Sino ang Makaliligtas sa “Panahon ng Matinding Kahirapan”?
“Ang sinumang tumawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”—JOEL 2:32.
1. Sang-ayon kay Daniel at kay Malakias, ano ang katangian niyaong mga nakahanay para sa kaligtasan sa dumarating na “panahon ng matinding kahirapan”?
ANG nakikita’y ang pangitain sa panahon natin, sumulat si propeta Daniel: “Tiyak na magkakaroon ng panahon ng matinding kahirapan na hindi nangyayari kailanman mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong yaon. At sa panahong yaon ay maliligtas ang iyong bayan, bawat isa na masusumpungang nakasulat sa aklat.” (Daniel 12:1) Nakaaaliw na mga salita nga! Ang sinang-ayunang bayan ni Jehova ay aalalahanin niya, gaya rin ng ipinahayag sa Malakias 3:16: “Nang panahong iyon silang natatakot kay Jehova ay nagsang-usapan, sa isa’t isa, at patuloy na nakinig si Jehova at pinakinggan niya. At isang aklat ng alaala ang sinimulang isulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.”
2. Ano ang resulta ng pagiging palaisip sa pangalan ni Jehova?
2 Ang pagiging palaisip sa pangalan ni Jehova ay umaakay sa pagkakaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa kaniya, sa kaniyang Kristo, at sa lahat ng kaniyang dakilang mga layuning pang-Kaharian. Sa gayon, ang kaniyang bayan ay natututong magpakundangan sa kaniya, pumasok sa isang matalik na kaugnayan ng pag-aalay sa kaniya, at umibig sa kaniya ‘nang kanilang buong puso at nang kanilang buong unawa at nang kanilang buong lakas.’ (Marcos 12:33; Apocalipsis 4:11) Ginawa ni Jehova ang mapagbiyayang paglalaan, sa pamamagitan ng hain ni Jesu-Kristo, upang ang mga maaamo sa lupa ay makasumpong ng buhay na walang-hanggan. Kaya naman, maaaring ulit-ulitin ng mga ito nang may tiwala ang mga salita ng makalangit na hukbo na pumuri sa Diyos nang isilang si Jesus, na nagsasabi: “Kaluwalhatian sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.”—Lucas 2:14.
3. Bago magkaroon ng kapayapaan ang lupang ito, anong pagkilos ni Jehova ang kailangan muna?
3 Ang kapayapaang iyan ay mas malapit na kaysa inaakala ng karamihan ng mga tao. Subalit kailangan munang mangyari ang pagsasakatuparan ng inihatol ni Jehova sa isang likong sanlibutan. Sinasabi ng kaniyang propetang si Zefanias: “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Malapit na, at nagmamadaling mainam.” Ano bang uri ng araw iyon? Nagpapatuloy ang hula: “Ang ugong ng araw ni Jehova ay masaklap. Ang makapangyarihang tao ay sumisigaw roon ng kalagim-lagim. Ang araw na iyon ay araw ng kapootan, araw ng matinding kahirapan at kahapisan, araw ng bagyo at kagibaan, araw ng kadiliman at kalumbayan, araw ng mga alapaap at masalimuot na kadiliman, araw ng pakakak at ng hudyatan, laban sa nakukutaang mga lunsod at laban sa matataas na moog. At aking dadalhan ng kahapisan ang mga tao, at sila’y magsisilakad na parang mga bulag; sapagkat sila’y nagkasala laban kay Jehova.”—Zefanias 1:14-17; tingnan din ang Habacuc 2:3; 3:1-6, 16-19.
