Maliligtas Ka ba Kapag Kumilos ang Diyos?
“Malibang paikliin ang mga araw na iyon, walang laman ang maliligtas; subalit dahil sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon.”—MATEO 24:22.
1, 2. (a) Bakit normal lamang na maging interesado sa ating kinabukasan? (b) Ang likas na interes ay maaaring maging dahilan ng anong mahahalagang tanong?
GAANO ka kainteresado sa iyong sarili? Marami sa ngayon ang labis na interesado sa sariling kapakanan, anupat nagiging makasarili. Gayunman, hindi hinahatulan ng Bibliya ang angkop na pagkabahala sa mga bagay na nakaaapekto sa atin. (Efeso 5:33) Kasali riyan ang pagiging interesado sa ating kinabukasan. Kaya normal lamang na nanaisin mong malaman kung ano ang iyong kinabukasan. Interesado ka ba?
2 Makatitiyak tayo na may gayunding interes ang mga apostol ni Jesus hinggil sa kanilang kinabukasan. (Mateo 19:27) Malamang na iyan ang isang dahilan nang apat sa kanila ang kasama ni Jesus sa Bundok ng mga Olibo. Ganito ang tanong nila: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda kapag ang lahat ng mga bagay na ito ay nakatalagang sumapit na sa katapusan?” (Marcos 13:4) Hindi ipinagwalang-bahala ni Jesus ang likas na interes sa kinabukasan—ang kanilang interes at ang sa atin. Paulit-ulit na itinampok niya kung paano maaapektuhan ang kaniyang mga tagasunod at kung ano sa wakas ang kahihinatnan.
3. Bakit natin iniuugnay sa ating panahon ang naging sagot ni Jesus?
3 Ang sagot ni Jesus ay nagharap ng isang hula na may malaking katuparan sa ating panahon. Makikita natin ito sa mga digmaang pandaigdig at iba pang mga alitan sa ating siglo, sa mga lindol na pumuti ng maraming buhay, sa kakapusan sa pagkain na nagdulot ng sakit at kamatayan, at sa mga salot—mula sa malaganap na trangkaso Espanyola noong 1918 hanggang sa kasalukuyang epidemya ng AIDS. Gayunpaman, ang malaking bahagi ng sagot ni Jesus ay mayroon ding katuparan na humantong at naglakip sa pagkawasak ng Jerusalem sa pamamagitan ng mga Romano noong 70 C.E. Binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Maging mapagbantay kayo sa inyong mga sarili; dadalhin kayo ng mga tao sa mga lokal na hukuman, at hahampasin kayo sa mga sinagoga at patatayuin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila.”—Marcos 13:9.
Kung Ano ang Inihula ni Jesus,at Kung Ano ang Naganap
4. Ano ang ilang babala na kalakip sa sagot ni Jesus?
4 Hindi lamang inihula ni Jesus kung paano pakikitunguhan ng iba ang kaniyang mga alagad. Kundi binigyang-babala rin niya sila kung paano sila dapat na kumilos. Halimbawa: “Kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang na nakatayo kung saan hindi dapat (gumamit ng kaunawaan ang mambabasa), kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok.” (Marcos 13:14) Ang kahawig na salaysay sa Lucas 21:20 ay nagsasabi: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napapaligiran ng nagkakampong mga hukbo.” Paano napatunayang tumpak iyan sa unang katuparan?
5. Ano ang nangyari sa mga Judio na nasa Judea noong 66 C.E.?
5 Ganito ang sabi sa atin ng The International Standard Bible Encyclopedia (1982): “Ang mga Judio ay labis na naliligalig sa ilalim ng panunupil ng Roma at ang mga prokurador ay nagiging lalong marahas, malupit, at di-tapat. Ang tahasang rebelyon ay sumiklab noong A.D. 66. . . . Nagsimula ang digmaan nang agawin ng mga Zealot ang Masada at pagkatapos, sa ilalim ni Menahem, ay nagmartsa patungo sa Jerusalem. Sabay-sabay na pinaslang ang mga Judio sa lunsod ng gobernador sa Cesaria, at ang balita tungkol sa kabuktutang ito ay lumaganap sa buong bansa. Ang mga bagong sensilyo ay minarkahan ng Taon 1 hanggang Taon 5 ng paghihimagsik.”
