ARALING ARTIKULO 5
Sasama Kami sa Inyo
“Gusto naming sumama sa inyo, dahil nabalitaan naming ang Diyos ay sumasainyo.”—ZAC. 8:23.
AWIT 26 Ito’y Ginawa Ninyo Para sa Akin
NILALAMANa
1. Ano ang sinabi ni Jehova na mangyayari sa panahon natin?
INIHULA ni Jehova na sa panahon natin, “10 lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa ang hahawak, oo, hahawak sila nang mahigpit sa damit ng isang Judio at magsasabi: ‘Gusto naming sumama sa inyo, dahil nabalitaan naming ang Diyos ay sumasainyo.’” (Zac. 8:23) Ang “isang Judio” ay kumakatawan sa mga pinahiran ng Diyos ng banal na espiritu. Tinatawag din silang “Israel ng Diyos.” (Gal. 6:16) Ang “10 lalaki” naman ay kumakatawan sa mga may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Alam nilang pinili ni Jehova ang grupong ito ng mga pinahiran at itinuturing nilang isang karangalan na sambahin ang Diyos kasama ng grupong ito.
2. Sa anong diwa “sumama” sa mga pinahiran ang “10 lalaki”?
2 Imposibleng malaman ang pangalan ng bawat miyembro ng mga pinahiran sa lupa ngayon,b pero puwede pa ring “sumama” sa kanila ang mga may makalupang pag-asa. Paano? Sinasabi ng Bibliya na ang “10 lalaki” ay “hahawak . . . nang mahigpit sa damit ng isang Judio at magsasabi: ‘Gusto naming sumama sa inyo, dahil nabalitaan naming ang Diyos ay sumasainyo.’” Sa teksto, isang Judio lang ang binanggit. Pero ang “inyo” at “sumasainyo” ay pangmaramihan. Ibig sabihin, ang Judiong ito ay hindi iisang tao. Kumakatawan ito sa buong grupo ng mga pinahiran. Ang mga di-pinahiran ay naglilingkod kay Jehova kasama ng mga pinahiran. Pero malinaw sa mga di-pinahiran na si Jesus ang Lider nila, kaya hindi nila iniisip na ang mga pinahiran ang lider nila.—Mat. 23:10.
3. Ano-anong tanong ang sasagutin sa artikulong ito?
3 Dahil may kasama pa tayong mga pinahirang Kristiyano ngayon, baka maisip ng ilan: (1) Ano ang dapat na maging tingin ng mga pinahiran sa kanilang sarili? (2) Paano dapat pakitunguhan ang mga nakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal? (3) Dapat ba nating ikabahala ang pagdami ng nakikibahagi? Sasagutin sa artikulong ito ang mga tanong na iyan.
ANO ANG DAPAT NA MAGING TINGIN NG MGA PINAHIRAN SA KANILANG SARILI?
4. Anong babala sa 1 Corinto 11:27-29 ang dapat pag-isipang mabuti ng mga pinahiran, at bakit?
4 Dapat pag-isipang mabuti ng mga pinahiran ang babala sa 1 Corinto 11:27-29. (Basahin.) Paano posibleng maging “di-karapat-dapat” ang pakikibahagi ng isang pinahiran sa Memoryal? Mangyayari ito kung uminom siya at kumain ng mga emblema pero hindi naman siya namumuhay ayon sa matuwid na pamantayan ni Jehova. (Heb. 6:4-6; 10:26-29) Alam ng mga pinahiran na dapat silang manatiling tapat para makuha nila ang “gantimpala ng makalangit na pagtawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Fil. 3:13-16.
5. Ano ang dapat na maging tingin ng mga pinahirang Kristiyano sa kanilang sarili?
5 Ang espiritu ni Jehova ay tumutulong sa mga lingkod niya na maging mapagpakumbaba, hindi mayabang. (Efe. 4:1-3; Col. 3:10, 12) Kaya hindi iniisip ng mga pinahiran na mas magaling sila sa iba. Hindi nila iniisip na dahil pinahiran sila, binibigyan sila ni Jehova ng mas maraming banal na espiritu kaysa sa iba. Hindi rin nila iniisip na mas nauunawaan nila ang mga katotohanan sa Bibliya. At hinding-hindi sila magsasabi sa isang tao na pinahiran din ito at na dapat itong makibahagi sa mga emblema sa Memoryal. Sa halip, mapagpakumbaba nilang kinikilala na si Jehova lang ang pumipili sa mga taong mabubuhay sa langit.
6. Ayon sa 1 Corinto 4:7, 8, paano dapat gumawi ang mga pinahirang Kristiyano?
6 Isang karangalan para sa mga pinahiran na maanyayahang mabuhay sa langit, pero hindi sila umaasang magiging espesyal ang pakikitungo sa kanila. (Fil. 2:2, 3) Alam din nila na noong pahiran sila ni Jehova, hindi niya iyon ipinaalám sa iba. Kaya hindi na magtataka ang isang pinahiran kung ang iba ay hindi agad maniwalang pinahiran siya. Alam niyang sinasabi ng Bibliya na huwag agad maniwala sa isa na nagsasabing binigyan siya ng Diyos ng espesyal na responsibilidad. (Apoc. 2:2) Ayaw ng isang pinahiran na mabigyan siya ng sobrang atensiyon, kaya hindi niya sinasabi sa mga nakikilala niya na pinahiran siya. At siguradong hindi niya ito ipagmamalaki sa iba.—Basahin ang 1 Corinto 4:7, 8.
7. Ano ang hindi gagawin ng mga pinahiran, at bakit?
7 Hindi iniisip ng mga pinahiran na ang dapat lang nilang makasama ay ang mga kapuwa nila pinahiran, na para bang miyembro sila ng isang eksklusibong grupo. Hindi sila naghahanap ng ibang pinahiran para pag-usapan ang tungkol sa pagiging pinahiran nila o para bumuo ng mga Bible study group. (Gal. 1:15-17) Hindi magkakaisa ang kongregasyon kapag ginawa nila iyan, dahil magiging laban iyan sa pagkilos ng banal na espiritu, na tumutulong para maging payapa at nagkakaisa ang bayan ng Diyos.—Roma 16:17, 18.
PAANO DAPAT PAKITUNGUHAN ANG MGA PINAHIRAN?
8. Bakit hindi natin dapat bigyan ng sobrang papuri at atensiyon ang mga pinahiran? (Tingnan din ang talababa.)
8 Paano natin dapat pakitunguhan ang mga pinahiran? Hindi tama na sobrang humanga sa isang tao, kahit pa isa siyang pinahirang kapatid ni Kristo. (Mat. 23:8-12) Halimbawa, nang banggitin sa Bibliya ang tungkol sa mga elder, pinayuhan tayong “tularan . . . ang pananampalataya nila,” pero hindi nito sinabi na dapat nating sundin bilang lider ang sinumang tao. (Heb. 13:7) Totoo, sinasabi ng Bibliya na may mga elder na “karapat-dapat sa dobleng karangalan.” Pero hindi ito dahil sa pinahiran sila, kundi dahil sa “nangangasiwa [sila] sa mahusay na paraan” at “nagsisikap nang husto sa pagsasalita at pagtuturo.” (1 Tim. 5:17) Kung bibigyan natin ng sobrang papuri at atensiyon ang mga pinahiran, baka mailang sila.c O mas masama pa nga, baka maging mapagmataas sila. (Roma 12:3) Ayaw nating makagawa ng seryosong pagkakamali ang isang pinahiran dahil sa atin!—Luc. 17:2.
