag na Millennial Dawn. At ang aklat-awitan na ginamit noong una ng International Bible Students ay pinamagatang Hymns of the Millennial Dawn.
5. Ano ang magiging kalagayan ni Satanas at ng mga demonyo sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo?
5 Ang pananalitang “isang libong taon” sa Apocalipsis 20:4 ay hindi simboliko kundi tumutukoy sa isang libong taóng solar. Sa panahon ng Milenyong iyan, si Satanas na Diyablo at ang kaniyang hukbo ng mga demonyo ay mapasasa-kalaliman, sapagkat sa mismong sandali bago sabihin ang tungkol sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, sinabi ni apostol Juan: “Nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit at hawak ang susi ng kalaliman at isang malaking tanikala. At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at iginapos siya ng isang libong taon. At siya’y inihagis niya sa kalaliman at sinarhan at tinatakan ang pinto nito, upang hindi siya makapandaya pa sa mga bansa hanggang sa matapos ang isang libong taon. Pagkatapos nito’y palalayain siya nang maikling panahon.”—Apocalipsis 20:1-3.
6. (a) Anong petsa ang ibinibigay ng mga ilang Romanong Katoliko para sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo? (b) Kung ang sinasabi ng mga Katoliko ay totoo, gaano nang kahaba ang kaunting panahon ng pagkapalaya kay Satanas buhat sa walang-hanggang hukay?
6 Sinasabi ng mga ilang Romano Katoliko na ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo ay natapos noong 1799 nang mabihag ng mga hukbong Pranses ang Roma at inalis ang papa bilang tagapamahala niyaon, kaya’t siya bilang isang bilanggo ay ipinatapon sa Pransiya, at doon siya namatay. Sinabi ng klerong Katoliko na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay noon pinalaya buhat sa “walang-hanggang hukay,” o “ang kalaliman,” upang muling ipagpatuloy ang kanilang gawang pandaraya ng “kaunting panahon.” (Apocalipsis 20:1-3, Katolikong Douay Version) Kung totoo iyan, mangangahulugan na ang “kaunting panahon” ay nagpapatuloy na sa loob ng 190 taon, anupa’t ang wakas niyaon ay hindi man lamang natatanaw.
7. Ano ang ipinakikita ng Bibliya tungkol sa panahon at sa magaganap sa Milenaryong Paghahari ni Jesu-Kristo?
7 Datapuwat, sang-ayon sa Kasulatan ang tunay na Milenaryong Paghahari ni Jesu-Kristo ay sa hinaharap pa. Ang kasalukuyang-panahong katuparan sa Bibliya ay nagpapakita na ito ay napakalapit na. Sa panahon ng tunay na Milenaryo, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay aktuwal na ikukulong sa kalaliman, at si Jesu-Kristo at ang kaniyang 144,000 mga kasamang tagapagmana ay maghahari sa buong sangkatauhan nang walang panghihimasok buhat sa organisasyon ng Diyablo. Ang walang-hanggang pagpapala sa lahat ng natubos na mga tao, bilang katuparan ng tipan ni Jehova sa kaniyang “kaibigan” na si Abraham, ay magpapasimula sa “malaking pulutong,” na makaliligtas sa walang-katulad na “kapighatian” na siyang tatapos sa balakyot na sistemang ito. Ito ay aabot hanggang sa bilyun-bilyong mga taong nangamatay na tinubos ng “dugo ng Kordero,” si Jesu-Kristo. (Santiago 2:21-23; Apocalipsis 7:1-17; Genesis 12:3; 22:15-18; Mateo 24:21, 22) Sa layuning ito, ang mga ito ay bubuhaying-muli buhat sa kanilang pagkatulog sa kamatayan sa mga alaalang libingan upang mamuhay dito sa lupa.—Juan 5:28, 29.
Isang Organisasyong Kristiyano
8. Anong organisasyon ang itinawag-pansin ng aklat na The New Creation, subalit anong pang-organisasyong gawain ang hindi inilarawan niyaon?
8 Sa katuparan ng layunin ng Diyos, isang bagong organisasyon ang nauna na mga daan-daang taon bago pa dumating ang mga pagpapalang iyon. Tungkol sa organisasyong iyan, ating mababasa: “Kung ang sinuman ay kaisa ni Kristo, siya’y isang bagong nilalang.” “Ang pagtutuli ay walang anuman, kahit man ang di-pagtutuli, kundi ang bagong nilalang [isang bagong nilikha, King James Version].” (2 Corinto 5:17; Galacia 6:15) Kahit noon pang 1904, ang aklat na The New Creation ay tumawag-pansin tungkol sa bagong organisasyong ito na natatag noong unang siglo C.E. (Studies in the Scriptures, Serye VI, Study V, na pinamagatang “The Organization of the New Creation”) Dahilan sa paniniwala nito tungkol sa kahulugan ng katapusan ng mga Panahong Gentil noong 1914, sa aklat na iyan ay hindi inilarawan ang kahanga-hangang pang-organisasyong gawain na nakatakdang maganap pagkatapos ng pinsalang naidulot ng unang digmaang pandaigdig sa kasaysayan ng tao.—Lucas 21:24, KJ.
9. Anong pagkakataon ang sinamantala ng nalabi ng bagong paglalang?
9 Ang pagkaligtas ng nalabi ng espirituwal na bagong paglalang sa katapusan ng Digmaang Pandaigdig I noong 1918 at ang kanilang pananatiling buháy sa laman pagkatapos ng digmaan noong 1919 ay isang kamangha-manghang sorpresa. Subalit hindi nagsimula ang mga kalagayan ng milenyo. Maliwanag, kung gayon, na mayroon pang gawain para sa nalabi ng bagong paglalang upang isagawa sa lupa bago matupad ang kanilang makalangit na pag-asa na makasama ni Jesu-Kristo sa gawain sa milenyo. Samakatuwid, ang lubhang kailangan ay ang muling pasiglahin at muling organisahin ang nalabi. Kaya, taglay ang matatag na pananampalataya at kasabikan sa nakaliligayang gawain na kaharap, kanilang sinamantala ang pagkakataon.
10. Anong mga katanungan ang bumangon tungkol sa milyun-milyong inaasahang makaliligtas tungo sa bagong sistema ng mga bagay?
10 Ang kaligtasan sa lupa ng ilan buhat sa sangkatauhan at pagkatawid sa kapahamakan ng balakyot na sistemang ito at pagiging buháy sa Milenaryong Paghahari ni Jesu-Kristo ay inaasahan noon ng pinahirang nalabi. Lalo nang tumindi ang kanilang pag-asa pagkatapos ng pangmadlang pahayag na “Milyun-milyon na Ngayo’y Nabubuhay ang Maaaring Hindi Na Mamatay” na ginanap sa Los Angeles, California, noong taon nang digmaan ng 1918. Ito bang milyun-milyong makaliligtas sa Har–Magedon sa hinaharap ay kailangang organisahin? (Apocalipsis 16:14-16) Bago sila pumasok sa Milenyo upang maging bahagi ng “bagong lupa,” sila ba muna’y kailangang gumawang kasama ng nalabi sa gawaing pangangaral ng Kaharian? (2 Pedro 3:13) Ang mga katanungang ito ay sasagutin sa mga pangyayaring magaganap pagkatapos ng digmaan.
11. (a) Ano ang kailangang gawin noon sa mga ibang tupa na nakatakdang maging kaisang-kawan ng nalabi? (b) Bakit ang pagkakaiba sa mga pag-asa ay hindi dahilan ng pagkakabahagi ng nalabi at ng ibang tupa?
11 Ang sumusunod na mga salita ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, ay napaharap, gaya ng nararapat: “Mayroon akong mga ibang tupa, na hindi sa kulungang ito; sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig, at sila’y magiging isang kawan, sa ilalim ng isang pastol.” (Juan 10:16) Kung ang pinahirang nalabi ay kinakailangang organisahin para sa gawain pagkatapos ng digmaan mula noong 1919 pasulong at kung sa dakong huli ang mga ibang tupa ay magiging kaisang kawan ng nalabi sa kulungang ito, ano ngayon? Aba, ang mga ibang tupang iyon ay kailangan ding maorganisa kaugnay ng mga nalabi! Hindi sapagkat ang mga ibang tupa’y may naiibang pag-asa—ang buhay sa isang makalupang paraiso ng kaluguran—ay dahilan ito upang magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa pagitan nila at ng nalabi. Lahat sila ay sumusunod sa iisa lamang Pastol, at hindi maghihiwalay ang dalawang grupo hanggang sa pagluwalhati sa pinahirang nalabi sa Kaharian.
12. (a) Ano ang makapupung lalong mahalaga kaysa sa kaligtasan ng tao? (b) Kailan at bakit naging may pangunahing kahalagahan ang pagbabalita sa Kaharian?
12 Ang kaligtasan ng mga tao buhat sa kasalanan at kamatayan, ang wakas ng panunupil na ginagawa ng sanlibutan ni Satanas, at ang pagsasauli sa masunuring mga tao sa buhay sa Paraiso na muling naitatag sa buong lupa ay mahalagang mga bahagi ng maibiging layunin ni Jehova. Subalit, may isang bagay na makapupung lalong mahalaga sa buong sansinukob. Ano ba iyon? Iyon ay ang pagbabangong-puri ng pansansinukob na soberanya ng Diyos na Jehova kasama na ang pagpapabanal sa kaniyang sagradong pangalan. Ang pagkanapapanahon ng pagbabalita sa Kaharian ni Jehova sa ilalim ng nagpupunong Hari, si Jesu-Kristo, ay idiniin noong 1922 sa ikalawang Cedar Point, Ohio, kombensiyon ng International Bible Students. Yamang natapos na noong 1914 ang mga Panahong Gentil, takdang panahon nang tupdin ang makahulang mga salita ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Ang Kaharian na magbabangong-puri sa pansansinukob na soberanya ni Jehova at magpapabanal sa kaniyang sagradong pangalan ay natatag sa langit noong 1914, at si Jesu-Kristo ay nagpupunò na noon sa gitna ng kaniyang mga kaaway. Ito ang dakilang mabuting balita na kailangang ipangaral sa pamamagitan ng lahat ng maaaring gamiting kasangkapan para sa pagbabalita sa Hari at sa kaniyang Kaharian!
13. Para sa gawaing pagbabalita sa Kaharian, ano ang inilaan ng Diyos, at bakit?
13 Si Jehova ay isang organisador ng buong sansinukob, sapagkat siya ang Kataas-taasan, ang Kaisa-isang Supremo. Ngayon ay natalos niya na kailangan ang lubus-lubusang pag-oorganisa, dito sa lupa, sa gawaing pagbabalita ng kaniyang Kaharian sa buong daigdig bago sumapit ang wakas ng sistemang ito. Ang mga miyembro ng nakaligtas na nalabi ng mga pinahiran ay pinag-ugnay-ugnay, samakatuwid, sa isang internasyonal na organisasyon upang tumupad ng kaniyang kalooban. Ang mga ito ay kailangang magbalita sa daigdig na dahilan sa hinamon ni Satanas ang pansansinukob na soberanya ni Jehova, kapuwa ang pagiging totoo at ang pagiging matuwid ng soberanyang iyon ay kailangang maipagbangong-puri, ariing ganap, sa lahat ng panahon.
Ang Organisasyon Bago Magmilenyo
14. (a) Bago ng ating Karaniwang Panahon, anong organisasyon ang naging makalupang bahagi ng pansansinukob na organisasyon ni Jehova? (b) Papaano pinatunayan ni David na siya’y isang mahusay na organisador?
14 Sa loob ng 15 siglo bago ng ating Karaniwang Panahon, ang Diyos na Jehova ay mayroon nang isang nakikitang organisasyon sa lupa. Kaniyang ginamit ang propetang si Moises bilang ang Kaniyang tagapamagitan sa pag-oorganisa ng bansang Israel pagkatapos na ito’y mapalaya buhat sa Ehipto, ang unang imperyong pandaigdig sa kasaysayan ng Bibliya. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang Israel ang naging nakikitang bahagi ng pansansinukob na organisasyon ni Jehova. Isang mahusay na organisador sa gitna ng piniling bayang ito ng Diyos ang pastol-haring si David, at tungkol sa kaniya ay ating mababasa: “Sila [ang mga Levita na naglilingkod sa santuwaryo ni Jehova] ay inorganisa ni David sa mga dibisyon, na nginanlan ayon sa mga anak ni Levi, sina Gershon, Kohath, at Merari.” “Kaniyang inorganisa sila [ang mga saserdote] sa pamamagitan ng pagpapalabunutan, sapagkat may mga prinsipe sa santuwaryo at mga prinsipe ng Diyos sa mga anak ni Eleazar at sa mga anak ni Ithamar.”—1 Cronica 23:3, 6; 24:1, 5, The New English Bible.