6. Nagbunga ng anong tugon mula sa mga Romano ang paghihimagsik ng mga Judio?
6 Ang Ikalabindalawang Hukbong Romano sa ilalim ni Cestius Gallus ay nagmartsa buhat sa Siria, nangwasak sa Galilea at Judea, at pagkatapos ay sumalakay sa kabisera, anupat sinakop pa man din ang gawing itaas na bahagi ng “Jerusalem na banal na lunsod.” (Nehemias 11:1; Mateo 4:5; 5:35; 27:53) Bilang pinakabuod ng mga pangyayari, ganito ang sabi ng tomo na The Roman Siege of Jerusalem: “Sa loob ng limang araw ay tinangka ng mga Romano na akyatin ang pader, subalit paulit-ulit na naitaboy. Nang dakong huli ay sumuko ang mga nagdedepensa, palibhasa’y nagapi dahil sa pinaulanan ng mga palaso. Sa pamamagitan ng pagbuo ng testudo—ang pamamaraan ng pagsasanib-sanib ng kanilang mga kalasag sa ibabaw ng kanilang ulo upang ipagsanggalang ang kanilang sarili—nagawang sirain ng mga sundalong Romano ang pader at pinagtangkaang sunugin ang pintuang-bayan. Sinakmal ng takot ang mga nagdedepensa.” Nagunita ng mga Kristiyano sa loob ng lunsod ang mga salita ni Jesus at naunawaan na ang kasuklam-suklam na bagay ay nakatayo na sa banal na dako.a Ngunit yamang napalilibutan ang lunsod, paano makatatakas ang mga Kristiyanong iyon, gaya ng ipinayo ni Jesus?
7. Nang abot-kamay na ang tagumpay noong 66 C.E., ano ang ginawa ng mga Romano?
7 Ganito ang inilahad ng istoryador na si Flavius Josephus: “Si Cestius [Gallus], palibhasa’y di-nakababatid sa panlulupaypay ng mga nakubkob ni sa damdamin ng bayan, ay biglang nagpatigil sa kaniyang mga tauhan, nawalan ng pag-asa bagaman hindi siya dumanas ng pagkatalo, at sa di-maipaliwanag na kadahilanan ay umurong mula sa Lunsod.” (The Jewish War, II, 540 [xix, 7]) Bakit umurong si Gallus? Anuman ang dahilan, dahil sa pag-urong niya ay nagawa ng mga Kristiyano na sundin ang utos ni Jesus at tumakas tungo sa mga bundok at tungo sa kaligtasan.
8. Ano ang ikalawang yugto ng pagsisikap ng mga Romano laban sa Jerusalem, at ano ang naranasan ng mga nakaligtas?
8 Nakapagliligtas-buhay ang pagtalima. Di-nagtagal at kumilos ang mga Romano upang sugpuin ang paghihimagsik. Ang kampanya sa ilalim ni Heneral Tito ay umabot sa kasukdulan sa pagkubkob sa Jerusalem mula Abril hanggang Agosto 70 C.E. Nakapangingilabot na basahin ang paglalarawan ni Josephus kung paano nagdusa ang mga Judio. Bukod pa sa mga napatay sa pakikipaglaban sa mga Romano, ang ibang Judio ay pinaslang ng katunggaling mga pangkat ng mga Judio, at ang pagkagutom ay humantong sa kanibalismo. Nang manalo ang mga Romano, 1,100,000 Judio ang nangamatay na.b Sa 97,000 nakaligtas, ang ilan ay agad na pinatay; ang iba ay inalipin. Ganito ang sabi ni Josephus: “Yaong mahigit sa labimpito ay kinadenahan at sapilitang pinagtrabaho sa Ehipto, samantalang napakaraming bilang ang ipinadala ni Tito sa mga lalawigan upang malipol sa mga teatro sa pamamagitan ng espada o ng mababangis na hayop.” Maging habang nagaganap ang pagbubukud-bukod na ito, 11,000 bilanggo ang namatay sa gutom.
9. Bakit hindi naranasan ng mga Kristiyano ang kinahinatnan ng mga Judio, ngunit anong mga tanong ang nananatili?
9 Makapagpapasalamat ang mga Kristiyano na kanilang sinunod ang babala ng Panginoon at sila’y tumakas mula sa lunsod bago bumalik ang hukbong Romano. Sa gayo’y naligtas sila buhat sa bahagi ng sinabi ni Jesus na ‘malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula noon hanggang sa ngayon, ni mangyayari pang muli’ sa Jerusalem. (Mateo 24:21) Sinabi pa ni Jesus: “Sa katunayan, malibang paikliin ang mga araw na iyon, walang laman ang maliligtas; subalit dahil sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon.” (Mateo 24:22) Ano ang naging kahulugan nito noon, at ano ang kahulugan nito sa ngayon?
