KABANATA 12
“Patuloy Mong Hintayin Iyon”
1, 2. (a) Anu-ano ang maitatanong mo sa iyong sarili? (b) Sa anong kalagayan nabuhay ang ilan sa 12 propeta, at ano ang saloobin ni Mikas?
GAANO katagal mo nang hinihintay ang araw ni Jehova na siyang mag-aalis ng kabalakyutan sa lupa? Hanggang kailan ka handang maghintay? Samantala, ano ang magiging saloobin mo at paano nito maaapektuhan ang iyong pamumuhay? Maliwanag, iba ang magiging sagot mo kaysa sa mga nagsisimba na namumuhay lamang ayon sa gusto nila at umaasang pupunta sila sa langit.
2 Samantalang hinihintay mo ang dakilang araw na iyon, malaki ang maitutulong ng mga aklat na isinulat ng 12 propeta. Marami sa mga propetang iyon ang nabuhay noong malapit nang ilapat ng Diyos ang paghatol. Halimbawa, naglingkod si Mikas bilang propeta noong malapit nang parusahan ang Samaria sa pamamagitan ng mga Asiryano noong 740 B.C.E. (Tingnan ang talâ ng mahahalagang pangyayari sa pahina 20 at 21.) Nang maglaon, dumating din ang araw ni Jehova laban sa Juda. Yamang hindi alam ni Mikas kung kailan eksaktong kikilos ang Diyos, inisip ba niya na mauupo na lamang siya habang hinihintay na kumilos ang Diyos? Narito ang mga salita ni Mikas: “Sa ganang akin, si Jehova ang patuloy kong hihintayin. Ako ay magpapakita ng mapaghintay na saloobin sa Diyos ng aking kaligtasan. Diringgin ako ng aking Diyos.” (Mikas 7:7) Oo, dahil nagtitiwala siyang darating ang araw ni Jehova, si Mikas ay parang isang aktibong tanod sa isang bantayan.—2 Samuel 18:24-27; Mikas 1:3, 4.
3. Dahil sa napipintong pagkawasak ng Jerusalem, anong saloobin ang ipinakita nina Habakuk at Zefanias?
3 Ngayon, hanapin mo naman ang pangalan nina Zefanias at Habakuk sa talâ ng mahahalagang pangyayari. Pansinin na ang dalawang ito ay naglingkod sa panahong mas malapit sa pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E. Gayunpaman, hindi nila alam kung ang paglalapat ng hatol ng Diyos ay napakalapit na o mga ilang dekada pa sa hinaharap. (Habakuk 1:2; Zefanias 1:7, 14-18) Sumulat si Zefanias: “‘Patuloy kayong maghintay sa akin,’ ang sabi ni Jehova, ‘hanggang sa araw ng aking pagbangon ukol sa pangangamkam, sapagkat ang aking hudisyal na pasiya ay ang . . . ibuhos sa kanila ang aking pagtuligsa, ang aking buong nag-aapoy na galit.’” (Zefanias 3:8) At kumusta naman si Habakuk, na nabuhay kasunod ni Zefanias? Sumulat si Habakuk: “Ang pangitain ay sa takdang panahon pa, at iyon ay patuloy na nagmamadali patungo sa kawakasan, at hindi iyon magsisinungaling. Kung iyon man ay magluwat, patuloy mong hintayin iyon; sapagkat iyon ay walang pagsalang magkakatotoo. Hindi iyon maaantala.”—Habakuk 2:3.
