Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Pagtitiwala sa mga Huling Araw
HABANG ang Martes, Nisan 11, ay malapit na sa pagtatapos, si Jesus ay kapiling ng kaniyang mga apostol sa Bundok ng Olibo. Kaaalis-alis lamang nila sa lugar ng templo, na kanilang natatanaw sa ibaba, at si Jesus ay nakikipagtalakayan sa kanila ng tanda ng kaniyang pagkanaririto sa kapangyarihan sa Kaharian at sa katapusan ng sistema ng mga bagay.
Sa pagpapatuloy sa kaniyang pagsasalita, sila’y binabalaan ni Jesus tungkol sa pakikinig sa mga bulaang Kristo. Gagawa ng mga pagtatangka, aniya, “na mailigaw, kung maaari pati ang mga pinili.” Ngunit, tulad ng malalayong-pananaw ng mga agila, ang mga piniling ito ay magkakatipon kung saan masusumpungan ang tunay na pagkain, samakatuwid nga, sa tunay na Kristo sa kaniyang di-nakikitang pagkanaririto. Sila’y hindi maililigaw at matitipon sa isang bulaang Kristo.
Ang tanging magagawa ng mga bulaang Kristo ay ang sila’y magpakita. Sa kabaligtaran, ang pagkanaririto ni Kristo ay di-makikita. Iyon ay magaganap sa isang kakila-kilabot na panahon sa kasaysayan ng tao, gaya ng sinasabi ni Jesus: “Ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag.” Oo, ito ang magiging pinakamadilim na panahon sa buhay ng sangkatauhan. Ang mangyayari’y para bang ang sumisikat na araw ay nagdilim sa panahon na araw na araw, at para bang ang buwan ay hindi nagbigay ng kaniyang liwanag kung gabi.
“Yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit,” ang patuloy pa ni Jesus. Sa ganoo’y ipinakikita niya na ang pisikal na kalangitan ay magkakaroon ng anyong nagpapahiwatig ng mangyayari. Ang kalangitan ay hindi lamang magiging dakong nililiparan ng mga ibon, kundi mapupuno rin ng mga eroplanong pandigma, mga raket, at mga manggagalugad sa kalawakan. Ang takot at karahasan ay hihigit sa ano pa mang naranasan sa nakalipas na kasaysayan ng tao.
Kaya naman, sinasabi ni Jesus, “manggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung papaano lulusutan iyon dahilan sa mga ugong ng dagat at ng mga daluyong, samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at paghihintay ng bagay na darating sa tinatahanang lupa.” Oo, ang pinakamadilim na yugtong ito sa kasaysayan ng tao ay hahantong sa panahon na, gaya ng sinasabi ni Jesus, “ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit, at kung magkagayo’y lahat ng angkan sa lupa ay magsisitaghoy.”
Subalit hindi lahat ay magsisitaghoy pagka ‘dumating ang Anak ng tao na may kapangyarihan’ upang puksain ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Ang “mga pinili,” ang 144,000 na makakasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian ay hindi magsisitaghoy, ni ang kanilang mga kasamahan man, ang mga taong una pa rito’y tinawag ni Jesus na kaniyang “mga ibang tupa.” Bagaman sila’y nabubuhay sa pinakamadilim na panahon sa kasaysayan ng tao, sila’y tumugon sa pampatibay-loob na ibinigay ni Jesus: “Sa pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.”
Upang matiyak ng kaniyang mga alagad na nabubuhay sa panahon ng mga huling araw na malapit na ang wakas, ibinigay ni Jesus ang ganitong ilustrasyon: “Masdan ninyo ang punò ng igos at lahat ng iba pang punungkahoy: Pagka nagdadahon na, kapag nakita ninyo ay alam na ninyo na malapit na ang tag-araw. Gayundin naman kayo, pagka nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang Kaharian ng Diyos. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas sa anumang paraan ang lahing ito hanggang sa maganap ang lahat ng bagay.”
Samakatuwid, pagka nakita ng kaniyang mga alagad ang maraming iba’t ibang bahagi ng tanda na natutupad, kanilang matatalos na ang wakas ng sistema ng mga bagay ay malapit na at na lilipulin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng kabalakyutan. Sa katunayan, ang wakas ay magaganap sa panahong ikinabubuhay ng mga taong nakakita sa katuparan ng lahat ng bagay na inihula ni Jesus! Bilang pagpapayo sa mga alagad na buháy sa panahon ng makasaysayang mga huling araw, sinabi ni Jesus:
“Pakaingat kayo na ang inyong puso ay huwag malugmok sa katakawan at sa kalasingan at pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na iyon na gaya ng silo. Sapagkat gayon darating sa lahat ng nananahan sa buong lupa. Kaya nga, manatili kayong gising, sa tuwina dumadalanging makaligtas kayo sa lahat ng mangyayaring ito, at upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.” Mateo 24:23-51; Marcos 13:21-37; Lucas 21:25-36; Apocalipsis 14:1, 3; Juan 10:16.
◆ Anong mga kalagayan sa sanlibutan ang tanda ng pagkanaririto ni Kristo?
◆ Kailan ‘magsisitaghoy ang lahat ng angkan sa lupa,’ ngunit ano ang gagawin ng mga tagasunod ni Kristo?
◆ Anong ilustrasyon ang ibinibigay ni Jesus upang tulungan ang kaniyang mga alagad sa hinaharap na makilalang malapit na ang wakas?
◆ Anong payo ang ibinibigay ni Jesus para sa kaniyang mga alagad na mabubuhay sa mga huling araw?