10. Paano natin dating ipinaliliwanag ang Mateo 24:22?
10 Noon ay ipinaliwanag na ang ‘laman na maliligtas’ ay tumutukoy sa mga Judio na nakaligtas sa kapighatian sa Jerusalem noong 70 C.E. Nakatakas na ang mga Kristiyano, kaya mapahihintulutan ng Diyos na pasapitin ng mga Romano ang biglang pagkapuksa. Sa ibang pananalita, dahil sa bagay na ang “mga pinili” ay ligtas na sa panganib, maaari nang paikliin ang mga araw ng kapighatian, anupat mabibigyan ng pagkakataon ang ilang Judiong “laman” upang makaligtas. Inakala noon na ang mga nakaligtas na Judio ay lumalarawan sa makaliligtas sa malaking kapighatian na sasapit sa ating kaarawan.—Apocalipsis 7:14.
11. Bakit waring nararapat na muling isaalang-alang ang paliwanag sa Mateo 24:22?
11 Subalit ang paliwanag bang iyan ay kasuwato ng nangyari noong 70 C.E.? Sinabi ni Jesus na ang “laman” ay “maliligtas” mula sa kapighatian. Maaari ba ninyong gamitin ang salitang ‘naligtas’ upang ilarawan ang 97,000 nakaligtas, kung isasaalang-alang ang bagay na libu-libo sa kanila ang namatay pagkaraan dahil sa gutom o pinaslang sa teatro? Ganito ang sabi ni Josephus tungkol sa isang teatro, na nasa Cesaria: “Ang bilang niyaong nasawi sa pakikipaglaban sa mababangis na hayop o sa paglalabanan sa isa’t isa o sinunog na buháy ay lampas pa sa 2,500.” Bagaman hindi sila namatay sa panahon ng pagkubkob, sila ay talagang hindi ‘naligtas.’ At ituturing kaya sila ni Jesus na katulad ng maliligayang makaliligtas sa dumarating na “malaking kapighatian”?
Naligtas na Laman—Paano?
12. Sino ang unang-siglong “mga pinili” na sa kanila’y interesado ang Diyos?
12 Pagsapit ng 70 C.E., ang likas na mga Judio ay hindi na itinuring ng Diyos na kaniyang piniling bayan. Ipinakita ni Jesus na itinakwil na ng Diyos ang bansang iyan at hahayaan nang magwakas ang kabiserang lunsod, templo, at ang sistema ng pagsamba nito. (Mateo 23:37–24:2) Pumili ang Diyos ng isang bagong bansa, ang espirituwal na Israel. (Gawa 15:14; Roma 2:28, 29; Galacia 6:16) Iyon ay binubuo ng mga lalaki at babae na pinili buhat sa lahat ng bansa at pinahiran ng banal na espiritu. (Mateo 22:14; Juan 15:19; Gawa 10:1, 2, 34, 35, 44, 45) Mga ilang taon bago ang pagsalakay ni Cestius Gallus, sumulat si Pedro sa “mga pinili alinsunod sa patiunang-kaalaman ng Diyos na Ama, na may pagpapabanal ng espiritu.” Ang gayong mga pinahiran ng espiritu ay “isang lahing pinili, isang maharlikang pagkasaserdote, isang bansang banal.” (1 Pedro 1:1, 2; 2:9) Dadalhin ng Diyos sa langit ang mga piniling iyon upang magharing kasama ni Jesus.—Colosas 1:1, 2; 3:12; Tito 1:1; Apocalipsis 17:14.
13. Anong diwa ang maaaring taglay ng mga salita ni Jesus sa Mateo 24:22?
13 Nakatutulong na makilala ang mga pinili, yamang inihula ni Jesus na paiikliin ang mga araw ng kapighatian “dahil sa mga pinili.” Ang Griegong salita na isinaling “dahil sa” ay maaari ring isalin na “alang-alang sa” o “ukol sa . . . kapakanan.” (Marcos 2:27; Juan 12:30; 1 Corinto 8:11; 9:10, 23; 11:9; 2 Timoteo 2:10; Apocalipsis 2:3) Kaya ang maaaring sinasabi ni Jesus ay, ‘Malibang paikliin ang mga araw na iyon, walang laman ang maliligtas; subalit alang-alang sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon.’c (Mateo 24:22) May nangyari ba na pinakinabangan ng o ‘alang-alang sa’ mga piniling Kristiyano na nakulong sa Jerusalem?