4. Sa ilalim ng anu-anong kalagayan humula sina Zefanias at Habakuk, at taglay ang anong saloobin?
4 Ang kalagayan noong panahon ng mga kapahayagan sa Zefanias 3:8 at Habakuk 2:3 ay nagbibigay ng napakahalagang impormasyon. Noong panahong sinasabi ng ilang Judio na, “Si Jehova ay hindi gagawa ng mabuti, at hindi siya gagawa ng masama,” ipinahayag ni Zefanias “ang araw ng galit ni Jehova.” Sa araw na iyon, ang galit ng Diyos ay mararanasan kapuwa ng kaaway na mga bansa at ng mga Judiong matitigas ang ulo. (Zefanias 1:4, 12; 2:2, 4, 13; 3:3, 4) Sa palagay mo ba’y natakot si Zefanias sa pagtuligsa at galit ng Diyos? Sa kabaligtaran, siya ay sinabihang patuloy na “maghintay.” Baka maitanong mo, ‘Kumusta naman si Habakuk?’ Kailangan din niyang ‘patuloy na hintayin iyon.’ Kaya sina Zefanias at Habakuk ay hindi nagwalang-bahala sa maaaring mangyari sa hinaharap, anupat namumuhay na para bang hindi kailanman magbabago ang mga bagay-bagay. (Habakuk 3:16; 2 Pedro 3:4) Gayunman gaya ng nabanggit, ang isang mahalagang punto na parehong mapapansin sa dalawang propetang ito ay na kapuwa sila kailangang ‘patuloy na maghintay.’ At tiyak na alam mo ito: Ang hinihintay ng dalawang propetang iyon ay talagang nangyari noong 607 B.C.E. Kaya ang kanilang patuloy na ‘paghihintay’ ay napatunayang isang landasin ng karunungan.
5, 6. Yamang alam natin kung nasaan na tayo ngayon sa agos ng panahon sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos, anong saloobin ang dapat nating taglayin?
5 Makatitiyak ka rin na darating “ang araw ng galit ni Jehova” laban sa kasalukuyang sistema ng mga bagay; mangyayari ito at talagang mapagkakatiwalaan. Tiyak na hindi mo pinag-aalinlanganan iyan. Katulad nina Zefanias at Habakuk, hindi mo alam ang eksaktong araw ng pagdating nito. (Marcos 13:32) Gayunman, tiyak na darating ito, at maliwanag na ipinakikita ng hula ng Bibliya na natutupad sa iyong panahon na malapit na itong dumating. Kaya kapit sa iyo ang idiniin ni Jehova sa mga propetang iyon—“Patuloy mong hintayin iyon.” At tandaan ang ganap na katotohanang ito: Ang ating Diyos ang tanging “kumikilos para sa isa na patuloy na naghihintay sa kaniya.”—Isaias 64:4.
6 Makikitang taglay mo ang wastong saloobin ng paghihintay kapag naaaninag sa iyong ginagawa na nagtitiwala kang “ang araw ng galit ni Jehova” ay darating nang eksakto sa panahon. Ang iyong pagiging kumbinsido riyan at ang pagkilos salig sa pananalig na ito ay kasuwato ng sinabi ni Jesus. Hinimok niya ang mga apostol at ang lahat ng pinahirang mga Kristiyano: “Bigkisan ninyo ang inyong mga balakang at paningasin ang inyong mga lampara, at kayo mismo ay maging tulad ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon . . . Maligaya ang mga aliping iyon na sa pagdating ng panginoon ay masumpungang nagbabantay! Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bibigkisan niya ang kaniyang sarili at pahihiligin sila sa mesa at lalapit at maglilingkod sa kanila.” (Lucas 12:35-37) Oo, kapag ang isa ay may wastong mapaghintay na saloobin, nagtitiwala siya na tiyak na darating ang dakilang araw ni Jehova sa kaniyang itinakdang panahon.
‘NAGHIHINTAY’ AT “HANDA”
7, 8. (a) Ano ang resulta ng pagkamatiisin ng Diyos? (b) Hinihimok tayo ni Pedro na magpakita ng anong saloobin?
