Tinutupad Mo ba ang Iyong Buong Katungkulan sa Diyos?
“Dadalhin ng tunay na Diyos sa kahatulan ang bawat uri ng gawa may kaugnayan sa bawat bagay na nakatago, kung ito ba ay mabuti o masama.”—ECLESIASTES 12:14.
1. Anong mga paglalaan ang ginawa ni Jehova para sa kaniyang bayan?
INAALALAYAN ni Jehova yaong mga patuloy na umaalaala sa kaniya bilang kanilang Dakilang Maylalang. Ang kaniyang kinasihang Salita ay nagbibigay sa kanila ng kaalaman na kailangan upang maging lubos na kalugud-lugod sa kaniya. Ginagabayan sila ng banal na espiritu ng Diyos sa paggawa ng banal na kalooban at sa ‘pamumunga sa bawat mabuting gawa.’ (Colosas 1:9, 10) Bukod diyan, naglalaan si Jehova ng espirituwal na pagkain at teokratikong patnubay sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Kung gayon, sa maraming paraan, taglay ng bayan ng Diyos ang pagpapala mula sa langit habang naglilingkod sila kay Jehova at nagsasagawa ng napakahalagang gawain ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.—Marcos 13:10.
2. Hinggil sa paglilingkod kay Jehova, anong mga tanong ang maaaring bumangon?
2 Ang tunay na mga Kristiyano ay maligaya sa pagiging abala sa sagradong paglilingkod kay Jehova. Subalit, maaaring ang ilan ay nasisiraan ng loob at nag-iisip na wala namang kabuluhan ang kanilang mga pagsisikap. Halimbawa, kung minsan, baka nag-aalinlangan ang mga nakaalay na Kristiyano kung talaga nga kayang sulit ang kanilang matiyagang pagsisikap. Kapag binubulay-bulay ang hinggil sa pampamilyang pag-aaral at iba pang mga gawain, ang mga tanong na gaya ng mga ito ay baka bumangon sa isipan ng isang ulo ng pamilya: ‘Nalulugod nga kaya si Jehova sa aming ginagawa? Tinutupad ba namin ang aming buong katungkulan sa Diyos?’ Ang matalinong pananalita ng tagapagtipon ay makatutulong na masagot ang gayong mga tanong.
Lahat ba ng Bagay ay Walang Kabuluhan?
3. Batay sa Eclesiastes 12:8, ano ang pinakasukdulan ng pagkawalang-kabuluhan?
3 Baka isipin ng ilan na hindi gaanong nakapagpapatibay ang pananalita ng marunong na tao sa sinuman—bata o matanda. “ ‘Kaylaking kawalang-kabuluhan!’ ang sabi ng tagapagtipon, ‘Ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan.’ ” (Eclesiastes 12:8) Ang totoo, ang pinakasukdulan ng pagkawalang-kabuluhan ay ang pagwawalang-bahala sa Dakilang Maylalang sa panahon ng kabataan, ang tumanda nang hindi naglilingkod sa kaniya, at ang pagtanda bilang ang tanging bagay na naabot sa buhay. Lahat ng bagay ay walang kabuluhan, o hungkag, para sa gayong tao, kahit pa namatay siyang mayaman at tanyag sa sanlibutang ito na nasa kapangyarihan naman ng balakyot na isa, si Satanas na Diyablo.—1 Juan 5:19.
4. Bakit hindi masasabing ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan?
4 Hindi lahat ay walang kabuluhan para sa mga nag-iimbak ng kayamanan sa langit bilang mga tapat na lingkod ni Jehova. (Mateo 6:19, 20) Marami silang ginagawa sa kapaki-pakinabang na gawain ng Panginoon, at ang gayong pagpapagal ay tiyak na hindi sa walang kabuluhan. (1 Corinto 15:58) Ngunit kung tayo ay mga nakaalay na Kristiyano, tayo ba’y palaging abala sa iniatas-ng-Diyos na gawain sa mga huling araw na ito? (2 Timoteo 3:1) O tayo ba’y may istilo ng pamumuhay na bahagya lamang ang pagkakaiba sa ating mga kapitbahay sa pangkalahatan? Maaaring sila’y kaugnay sa iba’t ibang relihiyon at baka napakadeboto pa nga, anupat palaging nagsisimba at nagsisikap na maisagawa ang mga hinihiling sa kanila ayon sa kanilang paraan ng pagsamba. Mangyari pa, hindi sila mga tagapaghayag ng mensahe ng Kaharian. Wala silang tumpak na kaalaman na ngayon na “ang panahon ng kawakasan” at hindi sila nakadarama ng pagkaapurahan sa mga araw na kinabubuhayan natin ngayon.—Daniel 12:4.
