Pagbabago ng Pamamahala—Hindi na Matatagalan!
NAKALIGTAAN ng karamihan ng tao ang isang napakahalagang bagay. Ito: Sa kanilang paglalabanan upang masakop ang daigdig, ang naglalabanang mga bansa ay hindi kumikilala sa bagay na mayroong isang lalong dakilang autoridad at kapangyarihan na mas mataas kaysa kanila. Tinabig nila ang katotohanan na “ang Kataastaasan ay Hari sa kaharian ng sangkatauhan, at kaniyang ibinibigay ito sa kaninuman na ibigin niya.” (Daniel 4:25) Sino ba itong isang ito na pinili ng Makapangyarihan-sa-lahat na Diyos upang maging Hari sa buong lupa? Kailan siya tumatanggap ng kapangyarihan sa daigdig?
Isa Pa Ring Hari
Bago humula tungkol sa ‘hari ng hilaga at sa hari ng timog,’ si Daniel ay nagkaroon ng makahulang pangitain nito tungkol sa piniling hari ng Diyos: “Lumabas na kasama ng mga alapaap sa langit ang isang gaya ng anak ng tao; at siya’y naparoon sa Matanda sa mga Araw [si Jehovang Diyos] . . . at binigyan siya ng kapangyarihang magpuno at ng kaluwalhatian ng mga kaharian, upang ang mga bayan, mga grupo ng mga bansa at mga wika ay maglingkod na lahat sa kaniya. Ang kaniyang pagpupuno . . . ay hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian . . . ay hindi magigiba.”—Daniel 7:13, 14.
Nagpatuloy ang pangitaing iyan na ilarawan ang hali-haliling mga pamahalaan ng sanlibutan bilang mga mababangis na hayop. At, tunay nga na “dominado ng tao ang tao sa kaniyang ikapipinsala” taglay ang tulad-hayop na kalupitan. (Eclesiastes 8:9) Ang mga tao ay nagpuno rin sa ilalim ng makahayop na kapangyarihan ng mapaghimagsik na mga espiritung prinsipe, ang pangunahin ay si Satanas mismo. (Daniel 7:17; 10:13; ihambing ang Apocalipsis 12:9; 13:2-4.) Sa kabaligtaran naman, “ang isang gaya ng anak ng tao” ay tumanggap ng kapangyarihang maghari buhat sa Diyos na Jehova. Ang hinirang ng Diyos na tagapamahalang ito ay may mga katangian na angkop para sa isang tagapamahala ng mga tao na noong una’y ginawa ayon “sa wangis ng Diyos.” (Genesis 1:27) Subalit sino nga ba siya?
Ikinapit ni Jesus sa kaniyang sarili ang terminong “Anak ng tao” noong siya’y narito sa lupa 1,900 taon na ngayon ang lumipas. Yamang siya’y isang tao noon, literal na siya’y “isang anak ng tao,” at sa kaniya’y nakita ang sakdal na mga maiinam na katangian na gaya ng pag-ibig, habag, at katarungan. Kaniya ring ibinigay ang kaniyang buhay upang tubusin ang mga tao, sa gayo’y gumanap ng bahagi na pagiging pinakamalapit na kamag-anak ng sangkatauhan—tunay na isang “Anak ng tao.”—Mateo 20:28; Hebreo 2:11-17.
Sa patuloy na pagkakapit ng hula ni Daniel, sinabi ni Jesus: “Kanilang makikita ang Anak ng tao na pumaparitong nasa mga alapaap ng langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” Nang maglaon ay inilarawan niya ang kaniyang sarili sa ganiyan ding katayuan, na nagsasabi: “Pagdating ng Anak ng tao sa kaniyang kaluwalhatian, . . . siya‘y luluklok sa kaniyang maluwalhating trono.” (Mateo 24:30; 25:31) Sa kasalukuyan si Jesus ay hindi na isang tao lamang sa lupa. Nang siya’y mamatay at pagkatapos ay buhaying muli noong 33 C.E., siya’y isang makalangit na espiritu na kawangis ng Diyos. Bilang lubusang pagkakaiba sa mga pinunong tao, siya lamang ang tanging Hari na “walang kamatayan, na tumatahan sa liwanag na di-malalapitan, at hindi makikita ng sinoman sa mga tao.” (1 Timoteo 6:16) Ang pamamahala ng kaniyang Kaharian ay hindi magtataglay ng makahayop na mga ugali ng balakyot na mga espiritu na siyang umiimpluwensiya sa mga pamahalaan ng tao.
Samakatuwid si Jesus ang tanging Haring hinirang ng Diyos bilang Kaniyang Mesiyas, o Kristo, at autorisado na maghari sa buong lupa. (Daniel 7:14) Ibig sabihin nito na lahat ng mga gobyerno ng tao, kasali na “ang hari ng hilaga” at “ang hari ng timog,” ay sasapit sa kanilang wakas at ang hahalili sa kanila’y ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ng pamumuno ni Kristo.—Daniel 2:44; ihambing ang Awit 2:7, 8, 12.