7 Bago pa natatag ang Kaharian ng Diyos sa langit noong 1914, ang makabagong-panahong mga lingkod ng Diyos ay naghihintay na sa araw ni Jehova at patuloy na naghihintay mula noon. Tiyak na hindi sila naghihintay nang walang ginagawa. Sa kabaligtaran, patuloy silang aktibo sa kanilang bigay-Diyos na atas na magpatotoo. (Gawa 1:8) Gayunman, pag-isipan ito: Kung dumating noong 1914 ang dakilang araw ni Jehova, ano kaya ang naging kalagayan mo? Kahit na kung nangyari ito mga 40 taon na ang nakalipas, ikaw kaya noon ay isang tao na may “banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon”? (2 Pedro 3:11) At kumusta naman ang mga miyembro ng iyong pamilya na mga Saksi o ang iyong matatalik na kaibigan sa kongregasyon? Maliwanag na dahil sa panahong ito ng paghihintay, nabuksan ang daan ng kaligtasan para sa iyo at sa maraming tulad mo, gaya ng ipinakikita sa 2 Pedro 3:9. Ang bagay na hindi pinuksa ni Jehova ang buong balakyot na sistema karaka-raka pagkatapos matatag ang Kaharian ay nagpahintulot sa marami na magsisi, kung paanong nagsisi at naligtas ang mga Ninevita. Lahat tayo ay may dahilang sumang-ayon sa pananalita ni apostol Pedro: “Ituring ninyo ang pagtitiis ng ating Panginoon bilang kaligtasan.” (2 Pedro 3:15) At hanggang sa kasalukuyan, may pagkakataon pa rin ang mga indibiduwal na magsisi o magbago ng kanilang buhay at pag-iisip.
8 Sabihin pa, baka ipagwalang-bahala ng isang Kristiyano ang naganap noong panahon nina Mikas, Zefanias, at Habakuk. Maaari niyang sabihin, “Tutal, matagal nang nangyari iyon!” Subalit anu-anong aral ang matututuhan natin mula rito? Nabanggit na natin ang payo ni Pedro hinggil sa pangangailangan ng mga Kristiyano na maging mga taong may “banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.” Kasunod ng mga pananalitang iyon, idiniin ni Pedro ang isa pang pangangailangan—ang ating pangangailangan na ‘maghintay at ingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.’ (2 Pedro 3:11, 12) Kaya dapat nating “iniingatang malapit sa isipan” ang araw na iyon, anupat ‘hinihintay iyon.’
9. Bakit angkop para sa atin na ‘patuloy na maghintay’?
9 Tayo man ay naglilingkod na kay Jehova sa loob ng ilang taon o sa loob ng maraming dekada, ‘patuloy ba tayong naghihintay at nagpapakita ng gayunding mapaghintay na saloobing’ gaya ng ipinakita ni Mikas? (Roma 13:11) Sabihin pa, bilang mga tao, gusto nating malaman kung kailan darating ang wakas at kung gaano karaming panahon pa ang natitira hanggang sa pangyayaring iyon. Gayunman, dapat nating tanggapin ang katotohanan na hindi natin ito malalaman. Alalahanin ang pananalita ni Jesus: “Kung nalaman lamang ng may-bahay kung sa anong pagbabantay darating ang magnanakaw, nanatili sana siyang gising at hindi pumayag na malooban ang kaniyang bahay. Dahil dito ay maging handa rin kayo, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.”—Mateo 24:43, 44.