9. Paano natin maipapakitang iginagalang natin ang mga pinahiran?
9 Paano natin maipapakitang iginagalang natin ang mga pinahiran? Hindi natin sila tatanungin kung paano sila naging pinahiran. Personal na bagay iyon at wala tayong karapatang malaman iyon. (1 Tes. 4:11; 2 Tes. 3:11) Hindi rin natin iisiping pinahiran din ang asawa niya, mga magulang, o iba pang kamag-anak. Ang pagiging makalangit ay hindi namamana. Mula ito sa Diyos. (1 Tes. 2:12) Dapat din nating iwasan ang mga tanong na puwedeng makasakit. Halimbawa, hindi natin itatanong sa asawa ng isang pinahiran kung ano ang pakiramdam na mabubuhay siya nang walang hanggan sa lupa pero wala ang asawa niya. Tutal, makakatiyak naman tayo na sa bagong sanlibutan, ‘ibibigay ni Jehova ang inaasam ng bawat bagay na may buhay.’—Awit 145:16.
10. Paano natin napoprotektahan ang ating sarili kung iniiwasan nating ‘humanga sa mga personalidad’?
10 Napoprotektahan din natin ang ating sarili kung hindi natin itinuturing na nakatataas ang mga pinahiran. Paano? Sinasabi ng Bibliya na may ilang pinahiran na posibleng hindi makapanatiling tapat. (Mat. 25:10-12; 2 Ped. 2:20, 21) Kaya kung iiwasan nating ‘humanga sa mga personalidad,’ hindi tayo dedepende sa iba, kahit mga pinahiran pa sila, prominente, o matagal nang naglilingkod kay Jehova. (Jud. 16, tlb.) Sa gayon, magkasala man sila o iwan man nila ang kongregasyon, hindi tayo mawawalan ng pananampalataya kay Jehova o titigil sa paglilingkod sa kaniya.
DAPAT BA NATING IKABAHALA ANG BILANG NG NAKIKIBAHAGI?
11. Ano ang nangyayari sa bilang ng nakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal?
11 Sa loob ng maraming taon, bumababa ang bilang ng nakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal. Pero nitong mga nakaraang taon, tumataas naman ang bilang nila. Dapat ba natin itong ikabahala? Hindi. Tingnan natin kung bakit.
12. Bakit hindi natin dapat ikabahala ang bilang ng nakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal?
12 “Kilala ni Jehova kung sino ang sa kaniya.” (2 Tim. 2:19) Si Jehova ang nakakaalam kung sino ang totoong pinahiran. Hindi ito alam ng mga brother na nagbibilang ng nakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal. Kaya kasama rin sa bilang kahit ang mga nag-iisip na pinahiran sila pero hindi naman. Halimbawa, may ilang nakikibahagi noon na hindi na nakikibahagi ngayon. Baka ang iba ay may problema sa isip o emosyon kaya naniniwala silang mamamahala sila sa langit kasama ni Kristo. Maliwanag, hindi natin alam ang eksaktong bilang ng natitirang pinahiran dito sa lupa.
13. Sinasabi ba ng Bibliya kung ilang pinahiran ang matitira sa lupa kapag nagsimula na ang malaking kapighatian?
13 May mga pinahiran sa iba’t ibang bahagi ng lupa kapag dumating si Jesus para isama sila sa langit. (Mat. 24:31) Sinasabi ng Bibliya na sa mga huling araw, may maliit na bilang ng pinahiran na matitira sa lupa. (Apoc. 12:17) Pero hindi nito sinasabi kung ilan sa kanila ang matitira kapag nagsimula na ang malaking kapighatian.
