Pagtakas Tungo sa Kaligtasan Bago ang “Malaking Kapighatian”
“Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napapaligiran ng nagkakampong mga hukbo, . . . yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok.”—LUCAS 21:20, 21.
1. Bakit apurahan ang pagtakas para sa mga taong bahagi pa rin ng sanlibutan?
PARA sa lahat ng taong bahagi ng sanlibutan ni Satanas, ang pagtakas ay apurahan. Upang makaligtas sila kapag pinalis mula sa lupa ang kasalukuyang sistema ng mga bagay, kailangang patunayan nila na sila’y matatag na naninindigan sa panig ni Jehova at hindi na bahagi ng sanlibutan na pinamamahalaan ni Satanas.—Santiago 4:4; 1 Juan 2:17.
2, 3. Anu-anong tanong may kaugnayan sa mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 24:15-22 ang tatalakayin natin?
2 Sa kaniyang dakilang hula hinggil sa katapusan ng sistema ng mga bagay, idiniin ni Jesus ang pagkaapurahan ng gayong pagtakas. Madalas nating talakayin ang nakaulat sa Mateo 24:4-14; subalit, ang kasunod nito ay kasinghalaga rin. Pinasisigla namin kayo ngayon na buksan ang inyong Bibliya at basahin ang mga Mat 24 talata 15 hanggang 22.
3 Ano ang kahulugan ng hulang iyan? Noong unang siglo, ano “ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang”? Ano ang ipinahihiwatig ng pagkanaroroon nito “sa isang dakong banal”? Ano ang kahulugan sa atin ng pangyayaring iyon?
“Gumamit ng Kaunawaan ang Mambabasa”
4. (a) Ano ang sinabi ng Daniel 9:27 na siyang kasunod sa pagtanggi ng mga Judio sa Mesiyas? (b) Nang tukuyin ito, bakit maliwanag na sinabi ni Jesus, “Gumamit ng kaunawaan ang mambabasa”?
4 Pansinin sa Mateo 24:15 na tinukoy ni Jesus ang nakasulat sa aklat ng Daniel. Sa Dan kabanata 9 ng aklat na iyan ay may isang hula tungkol sa pagdating ng Mesiyas at sa hatol na igagawad sa bansang Judio dahil sa pagtanggi sa kaniya. Ang huling bahagi ng Dan 9 talata 27 ay nagsasabi: “At sa pakpak ng kasuklam-suklam na mga bagay ay magkakaroon ng isa na sanhi ng pagkatiwangwang.” Ikinapit ng sinaunang tradisyong Judio ang bahagi ng hulang iyan ni Daniel sa ginawang paglapastangan ni Antiochus IV sa templo ni Jehova sa Jerusalem noong ikalawang siglo B.C.E. Subalit nagbabala si Jesus: “Gumamit ng kaunawaan ang mambabasa.” Ang paglapastangan ni Antiochus IV sa templo, bagaman talaga namang kasuklam-suklam, ay hindi nagdulot ng pagkatiwangwang—ng Jerusalem, ng templo, o ng bansang Judio. Kaya maliwanag na binababalaan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na ang katuparan nito ay hindi noong panahong nakalipas, kundi sa hinaharap pa.
5. (a) Paano tayo matutulungan ng paghahambing sa mga salaysay ng Ebanghelyo upang makilala ang unang-siglong “kasuklam-suklam na bagay”? (b) Bakit nagpadala si Cestius Gallus ng mga kawal na Romano sa Jerusalem noong 66 C.E.?
5 Ano “ang kasuklam-suklam na bagay” na dapat nilang bantayan? Kapansin-pansin na sinasabi ng salaysay ni Mateo: “Kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang . . . na nakatayo sa isang dakong banal.” Gayunman, ang kahawig na salaysay sa Lucas 21:20 ay kababasahan: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napapaligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na.” Noong 66 C.E., nakita ng mga Kristiyanong naninirahan sa Jerusalem ang inihula ni Jesus. Ang sunud-sunod na mga pangyayari may kaugnayan sa alitan ng mga Judio at ng mga opisyal na Romano ay nagpangyaring ang Jerusalem ay maging sentro ng paghihimagsik laban sa Roma. Bunga nito, sumiklab ang karahasan sa buong Judea, Samaria, Galilea, ang Decapolis, at Fenicia, pahilaga hanggang sa Siria, at patimog hanggang sa Ehipto. Upang maibalik ang isang antas ng kapayapaan sa bahaging iyan ng Imperyong Romano, nagpadala si Cestius Gallus ng mga hukbong militar mula sa Siria patungo sa Jerusalem, na tinatagurian ng mga Judio na kanilang “banal na lunsod.”—Nehemias 11:1; Isaias 52:1.