10. Anu-anong aral ang matututuhan mo mula sa buhay at saloobin ni apostol Juan?
10 Kahawig na kahawig ng isinulat nina Mikas, Zefanias, at Habakuk ang sinabi ni Jesus. Gayunman, binanggit iyon ni Jesus, hindi para sa mga tao noong sinaunang panahon, kundi para sa kaniyang mga tagasunod, para sa atin. Talagang ikinapit ng maraming tapat na mga Kristiyano ang payo ni Jesus; ‘naging handa sila,’ anupat patuloy na naghihintay. Magandang halimbawa rito si apostol Juan. Isa siya sa apat na nasa Bundok ng Olibo na nagtanong kay Jesus hinggil sa katapusan ng sistema ng mga bagay. (Mateo 24:3; Marcos 13:3, 4) Iyon ay noong taóng 33 C.E., ngunit hindi alam ni Juan kung kailan eksaktong mangyayari ang mga bagay na iyon. Ngayon, isipin mo na mga 60 taon na ang nakalipas pagkatapos itanong iyon ni Juan kay Jesus. Matanda na si Juan, subalit hindi siya nanghimagod at nagsawa sa paghihintay. Sa kabaligtaran, nang marinig niyang sinabi ni Jesus: “Oo; ako ay dumarating nang madali,” sumagot si Juan: “Amen! Pumarito ka, Panginoong Jesus.” Hindi nanghinayang si Juan sa kung paano niya ginugol ang mga taon ng kaniyang buhay. Kumbinsido siya na kapag naglapat ng hatol si Jehova, gagantimpalaan din Niya ang bawat isa ayon sa kaniyang gawa. (Apocalipsis 22:12, 20) Kailanman dumating ang paghatol na iyon, gusto ni Juan na maging “handa,” gaya ng ipinayo ng Panginoong Jesus. Gayundin ba ang nadarama mo?
‘NAGHIHINTAY’ O ‘NASISIYAHAN’?
11. Paano naiiba sina Mikas at Oseas sa mga tao noong panahon nila?
11 Isaalang-alang ang isa pang aral na makukuha natin mula sa mga propeta na nabuhay sa isang panahon nang malapit na ang paglalapat ng hatol ni Jehova, una ay laban sa Israel at pagkatapos ay sa Juda. Bagaman si Mikas ay ‘patuloy na naghintay at nagpakita ng mapaghintay na saloobin,’ marami sa palibot niya ang hindi gayon. Sila ay “napopoot sa mabuti at maibigin sa kasamaan.” Nagbabala si Mikas na kung hindi sila magbabago, ‘humingi man sila ng saklolo kay Jehova, hindi niya sila sasagutin.’ (Mikas 3:2, 4; 7:7) Ginamit naman ng kontemporaryo ni Mikas na si Oseas ang mga pananalitang nauugnay sa pagsasaka nang himukin niya ang mga nasa hilagang kaharian ng Israel: “Maghasik kayo ng binhi sa katuwiran para sa inyong sarili; gumapas kayo ayon sa maibiging-kabaitan. Magbungkal kayo ng sakahang lupain para sa inyong sarili, habang may panahon upang hanapin si Jehova.” Sa kabila niyan, ayaw makinig ng karamihan. ‘Nag-araro sila ng kabalakyutan,’ kaya kalikuan ang ginapas nila. (Oseas 10:12, 13) Kinunsinti nila o nakibahagi sila sa tiwaling mga gawain, anupat ‘nagtiwala sa kanilang lakad’ sa halip na kay Jehova. Baka magtanong ang ilan sa ngayon, ‘Paano maaaring mangyari iyon sa tunay na mga mananambang namumuhay mismo sa Lupang Pangako?’ Ipinakita ni Oseas na ang pangunahing dahilan ng kanilang problema ay ang saloobin na kailangan din nating bantayan kung nais nating patuloy na maghintay sa dakilang araw ni Jehova. Iyon ay ang pagiging kampante at ‘nasisiyahan’ sa paraan ng pamumuhay.
12. (a) Anong di-kanais-nais na kalagayan na umiral sa gitna ng mga Israelita bago noong 740 B.C.E. ang tinukoy ni Oseas? (b) Sa anu-anong paraan nakitang “nasiyahan” ang bayan?
12 Nang makapasok ang bayan ng Diyos sa Lupang Pangako, isang lupain na inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan, nagtamasa sila ng maraming kasaganaan. Paano sila tumugon? Sinabi ni Oseas ang pananalita ni Jehova: “Nang pakainin ko sila, sila’y nasiyahan; nang sila’y masiyahan ay naging palalo naman; nang magkagayon, nalimutan nila ako.” (Oseas 13:6, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Mga dantaon ang kaagahan, nagbabala ang Diyos sa kaniyang bayan tungkol sa mismong panganib na iyan. (Deuteronomio 8:11-14; 32:15) Gayunpaman, noong panahon nina Oseas at Amos, nakalimutan ng mga Israelita si Jehova at ang kaniyang mga utos—“sila’y nasiyahan.” Ibinibigay sa atin ni Amos ang espesipikong mga detalye. Binanggit niya na marami ang may maluluhong kagamitan sa kanilang mga bahay, at dalawa pa nga ang bahay ng ilang pamilya. Mayroon silang masasarap na pagkain, umiinom ng maiinam na alak mula sa espesyal na mga sisidlan, at nagpapahid ng “mga pinakapiling langis” sa kanilang balat, marahil bilang pabango. (Amos 3:12, 15; 6:4-6) Malamang na sasabihin mong hindi naman masama sa ganang sarili ang mga aspektong ito sa buhay, subalit maliwanag na masama ang pagbibigay ng labis na importansiya sa mga ito.
13. Anong pangunahing pagkukulang ang nasumpungan sa mga Israelita, mayaman man sila o hindi?
13 Sabihin pa, hindi lahat sa hilagang kaharian ay naging maunlad at “nasiyahan.” Ang ilan ay dukha at kailangang makipagpunyagi upang maghanapbuhay at mapakain ang kanilang pamilya. (Amos 2:6; 4:1; 8:4-6) Totoo rin ito sa ngayon sa maraming bahagi ng daigdig. Kapit ba kahit sa mahihirap sa sinaunang Israel ang payo ng Diyos na masusumpungan sa Oseas 13:6, at kapit ba ito sa ngayon? Oo. Ipinakikita ni Jehova na mayaman man o hindi ang isang tunay na mananamba, kailangan niyang magbantay laban sa pagiging labis na abala sa materyal na mga aspekto ng buhay anupat ‘nalilimutan na niya ang Diyos.’—Lucas 12:22-30.
14. Bakit angkop nating pag-isipan ang tungkol sa pananabik natin sa ating hinihintay?
14 Yamang nabubuhay tayo sa panahon kung kailan maraming hula sa Bibliya ang natutupad na, mayroon tayong higit na dahilan upang maging alisto, handa at naghihintay. Paano naman kung matagal na tayong naghihintay, marahil mga dekada na? Malamang na masigasig tayo noon sa ministeryo at masasalamin sa ating personal na mga desisyon na nananalig tayong malapit na ang araw ni Jehova. Ngunit hindi pa ito dumarating. Patuloy pa rin ba tayong nananabik sa ating hinihintay? Upang gawin itong mas personal, tanungin ang iyong sarili, ‘Masidhi pa rin ba ang pananabik ko sa aking hinihintay, o ako ba ay naging lubhang kampante na?’—Apocalipsis 2:4.
15. Ano ang ilang palatandaan na maaaring nababawasan ang pananabik natin sa ating hinihintay?
15 Maraming paraan upang masuri natin ang ating pananabik sa ating hinihintay, subalit bakit hindi natin gamitin ang mismong mga aspektong masusumpungan sa paglalarawan ni Amos sa mga tao noong panahon niya na “nasiyahan”? Habang ginagawa natin iyan, masusuri natin ang ating sarili kung mayroon ba tayong anumang tendensiya na ‘masiyahan.’ Baka ang isang Kristiyano na dating may pananabik sa kaniyang hinihintay na masasalamin sa kaniyang pag-iisip at paggawi ay magsimulang magsikap na magkaroon ng mas magarang tahanan o kotse, pinakabagong istilo ng damit, mamahaling mga kosmetik at alahas, o pinakamainam na alak at masasarap na pagkain. Hindi sinasabi ng Bibliya na dapat nating pagkaitan ang ating sarili ng kasiya-siyang mga bagay na makatuwiran naman. Ang taong nagpapagal ay dapat “kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal.” (Eclesiastes 3:13) Subalit nariyan ang panganib na ang isang Kristiyano ay magtuon ng higit na pansin sa pagkain, inumin, at personal na hitsura. (1 Pedro 3:3) Napansin ni Jesus na nagbago ang pananaw ng ilan sa mga pinahiran sa Asia Minor, at pinatunayan niyang isa itong panganib para sa mga Kristiyano. (Apocalipsis 3:14-17) Nangyayari ba iyan sa atin? Tayo ba’y ‘nasisiyahan,’ marahil ay abalang-abala sa materyal na mga bagay? Nababawasan ba ang pananabik natin sa ating hinihintay?—Roma 8:5-8.