14. Gaya ng ipinapakita sa Roma 9:11, 16, ano ang matututuhan natin sa pagpili ng mga pinahiran?
14 Si Jehova ang nagdedesisyon kung kailan siya pipili ng mga pinahiran. (Roma 8:28-30) Nagsimulang pumili ng mga pinahiran si Jehova matapos buhaying muli si Jesus. Lumilitaw na noong unang siglo, lahat ng tunay na Kristiyano ay pinahiran. Nang sumunod na mga siglo, karamihan sa mga nagsasabing Kristiyano sila ay hindi naman talaga sumusunod kay Kristo. Sa kabila nito, pinahiran pa rin ni Jehova ang iilang tunay na Kristiyano. Para silang trigo na tutubong kasama ng mga panirang-damo, ayon sa ilustrasyon ni Jesus. (Mat. 13:24-30) Sa mga huling araw, pumipili pa rin si Jehova ng mga taong magiging bahagi ng 144,000.d Kaya kung pipili ang Diyos ng magiging bahagi nito kung kailan napakalapit na ng wakas, hindi natin kukuwestiyunin ang karunungan niya. (Basahin ang Roma 9:11, 16.)e Dapat tayong mag-ingat para hindi natin matularan ang reaksiyon ng mga manggagawang binanggit sa isang ilustrasyon ni Jesus. Nagreklamo sila dahil sa ginawa ng panginoon nila para sa mga nagtrabaho noong huling oras na.—Mat. 20:8-15.
15. Lahat ba ng pinahiran ay bahagi ng “tapat at matalinong alipin” na binabanggit sa Mateo 24:45-47? Ipaliwanag.
15 Hindi lahat ng may pag-asang mabuhay sa langit ay bahagi ng “tapat at matalinong alipin.” (Basahin ang Mateo 24:45-47.) Gaya noong unang siglo, ilang kapatid lang ang ginagamit ngayon ni Jehova at ni Jesus para pakainin, o turuan, ang marami. Ilang pinahirang Kristiyano lang noong unang siglo ang ginamit para isulat ang Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa ngayon, ilang pinahirang Kristiyano lang din ang may pananagutang magbigay sa bayan ng Diyos ng “pagkain sa tamang panahon.”
16. Ano ang natutuhan mo sa artikulong ito?
16 Ano ang natutuhan natin sa artikulong ito? Binigyan ni Jehova ang karamihan ng lingkod niya ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa lupa, at ang ilan naman, ng pag-asang mabuhay sa langit para mamahalang kasama ni Jesus. Ginagantimpalaan ni Jehova ang lahat ng lingkod niya—ang “isang Judio” at ang “10 lalaki.” Ang dalawang grupong ito ay dapat na parehong sumunod sa mga utos niya at manatiling tapat. Dapat silang manatiling mapagpakumbaba, maglingkod nang magkakasama at nagkakaisa, at magsikap na maingatan ang kapayapaan ng kongregasyon. Habang papalapit ang wakas, magpatuloy sana tayong lahat sa paglilingkod kay Jehova at pagsunod kay Kristo bilang “iisang kawan.”—Juan 10:16.
a Sa taóng ito, ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay gaganapin sa Martes, Abril 7. Ano ang dapat na maging pananaw natin sa mga nakikibahagi sa mga emblema sa gabing iyon? Dapat ba nating ikabahala ang pagdami ng nakikibahagi? Ang mga tanong na iyan ay sasagutin sa artikulong ito, na batay sa isang artikulong lumabas sa Bantayan noong Enero 2016.
b Ayon sa Awit 87:5, 6, posibleng isiwalat ng Diyos sa hinaharap ang pangalan ng lahat ng mamamahalang kasama ni Jesus sa langit.—Roma 8:19.
c Tingnan ang kahong “Ang Pag-ibig ay ‘Hindi Gumagawi Nang Hindi Disente’” sa Bantayan ng Enero 2016.
d Ipinapakita sa Gawa 2:33 na ibinubuhos ang banal na espiritu sa pamamagitan ni Jesus, pero si Jehova ang talagang nag-aanyaya sa bawat indibidwal.
e Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, Mayo 1, 2007.
AWIT 34 Lumalakad Nang Tapat
f LARAWAN: Paano kaya kung makita natin sa kombensiyon na dinudumog ng mga kapatid ang kinatawan ng sangay at ang asawa niya para magpa-picture? Hindi ba’t kawalan iyon ng paggalang?