4. Sino sa ngayon ang tumutugon sa paanyaya na kumuha ng kaalaman at maglingkod sa Diyos?
4 Nakatutuwa naman, milyun-milyon sa ngayon ang sumasagot sa paanyaya na kumuha ng kaalaman at maglingkod sa Diyos. Tungkol sa pinahirang mga Kristiyano, na isinasali sa bagong tipan, inihula: “ ‘Makikilala nilang lahat ako, mula sa kaliit-liitan sa kanila hanggang sa kadaki-dakilaan sa kanila,’ sabi ni Jehova.” (Jeremias 31:34) Ang mga ito ang nangunguna sa modernong-panahong pagpapatotoo. At ngayon habang parami nang parami sa pinahirang nalabi ang natatapos sa kanilang makalupang takbuhin, ang “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ay humahalili upang ‘maghandog sa Diyos ng banal na paglilingkod araw at gabi’ sa kaniyang tulad-templong kaayusan. (Apocalipsis 7:9, 15; Juan 10:16) Ikaw ba ay isa sa nagtatamasa ng walang-katumbas na pribilehiyong ito?
Kung Papaano Dumarating “ang Kanais-nais na mga Bagay”
5, 6. Bago ugain ang lahat ng bansa upang mawasak, anong gawaing pagliligtas ang ginaganap?
5 Ngayon ay bumaling tayo sa Hagai 2:7, na kung saan humuhula si Jehova tungkol sa kaniyang espirituwal na bahay ng pagsamba. Sinasabi niya: “Aking uugain ang lahat ng bansa, at ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng bansa ay darating; at ang bahay na ito ay pupunuin ko ng kaluwalhatian.” Ipinakikita ng mga hula sa Bibliya na ‘ang pag-uga sa mga bansa’ ay tumutukoy sa pagsasakatuparan ng kahatulan ni Jehova sa mga bansa. (Nahum 1:5, 6; Apocalipsis 6:12-17) Sa gayon, ang pagkilos ni Jehova na inihula ng Hagai 2:7 ay sasapit sa sukdulan pagka inuga na ang mga bansa upang tuluyang mawala—mapuksa. Subalit kumusta naman “ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng bansa”? Sila ba’y kailangang maghintay sa katapusang mapangwasak na pag-ugang iyon upang sila’y matipon? Hindi naman.
6 Sinasabi ng Joel 2:32 na “sinumang tumawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas; sapagkat sa Bundok ng Sion at sa Jerusalem doroon yaong nangakaligtas, gaya ng sinabi ni Jehova, at sa nangalabi, na tinatawag ni Jehova.” Sila’y inilalabas ni Jehova, at kanilang tinatawagan ang kaniyang pangalan na taglay ang pananampalataya sa hain ni Jesus bago dumating ang sukdulang pag-uga na dala ng malaking kapighatian. (Ihambing ang Juan 6:44; Gawa 2:38, 39.) Nakatutuwa naman, ang mahalagang malaking pulutong, ngayo’y may bilang na mahigit na apat na milyon, ay ‘pumapasok’ sa bahay ni Jehova ng pagsamba samantalang hinihintay nila ang kaniyang ‘pag-uga sa lahat ng bansa’ sa Armagedon.—Apocalipsis 7:9, 10, 14.
7. Ano ang nasasangkot sa ‘pagtawag sa pangalan ni Jehova’?
7 Papaano tumatawag sa pangalan ni Jehova ang mga nakaligtas na ito? Ipinahihiwatig ito sa atin ng Santiago 4:8, na nagsasabi: “Magsilapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong kamay, kayong makasalanan, at dalisayin ninyo ang inyong puso, kayong may dalawang akala.” Gaya rin ng pinahirang nalabi na nanguna sa paghanap ng daan, yaong mga umaasang makabilang sa malaking pulutong ng makaliligtas sa Armagedon ay kailangang kumilos kaagad. Kung umaasa kang makaliligtas, kailangang saganang uminom ka sa dumadalisay na Salita ni Jehova at ikapit sa iyong buhay ang kaniyang matuwid na mga pamantayan. Magpasiya ka na ialay kay Jehova ang iyong buhay, sagisagan ito ng bautismo sa tubig. Ang iyong pagtawag kay Jehova na taglay ang pananampalataya ay kalakip din ang iyong pagpapatotoo sa kaniya. Kaya, sa Roma kabanata 10, talatang 9 at 10, si Pablo ay sumulat: “Kung ipinahahayag mo sa madla ang gayong ‘salita sa iyong sariling bibig,’ na si Jesus ay Panginoon, at sumasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang muli ng Diyos buhat sa mga patay, ikaw ay maliligtas. Sapagkat sa puso nananampalataya ang tao sa ikatutuwid, subalit sa pamamagitan ng bibig ginagawa ang pagpapahayag sa madla ukol sa ikaliligtas.” Pagkatapos, sa Roma 10 talatang 13, sinisipi ng apostol ang hula ni Joel, idiniriin na “sinumang tumawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”
‘Hanapin, Hanapin, Hanapin’
8. (a) Sang-ayon kay propeta Zefanias, ano ang kahilingan ni Jehova ukol sa kaligtasan? (b) Anong babala ang ibinibigay sa atin ng salitang “kaipala” sa Zefanias 2:3?