15. (a) Papaano lumisan sa Ehipto ang mga Israelita? (b) Sino ang nagpasiya rin na lumisan sa Ehipto, at sila ba’y nanatiling kasama ng mga Israelita?
15 Daan-daang taon bago pa noong panahon ni David, nang ang mga Israelita’y lumisan sa Ehipto, sila’y hindi nagmamadalian ng pagkukumamot ng pag-alis kundi lumisan sila sa maayos na paraan. Ito’y nagpapakita ng mabuting pagka-organisa sa kanila ng kanilang tagapamagitan, si Moises. Isang malaking pulutong ng mga di-Israelita ang kasama nilang lumisan, nagpasiyang sumama na sa bayan ng mapaghimalang Diyos, si Jehova, na mas makapangyarihan kaysa sa lahat ng mga diyos ng Ehipto. Sa kabila ng maraming kahirapan, hanggang sa dakong huli ang “haluang karamihan” na ito na nagpakita ng kabutihang-loob sa piniling bayan ni Jehova ay kasama pa rin nila sa kasindak-sindak na ilang ng Sinai. (Exodo 12:37-51; Bilang 11:4) Kasama ng mga Israelita, ang haluang karamihang iyan ay maliwanag na pumasok sa Lupang Pangako sa ilalim ng pangunguna ng kahalili ni Moises, si Josue, sapagkat iniutos ng Diyos na gumawa roon ng paglalaan para sa gayong mga taga-ibang bayan.
16. (a) Kanino lumarawan ang haluang pulutong? (b) Ano ang kailangang gawin ng mga ito upang makaligtas sa wakas ng sistemang ito?
16 Ang haluang pulutong na iyan buhat sa Ehipto ng mga Faraon ay lumarawan sa isang malaking pulutong ng ika-20 siglo. Sila’y hindi espirituwal na Israelita kundi mga ibang tupa ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. Kasama ng pinahirang nalabi, kanilang inaasam-asam ang lubos na pagkaligtas buhat sa antitipikong Ehipto, ang pansanlibutang sistema ng mga bagay na ang Lalong-dakilang Faraon, si Satanas na Diyablo, ang siyang diyos. (Juan 10:16; 2 Corinto 4:4; Apocalipsis 7:9) Subalit ano ang kailangan nilang gawin upang makaligtas sa marahas na pagkapuksa ng matandang sanlibutan ni Satanas at makapasok sa ipinangakong bagong sanlibutan sa ilalim ng Lalong-dakilang Josue, si Jesu-Kristo? (2 Pedro 3:13) Sila’y kailangang makasunod sa pang-organisasyong mga kaayusan ng pinakasentrong bahagi ng nakikitang organisasyon ni Jehova, ang pinahirang nalabi.
17. Sa disorganisadong sanlibutang ito, papaano kumikilos ang malaking pulutong, at ano ang kanilang inaasam-asam?
17 Lalo na mula noong kalagitnaan ng ikaapat na dekada ng ika-20 siglo na ang malaking pulutong ng mga ibang tupa ay nadala sa organisadong isang kawan sa ilalim ng niluwalhating isang Pastol, ang nagpupunong Hari, si Jesu-Kristo. Sa isang sanlibutan na patuloy na lumulubha ang pagkadisorganisado sa kabila ng pag-iral ng organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa, yaong mga nasa malaking pulutong na ito ay buong pusong sumusuporta sa pinahirang nalabi at sa gayo’y nagpapatunay sa tagapagkaisang-lakas ng banal na espiritu ni Jehova. Determinado, sila’y nananatiling organisado kasama ng nalabi samantalang kanilang inaasam-asam ang pantanging paglilingkod sa lupa sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo.
Ano ba ang Iyong mga Kaisipan?
◻ Ano ba ang ipinakikita ng Kasulatan tungkol sa panahon at mga magaganap sa Milenyong Paghahari ni Jesu-Kristo?
◻ Ano ang makapupung lalong mahalaga kaysa sa kaligtasan ng tao?
◻ Bago ng ating Karaniwang Panahon, anong organisasyon ang naging makalupang bahagi ng pansansinukob na organisasyon ni Jehova?
◻ Papaanong yaong mga inilarawan ng haluang karamihan ay nakaliligtas tungo sa buhay sa Sanlibong Taóng Paghahari?