5. Kapag ang karaniwang mga hangarin sa buhay ang naging pangunahing pinagkakaabalahan natin, ano ang dapat nating gawin?
5 Ganito ang sabi ni Jesu-Kristo hinggil sa ating mapanganib na panahon: “Kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao. Sapagkat gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.” (Mateo 24:37-39) Kung nasa katamtaman, wala namang masama sa pagkain at pag-inom, at ang pag-aasawa’y isang kaayusang pinasimulan mismo ng Diyos. (Genesis 2:20-24) Subalit kapag napagwari natin na ang karaniwang mga hangarin sa buhay ang nagiging pangunahing pinagkakaabalahan natin, bakit hindi ipanalangin ang bagay na ito? Matutulungan tayo ni Jehova na palaging unahin ang kapakanan ng Kaharian, gawin ang tama, at ganapin ang ating katungkulan sa kaniya.—Mateo 6:33; Roma 12:12; 2 Corinto 13:7.
Pag-aalay at ang Katungkulan Natin sa Diyos
6. Sa anong mahalagang paraan hindi nakatutupad ng kanilang katungkulan sa Diyos ang ilang bautisadong indibiduwal?
6 Ang ilang bautisadong Kristiyano ay kailangang taimtim na manalangin sapagkat hindi sila namumuhay ayon sa mga katungkulan sa ministeryo na inako nila nang mag-alay sila sa Diyos. Taun-taon, mahigit na 300,000 ang nababautismuhan sa loob ng maraming taon na ngayon, subalit ang kabuuang bilang ng mga aktibong Saksi ni Jehova ay hindi kakikitaan ng gayong pagsulong. Ang ilang naging mamamahayag ng Kaharian ay huminto na sa paghahayag ng mabuting balita. Gayunman, ang mga indibiduwal ay dapat na magkaroon ng makabuluhang pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano bago sila bautismuhan. Kaya batid nila ang atas na ibinigay ni Jesus sa lahat ng kaniyang mga tagasunod: “Humayo kayo . . . at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Malibang taglayin nila ang napakapambihirang limitasyon dahil sa kalagayan ng kalusugan o iba pang dahilan na doo’y wala silang magagawa, ang mga bautisadong indibiduwal na hindi na naglilingkod bilang mga aktibong Saksi ng Diyos at ni Kristo ay hindi na nakatutupad sa kanilang buong katungkulan sa harap ng ating Dakilang Maylalang.—Isaias 43:10-12.
7. Bakit dapat tayong makipagtipon nang palagian para sa pagsamba?
7 Ang sinaunang Israel ay isang bansang nakaalay sa Diyos, at sa ilalim ng tipang Kautusan, ang mga mamamayan nito ay may tungkulin sa harap ni Jehova. Halimbawa, lahat ng kalalakihan ay dapat makipagtipon sa tatlong taunang kapistahan, at ang isang lalaking kusang hindi nangilin ng Paskuwa ay “lilipulin” sa kamatayan. (Bilang 9:13; Levitico 23:1-43; Deuteronomio 16:16) Upang matupad ang kanilang katungkulan sa Diyos bilang kaniyang nakaalay na bayan, ang mga Israelita ay dapat na magsama-sama sa pagsamba. (Deuteronomio 31:10-13) Walang sinasabi sa Kautusan na, ‘Gawin ninyo ito kung maalwan sa inyo.’ Para sa mga nakaalay ngayon kay Jehova, tiyak na ito’y makapagdaragdag ng bigat sa mga salita ni Pablo: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.” (Hebreo 10:24, 25) Oo, ang palagiang pakikipagtipon sa mga kapananampalataya ay bahagi ng katungkulan sa Diyos ng isang nakaalay na Kristiyano.