8 Sa pagbaling sa aklat ng Bibliya sa Zefanias, kabanata 2, talatang 2 at 3, mababasa natin kung ano ang kahilingan ni Jehova ukol sa kaligtasan: “Bago dumating sa inyo ang mabangis na galit ni Jehova, bago dumating sa inyo ang araw ng galit ni Jehova, hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsigawa ng ayon sa Kaniyang sariling ipinasiyang kahatulan. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaipala ay makukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.” Pansinin ang salitang “kaipala.” Ito’y hindi nagpapahiwatig na minsang naligtas ka, laging ligtas ka. Ang pagkakubli natin sa araw na iyan ay depende sa ating patuloy na paggawa sa tatlong bagay na iyon. Kailangang hanapin natin si Jehova, hanapin natin ang katuwiran, at hanapin natin ang kaamuan.
9. Papaano ganagantimpalaan yaong mga humahanap ng kaamuan?
9 Tunay, kahanga-hanga ang gantimpala ng paghanap ng kaamuan! Sa Awit 37, talatang 9 hanggang 11, ating mababasa: “Yaong nagsisipaghintay kay Jehova ang magmamana ng lupa. Sapagkat sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ay magmamana ng lupain at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” At kumusta naman ang tungkol sa paghahanap ng katuwiran? Ang Aw 37 talatang 29 ay nagsasabi: “Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” Kung tungkol naman sa paghanap kay Jehova, ang mga Aw 37 talatang 39 at 40 ay nagsasabi sa atin: “Ang kaligtasan ng matuwid ay nanggagaling kay Jehova; siya ang kanilang kuta sa panahon ng malaking panganib. At sila’y tutulungan ni Jehova at hahayaang makatanan. Kaniyang hahayaang sila’y makatanan buhat sa balakyot na mga tao at ililigtas sila, sapagkat sila’y nagkanlong sa kaniya.”
10. Sino ang kapansin-pansin sa kanilang pagtanggi na hanapin si Jehova at hanapin ang kaamuan?
10 Ang mga sekta ng Sangkakristiyanuhan ay bigo ng paghanap kay Jehova. Ang kanilang klero ay tumatanggi pa nga sa kaniyang kamahal-mahalang pangalan, buong kapangahasan na inalis nila iyon sa kanilang mga salin ng Bibliya. Minabuti pa nilang sumamba sa isang Panginoon o Diyos na walang pangalan at ang paganong Trinidad ang pinakukundanganan. Isa pa, ang Sangkakristiyanuhan ay hindi naghahanap ng katuwiran. Marami sa kaniyang miyembro ang sumusunod o nagtataguyod ng maluwag na mga istilo ng pamumuhay. Imbes na humanap ng kaamuan na gaya ni Jesus, kanilang mapasikat na ipinagpaparangalan, halimbawa sa telebisyon, ang maluluhong pagtatanghal at kalimitan imoral na pamumuhay. Pinatataba ng klero ang kanilang sarili sa gastos ng kanilang mga kawan. Sa mga salita ng Santiago 5:5, sila’y “namumuhay nang maluho sa lupa at nagpapasasa sa kalayawan.” Habang palapít ang araw ni Jehova, kanilang mapatutunayan na ang kinasihang pananalita ay kumakapit sa kanila: “Ang mga kayamanan ay walang kabuluhan sa araw ng poot.”—Kawikaan 11:4.
