Nakakatanggap Ka ba ng “Pagkain sa Tamang Panahon”?
NABUBUHAY tayo sa pinakamahirap na panahon sa buong kasaysayan. (2 Tim. 3:1-5) Sa bawat araw, nasusubok ang ating pag-ibig kay Jehova at ang determinasyon nating mamuhay ayon sa kaniyang matuwid na pamantayan. Patiunang nakita ni Jesus ang maligalig na panahong ito, at tiniyak niya sa kaniyang mga tagasunod na tatanggap sila ng pampatibay na kailangan para makapagbata sila hanggang wakas. (Mat. 24:3, 13; 28:20) Para palakasin sila, nag-atas siya ng isang tapat na alipin na maglalaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.”—Mat. 24:45, 46.
Mula nang atasan ang tapat na alipin noong 1919, milyon-milyong “lingkod ng sambahayan” mula sa lahat ng wika ang natipon sa organisasyon ng Diyos at pinakakain sa espirituwal. (Mat. 24:14; Apoc. 22:17) Pero hindi lahat ng materyal ay available sa lahat ng wika, at hindi lahat ng indibiduwal ay may access sa electronic format ng ating mga publikasyon. Halimbawa, marami ang hindi nakakapanood ng mga video at nakakabasa ng mga artikulong available lang sa jw.org. Kaya ibig bang sabihin, kulang ang natatanggap nilang pagkain para manatiling malusog sa espirituwal? Para magkaroon ng tamang pananaw, isaalang-alang ang sagot sa apat na mahahalagang tanong.
1. Ano ang pangunahing sangkap ng pagkaing inilalaan ni Jehova?
Nang tuksuhin ni Satanas si Jesus na gawing tinapay ang mga bato, sinabi ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mat. 4:3, 4) Ang mga salita ni Jehova ay nakaulat sa Bibliya. (2 Ped. 1:20, 21) Kaya ang Bibliya ang pangunahing sangkap ng ating espirituwal na pagkain.—2 Tim. 3:16, 17.
Isinalin ng organisasyon ni Jehova ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, sa kabuuan o ilang bahagi nito, sa mahigit 120 wika at marami pang wika ang nadaragdag bawat taon. Bukod sa saling iyan, bilyon-bilyong kopya ng iba pang bersiyon ng Bibliya, sa kabuuan o ilang bahagi nito, ang makukuha sa libo-libong wika. Ang kamangha-manghang resultang iyan ay kaayon ng kalooban ni Jehova na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:3, 4) At dahil “walang nilalang na hindi hayag sa kaniyang paningin,” makatitiyak tayo na aakayin ni Jehova sa kaniyang organisasyon ang “mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan” at pakakainin niya sila sa espirituwal.—Heb. 4:13; Mat. 5:3, 6; Juan 6:44; 10:14.
2. Ano ang papel ng ating mga publikasyon sa paglalaan ng espirituwal na pagkain?
Para tumibay ang pananampalataya ng isa, higit pa sa pagbabasa ng Bibliya ang kailangan. Dapat din niyang maunawaan ang binabasa niya at isabuhay ito. (Sant. 1:22-25) Alam ng isang bating na Etiope noong unang siglo ang kahalagahan niyan. Nagbabasa siya ng Salita ng Diyos nang tanungin siya ni Felipe: “Talaga bang nalalaman mo ang iyong binabasa?” Sumagot ang bating: “Ang totoo, paano ko nga iyon magagawa, malibang may pumatnubay sa akin?” (Gawa 8:26-31) Kaya tinulungan ni Felipe ang bating na magkaroon ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos. Napakilos nang husto ang bating kaya nagpabautismo siya. (Gawa 8:32-38) Sa katulad na paraan, nakakatulong ang ating mga salig-Bibliyang publikasyon para magkaroon tayo ng tumpak na kaalaman sa katotohanan. Naaantig ng mga ito ang ating puso at napapakilos tayong isabuhay ang ating natututuhan.—Col. 1:9, 10.
Sa pamamagitan ng mga publikasyon, ang mga lingkod ni Jehova ay pinaglalaanan ng saganang espirituwal na pagkain. (Isa. 65:13) Halimbawa, ang Bantayan, na makukuha sa mahigit 210 wika, ay nakakatulong para maunawaan natin ang mga hula sa Bibliya, lumalim ang pagkaunawa natin sa espirituwal na katotohanan, at mapakilos tayong mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya. Ang magasing Gumising! naman, na inilalathala sa mga 100 wika, ay nakakatulong para lumawak ang kaalaman natin tungkol sa mga nilalang ni Jehova at malaman kung paano maikakapit ang praktikal na mga payo ng Bibliya. (Kaw. 3:21-23; Roma 1:20) Naglalaan ang tapat na alipin ng mga materyal na salig sa Bibliya sa mahigit 680 wika! Sinisikap mo bang magbasa ng Bibliya araw-araw? Binabasa mo ba ang lahat ng magasin at bagong publikasyong inilalathala sa iyong wika bawat taon?