Timbanging Mabuti ang Iyong mga Pasiya!
8. Bakit dapat pag-ukulan ng may-panalanging pagsasaalang-alang ng isang nakaalay na kabataang Kristiyano ang kaniyang sagradong paglilingkod?
8 Marahil ay isa kang kabataang nakaalay kay Jehova. Mayamang pagpapala ang sasaiyo kung uunahin mo sa iyong buhay ang mga kapakanan ng Kaharian. (Kawikaan 10:22) Sa pamamagitan ng panalangin at maingat na pagpaplano, maaari mong magugol kahit ang mga taon man lamang ng iyong kabataan sa ilang anyo ng buong-panahong paglilingkod—isang mainam na paraan upang ipakita na inaalaala mo ang iyong Dakilang Maylalang. Kung hindi, baka magsimulang maiukol mo ang malaking bahagi ng iyong panahon at pansin sa materyal na mga kapakanan. Gaya ng mga tao sa pangkalahatan, baka maaga kang makapag-asawa at mangutang upang makapagkamit ng materyal na mga bagay. Baka makuha ng isang maunlad na propesyon ang malaking bahagi ng iyong panahon at lakas. Kung may mga anak ka, kailangan mong balikatin ang mga pananagutan sa pamilya sa loob ng mga dekada. (1 Timoteo 5:8) Marahil ay hindi mo naman nalilimutan ang iyong Dakilang Maylalang, subalit isang katalinuhan na mabatid mong ang iyong maagang pagpaplano, o ang kawalan nito, ang magtatakda ng landasing tatahakin mo bilang adulto. Pagtanda mo, maaaring maalaala mo ang nakaraan at maghangad na sana’y nagugol mo nang lubos kahit man lamang ang iyong pagbibinata o pagdadalaga sa sagradong paglilingkod sa ating Dakilang Maylalang. Bakit hindi mo pag-ukulan ngayon ng may-panalanging pagsasaalang-alang ang iyong kinabukasan, upang masiyahan ka sa iyong sagradong paglilingkod kay Jehova sa panahon ng iyong kabataan?
9. Ano ang maaaring gawin ng isang tumanda na at dati’y bumalikat ng mabigat na pananagutan sa kongregasyon?
9 Tingnan din ang iba pang uri ng mga kalagayan—yaong sa isang lalaki na dati’y naglilingkod bilang isang pastol ng “kawan ng Diyos.” (1 Pedro 5:2, 3) Sa ilang kadahilanan, kusa siyang nagbitiw sa mga pribilehiyong ito. Totoo ngang siya’y matanda na ngayon, at baka mas mahirap na sa kaniya na magpatuloy pa sa paglilingkod sa Diyos. Subalit hindi kaya nararapat na muli niyang abutin ang mga teokratikong pribilehiyo? Tunay ngang isang malaking pagpapala ang maidudulot ng lalaking iyon sa iba kung maisasabalikat niya ang higit na pananagutan sa kongregasyon! At yamang walang sinuman ang nabubuhay sa ganang sarili lamang, matutuwa ang mga kaibigan at mga mahal niya sa buhay kung mapasusulong niya ang kaniyang paglilingkod, sa ikaluluwalhati ng Diyos. (Roma 14:7, 8) Higit sa lahat, hindi malilimot ni Jehova ang ginagawa ng sinuman sa paglilingkod sa kaniya. (Hebreo 6:10-12) Kaya, ano ang makatutulong sa atin upang maalaala ang ating Dakilang Maylalang?
Mga Tulong sa Pag-alaala sa Ating Dakilang Maylalang
10. Bakit ang tagapagtipon ay nasa isang napakahusay na kalagayan upang makapaglaan ng mga panuntunan may kinalaman sa pag-alaala sa ating Dakilang Maylalang?