11. Sino ang taong tampalasan, at papaano napabunton sa kaniya ang napakaraming kasalanan sa dugo?
11 Noong unang siglo C.E., gaya ng pagkalahad ni apostol Pablo sa kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Tesalonica, ang ilang mga Kristiyano ay nabahala, sa pag-iisip na sumapit na noon sa kanila ang araw ni Jehova. Subalit nagbabala si Pablo na kailangan munang dumating ang malaganap na apostasya, at mahayag “ang taong tampalasan.” (2 Tesalonica 2:1-3) Ngayon, sa ika-20 siglong ito, ating nauunawaan ang pagkamalaganap ng apostasyang iyan at kung gaano katampalasan ang klero ng Sangkakristiyanuhan sa paningin ng Diyos. Sa mga huling araw na ito magbuhat noong 1914, nakabunton sa klero ang napakaraming kasalanan sa dugo dahil sa pagsuporta sa ‘pagpanday sa mga sudsod upang maging mga tabak.’ (Joel 3:10) Sila’y patuloy ring nagtuturo ng kabulaanang mga doktrina, tulad ng likas na pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, ng purgatoryo, pagpapahirap sa apoy ng impiyerno, pagbabautismo sa sanggol, Trinidad, at iba pa. Saan sila tatayo pagka isinakatuparan na ni Jehova ang kaniyang pasiya? Ang Kawikaan 19:5 ay nagsasabi: “Ang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay hindi makatatanan.”
12. (a) Ano ba ang mga elementong bumubuo ng “mga langit” at “lupa” ng tao na malapit nang maparam? (b) Ano ang matututuhan natin sa dumarating na pagkapuksa ng balakyot na sanlibutang ito?
12 Sa 2 Pedro 3:10, ating mababasa: “Ang araw ni Jehova ay darating na tulad ng magnanakaw, na sa araw na iyon ang mga langit ay mapaparam na kasabay ng sumasagitsit na hugong, ngunit ang mga elemento ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay matutuklasan.” Ang bulok na pamamahala na nakakulandong na mistulang langit sa sangkatauhan, kasama na ang lahat ng elemento na bumubuo sa ngayon ng lipunan ng pasamâ nang pasamáng sangkatauhan, ay papalisin ng Diyos sa lupa. Ang mga pabrikante at mga nagbibili ng mga armas na pamuksa, mga manunubà, mapagpaimbabaw na mga relihiyonista at pati kanilang klero, mga promotor ng kabuktutan, karahasan, at krimen—lahat na ito ay mapaparam. Ang mga ito ay matutunaw sa galit ni Jehova. Subalit sa mga 2Ped 3 talatang 11 at 12, isinusog ni Pedro ang babalang ito para sa mga Kristiyano: “Yamang lahat ng bagay na ito ay mapupugnaw nang ganito, nararapat na kayo ay maging anong uri ng mga tao sa banal na pamumuhay at mga gawang bunga ng maka-Diyos na debosyon, samantalang inyong hinihintay at laging isinasaisip ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.”
Kumikilos Na si Miguel!
13, 14. Sino ang dakilang Tagapagbangong-puri ng pamamahala ni Jehova, at papaano na siya kumikilos magbuhat noong 1914?
13 Papaano magaganap ang pagkaligtas ng sinuman sa “panahon ng matinding kahirapan” ni Jehova? Ang Kinatawan ng Diyos na gagamitin sa pagliligtas ay ang arkanghel na si Miguel, na ang pangalan ay nangangahulugan ng “Sino ang Gaya ng Diyos?” Angkop, kung gayon, na Siya ang nagbabangong-puri sa pamamahala ni Jehova, na itinataguyod si Jehova bilang ang tanging tunay na Diyos at matuwid na Soberanong Panginoon ng buong sansinukob.
14 Ano ngang pagkapambihirang mga pangyayari ang inilalahad ng Apocalipsis kabanata 12, mga talatang 7 hanggang 17, tungkol sa “araw ng Panginoon” magmula noong 1914! (Apocalipsis 1:10) Ang rebeldeng si Satanas ay ibinulid ng arkanghel na si Miguel buhat sa langit tungo sa lupa. Pagkatapos, gaya ng pagkalahad sa Apocalipsis kabanata 19, mga talatang 11 hanggang 16, isang tinatawag na “Tapat at Totoo” na ‘yumuyurak sa pisaan ng ubas ng mabangis na galit ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.’ Ang makapangyarihang makalangit na mandirigmang ito ay pinanganlang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” Sa katapusan, sa Apocalipsis kabanata 20, mga talatang 1 at 2, ay binabanggit ang isang dakilang anghel na nagbubulid kay Satanas sa kalaliman at ibinibilanggo siya roon ng isang libong taon. Maliwanag, lahat ng mga kasulatang ito ay tumutukoy sa isang Tagapagbangong-puri ng soberanya ni Jehova, ang Panginoong Jesu-Kristo, na iniluklok ni Jehova sa kaniyang maluwalhating trono sa langit noong 1914.
15. Sa anong pantanging paraan “tatayo” si Miguel sa madaling panahon?
15 Si Miguel ay “nakatayo,” gaya ng sinasabi sa Daniel 12:1 sa ikabubuti ng bayan ni Jehova mula’t sapol na siya’y iluklok bilang Hari noong 1914. Subalit sa madaling panahon si Miguel ay “tatayo” sa isang lubhang natatanging diwa—bilang Kinatawan ni Jehova sa pag-aalis sa lahat ng kabalakyutan sa lupa at bilang ang Tagapagligtas ng pambuong-lupang lipunan ng bayan ng Diyos. Kung gaano katindi ang “panahon ng matinding kahirapan” na iyon ay ipinakikita ng mga salita ni Jesus sa Mateo 24:21, 22: “Kung magkagayo’y magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman. Sa katunayan, malibang paikliin ang mga araw na iyon, walang laman na maliligtas; ngunit dahil sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon.
16. Anong laman ang maliligtas sa panahon ng malaking kapighatian?
16 Anong ligaya ang ating madarama at may mga laman na ililigtas sa panahong iyon! Hindi, hindi katulad ng mapaghimagsik na mga Judiong nakulong sa Jerusalem noong 70 C.E., na ang iba sa kanila ay dinalang bihag sa Roma. Bagkus, yaong mga nakaligtas sa “panahon ng kawakasan” ay tulad ng kongregasyong Kristiyano na nakatakas na buhat sa Jerusalem nang magsimula ang katapusang pagkubkob. Sila yaong sariling bayan ng Diyos, ang milyun-milyon na kabilang sa malaking pulutong kasama ang sinumang mga pinahiran na narito pa sa lupa. (Daniel 12:4) Ang malaking pulutong ay “lumalabas buhat sa malaking kapighatian.” Bakit? Sapagkat “sila’y naglaba ng kanilang mga kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.” Sila’y sumasampalataya sa bisa na makatubos ng itinigis na dugo ni Jesus at ipinakikita ang pananampalatayang iyan sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod sa Diyos. Kahit na ngayon, si Jehova, “na Siyang nakaluklok sa trono,” ang nagbibigay sa kanila ng kaniyang proteksiyon, samantalang ang Kordero, si Kristo Jesus, ang nagpapastol at pumapatnubay sa kanila sa mga bukal ng tubig ng buhay.—Apocalipsis 7:14, 15.
17. Papaano hinihimok na kumilos ang malaking pulutong upang makubli sa panahon ng dumarating na araw ng matinding kahirapan?