14. Paano naligtas ang “laman” nang di-inaasahang umurong ang hukbong Romano sa Jerusalem noong 66 C.E.?
14 Tandaan na noong 66 C.E., lumusob ang mga Romano sa lupain, sinakop ang gawing itaas ng Jerusalem, at sinimulang hukayin ang ilalim ng pader. Nagkomento si Josephus: “Kung nagtiyaga lamang siya sa pagkubkob nang sandali pang panahon ay nabihag sana niya kaagad ang Lunsod.” Tanungin mo ang iyong sarili, ‘Bakit kaya biglang tatalikuran ng isang makapangyarihang hukbong Romano ang kampanya at “sa di-maipaliwanag na kadahilanan” ay uurong?’ Ganito ang komento ni Rupert Furneaux, isang dalubhasa sa pagpapaliwanag ng kasaysayang militar: “Walang istoryador ang nagtagumpay na makapagbigay ng sapat na dahilan para sa kakatwa at kapaha-pahamak na desisyon ni Gallus.” Magkagayunman, ang naging epekto ay na napaikli ang kapighatian. Umurong ang mga Romano, na sinalakay pa nga ng mga Judio habang umaatras. Kumusta naman yaong “mga pinili” na pinahirang Kristiyano na nasukol? Ang pagpapahinto ng pagkubkob ay nangahulugan na sila’y naligtas buhat sa pamamaslang na nagbabanta sa panahon ng kapighatian. Kaya naman, yaong mga Kristiyano na nakinabang buhat sa pagpapaikli ng kapighatian noong 66 C.E. ang siyang naligtas na “laman” na binanggit sa Mateo 24:22.
Ano ang Kinabukasan Mo?
15. Bakit masasabi mong dapat na lalong bigyang-pansin sa ngayon ang Mateo kabanata 24?
15 Maaaring may magtanong, ‘Bakit ako dapat na maging lalong interesado sa niliwanag na pagkaunawang ito sa mga salita ni Jesus?’ Buweno, may sapat na dahilan upang manghinuha na ang hula ni Jesus ay magkakaroon ng mas malaking katuparan, na higit pa sa mga nangyari hanggang sa sumapit ang 70 C.E. at maging sa loob ng panahong iyon.d (Ihambing ang Mateo 24:7; Lucas 21:10, 11; Apocalipsis 6:2-8.) Sa loob ng mga dekada, ipinangangaral na ng mga Saksi ni Jehova na ang malaking katuparang nagaganap sa ating panahon ay nagpapatunay na maaasahan natin ang isang malawakang “malaking kapighatian” na napipinto na. Sa panahong iyon, paano matutupad ang makahulang mga salita sa Mateo 24:22?
16. Anong nakapagpapatibay na katotohanan ang inilalaan ng Apocalipsis tungkol sa dumarating na malaking kapighatian?
16 Mga dalawang dekada pagkatapos ng kapighatian sa Jerusalem, isinulat ni apostol Juan ang aklat ng Apocalipsis. Tiniyak nito na malapit na ang malaking kapighatian. At, yamang interesado sa makaaapekto sa atin nang personal, magiginhawahan tayong malaman na ang Apocalipsis ay makahulang tumitiyak sa atin na may mga taong makatatawid na buháy sa dumarating na malaking kapighatiang ito. Inihula ni Juan ang “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” Sino sila? Sumasagot ang isang tinig mula sa langit: “Ito ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:9, 14) Oo, sila’y makaliligtas! Binibigyan din tayo ng Apocalipsis ng malalim na unawa kung paano magaganap ang mga bagay sa pagsapit ng malaking kapighatian at kung paano matutupad ang Mateo 24:22.