10 Ang tagapagtipon ay nasa isang napakahusay na kalagayan upang maglaan ng mga panuntunan sa pag-alaala natin sa ating Dakilang Maylalang. Sinagot ni Jehova ang kaniyang taimtim na panalangin sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kaniya ng pambihirang karunungan. (1 Hari 3:6-12) Si Solomon ay nagsagawa ng isang masusing pagsisiyasat sa kabuuan ng mga gawain ng tao. Isa pa, siya’y kinasihan ng Diyos upang maisulat ang kaniyang mga natuklasan para sa kapakinabangan ng iba. Isinulat niya: “At bukod pa sa pagiging marunong ng tagapagtipon, siya rin ay patuluyang nagturo ng kaalaman sa mga tao, at siya ay nagmuni-muni at lubusang nagsaliksik, upang siya ay makapagsaayos ng maraming kawikaan. Ang tagapagtipon ay nagsikap na makasumpong ng nakalulugod na mga salita at maisulat ang wastong mga salita ng katotohanan.”—Eclesiastes 12:9, 10.
11. Bakit dapat nating tanggapin ang matalinong payo ni Solomon?
11 Ang pagkakasalin sa Griegong Septuagint ng pananalitang ito ay kababasahan nang ganito: “At bukod diyan, dahil sa matalino ang tagapangaral, dahil sa tinuruan niya ng karunungan ang sangkatauhan; upang makasumpong ang tainga ng kaakit-akit na mga parabula, ang tagapangaral ay matiyagang nagsaliksik upang makasumpong ng kasiya-siyang pananalita at isang sulat ng katuwiran—mga salita ng katotohanan.” (The Septuagint Bible, isinalin ni Charles Thomson) Sinikap ni Solomon na maabot ang puso ng kaniyang mga mambabasa sa pamamagitan ng nakalulugod na mga salita at tunay na kawili-wili at kapaki-pakinabang na mga paksa. Yamang ang kaniyang mga salita sa Kasulatan ay bunga ng pagkasi ng banal na espiritu, walang pasubali nating matatanggap ang kaniyang mga natuklasan at matatalinong payo.—2 Timoteo 3:16, 17.
12. Sa iyong sariling pananalita, paano mo ipaliliwanag ang sinabi ni Solomon gaya ng nakaulat sa Eclesiastes 12:11, 12?
12 Kahit wala pang modernong paraan noon ng pag-iimprenta, napakarami nang mababasang aklat noong panahon ni Solomon. Paano ba dapat malasin ang gayong mga literatura? Sabi niya: “Ang mga salita ng marurunong ay gaya ng mga pantaboy sa baka, at gaya ng mga pakong ibinaon yaong mga nagsasagawa ng pagtitipon ng mga pangungusap; ang mga ito ay ibinigay mula sa isang pastol. May kinalaman sa anumang bagay bukod sa mga ito, anak ko, bigyang-pansin mo ang babala: Ang paggawa ng maraming aklat ay walang wakas, at ang labis na debosyon sa mga iyon ay nakapanghihimagod sa laman.”—Eclesiastes 12:11, 12.
13. Paanong ang mga salita niyaong mga nagtataglay ng makadiyos na karunungan ay gaya ng mga pantaboy sa baka, at sino ang gaya ng “mga pakong ibinaon”?
13 Ang mga salita niyaong mga nagtataglay ng makadiyos na karunungan ay napatunayang gaya ng mga pantaboy sa baka. Paano? Pinakikilos nila ang mga mambabasa o mga tagapakinig na sumulong kasuwato ng matalinong pananalita na nabasa o narinig. Bukod diyan, yaong mga naging abala sa “pagtitipon ng mga pangungusap,” o tunay na matalino at kapaki-pakinabang na mga pananalita, ay gaya ng “mga pakong ibinaon,” o matatag na nakapirmi. Maaari ngang magkaganito sapagkat ang maiinam na salita ng mga indibiduwal na ito ay nagpapaaninag ng karunungan ni Jehova at samakatuwid ay nagsisilbing pampatatag at pang-alalay sa mga mambabasa o tagapakinig. Kung ikaw ay isang may-takot sa Diyos na magulang, hindi ba dapat na gumawa ka ng lahat ng pagsisikap upang maikintal sa isip at puso ng iyong anak ang gayong karunungan?—Deuteronomio 6:4-9.