16. Bakit hindi kapaki-pakinabang para sa ating mga anak na pasiglahin sila na magsumikap para sa isang ‘nasisiyahang’ paraan ng pamumuhay?
16 Maaaring makita sa payo na ibinibigay natin sa ating mga anak at sa iba kung nababawasan na nga ba ang ating pananabik sa paghihintay sa dakilang araw ni Jehova. Maaaring mangatuwiran ang isang Kristiyano: ‘Tinalikdan ko na nga ang mga posibilidad sa pag-aaral o karera dahil akala ko ay napakalapit na ng wakas. Titiyakin ko naman ngayon na ang aking mga anak ay magkaroon ng edukasyon na magbibigay sa kanila ng komportableng buhay.’ Marahil ganiyan din ang kaisipan ng ilan noong panahon ni Oseas. Kung gayon, para kaya sa kapakinabangan ng kanilang mga anak ang payo ng mga magulang na nakasentro sa isang ‘nasisiyahang’ istilo ng pamumuhay? At kung ang mga anak nga noon ay nagtaguyod ng ‘nasisiyahan,’ o komportableng paraan ng pamumuhay, ano kaya ang naging kalagayan nila noong 740 B.C.E., nang wasakin ng Asirya ang Samaria?—Oseas 13:16; Zefanias 1:12, 13.
MAMUHAY NA MAY MATITIBAY NA DAHILAN PARA MAGHINTAY
17. Sa anong paraan dapat nating tularan si Mikas?
17 Tulad ng tunay na mga mananamba noong una, makapagtitiwala tayong matutupad ang ipinangako ng Diyos ayon sa kaniyang itinakdang panahon. (Josue 23:14) Matalino si propeta Mikas dahil nagpakita siya ng mapaghintay na saloobin sa Diyos ng kaniyang kaligtasan. Gaya ng nalalaman natin hinggil sa nangyari noon, ang Samaria ay nilupig noong panahon ni Mikas. Kumusta naman tayo at ang panahong kinabubuhayan natin? Kapag ginugunita natin ang ating buhay, makikita ba na gumawa tayo ng matatalinong pagpili, gaya ng pagpili hinggil sa sekular na karera, istilo ng pamumuhay, at sa buong-panahong ministeryo? Sabihin pa, hindi natin alam ang “araw at oras na iyon.” (Mateo 24:36-42) Subalit tiyak na kumikilos tayo nang may katalinuhan kung nililinang natin ang saloobing gaya ng kay Mikas at kumikilos alinsunod dito. At kapag ginantimpalaan si Mikas ng buhay sa isang isinauling makalupang paraiso, tiyak na malulugod siyang malaman na nakinabang tayo sa kaniyang makahulang mensahe at tapat na halimbawa! Tayo ay magiging buháy na patotoo na si Jehova ang Diyos ng kaligtasan!
18, 19. (a) Anong dumarating na kapahamakan ang binanggit ni Obadias? (b) Paano nagbigay ng pag-asa si Obadias sa Israel?