Naghahawak ng Kapangyarihan “ang Dakilang Prinsipe”
Gayunman, si Jesus ay hindi nagsimulang naghari sa sangkatauhan noong 33 C.E. Siya’y kinakailangan pang maghintay sa loob ng isang yugto ng panahon. Pagkatapos lamang nito saka siya binigyan ni Jehova ng kapangyarihan na “manupil sa gitna ng [kaniyang] mga kaaway.” (Awit 110:1, 2; Gawa 2:32-36) Ito’y inihula ni Daniel, na ang sabi: “Sa panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang prinsipe . . . at magkakaroon ng panahon ng kabagabagan na hindi nangyayari kailanman mula nang magkaroon ng mga bansa hanggang sa panahong yaon.”—Daniel 12:1.
Ang hulang ito ay kasunod ng pagpapahiwatig ni Daniel na ang labanan ng “hari ng hilaga” at ng “hari ng timog” sa kasalukuyang “panahon ng kawakasan” ay sasapit sa sukdulan. Sa yugtong ito, isa sa ‘mga haring’ ito ay “hahayo taglay ang malaking galit” upang lipulin ang maraming tao. (Daniel 11:40, 44, 45) At sa panahong iyon nga si Miguel “na tumatayo alang-alang sa” kapakanan ng bayan ng Diyos ay kikilos nang puspusan upang sila’y makaligtas.—Ihambing ang Daniel 11:2, 3, 7, 20, 21; 12:1.
Datapuwat, paano nga ito magkakaroon ng kaugnayan kay Jesus? Tandaan na kaniyang isinali sa kaniyang pahayag tungkol sa sarili ang hula ni Daniel at sinabi niyang siya’y magiging Hari sa hinaharap. Tungkol dito ay may binanggit din siya na isang walang katulad na “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21, 29-31) Maliwanag na ang tinutukoy niya ay ang “panahon ng kabagabagan” na binanggit ni Daniel may kaugnayan kay Miguel. (Ihambing ang Mateo 24:15; Daniel 11:31.) Sa ganoo’y ipinakilala ni Jesus na siya ang si Miguel na tatayo upang maghari.
Si Jesus at si Daniel ay nagsalita ng mga hulang ito sa kanilang paglalarawan sa mga pangyayari na magaganap sa “panahon ng kawakasan.” Ang mga pangyayaring ito ay kapuna-puna na natutupad sapol noong 1914. Noon naghawak si Jesus ng kapangyarihan sa langit bilang Hari, at siya’y nagpupuno na sa gitna ng kaniyang mga kaaway.—Mateo 24:3, 7-12.
Paraiso sa Buong Mundo—Hindi na Matatagalan!
Marahil ay natatalos mo na ang mga bansa ay hindi kumikilala sa Kaharian ni Kristo. Kanilang tinatanggihan ang mensahe tungkol sa pagkatatag nito at patuloy na ang itinataguyod nila’y ang kanilang sariling mga soberanya. Ang mensaheng iyan ay kamangmangan sa kanila. Sa gayo’y “walang isa man sa mga pinuno ng sistemang ito ng mga bagay ang nakakilala” sa karunungan ng Diyos sa pagpili kay Kristo bilang Hari. Palibhasa’y binubulag sila ng isang sistema na kontrolado ni Satanas at ng kaniyang mapaghimagsik na mga prinsipeng espiritu, sila’y sumasalungat sa Mesiyanikong Kaharian.—1 Corinto 2:8; ihambing ang Lucas 4:5, 6; 2 Corinto 4:4.
Kaya naman, gaya ng inihula ni Jesus, ang mga taong tapat na nangangaral ng kaniyang Kaharian ay pinag-uusig. At sila’y daranas pa ng lalong matinding pag-atake. (Mateo 24:9, 14; Daniel 11:44, 45; ihambing ang Ezekiel 38:14-16.) Gayunman, titindig si Jesus bilang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon” upang makipagbaka alang-alang sa kaniyang bayan. Sa paglalabanang ito ay lubusang magtatagumpay ang piniling Hari ng Diyos. Ang mga umaatake sa kaniyang bayan ay ‘darating sa kanilang wakas, at walang tutulong sa kanila.’ Lahat ng iba pang ‘mga hari’ ay lilipulin sa panahong iyon.—Apocalipsis 11:15, 18; 19:11, 16, 19-21; Awit 2:1-3, 6-9.
Yamang nagsimula noong 1914 ang “panahon ng kawakasan,” ito ay malayo na ang nalalakaran. Sinabi ni Jesus na ang salinglahi na nakakita ng pasimula ng panahong iyan ang makakakita rin ng pagwawakas niyan. (Mateo 24:32-34) Samakatuwid, tayo’y mabilis na palapit nang palapit sa maluwalhating panahong iyan na si Kristo Jesus ang lubusang maghahawak ng pamamahala sa lupa at kaniyang pagkakaisahin ang lahat ng masunuring tao sa ilalim ng kaniyang kaisa-isang gobyerno.
Oo, hindi na magtatagal at magkakaroon ng pagbabago ng pamamahala. Subalit ano nga ang kahulugan nito para sa iyo? Baka ang kinabukasan mo ay makatulad ng sa kasalukuyang mga gobyerno ng tao at ng kanilang mga tagatangkilik. O, depende sa iyong ikikilos, maaaring magtamo ka ng buhay na walang hanggan at ng kasiguruhan sa isang makalupang paraiso, na itinataguyod at kontrolado ng Kaharian ng Diyos. Ganiyan nga ang mangyayari kung ikaw ay susuporta sa pamamahala ni Kristo kasama ng angaw-angaw na mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig.