Kabanata 11
Ito Na ang mga Huling Araw!
1. Bakit marami ang waring naguguluhan kapag binubulay-bulay ang kalagayan ng daigdig, ngunit saan matatagpuan ang maaasahang paliwanag hinggil sa mga pangyayari sa daigdig?
PAPAANO kaya nakaabot sa puntong ito ang ating magulong daigdig? Ano kayang kinabukasan ang naghihintay sa atin? Sumagi na ba sa iyong isipan ang mga tanong na iyan? Marami ang waring naguguluhan kapag nakikita nila ang kalagayan ng daigdig. Dahil sa mga pangyayaring tulad ng digmaan, sakit, at krimen ang mga tao’y nababahala sa idudulot ng kinabukasan. Halos walang maihandog na pag-asa ang mga lider ng pamahalaan. Gayunman, may matatagpuang paliwanag sa nakababalisang mga araw na ito mula sa Diyos sa kaniyang Salita. Maaasahang tinutulungan tayo ng Bibliya na maunawaan kung nasaan na tayo sa agos ng panahon. Ipinakikita nito na tayo’y nasa “mga huling araw” na ng kasalukuyang sistema ng mga bagay.—2 Timoteo 3:1.
2. Ano ang itinanong kay Jesus ng kaniyang mga alagad, at papaano siya sumagot?
2 Halimbawa, isaalang-alang ang tugon ni Jesus sa ilang tanong na ibinangon ng kaniyang mga alagad. Tatlong araw bago mamatay si Jesus, tinanong nila siya: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?”a (Mateo 24:3) Bilang sagot, bumanggit si Jesus ng partikular na mga pangyayari at kalagayan sa daigdig na maliwanag na magpapakitang pumasok na sa kaniyang mga huling araw ang di-maka-Diyos na sistemang ito.
3. Bakit lalong lumalâ ang mga kalagayan sa lupa nang magsimulang mamahala si Jesus?
3 Gaya ng ipinakita ng nakaraang kabanata, ang kronolohiya ng Bibliya ay umaakay sa konklusyon na nagsimula nang mamahala ang Kaharian ng Diyos. Ngunit papaano mangyayari iyan? Palalâ ang mga bagay-bagay, hindi pabuti. Ang totoo, ito’y isang matibay na ebidensiya na ang Kaharian ng Diyos ay nagsimula nang mamahala. Bakit nga ba? Buweno, ipinaaalam sa atin ng Awit 110:2 na may isang panahon na mamamahala si Jesus ‘sa gitna ng kaniyang mga kaaway.’ Sa katunayan, ang kaniyang unang ginawa bilang makalangit na Hari ay ang ihagis si Satanas at ang kaniyang mga demonyong anghel sa kapaligiran ng lupa. (Apocalipsis 12:9) Ano ang naging epekto? Kagaya ng inihula sa Apocalipsis 12:12: “Kaabahan para sa lupa at para sa dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” Tayo’y nabubuhay ngayon sa ‘maikling yugto ng panahong’ iyon.
4. Ano ang ilang pagkakakilanlan ng mga huling araw, at ano ang ipinahihiwatig ng mga ito? (Tingnan ang kahon.)
4 Hindi kataka-taka kung gayon, nang tanungin si Jesus kung ano ang magiging tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay, maselang ang kaniyang sagot. Ang iba’t ibang bahagi ng tanda ay matatagpuan sa kahon sa pahina 102. Gaya ng iyong makikita, ang Kristiyanong mga apostol na sina Pablo, Pedro, at Juan ay naglalaan sa atin ng higit pang detalye hinggil sa mga huling araw. Totoo, karamihan sa mga pagkakakilanlan ng tanda at ng mga huling araw ay tumutukoy sa nakapanlulumong mga kalagayan. Ngunit, ang katuparan ng mga hulang ito ay dapat makakumbinsi sa atin na malapit na ngang magwakas ang balakyot na sistemang ito. Tingnan nating mabuti ang ilan sa mga pangunahing pagkakakilanlan ng mga huling araw.
MGA PAGKAKAKILANLAN NG MGA HULING ARAW
5, 6. Papaano natutupad ang mga hula hinggil sa digmaan at taggutom?