14. (a) Anong uri ng mga aklat ang hindi natin dapat pag-ukulan ng “labis na debosyon”? (b) Anong literatura ang dapat nating pag-ukulan ng pangunahing pagsasaalang-alang, at bakit?
14 Gayunman, bakit gayon ang pagkakasabi ni Solomon hinggil sa mga aklat? Buweno, kung ihahambing sa Salita ni Jehova, ang walang-katapusang mga aklat ng sanlibutang ito ay naglalaman lamang ng mga pangangatuwiran ng tao. Karamihan sa mga kaisipang ito ay nagpapaaninag ng kaisipan ni Satanas na Diyablo. (2 Corinto 4:4) Kung gayon, ang “labis na debosyon” sa gayong sekular na materyal ay walang gaanong saysay. Sa katunayan, ang pagmamalabis dito ay maaari pa ngang makapinsala sa espirituwal. Gaya ni Solomon, bulay-bulayin natin ang sinasabi ng Salita ng Diyos hinggil sa buhay. Mapalalakas nito ang ating pananampalataya at lalo tayong mápapalapít kay Jehova. Ang labis-labis na pag-uukol ng pansin sa ibang mga aklat o mga pinagkukunan ng instruksiyon ay makapanghihimagod sa atin. Lalo nang makasásamâ at makapipinsala sa pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang mga layunin kung ang mga akdang iyon ay produkto ng makasanlibutang pangangatuwiran na salungat sa makadiyos na karunungan. Kung gayon, tandaan natin na ang pinakakapaki-pakinabang na mga akda noong panahon ni Solomon at sa ating panahon ay yaong nagpapaaninag ng karunungan ng “isang pastol,” ang Diyos na Jehova. Inilaan niya ang 66 na aklat ng Banal na Kasulatan, at sa mga ito tayo dapat mag-ukol ng sukdulang pansin. Ang Bibliya at ang pantulong na mga publikasyon ng ‘tapat na alipin’ ay nagpapangyari sa atin na matamo “ang mismong kaalaman sa Diyos.”—Kawikaan 2:1-6.
Ang Ating Buong Katungkulan sa Diyos
15. (a) Paano mo ipaliliwanag ang mga salita ni Solomon hinggil sa “buong katungkulan ng tao”? (b) Ano ang dapat nating gawin upang matupad ang ating katungkulan sa Diyos?
15 Bilang sumaryo sa kabuuan ng kaniyang pagsisiyasat, ang tagapagtipon, si Solomon, ay nagsabi: “Ang katapusan ng bagay, matapos marinig ang lahat, ay: Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. Sapagkat dadalhin ng tunay na Diyos sa kahatulan ang bawat uri ng gawa may kaugnayan sa bawat bagay na nakatago, kung ito ba ay mabuti o masama.” (Eclesiastes 12:13, 14) Ang kapaki-pakinabang na pagkatakot, o pagpipitagan, sa ating Dakilang Maylalang ay magsasanggalang sa atin, at sa atin din sanang mga pamilya, mula sa pagtataguyod ng isang walang-hunusdiling landasin sa buhay na magdudulot ng walang-katulad na mga suliranin at kapighatian sa atin at sa ating mga mahal sa buhay. Ang kapaki-pakinabang na pagkatakot sa Diyos ay dalisay at siyang pasimula mismo ng karunungan at kaalaman. (Awit 19:9; Kawikaan 1:7) Kung taglay natin ang kaunawaan salig sa kinasihang Salita ng Diyos at ikinakapit ang payo nito sa lahat ng bagay, natutupad natin ang ating “buong katungkulan” sa Diyos. Hindi, hindi pinag-uusapan dito ang paggawa ng isang talaan ng mga katungkulan. Sa halip, ang kahilingan ay ang pagbaling sa Kasulatan kapag lumulutas ng mga suliranin sa buhay at palaging gawin ang mga bagay-bagay ayon sa paraan ng Diyos.