Bukod sa mga publikasyon, naghahanda rin ang organisasyon ni Jehova ng salig-Bibliyang mga outline sa pahayag na napapakinggan natin sa mga pulong, asamblea, at kombensiyon. Nakikinabang ka ba sa mga pahayag, drama, pagtatanghal, at interbyu sa mga pagtitipong iyon? Isa ngang espirituwal na piging ang inihahain ni Jehova!—Isa. 25:6.
3. Kung hindi available sa iyong wika ang ilang publikasyon, ibig bang sabihin manghihina ka na sa espirituwal?
Hindi. At hindi tayo dapat magtaka kung may mga pagkakataong nakakakuha ng higit na espirituwal na pagkain ang ilang lingkod ni Jehova kumpara sa iba. Bakit natin nasabi iyan? Kuning halimbawa ang mga apostol. Mas marami ang naituro sa kanila kaysa sa ibang alagad noong unang siglo. (Mar. 4:10; 9:35-37) Pero hindi nanghina sa espirituwal ang ibang alagad; natanggap nila ang kailangan nila.—Efe. 4:20-24; 1 Ped. 1:8.
Pansinin din na marami sa mga sinabi at ginawa ni Jesus noong nasa lupa siya ay hindi nakaulat sa mga Ebanghelyo. Isinulat ni apostol Juan: “Marami pa ring ibang bagay ang ginawa ni Jesus, na, kung sakaling ang mga iyon ay naisulat nang lubhang detalyado, sa palagay ko, sa sanlibutan mismo ay hindi magkakasiya ang mga balumbong isinulat.” (Juan 21:25) Kahit mas maraming alam tungkol sa sakdal na taong si Jesus ang unang-siglong mga alagad kumpara sa atin, hindi masasabing pinagkaitan tayo. Tiniyak ni Jehova na may sapat tayong kaalaman tungkol kay Jesus para masundan natin ang kaniyang halimbawa.—1 Ped. 2:21.
Isipin din ang mga liham ng mga apostol sa mga kongregasyon noong unang siglo. May liham si Pablo na hindi isinama sa Bibliya. (Col. 4:16) Kulang ba ang espirituwal na pagkain natin dahil hindi natin nabasa ang liham na iyon? Hindi. Alam ni Jehova kung ano ang kailangan natin at sapat ang ibinibigay niya para manatili tayong malakas sa espirituwal.—Mat. 6:8.
Alam ni Jehova kung ano ang kailangan natin at sapat ang ibinibigay niya para manatili tayong malakas sa espirituwal
Sa ngayon, may mga lingkod ni Jehova na nakakatanggap ng mas maraming espirituwal na pagkain sa kanilang wika kumpara sa iba. Kaunting publikasyon lang ba ang available sa iyong wika? Kung oo, tandaan na nagmamalasakit sa iyo si Jehova. Pag-aralan ang publikasyong mayroon ka, at kung posible, dumalo sa mga pulong sa wikang naiintindihan mo. Makatitiyak ka na tutulungan ka ni Jehova para manatiling malakas ang iyong pananampalataya.—Awit 1:2; Heb. 10:24, 25.
4. Manghihina ka ba sa espirituwal kung wala kang access sa mga materyal sa jw.org?
Naglalathala tayo sa ating Web site ng kopya ng mga magasin at iba pang publikasyong salig sa Bibliya. May mga materyal din dito para sa mga mag-asawa, tin-edyer, at sa may maliliit na anak. Puwedeng gamitin ng mga pamilya ang gayong materyal sa kanilang Pampamilyang Pagsamba. Bukod diyan, iniuulat ng ating Web site ang tungkol sa espesyal na mga programang tulad ng graduation ng Gilead at taunang miting. Nagbibigay rin ito ng impormasyon tungkol sa mga kalamidad at usapin sa korte na nakakaapekto sa bayan ni Jehova. (1 Ped. 5:8, 9) Napakabisa ring gamitin sa pangangaral ang ating Web site. Sa pamamagitan nito, nakakaabot ang mabuting balita kahit sa mga lupaing may pagbabawal o paghihigpit sa ating gawain.
Pero may access ka man sa ating Web site o wala, makapananatili ka pa ring malakas sa espirituwal. Nagsisikap ang tapat na alipin na maglaan ng sapat na nakaimprentang materyal para mapakaing mabuti ang bawat lingkod ng sambahayan. Kaya hindi ka dapat maobligang bumili ng device para lang maka-access sa jw.org. Ang iba ay maaaring mag-print ng ilang materyal na inilalathala sa ating Web site para sa mga hindi nakakapag-Internet, pero hindi naman obligado ang mga kongregasyon na gawin ito.
Nagpapasalamat tayo kay Jesus sa pagtupad niya sa pangakong ilaan ang ating espirituwal na pangangailangan. Habang papalapit ang wakas ng mga huling araw na ito, makatitiyak tayo na patuloy na maglalaan si Jehova ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.”