17 Sa paghanap kay Jehova, sa katuwiran, at sa kaamuan, ang milyun-milyon na kabilang sa malaking pulutong ay dapat mag-ingat na ang kanilang unang pag-ibig sa katotohanan ay manlamig! Kung isa ka sa tulad-tupang mga taong ito, ano ang dapat mong gawin? Gaya ng sinasabi sa Colosas kabanata 3, mga talatang 5 hanggang 14, kailangang lubusang “hubarin mo ang matandang pagkatao pati mga kaugalian” niyaon. Hanapin mo ang tulong ng Diyos, sikapin mong ‘bihisan ang iyong sarili ng bagong pagkatao, salig sa tumpak na kaalaman.’ Sa kaamuan, paunlarin mo at panatilihin ang sigasig sa pagpuri kay Jehova at sa pagbabalita sa iba ng kaniyang mga dakilang layunin. Sa gayon, ikaw ay maaaring makanlong sa “panahon ng matinding kahirapan,” ang araw ng “mabangis na galit ni Jehova.”
18, 19. Sa papaano kailangan ang pagtitiis para sa kaligtasan?
18 Ang araw na iyan ay malapit na! Iyan ay nagmamadali patungo sa atin. Ang pagtitipon sa mga taong makakabilang sa malaking pulutong ay nagpapatuloy hanggang ngayon nang may mga 57 taon na. Ang iba sa kanila ay nangamatay at naghihintay ng pagkabuhay-muli. Subalit tayo’y binibigyang-katiyakan ng hula sa Apocalipsis na bilang isang grupo ang malaking pulutong ay lalabas sa malaking kapighatian bilang ang pagsisimulan ng lipunan ng “isang bagong lupa.” (Apocalipsis 21:1) Naroon ka kaya? Posible iyan, sapagkat sinabi ni Jesus sa Mateo 24:13: “Ang magtiis hanggang sa wakas ang maliligtas.”
19 Ang mga kagipitan na mararanasan ng mga lingkod ni Jehova sa matandang sistemang ito ay maaaring magpatuloy na dumami. At pagdating ng napakahirap na malaking kapighatian, ikaw man ay maaaring dumanas ng mga kahirapan. Subalit ikaw ay laging maging malapit kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Manatiling gising! “ ‘Hintayin ninyo ako,’ sabi ni Jehova, ‘hanggang sa araw na ako’y bumangon sa panghuhuli, sapagkat ang aking pasiya ay pisanin ang mga bansa, upang aking matipong sama-sama ang mga kaharian, upang maibuhos ko sa kanila ang aking galit, lahat ng aking mabangis na galit; sapagkat ang buong lupa ay sasakmalin ng silakbo ng aking panibugho.’ ”—Zefanias 3:8.
20. Samantalang mabilis na papalapit ang “panahon ng matinding kahirapan,” ano ang kailangan nating gawin?
20 Para sa proteksiyon at pampalakas-loob natin, may kagandahang-loob na naglaan si Jehova sa kaniyang bayan ng “isang dalisay na wika,” kasali na rito ang dakilang pabalita ng kaniyang dumarating na Kaharian, “upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya ng balikatan.” (Zefanias 3:9) Samantalang ang sukdulang “panahon ng matinding kahirapan” ay mabilis na papalapit, harinawang tayo’y maglingkod nang may sigasig na tumutulong sa iba pang maaamo na ‘tumawag sa pangalan ni Jehova’ ukol sa kaligtasan.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong pagkilos ni Jehova ang mauuna sa pagdadala ng kapayapaan sa lupa?
◻ Sang-ayon kay Joel, ano ang kailangang gawin ng isang tao upang maligtas?
◻ Sang-ayon kay Zefanias, papaanong ang mga maaamo ay makasusumpong ng proteksiyon buhat sa mabangis na galit ni Jehova?
◻ Sino “ang taong tampalasan,” at papaano siya nabuntunan ng kasalanan sa dugo?
◻ Gaano kahalaga ang pagtitiis kung tungkol sa kaligtasan?