17. Ano ang makakasali sa unang yugto ng malaking kapighatian?
17 Ang unang yugto ng kapighatiang ito ay ang pagsalakay sa simbolikong patutot na tinatawag na “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 14:8; 17:1, 2) Lumalarawan siya sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na dito ang Sangkakristiyanuhan ang siyang may pinakamalaking pagkakasala. Ayon sa mga salita sa Apocalipsis 17:16-18, uudyukan ng Diyos ang pulitikal na elemento upang salakayin ang simbolikong patutot na ito.e Isip-isipin lamang kung paano mamalasin iyon ng “mga pinili” na pinahiran ng Diyos, at ng kanilang mga kasamahan, ang “malaking pulutong.” Habang nagpapatuloy ang mapangwasak na pagsalakay na ito sa relihiyon, waring papalisin nito ang lahat ng relihiyosong organisasyon, kasali na ang bayan ni Jehova.
18. Bakit waring walang “laman” na makaliligtas sa pasimula ng malaking kapighatian?
18 Dito malawakang matutupad ang mga salita ni Jesus na masusumpungan sa Mateo 24:22. Kung paanong ang mga pinili sa Jerusalem ay waring nasa panganib noon, ang mga lingkod ni Jehova ay baka manganib na malipol kapag sinalakay ang relihiyon, na para bang papalisin ng pagsalakay na iyan ang lahat ng “laman” sa bayan ng Diyos. Subalit, tandaan natin kung ano ang nangyari noong 66 C.E. Pinaikli ang kapighatiang pinasapit ng mga Romano, anupat nagkaroon ng sapat na pagkakataong makatakas at manatiling buháy yaong mga pinili na pinahiran ng Diyos. Kaya naman, makapagtitiwala tayo na ang mapangwasak na pagsalakay sa relihiyon ay hindi pahihintulutang lumipol sa pangglobong kongregasyon ng tunay na mga mananamba. Mabilis na mangyayari iyon, na para bang “sa isang araw.” Ngunit sa paano man, iyon ay paiikliin, anupat hindi lubusang maisasakatuparan ang layunin niyaon, upang “mailigtas” ang bayan ng Diyos.—Apocalipsis 18:8.
19. (a) Pagkatapos ng unang yugto ng malaking kapighatian, ano ang magiging kitang-kita? (b) Sa ano ito hahantong?
19 Dahil dito ay magpapatuloy nang ilang panahon ang ibang bahagi ng makalupang organisasyon ni Satanas na Diyablo, anupat tataghuyan ang paglaho ng mga pakikipag-ugnayan sa kanilang dating relihiyosong kalaguyo. (Apocalipsis 18:9-19) Sa isang tiyak na panahon, mapapansin nila na nananatili pa rin ang mga tunay na lingkod ng Diyos, anupat “naninirahan sa katiwasayan, lahat sila’y naninirahan na walang pader” at waring madaling salakayin. Tiyak na magugulat sila sa mangyayari! Bilang tugon sa isang totoo o nagbabantang pagsalakay sa kaniyang mga lingkod, mangingibabaw ang Diyos sa paghatol sa kaniyang mga kaaway sa huling yugto ng malaking kapighatian.—Ezekiel 38:10-12, 14, 18-23.
20. Bakit hindi malalagay sa panganib ang bayan ng Diyos sa ikalawang yugto ng malaking kapighatian?
20 Ang pangalawang yugtong ito ng malaking kapighatian ay makakatulad niyaong nangyari sa Jerusalem at sa mga mamamayan nito sa pangalawang pagsalakay ng mga Romano noong 70 C.E. Iyon ay mapatutunayang “malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang [noon], hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mateo 24:21) Subalit makatitiyak tayo na ang mga pinili ng Diyos at ang kanilang mga kasamahan ay hindi malalagay sa panganib, na doon sila’y maaaring mapatay. Aba, hindi na sila kailangang tumakas pa tungo sa isang literal na lugar. Ang mga Kristiyano sa Jerusalem noong unang siglo ay makatatakas buhat sa lunsod na iyon tungo sa bulubunduking rehiyon, gaya ng Pella sa kabila ng Jordan. Gayunman, sa hinaharap, ang tapat na mga Saksi ng Diyos ay matatagpuan sa buong daigdig, kaya ang kaligtasan at proteksiyon ay hindi nakasalalay sa isang lugar.