6. Paano totoo na isang “kasuklam-suklam na bagay” na maaaring maging sanhi ng pagkatiwangwang ang “nakatayo sa isang dakong banal”?
6 Kaugalian noon ng mga hukbong Romano na magdala ng mga estandarte, o mga bandila, na kanilang minamalas bilang sagrado ngunit para sa mga Judio ay idolatroso. Kapansin-pansin, ang Hebreong salita na isinaling “kasuklam-suklam na bagay” sa aklat ni Daniel ay pangunahing ginagamit sa mga idolo at idolatriya.a (Deuteronomio 29:17) Sa kabila ng paglaban ng mga Judio, ang mga puwersang Romano na dala-dala ang kanilang mga idolatrosong bandila ay nakapasok sa Jerusalem noong Nobyembre ng 66 C.E. at saka nagsimulang sumira sa pader sa gawing hilaga ng templo. Walang alinlangan tungkol dito—isang “kasuklam-suklam na bagay” na maaaring maging sanhi ng lubusang pagkatiwangwang sa Jerusalem ang “nakatayo sa isang dakong banal”! Subalit paano makatatakas ang sinuman?
Apurahan ang Pagtakas!
7. Ano ang di-inaasahang ginawa ng hukbong Romano?
7 Biglang-bigla at sa walang maliwanag na dahilan buhat sa pangmalas ng tao, nang waring madaling masasakop ang Jerusalem, umurong ang hukbong Romano. Tinugis ng mga naghihimagsik na Judio ang umuurong na mga sundalong Romano ngunit hanggang sa Antipatris lamang, mga 50 kilometro mula sa Jerusalem. Pagkatapos ay bumalik sila. Pagdating sa Jerusalem, nagtipon sila sa templo upang isaplano ang higit pang estratehiya sa digmaan. Kinalap ang mga kabataan upang patibayin ang mga kuta at maglingkod sa hukbo. Masasangkot kaya rito ang mga Kristiyano? Kahit na iwasan nila iyon, naroroon pa rin kaya sila sa lugar ng panganib kapag bumalik ang mga hukbong Romano?
8. Anong apurahang pagkilos ang ginawa ng mga Kristiyano bilang pagsunod sa makahulang mga salita ni Jesus?
8 Ang mga Kristiyano sa Jerusalem at sa buong Judea ay kumilos agad ayon sa makahulang babala na ibinigay ni Jesu-Kristo at tumakas buhat sa lugar ng panganib. Apurahan ang pagtakas! Pagkaraan ay tinahak nila ang daan patungo sa bulubunduking mga rehiyon, anupat ang ilan ay malamang na nanirahan sa Pella, sa lalawigan ng Perea. Yaong nakinig sa babala ni Jesus ay nagpakatalino at hindi bumalik upang sikaping iligtas ang kanilang materyal na mga ari-arian. (Ihambing ang Lucas 14:33.) Sa paglisan sa gayong mga kalagayan, tiyak na nasumpungan ng mga babaing nagdadalang-tao at nagpapasusong mga ina na napakahirap ang gayong paglalakbay na naglalakad. Ang kanilang pagtakas ay hindi nahadlangan ng mga restriksiyon ng araw ng Sabbath, at bagaman malapit na ang taglamig, hindi pa ito sumasapit. Yaong mga nakinig sa babala ni Jesus na dagling tumakas ay kaagad na naging ligtas sa labas ng Jerusalem at Judea. Ang kanilang buhay ay nakasalalay rito.—Ihambing ang Santiago 3:17.
9. Kailan bumalik ang mga puwersang Romano, at ano ang resulta?
9 Nang sumunod na taon, noong 67 C.E., ipinagpatuloy ng mga Romano ang pakikipagdigma sa mga Judio. Una, nasakop ang Galilea. Nang sumunod na taon, niwasak ang Judea. Pagsapit ng 70 C.E., ang Jerusalem mismo ay pinalibutan ng mga puwersang Romano. (Lucas 19:43) Naging matindi ang taggutom. Yaong mga nakulong sa lunsod ay nagsimulang maglaban sa isa’t isa. Sinumang magtangkang tumakas ay pinaslang. Ang naranasan nila ay, gaya ng sinabi ni Jesus, isang “malaking kapighatian.”—Mateo 24:21.
10. Kung babasahin natin nang may kaunawaan, ano pa ang bibigyang-pansin natin?
10 Lubusan ba nitong tinupad ang inihula ni Jesus? Hindi, marami pang darating. Kung, gaya ng ipinayo ni Jesus, babasahin natin ang Kasulatan nang may kaunawaan, walang-pagsalang bibigyang-pansin natin kung ano pa ang mangyayari. Pag-iisipan din nating mabuti ang kahulugan nito sa ating sariling buhay.
Modernong-Panahong “Kasuklam-suklam na Bagay”
11. Sa anong dalawa pang teksto tinutukoy ni Daniel ang “kasuklam-suklam na bagay,” at anong yugto ng panahon ang tinatalakay doon?
11 Pansinin na, bilang karagdagan sa ating nakita sa Daniel 9:27, mayroon pang pagbanggit ng “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang” sa Daniel 11:31 at 12:11. Sa dalawang tekstong ito ay hindi pinag-uusapan ang pagkapuksa sa Jerusalem. Sa katunayan, ang sinabi sa Daniel 12:11 ay lumilitaw dalawang talata lamang matapos banggitin ang “panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:9) Tayo’y nabubuhay sa gayong yugto ng panahon mula noong 1914. Kaya kailangang maging alisto tayo upang makilala ang modernong-panahong “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang” at pagkatapos ay tiyaking umalis tayo mula sa lugar ng panganib.
12, 13. Bakit angkop na ilarawan ang Liga ng mga Bansa bilang ang modernong-panahong “kasuklam-suklam na bagay”?
12 Ano ang modernong-panahong “kasuklam-suklam na bagay”? Itinuturo ng ebidensiya ang Liga ng mga Bansa, na nagsimulang umiral noong 1920, di pa natatagalan pagkatapos na tumuntong ang daigdig sa panahon ng kawakasan nito. Ngunit paano nangyaring ito ay isang “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang”?
13 Tandaan na ang Hebreong salita para sa “kasuklam-suklam na bagay” ay pangunahing ginagamit sa Bibliya may kaugnayan sa mga idolo at idolatrosong mga gawain. Ang Liga ba ay talagang inidolo? Oo, tunay na gayon nga! Inilagay ito ng mga klero sa “isang dakong banal,” at ang kanilang mga tagasunod ay nagsimulang mag-ukol dito ng marubdob na debosyon. Ipinahayag ng Federal Council of the Churches of Christ in America na ang Liga ay magiging “ang makapulitikang kapahayagan ng Kaharian ng Diyos sa lupa.” Bumaha sa Senado ng E.U. ang mga sulat buhat sa mga grupong relihiyoso na humihimok ditong pagtibayin ang Tipan ng Liga ng mga Bansa. Ang pangkalahatang lupon ng mga Baptist, Kongregasyonalista, at mga Presbiteryano sa Britanya ay nagbunyi rito bilang “ang tanging magagamit na instrumento sa pagtatamo ng [kapayapaan sa lupa].”—Tingnan ang Apocalipsis 13:14, 15.
14, 15. Sa anong paraan napasa “isang dakong banal” ang Liga at nang maglaon ang Nagkakaisang mga Bansa?