18 May matatag na saligan ang ating pagtitiwala. Halimbawa, pag-isipan ang tungkol sa maikli at makahulang aklat ng Obadias. Nakasentro ito sa sinaunang Edom, na bumabanggit hinggil sa hatol ni Jehova laban sa bayan na nagmalupit sa kanilang “kapatid,” ang Israel. (Obadias 12) Talagang nangyari ang inihulang pagkawasak, gaya ng tinalakay natin sa Kabanata 10 ng aklat na ito. Nilupig ng mga Babilonyo sa ilalim ni Nabonido ang Edom noong kalagitnaan ng ikaanim na siglo B.C.E., at hindi na umiral ang Edom bilang isang bansa. Ngunit may isa pang mahalagang punto sa mensahe ni Obadias, isang punto na may kaugnayan sa ating pananatiling naghihintay sa dakilang araw ni Jehova.
19 Alam mong isinagawa rin ng kaaway na bansa (ang Babilonya) na nagwasak sa Edom ang kaparusahan ng Diyos sa kaniyang di-tapat na bayan. Noong 607 B.C.E., winasak ng mga Babilonyo ang Jerusalem at dinalang bihag ang mga Judio. Ang lupain ay naging tiwangwang na kaguhuan. Nagwakas ba roon ang mga bagay-bagay? Hindi. Sa pamamagitan ni Obadias, inihula ni Jehova na muling aariin ng mga Israelita ang kanilang lupain. Sa Obadias 17, mababasa mo ang nakapagpapasiglang pangako na ito: “Sa Bundok Sion ay doroon yaong mga makatatakas, at iyon ay magiging banal; at aariin ng sambahayan ni Jacob ang mga bagay na dapat nilang ariin.”
20, 21. Bakit dapat na maging nakaaaliw para sa atin ang Obadias 17?
20 Pinatutunayan ng kasaysayan na nangyari nga ang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Obadias. Inihula ito ng Diyos, at natupad ito. Libu-libong tapon mula sa Juda at Israel ang nagbalik noong 537 B.C.E. Sa tulong ni Jehova, ang iláng ay ginawang isang luntiang paraiso ng mga nagsibalik sa kanilang lupang tinubuan. Nabasa mo sa Isaias 11:6-9 at 35:1-7 ang mga hula hinggil sa kamangha-manghang pagbabagong iyon. Pinakamahalaga sa lahat, muling naitatag ang tunay na pagsamba na nakasentro sa muling itinayong templo ni Jehova. Kaya ang Obadias 17 ay maaaring maging isa pang patotoo sa atin na maaasahan ang mga pangako ni Jehova. Laging natutupad ang mga ito.
21 Tinapos ni Obadias ang kaniyang hula sa maririing pananalitang ito: “Ang paghahari ay magiging kay Jehova.” (Obadias 21) Sa pagtitiwala sa pangakong iyan, hinihintay mo ang maluwalhating panahon kapag ang buong uniberso, kasama na ang ating planeta, ay pamamahalaan ni Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, nang walang pagsalansang. Ikaw man ay bago pa lamang o maraming dekada nang naghihintay sa dakilang araw ni Jehova, makatitiyak ka na matutupad ang gayong salig-Bibliyang mga inaasahan na magdudulot ng mga pagpapala.
22. Bakit gusto mong masalamin sa iyong saloobin ang binanggit sa Habakuk 2:3 at Mikas 4:5?
22 Kung gayon, angkop na ulitin ang katiyakan ni Habakuk, na talagang kapit sa ating panahon: “Ang pangitain ay sa takdang panahon pa, at iyon ay patuloy na nagmamadali patungo sa kawakasan, at hindi iyon magsisinungaling. Kung iyon man ay magluwat, patuloy mong hintayin iyon; sapagkat iyon ay walang pagsalang magkakatotoo. Hindi iyon maaantala.” (Habakuk 2:3) Kahit na kung ang dakilang araw ni Jehova ay waring naaantala mula sa pangmalas ng tao, tiyak na darating ito sa Kaniyang itinakdang panahon. Iyan ang pangako sa atin ni Jehova. Sa gayon, ang mga naglilingkod sa Diyos sa loob ng mahabang panahon at ang mga bago pa lamang sa pagsamba sa kaniya ay maaaring magkasamang sumulong taglay ang pagtitiwalang gaya ng ipinahayag sa Mikas 4:5: “Tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.”