5 “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.” (Mateo 24:7; Apocalipsis 6:4) Tinawag ng manunulat na si Ernest Hemingway ang Digmaang Pandaigdig I na “ang pinakamalaki, pinakamabalasik, walang-taros na lansakang pamamaslang na kailanma’y nangyari sa lupa.” Ayon sa aklat na The World in the Crucible—1914-1919, ito’y “isang bagong lawak ng digmaan, ang kauna-unahan at lubus-lubusang digmaan sa karanasan ng sangkatauhan. Ang tagal, tindi, at lawak nito ay nakahihigit sa anumang dating nalalaman o karaniwang inaasahan.” Sinundan naman ito ng Digmaang Pandaigdig II, na napatunayang higit na mapangwasak kaysa sa Digmaang Pandaigdig I. “Ang ikadalawampung siglo,” sabi ng propesor ng kasaysayan na si Hugh Thomas, “ay pinangingibabawan ng masínggan, tangke, B-52, bombang nuklear, at, ang panghuli’y, ng missile. Ito’y nakakitaan ng mga digmaang higit na madugo at mapangwasak kaysa sa anumang nagdaang kapanahunan.” Totoo, napakaraming nasabi tungkol sa pag-aalis ng sandata pagkatapos ng Malamig na Digmaan. Subalit, tinatantiya ng isang pag-uulat na pagkatapos ng binabalak na pagbabawas ay mga 10,000 hanggang 20,000 nuclear warheads pa rin ang mananatili—mahigit na 900 ulit ng lakas na ginamit noong Digmaang Pandaigdig II.
6 “Magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain.” (Mateo 24:7; Apocalipsis 6:5, 6, 8) Mula noong 1914 nagkaroon na ng di-kukulangin sa 20 malalaking taggutom. Kabilang sa mga apektadong lugar ay Bangladesh, Burundi, Cambodia, Ethiopia, Gresya, India, Nigeria, Russia, Rwanda, Somalia, Sudan, at Tsina. Subalit ang taggutom ay hindi palaging dahil sa kakapusan ng pagkain. “Ang suplay ng pagkain sa daigdig sa nagdaang mga dekada ay mas mabilis na lumaki kaysa sa populasyon nito,” ang palagay ng isang grupo ng mga siyentipiko at ekonomista sa agrikultura. “Ngunit dahil sa di-kukulangin sa 800 milyong tao ang nananatili sa labis na karukhaan, . . . hindi sila makabili nang sapat na dami upang masagip sila sa malala nang malnutrisyon.” Nasasangkot ang pakikialam ng mga pulitiko sa ibang mga kaso. Si Dr. Abdelgalil Elmekki ng Unibersidad ng Toronto ay nagbigay ng dalawang halimbawa na doo’y libu-libo ang nagugutom habang ang kani-kanilang bansa ay nagluluwas ng pagkalalaking bulto ng pagkain. Waring higit pang interesado ang mga pamahalaan sa pag-iipon ng salaping banyaga upang matustusan ang kanilang pakikidigma kaysa mapakain ang kanilang mamamayan. Ang konklusyon ni Dr. Elmekki? Ang taggutom ay madalas na “may malaking kinalaman sa problema ng pamamahagi at patakaran ng pamahalaan.”
7. Ano ang nangyayari may kinalaman sa mga salot sa ngayon?
7 “Mga salot.” (Lucas 21:11; Apocalipsis 6:8) Ang trangkaso Espanyola noong 1918-19 ay kumitil ng di-kukulangin sa 21 milyong buhay. “Ang daigdig ay hindi kailanman nakaranas ng gayong pamiminsala ng isang mamamatay-tao na pumaslang ng ganiyang karaming tao nang gayong kabilis,” ang sulat ni A. A. Hoehling sa The Great Epidemic. Sa ngayon, ang mga salot ay nananalanta pa rin. Taun-taon, ang kanser ay kumikitil ng limang milyon katao, ang sakit na diarrhea ay umaangkin ng buhay ng mahigit na tatlong milyong sanggol at mga bata, at ang tuberkulosis ay pumapatay ng tatlong milyon. Ang mga impeksiyon sa bagà, karamiha’y pulmonya, ay pumapatay taun-taon ng 3.5 milyong bata na wala pang limang taon ang gulang. At isang nakagigitlang 2.5 bilyon—kalahati ng populasyon ng daigdig—ang dumaranas ng mga sakit na dulot ng kakulangan o maruming tubig at di-sapat na kalinisan. Ang AIDS ay nagsisilbing tagapagpaalaala na ang tao, sa kabila ng kaniyang napakaraming tuklas sa medisina, ay walang kakayahang mag-alis ng mga salot.