21. Sino ang makikipagtunggali sa huling labanan, at ano ang resulta?
21 Hindi sasapit ang pagkapuksa sa pamamagitan ng mga puwersa ng Roma o ng anumang ahensiya ng tao. Sa halip, inilalarawan ng aklat ng Apocalipsis na ang mga puwersang mamumuksa ay buhat sa langit. Oo, ang huling bahaging iyon ng malaking kapighatian ay isasagawa, hindi ng anumang hukbo ng tao, kundi ng “Salita ng Diyos,” ang Haring si Jesu-Kristo, na inaalalayan ng ‘mga hukbo na nasa langit,’ kasali na ang mga pinahirang Kristiyano na binuhay-muli. Ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon” ay magsasagawa ng lubusang pagpuksa na higit kaysa sa ginawa ng mga Romano noong 70 C.E. Lilipulin nito ang lahat ng mga taong sumasalansang sa Diyos—mga hari, mga kumander ng hukbo, mga taong laya at mga alipin, maliliit at malalaki. Maging ang mga organisasyon ng tao sa sanlibutan ni Satanas ay sasapit sa kanilang wakas.—Apocalipsis 2:26, 27; 17:14; 19:11-21; 1 Juan 5:19.
22. Sa ano pang diwa na ang “laman” ay maliligtas?
22 Tandaan na ang “laman,” kapuwa ng pinahirang nalabi at ng “malaking pulutong,” ang makaliligtas kapag ang Babilonyang Dakila ay bumulusok nang matulin at lubusan sa unang bahagi ng kapighatian. Gayundin naman sa huling bahagi ng kapighatian, ang “laman” na tumakas tungo sa panig ni Jehova ay maliligtas. Ano ngang laking pagkakaiba nito sa kinahinatnan ng rebelyosong mga Judio noong 70 C.E.!
23. Ano ang maaasahan ng makaliligtas na “laman”?
23 Sa pagsasaalang-alang ng mga pagkakataon para sa kinabukasan mo at ng iyong mga minamahal, pansinin ang ipinangako sa Apocalipsis 7:16, 17: “Hindi na sila magugutom pa ni mauuhaw pa man, ni hindi rin naman tatama nang matindi sa kanila ang araw ni ang anumang nakapapasong init, sapagkat ang Kordero, na nasa gitna ng trono, ay magpapastol sa kanila, at aakay sa kanila sa mga bukal ng mga tubig ng buhay. At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.” Tunay, iyan ay talagang pagiging “ligtas” sa isang diwang kahanga-hanga at walang-hanggan.
[Mga talababa]
b Sinabi ni Josephus: “Nang pumasok si Tito ay namangha siya sa tibay ng lunsod . . . Naibulalas niya: ‘Nasa panig natin ang Diyos; ang Diyos ang siyang nagpabagsak sa mga Judio buhat sa mga moog na ito; sapagkat ano ang magagawa ng mga kamay o kasangkapan ng tao laban sa gayong mga tore?’ ”
c Kapansin-pansin, ang teksto ni Shem-Tob sa Mateo 24:22 ay gumamit ng Hebreong salita na ‛a·vurʹ, na nangangahulugang “alang-alang sa, dahil sa, upang sa gayon.”—Tingnan ang naunang artikulo, pahina 13.
d Tingnan Ang Bantayan ng Pebrero 15, 1994, pahina 11 at 12, at ang tsart sa pahina 14 at 15, na doo’y iniharap sa magkahanay na mga tudling ang makahulang sagot ni Jesus na masusumpungan sa Mateo kabanata 24, Marcos kabanata 13, at Lucas kabanata 21.
e Tingnan ang Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, pahina 235-58, inilathala noong 1988 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang dalawang bahagi ng pagsalakay ng hukbong Romano sa Jerusalem?
◻ Bakit ang bumubuo ng “laman” na binanggit sa Mateo 24:22 ay hindi maaaring yaong 97,000 Judiong nakaligtas noong 70 C.E.?
◻Paano pinaikli ang mga araw ng kapighatian sa Jerusalem, at paanong ang “laman” ay naligtas kung gayon?
◻ Sa dumarating na malaking kapighatian, paano paiikliin ang mga araw at maliligtas ang “laman”?
[Larawan sa pahina 16]
Judiong sensilyo na ginawa pagkatapos ng paghihimagsik. Ang Hebreong titik ay nagsasabing “Taon dos,” na ang ibig sabihin ay 67 C.E., ang ikalawang taon ng kanilang pagsasarili
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Larawan sa pahina 17]
Romanong sensilyo na ginawa noong 71 C.E. Nasa gawing kaliwa ang isang armadong Romano; sa kanan ay isang nagluluksang babaing Judio. Ang mga salitang “IVDAEA CAPTA” ay nangangahulugan ng “Bihag na Juda”
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.