16. May kinalaman sa paghatol, ano ang gagawin ni Jehova?
16 Dapat nating matanto na walang makatatakas sa paningin ng ating Dakilang Maylalang. (Kawikaan 15:3) “Dadalhin [niya] sa kahatulan ang bawat uri ng gawa.” Oo, hahatulan ng Kataas-taasan ang lahat ng bagay, pati na yaong mga nakatago sa mata ng tao. Ang pagkaalam sa mga salik na ito ay maaaring magsilbing pangganyak upang sundin ang mga kautusan ng Diyos. Subalit ang dapat na pinakadakilang pangganyak ay ang pag-ibig sa ating makalangit na Ama, sapagkat isinulat ni apostol Juan: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga kautusan; at gayunma’y ang kaniyang mga kautusan ay hindi nakapagpapabigat.” (1 Juan 5:3) At yamang ang mga kautusan ng Diyos ay dinisenyo upang itaguyod ang ating namamalaging kapakanan, tiyak na hindi lamang naaangkop kundi isang tunay na katalinuhan din na sundin ang mga ito. Hindi ito pabigat sa mga umiibig sa Dakilang Maylalang. Gusto nilang tuparin ang kanilang katungkulan sa kaniya.
Tuparin Mo ang Iyong Buong Katungkulan
17. Ano ang gagawin natin kung talagang nais nating tuparin ang ating buong katungkulan sa Diyos?
17 Kung tayo’y matalino at tunay na nagnanais na tumupad sa ating buong katungkulan sa Diyos, bukod sa pagsunod sa kaniyang mga kautusan, tayo’y buong-pagpipitagang matatakot na siya’y magdamdam. Tunay, “ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan,” at yaong sumusunod sa kaniyang mga kautusan ay may “mabuting kaunawaan.” (Awit 111:10; Kawikaan 1:7) Kung gayon ay kumilos tayo nang may katalinuhan at sundin si Jehova sa lahat ng bagay. Lalo nang napakahalaga nito sa ngayon, sapagkat naririto na ang Haring Jesu-Kristo, at malapit na ang araw ng paghatol niya bilang inatasang Hukom ng Diyos.—Mateo 24:3; 25:31, 32.
18. Ano ang ibubunga para sa atin kung tutuparin natin ang ating buong katungkulan sa Diyos na Jehova?
18 Bawat isa sa atin ay nasa ilalim ngayon ng masusing pagsusuri ng Diyos. Tayo ba’y nakahilig sa espirituwal, o pinababayaan nating pahinain ng makasanlibutang mga impluwensiya ang ating kaugnayan sa Diyos? (1 Corinto 2:10-16; 1 Juan 2:15-17) Bata man o matanda, gawin natin ang lahat ng ating magagawa upang mapaluguran ang ating Dakilang Maylalang. Kung sinusunod natin si Jehova at tinutupad ang kaniyang mga kautusan, tatanggihan natin ang walang-kabuluhang mga bagay sa lumilipas na matandang sanlibutan. Kung gayon ay maaasikaso natin ang pag-asa ng walang-hanggang buhay sa ipinangako ng Diyos na bagong sistema ng mga bagay. (2 Pedro 3:13) Kay dakilang pag-asa nito para sa lahat ng tumutupad sa kanilang buong katungkulan sa Diyos!
Paano Mo Sasagutin?
◻ Bakit masasabi mong hindi lahat ng bagay ay walang kabuluhan?
◻ Bakit dapat na may-panalanging isaalang-alang ng isang kabataang Kristiyano ang kaniyang sagradong paglilingkod?
◻ Anong uri ng mga aklat ang hindi kapaki-pakinabang na pag-ukulan ng “labis na debosyon”?
◻ Ano “ang buong katungkulan ng tao”?
[Larawan sa pahina 20]
Hindi lahat ng bagay ay walang kabuluhan para sa mga naglilingkod kay Jehova
[Larawan sa pahina 23]
Di-gaya ng maraming aklat ng sanlibutang ito, ang Salita ng Diyos ay nakapagpapaginhawa at kapaki-pakinabang