Natatandaan Mo Ba?
Nasiyahan ka ba ng pagbabasa ng kamakailang labas ng Ang Bantayan? Kung gayon, tiyak na magiging interesado ka na alamin kung natatandaan mo ang sumusunod:
▫ Anong nakakukumbinsing patotoo ang ibinigay ng sari-saring pagkilos ng banal na espiritu noong unang siglo?
Ang mga pagkilos na ito ang nakikitang ebidensiya na hindi na ginagamit ng Diyos noon ang 1,500-taóng-gulang na kongregasyon ng Israel bilang kaniyang pantanging bayan, kundi ang kaniyang pagsang-ayon ngayon ay nasa bagong kongregasyong Kristiyano, na itinatag ng kaniyang bugtong na Anak. (Ihambing ang Hebreo 2:2-4.)—8/15, pahina 5.
▫ Ano ang dahilan ng pambihirang paglago na naranasan ng mga Saksi ni Jehova?
Unang-una, ito’y dahilan sa pagpapala ng Diyos. Ito ay gawa ng Diyos. Ang itinuturo ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang gawaing pag-eebanghelyo ay nakasalig sa Bibliya. Ang isa pang susi sa kanilang tagumpay ay ang kanilang lubos na pagkilala kay Kristo Jesus bilang ang hinirang na Ulo ng kongregasyong Kristiyano.—9/1, pahina 19.
▫ Bakit si Jehova ay nagpakita ng awa kay David may kaugnayan sa kaniyang malaking pagkakasala dahil kay Bath-sheba?
Ito lalung-lalo na ay dahilan sa tipan sa Kaharian na ginawa ng Diyos kay David, ngunit ito ay dahilan din sa sariling pagkamahabagin ni David at sa kaniyang tunay na pagsisisi. (1 Samuel 24:4-7; 2 Samuel 7:12; 12:13; Awit 51:1, 2, 17)—9/15, pahina 10, 11.
▫ Anong tatlong uri ng ebidensiya ang ibinibigay ng Kasulatang Griego Kristiyano bilang suporta sa pagka-Mesiyas ni Jesus?
Ang talaangkanan ni Jesus ang unang hanay ng ebidensiya. (Mateo 1:1-16; Lucas 3:23-38) Ang isa pang ebidensiya ay ang natupad na hula. May literal na napakaraming hula, tulad ng matatagpuan sa Daniel 9:25, na nagpapakilala kay Jesus bilang ang Mesiyas. Ang ikatlong hanay ng ebidensiya ay ang sariling patotoo ng Diyos; kaniyang ibinigay ito sa tatlong okasyon mula sa kaniyang sariling tinig. (Mateo 17:5; Lucas 3:21, 22; Juan 12:28)—10/1, pahina 10, 12.
▫ Ano ba ang kahulugan ng sinabi ni Jesus, ayon sa pagkasulat sa Mateo 24:37: “Kung papaano ang mga kaarawan ni Noe, gayundin ang pagkanaririto ng Anak ng tao”?
Itinatayo noon ni Noe ang daong at nagbibigay-babala sa mga balakyot sa loob ng mga dekada bago sumapit ang Baha at nilipol ang balakyot na sistema ng sanlibutan. Sa katulad na paraan, ang di-nakikitang pagkanaririto ni Kristo ay tumagal na rin nang kung ilang dekada, samantalang nagpapatotoo sa buong mundo, bago ito sumapit sa sukdulan sa lubos na pagkapuksa.—10/1, pahina 16.
▫ Ano ang ilan sa mga kailangan para sa isang mainam na pampamilyang pag-aaral ng Bibliya?
Kailangang magreserba ng panahon para sa pag-aaral. Huwag nating tulutang ito’y mahadlangan ng panonood ng TV o iba pang mga dibersiyon. Kailangang isaalang-alang ang partikular na pangangailangan ng pamilya at gumamit ng punto de vistang mga katanungan upang matiyak na nauunawaan ng mga bata ang kanilang pinag-aaralan. (Mateo 17:25) Panatilihing relaks ang kapiligiran. Maging masigla, at sa pag-aaral ay isangkot ang bawat isa.—10/15, pahina 17.
▫ Papaano dapat ikabahala ng mga Kristiyano kung iniisip na sa mga pagkaing nabibili ay may naidagdag na sangkap ng dugo?
Ang mga Kristiyano ay dapat pakaingat na huwag magambala ng basta posibilidad o bali-balita, at kailangan ang pagkamakatuwiran kahit na sa pagsusuri sa mga etiketa o pagtatanong sa mga magkakatay. Subalit, kung alam nang ang dugo ay malaganap na ginagamit sa isang lugar—maging sa pagkain man o sa panggagamot—ang mga Kristiyano ay dapat pakaingat na sundin ang utos ng Diyos na sila’y umiwas sa dugo. (Gawa 15:28, 29)—10/15, pahina 30, 31.
▫ Papaano itinatampok sa aklat ng Mga Kawikaan ang espirituwal na lalim ng mga paraan ng pagtuturo na ginagamit sa Israel?
Ang aklat ng Mga Kawikaan ay nagpapakita na ang layunin nito ay turuan “ang mga musmos” ng dakilang mga bagay na gaya ng karunungan, disiplina, kaunawaan, matalinong unawa, kahatulan, pagkamaingat, kaalaman, at kakayahang umisip—pawang sa “takot kay Jehova.” (Kawikaan 1:1-7; 2:1-14)—11/1, pahina 12.
▫ Anong timbang na pangmalas sa edukasyon ang dapat na taglay ng mga kabataan sa ngayon?
Dapat ituring ng mga Kristiyano na ang edukasyon ay isang paraan upang matupad ang isang layunin. Ang kanilang layunin sa mga huling araw na ito ay ang mapaglingkuran si Jehova hangga’t maaari sa pinakamabisang paraan sa buong panahong ministeryo.—11/1, pahina 18.
▫ Bakit hiniling ni Jehova sa bansang Israel na magbigay ng ikapu?
Una, upang kanilang maipakita sa tuwirang paraan ang kanilang pagpapahalaga sa kabutihan ni Jehova. Ikalawa, upang sila’y makapag-abuloy sa pagsuporta sa mga Levita, na makapagbubuhos naman ng kanilang atensiyon sa kani-kanilang obligasyon, kasali na ang pagtuturo ng Kautusan. (Tingnan ang 2 Cronica 17:7-9.)—12/1, pahina 9.
▫ Ano ba ang ikapu na hiniling na dalhin ng mga Kristiyano? (Malakias 3:10)
Ang ikapu ay kumakatawan sa bahagi na mayroon tayo na ating dinadala kay Jehova o ginagamit sa paglilingkod sa kaniya. Ito ay isang tanda ng ating pag-ibig sa kaniya at sa ating pagkilala na tayo’y pag-aari niya.—12/1, pahina 15.