14 Ang Mesianikong Kaharian ng Diyos ay naitatag sa langit noong 1914, ngunit ang mga bansa ay nagsimulang makipaglaban ukol sa kanilang sariling soberanya. (Awit 2:1-6) Nang ipanukala ang Liga ng mga Bansa, ang mga bansa na katatapos lamang makipaglaban noong unang digmaang pandaigdig, gayundin ang klero na nagbendisyon sa kanilang mga kawal, ay nagpamalas na ng kanilang pagtalikod sa batas ng Diyos. Hindi sila tumitingin kay Kristo bilang Hari. Kaya naman ibinigay nila sa isang organisasyong gawang-tao ang papel ng Kaharian ng Diyos; inilagay nila ang Liga ng mga Bansa “sa isang dakong banal,” isang dakong hindi dapat na paglagyan nito.
15 Bilang kahalili ng Liga, ang Nagkakaisang mga Bansa ay nagsimulang umiral noong Oktubre 24, 1945. Pagkatapos, ang mga papa sa Roma ay nagbunyi sa Nagkakaisang mga Bansa bilang “ang kahuli-hulihang pag-asa sa pagkakasundo at kapayapaan” at ang “kataas-taasang lupon ng kapayapaan at katarungan.” Oo, ang Liga ng mga Bansa, lakip na ang kahalili nito, ang Nagkakaisang mga Bansa, ay tunay na naging isang idolo, isang “kasuklam-suklam na bagay” sa paningin ng Diyos at ng kaniyang bayan.
Tumakas Mula Saan?
16. Mula saan kailangang tumakas ngayon ang mga umiibig sa katuwiran?
16 Sa ‘pagkakita’ rito, kapag nakilala kung ano ang internasyonal na organisasyong iyan at kung paano ito iniidolo, ang mga umiibig sa katuwiran ay kailangang tumakas tungo sa kaligtasan. Tumakas mula saan? Mula sa modernong-panahong katumbas ng di-tapat na Jerusalem, samakatuwid nga, ang Sangkakristiyanuhan, at mula sa buong Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na sistema ng huwad na relihiyon.—Apocalipsis 18:4.
17, 18. Anong pagkatiwangwang ang pangyayarihin ng modernong-panahong “kasuklam-suklam na bagay”?
17 Tandaan din na noong unang siglo, nang pumasok ang hukbong Romano taglay ang idolatrosong estandarte nito sa banal na lunsod ng mga Judio, naroon iyon upang itiwangwang ang Jerusalem at ang sistema nito ng pagsamba. Sa ating kaarawan ay sasapit ang pagtiwangwang, hindi lamang sa isang lunsod, ni sa Sangkakristiyanuhan lamang, kundi sa buong pandaigdig na sistema ng huwad na relihiyon.—Apocalipsis 18:5-8.
18 Sa Apocalipsis 17:16, inihula na isang makasagisag na matingkad-pulang mabangis na hayop, na napatunayang ang Nagkakaisang mga Bansa, ang babaling sa tulad-patutot na Babilonyang Dakila at marahas na pupuksa sa kaniya. Sa maliwanag na pananalita, sinasabi nito: “Ang sampung sungay na iyong nakita, at ang mabangis na hayop, ang mga ito ay mapopoot sa patutot at gagawin siyang wasak at hubad, at uubusin ang malalamán niyang bahagi at susunugin siya nang lubusan sa apoy.” Kakila-kilabot isipin ang magiging kahulugan nito. Hahantong iyon sa katapusan ng lahat ng anyong huwad na relihiyon sa buong lupa. Ito’y tiyak na magpapakita na nagsimula na ang malaking kapighatian.
19. Anong mga elemento ang naging bahagi ng Nagkakaisang mga Bansa mula nang maitatag ito, at bakit makahulugan ito?
19 Kapansin-pansin na sapol nang magsimulang umiral ang Nagkakaisang mga Bansa noong 1945, prominente na sa mga miyembro nito ang mga elementong ateista at laban sa relihiyon. Sa iba’t ibang panahon sa buong daigdig, ang gayong radikal na mga elemento ay naging kasangkapan sa mahigpit na restriksiyon o lubusang pagbabawal sa mga gawaing relihiyoso. Gayunman, sa nakalipas na ilang taon, lumuwag ang paghihigpit ng mga pamahalaan sa mga grupong relihiyoso sa maraming lupain. Sa ilang tao ay waring wala nang anumang panganib sa relihiyon.
20. Anong uri ng reputasyon ang ginawa ng mga relihiyon ng sanlibutan para sa kanilang sarili?
20 Ang mga relihiyon ng Babilonyang Dakila ay patuloy sa pagiging isang puwersa na lumilikha ng marahas na kaguluhan sa daigdig. Madalas na ipinakikilala sa mga ulo ng balita ang mga nagdirigmaang pangkat at mga grupong terorista sa pamamagitan ng pagbanggit sa relihiyong itinataguyod nila. Ang mga pulis at sundalong sumusugpo sa mga pagkakagulo ay kinakailangang lumusob sa mga templo upang pigilin ang karahasan sa pagitan ng magkaribal na mga grupong relihiyoso. May mga organisasyong relihiyoso na tumutustos sa makapulitikang rebolusyon. Ang pagkapoot dahil sa relihiyon ay bumigo sa mga pagsisikap ng Nagkakaisang mga Bansa na mapanatili ang matatag na ugnayan sa pagitan ng mga lipi. Upang itaguyod ang tunguhing kapayapaan at katiwasayan, may mga elemento sa loob ng Nagkakaisang mga Bansa na gustong mag-alis ng anumang relihiyosong impluwensiya na humahadlang sa kanila.
21. (a) Sino ang titiyak kung kailan pupuksain ang Babilonyang Dakila? (b) Ano ang dapat na apurahang gawin bago nito?
21 May isa pang mahalagang salik na dapat isaalang-alang. Bagaman gagamitin ang sandatahang mga sungay sa loob ng Nagkakaisang mga Bansa upang puksain ang Babilonyang Dakila, ang pagpuksang iyan ay tunay na magiging kapahayagan ng banal na kahatulan. Ang paggawad ng hatol ay sasapit sa panahong itinakda ng Diyos. (Apocalipsis 17:17) Samantala, ano ang dapat nating gawin? “Lumabas kayo sa kaniya”—lumabas mula sa Babilonyang Dakila—ang sagot ng Bibliya.—Apocalipsis 18:4.
22, 23. Ano ang nasasangkot sa gayong pagtakas?
22 Ang pagtakas na ito tungo sa kaligtasan ay hindi pagtakas sa isang literal na dako, gaya ng ginawa ng mga Judiong Kristiyano nang iniwan nila ang Jerusalem. Ito’y pagtakas mula sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, oo, mula sa anumang bahagi ng Babilonyang Dakila. Nangangahulugan ito ng lubusang paghiwalay ng sarili hindi lamang sa mga organisasyon ng huwad na relihiyon kundi pati na rin sa kanilang mga kaugalian at saloobing ipinamamalas. Ito ay pagtakas tungo sa dako ng kaligtasan sa loob ng teokratikong organisasyon ni Jehova.—Efeso 5:7-11.
23 Nang unang ipakilala ng mga pinahirang lingkod ni Jehova ang modernong-panahong kasuklam-suklam na bagay, ang Liga ng mga Bansa, pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, paano kumilos ang mga Saksi? Pinutol na nila ang kanilang pagiging miyembro ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Subalit unti-unti nilang natalos na nangungunyapit pa rin sila sa ilang kaugalian at gawain ng Sangkakristiyanuhan, tulad ng paggamit ng krus at pagdiriwang ng Pasko at iba pang paganong kapistahan. Nang matutuhan nila ang katotohanan tungkol sa mga bagay na ito, agad silang kumilos. Isinapuso nila ang payo sa Isaias 52:11: “Kayo’y magsiyaon, kayo’y magsiyaon, umalis kayo doon, huwag kayong humipo ng maruming bagay; kayo’y magsilabas sa gitna niya, kayo’y magpakalinis, kayong nagdadala ng mga sisidlan ni Jehova.”
24. Lalo na sapol noong 1935, sino ang sumama sa pagtakas?
24 Lalo na sapol noong 1935 patuloy, isang lumalaking pulutong ng iba pa, mga taong yumakap sa pag-asa na mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa, ang nagsimulang kumilos din nang gayon. Kanila ring ‘nakita ang kasuklam-suklam na bagay na nakatayo sa isang dakong banal,’ at nauunawaan nila ang ibig sabihin nito. Matapos silang magpasiyang tumakas, ipinaalis nila ang kanilang mga pangalan mula sa talaan ng mga miyembro ng mga organisasyong bahagi ng Babilonyang Dakila.—2 Corinto 6:14-17.
25. Ano ang kailangan bukod pa sa pagputol sa anumang kaugnayan na maaaring taglay ng isang tao sa huwad na relihiyon?
25 Gayunman, sa pagtakas mula sa Babilonyang Dakila ay higit pa ang nasasangkot kaysa sa pagtalikod sa huwad na relihiyon. Higit pa ang nasasangkot kaysa sa pagdalo sa ilang pulong sa Kingdom Hall o pangangaral ng mabuting balita sa larangan minsan o makalawang beses sa isang buwan. Ang isang tao ay maaaring pisikal na nasa labas ng Babilonyang Dakila, ngunit talaga nga bang tinalikuran na niya ito? Inihiwalay na ba niya ang sarili mula sa sanlibutan na doo’y pangunahing bahagi ang Babilonyang Dakila? Nangungunyapit pa kaya siya sa mga bagay na nagpapaaninaw ng espiritu nito—isang espiritu na humahamak sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos? Ipinagwawalang-bahala ba niya ang kalinisang-asal sa sekso at pagiging tapat sa asawa? Inuuna ba niya ang pansarili at materyal na kapakanan kaysa sa espirituwal na mga kapakanan? Hindi niya dapat hayaang mahubog ang kaniyang sarili ayon sa sistemang ito ng mga bagay.—Mateo 6:24; 1 Pedro 4:3, 4.
Huwag Hayaang Mahadlangan ng Anuman ang Inyong Pagtakas!
26. Ano ang tutulong sa atin upang hindi lamang magsimulang tumakas kundi matagumpay na matapos iyon?
26 Sa ating pagtakas tungo sa kaligtasan, mahalaga na hindi tayo lilingon nang may pananabik sa mga bagay na tinalikuran. (Lucas 9:62) Kailangang ipako natin ang ating isip at puso sa Kaharian ng Diyos at sa kaniyang katuwiran. Determinado ba tayong ipamalas ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pag-una sa mga ito, taglay ang pagtitiwalang pagpapalain ni Jehova ang gayong tapat na landasin? (Mateo 6:31-33) Ang ating maka-Kasulatang pananalig ay dapat pumukaw sa atin sa layuning ito habang may pananabik nating hinihintay ang kaganapan ng mahahalagang pangyayari sa tanawin ng sanlibutan.
27. Bakit mahalaga na pag-isipang mabuti ang mga tanong na ibinangon dito?
27 Ang paglalapat ng banal na hatol ay magsisimula sa pagpuksa sa Babilonyang Dakila. Ang tulad-patutot na imperyo ng huwad na relihiyon ay lubusang papawiin magpakailanman. Napakalapit na ang panahong iyan! Ano kaya ang ating magiging katayuan bilang mga indibiduwal kapag sumapit na ang napakahalagang panahong iyan? At sa kasukdulan ng malaking kapighatian, kapag ang nalalabing bahagi ng balakyot na sistema ni Satanas ay nilipol, kaninong panig kaya tayo masusumpungan? Kung kukunin natin ang kinakailangang hakbang ngayon, matitiyak ang ating kaligtasan. Sinasabi sa atin ni Jehova: “Kung para sa isa na nakikinig sa akin, siya’y tatahan sa katiwasayan.” (Kawikaan 1:33) Sa patuloy na paglilingkod kay Jehova nang matapat at may kagalakan sa katapusan ng sistemang ito, maging karapat-dapat nawa tayong maglingkod kay Jehova magpakailanman.
[Talababa]
a Tingnan ang Insight on the Scriptures, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., Tomo 1, pahina 634-5.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang modernong-panahong “kasuklam-suklam na bagay”?
◻ Sa anong diwa ‘ang kasuklam-suklam na bagay ay nasa isang dakong banal’?
◻ Ano ang nasasangkot sa pagtakas tungo sa kaligtasan ngayon?
◻ Bakit apurahan ang gayong pagkilos?
[Larawan sa pahina 16]
Upang makaligtas, kinailangang tumakas kaagad ang mga tagasunod ni Jesus