8. Papaano pinatutunayan ng mga tao na sila’y “mga maibigin sa salapi”?
8 “Ang mga tao ay magiging . . . mga maibigin sa salapi.” (2 Timoteo 3:2) Sa mga lupain sa palibot ng daigdig, waring di-mapawi-pawi ang pagkagutom ng mga tao sa pagkakamal ng mas malaking kayamanan. Ang “tagumpay” ay madalas na sinusukat sa laki ng suweldo ng isa, ang “matagumpay na nagawa” ay sa dami ng tinatangkilik ng isa. “Ang materyalismo ay patuloy na magiging isa sa mga nag-uudyok na puwersa sa lipunang Amerikano . . . at isa ring lumalakas na mahalagang puwersa sa iba pang pangunahing bansang mámimíli,” ang pahayag ng bise presidente ng isang advertising agency. Nangyayari ba ito sa inyong lugar?
9. Ano ang masasabi tungkol sa inihulang pagkamasuwayin sa mga magulang?
9 “Mga masuwayin sa mga magulang.” (2 Timoteo 3:2) Nasasaksihan mismo ng mga magulang, guro at iba pa sa ngayon ang ebidensiya na maraming bata ang mga walang-galang at masuwayin. Ang ilan sa mga kabataang ito ay alinman sa gumaganti lamang o tumutulad sa di-mabuting asal ng kanilang mga magulang. Dumarami ang bilang ng mga batang nawawalan ng tiwala—at naghihimagsik pa nga—sa paaralan, sa batas, sa relihiyon, at sa kanilang mga magulang. “Bilang kalakaran,” sabi ng isang beteranong guro ng paaralan, “sila ay halos walang iginagalang na anuman.” Nakatutuwa naman, maraming may-takot sa Diyos na mga bata ang mga uliran sa kanilang asal.
10, 11. Anong katibayan mayroon na ang mga tao’y mababangis at walang likas na pagmamahal?
10 “Mga mabangis.” (2 Timoteo 3:3) Ang Griegong salita na isinaling “mabangis” ay nangangahulugang ‘simaron, mailap, walang makataong simpatiya at pakiramdam.’ Angkop na angkop ito sa maraming nagsasagawa ng karahasan sa ngayon! “Napakasaklap ng buhay, punung-puno ng madugong pangingilabot anupat kailangan mong magkaroon ng tiyan na yari sa bakal upang masikmura mo ang pagbabasa ng mga balita sa araw-araw,” sabi ng isang editoryal. Isang sarhento ng mga guwardiya sa isang apartment ang nagkomento na marami sa mga kabataan ang waring nabubulagan sa maaaring ibunga ng kanilang mga gawi. Sabi niya: “Nariyan ang palagay na, ‘Ewan ko kung ano ang mangyayari bukas. Basta kukunin ko na ang gusto ko ngayon.’ ”
11 “Walang likas na pagmamahal.” (2 Timoteo 3:3) Ang pananalitang ito ay isinalin mula sa salitang Griego na nangangahulugang “walang-puso, di-makatao” at nagpapahiwatig ng “kawalan ng likas na pagmamahal sa pamilya.” (The New International Dictionary of New Testament Theology) Oo, madalas na nawawala ang pagmamahalan sa mismong kapaligiran na dapat sana’y lumalago ito—sa tahanan. Nakababahala na naging palasak na ang mga ulat ng pananakit sa asawa, mga anak, at maging sa may-edad nang mga magulang. Isang pangkat ng mananaliksik ang nagkomento: “Ang karahasan ng tao—maging iyon man ay pananampal o pagtulak, pananaksak o pamamaril—ay mas madalas na nagaganap sa loob ng pamilya kaysa saanman sa ating lipunan.”
12. Bakit masasabi na ang mga tao’y nagtataglay lamang ng isang anyo ng maka-Diyos na debosyon?
12 “May anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.” (2 Timoteo 3:5) May kapangyarihan ang Bibliya na baguhin ang buhay sa ikabubuti. (Efeso 4:22-24) Ngunit marami sa ngayon ang gumagamit ng kanilang relihiyon bilang panakip sa kanilang di-matuwid na mga gawa na di-nakalulugod sa Diyos. Ang pagsisinungaling, pagnanakaw, at masamang asal sa sekso ay madalas na kinukunsinti ng mga lider ng relihiyon. Maraming relihiyon ang nangangaral ng pag-ibig ngunit sumusuporta naman sa digmaan. “Sa ngalan ng Kataas-taasang Maylalang,” komento ng isang editoryal sa magasing India Today, “ang mga tao’y nagsagawa na ng pinakakasuklam-suklam na kabuktutan laban sa kanilang kapuwa tao.” Sa katunayan, ang dalawang pinakamadugong labanan sa panahon natin—mga Digmaang Pandaigdig I at II—ay sumiklab sa gitna mismo ng Sangkakristiyanuhan.
13. Anong katibayan mayroon na ang lupa ay sinisira?
13 “Sumisira sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Mahigit na 1,600 siyentipiko, kasali na ang 104 na nagwagi ng Nobel prize, mula sa buong daigdig ang nagtibay sa isang babala, na inilabas ng Union of Concerned Scientists (UCS), na nagsasabi: “Ang mga tao at ang likas na daigdig ay nagsasagupaan. . . . Ilang dekada lamang ang natitira bago mawala ang tsansang masawata ang mga pagbabanta.” Sinasabi ng ulat na ang mga gawa ng tao na nagsasapanganib ng buhay “ay posibleng makapagpabago sa daigdig anupat hindi na nito masusustinihan ang buhay sa paraang nakasanayan natin.” Ang pagnipis ng ozone, polusyon sa tubig, pamumutol ng mga punungkahoy, unti-unting paghina ng mga anihin, at pagkalipol ng maraming hayop at mga uri ng halaman ay binanggit na apurahang mga problemang dapat harapin. “Ang pakikialam natin sa magkakaugnay na mga habi ng buhay,” sabi ng UCS, “ay maaaring magbunsod ng malawakang epekto, saklaw na ang pagguho ng mga sistemang biyolohikal na ang puno’t dulo nito’y di-natin lubusang maunawaan.”
14. Papaano mo mapatutunayan na ang Mateo 24:14 ay natutupad na sa ating kaarawan?
14 “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.” (Mateo 24:14) Inihula ni Jesus na ang mabuting balita ng Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa, bilang patotoo sa lahat ng mga bansa. Taglay ang banal na pagtulong at pagpapala, milyun-milyong Saksi ni Jehova ang gumugugol ng bilyun-bilyong oras sa gawaing ito ng pangangaral at paggawa ng alagad. (Mateo 28:19, 20) Oo, natatanto ng mga Saksi na sila’y mananagot sa dugo kung hindi nila ipahahayag ang mabuting balita. (Ezekiel 3:18, 19) Subalit sila’y nagagalak na sa bawat taon ay libu-libo ang buong-pasasalamat na tumutugon sa mensahe ng Kaharian at naninindigan bilang mga tunay na Kristiyano, alalaong baga’y bilang mga Saksi ni Jehova. Isang di-matutumbasang pribilehiyo na paglingkuran si Jehova at sa gayo’y mapalaganap ang kaalaman ng Diyos. At pagkatapos na maipangaral ang mabuting balitang ito sa buong tinatahanang lupa, darating ang katapusan ng balakyot na sistemang ito.
TUMUGON SA EBIDENSIYA
15. Papaano magwawakas ang kasalukuyang balakyot na sistema?
15 Papaano magwawakas ang sistemang ito? Inihuhula ng Bibliya ang isang “malaking kapighatian” na magsisimula sa pagsalakay ng makasanlibutang elemento ng pulitika sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Mateo 24:21; Apocalipsis 17:5, 16) Sinabi ni Jesus na sa panahong iyon “ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan sa mga langit ay mayayanig.” (Mateo 24:29) Ito’y maaaring tumukoy sa literal na mga kababalaghan sa langit. Sa anumang kaso, ang nagniningning na mga liwanag ng relihiyosong sanlibutan ay malalantad at papawiin. Pagkatapos, ang mga tiwaling tao ay gagamitin ni Satanas, na tinatawag na “Gog sa lupain ng Magog,” upang magsagawa ng harapang pagsalakay sa bayan ni Jehova. Subalit hindi magtatagumpay si Satanas, sapagkat ililigtas sila ng Diyos. (Ezekiel 38:1, 2, 14-23) Sasapit sa sukdulan “ang malaking kapighatian” sa Armagedon, “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Papawiin nito ang bawat natitirang bakas ng makalupang organisasyon ni Satanas, anupat binubuksan ang daan upang umagos ang walang-katapusang pagpapala sa makaliligtas na sangkatauhan.—Apocalipsis 7:9, 14; 11:15; 16:14, 16; 21:3, 4.
16. Papaano natin malalaman na ang inihulang mga pagkakakilanlan ng mga huling araw ay kapit sa ating kaarawan?
16 Sa ganang sarili, ang ilang pagkakakilanlan ng mga hulang naglalarawan sa mga huling araw ay maaaring akalaing tumutukoy sa ibang mga panahon ng kasaysayan. Ngunit kapag pinagsama-sama, ang inihulang mga katibayan ay walang ibang pinatutungkulan kundi ang ating kaarawan. Bilang halimbawa: Ang mga guhit na nasa tatak ng daliri ng isang tao ay bumubuo ng isang bakas na hindi maaaring ariin ng iba. Gayundin, ang mga huling araw ay may kaniyang sariling bakas ng mga palatandaan, o mga pangyayari. Ang mga ito’y bumubuo ng isang “tatak ng daliri” na hindi maaaring kumapit sa ibang yugto ng panahon. Kapag isinaalang-alang kasabay ng malinaw na mga pahiwatig ng Bibliya na namamahala na nga ang makalangit na Kaharian ng Diyos, ang mga ebidensiya’y naglalaan ng isang maaasahang saligan upang tiyakin na ito na nga ang mga huling araw. Isa pa, may maliwanag na maka-Kasulatang patotoo na ang kasalukuyang balakyot na sistema ay malapit nang mawasak.
17. Ang pagkaalam na ito na nga ang mga huling araw ay dapat mag-udyok sa atin na gawin ang ano?
17 Papaano ka tutugon sa ebidensiyang ito na nga ang mga huling araw? Isaalang-alang ito: Kung nagbabanta ang isang nagngangalit na mapangwasak na bagyo, naghahanda na agad tayo upang makapag-ingat. Buweno, ang inihula ng Bibliya para sa kasalukuyang sistemang ito ay dapat mag-udyok sa atin na kumilos. (Mateo 16:1-3) Maliwanag na nakikita nating tayo’y nabubuhay sa mga huling araw ng sistemang ito ng sanlibutan. Ito’y dapat mag-udyok sa atin na gumawa ng anumang kinakailangang pagbabago upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. (2 Pedro 3:3, 10-12) Sa pagtukoy sa sarili bilang ahente para sa kaligtasan, ipinagbibigay-alam ni Jesus ang apurahang panawagan: “Bigyang-pansin ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi kailanman mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang ang araw na iyon ay kagyat na mapasa-inyo gaya ng silo. Sapagkat darating ito sa lahat niyaong nananahanan sa ibabaw ng buong lupa. Manatiling gising, kung gayon, na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng pagsusumamo na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na itinalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao.”—Lucas 21:34-36.
[Talababa]
a Ang ilang Bibliya ay gumagamit ng salitang “sanlibutan” sa halip na “sistema ng mga bagay.” Sinasabi ng Expository Dictionary of New Testament Words ni W. E. Vine na ang Griegong salitang ai·onʹ “ay sumasagisag sa isang yugtong walang-takdang haba, o panahong iniugnay sa nangyayari sa loob ng yugtong iyon.” Isinasama ng Greek and English Lexicon to the New Testament ni Parkhurst (pahina 17) ang pananalitang “sistemang ito ng mga bagay” sa pagtalakay sa paggamit ng ai·oʹnes (pangmaramihan) sa Hebreo 1:2. Kaya ang pagsasalin ng “sistema ng mga bagay” ay kasuwato ng orihinal na tekstong Griego.
SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN
Ano ang inihula ng Bibliya tungkol sa mga pangyayari sa sanlibutan sa pagsisimula ng pamamahala ni Kristo?
Anu-ano ang ilang pagkakakilanlan ng mga huling araw?
Ano ang nakakumbinsi sa iyo na ito na nga ang mga huling araw?
[Kahon sa pahina 102]
ILANG PAGKAKAKILANLAN NG MGA HULING ARAW
• Walang katulad na digmaan.—Mateo 24:7; Apocalipsis 6:4.
• Taggutom.—Mateo 24:7; Apocalipsis 6:5, 6, 8.
• Mga Salot.—Lucas 21:11; Apocalipsis 6:8.
• Lumalagong katampalasanan.—Mateo 24:12.
• Pagsira sa lupa.—Apocalipsis 11:18.
• Mga lindol.—Mateo 24:7.
• Mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.—2 Timoteo 3:1.
• Labis na pag-ibig sa salapi.—2 Timoteo 3:2.
• Pagkamasuwayin sa magulang.—2 Timoteo 3:2.
• Walang likas na pagmamahal.—2 Timoteo 3:3.
• Umiibig sa kaluguran sa halip na sa Diyos.—2 Timoteo 3:4.
• Walang pagpipigil sa sarili.—2 Timoteo 3:3.
• Walang pag-ibig sa kabutihan.—2 Timoteo 3:3.
• Hindi nagbibigay-pansin sa nagbabantang panganib.—Mateo 24:39.
• Tumatanggi ang mga manunuya sa patotoo ng mga huling araw.—2 Pedro 3:3, 4.
• Pangglobong pangangaral ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 24:14.
[Buong-pahinang larawan sa pahina 101]