Isang “Alipin” na Kapuwa Tapat at Maingat
“Sino talaga ang tapat at maingat na alipin na inatasan ng kaniyang panginoon sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan?”—MATEO 24:45.
1, 2. Bakit mahalaga na tumanggap tayo ng regular na suplay ng espirituwal na pagkain sa ngayon?
NOONG Martes ng hapon, Nisan 11, 33 C.E., ang mga alagad ni Jesus ay nagbangon ng tanong na may malalim na kahulugan para sa atin sa ngayon. Tinanong nila siya: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Bilang sagot, bumigkas si Jesus ng isang kapansin-pansing hula. Binanggit niya ang tungkol sa isang maligalig na panahon ng mga digmaan, taggutom, lindol, at sakit. At iyon ay magiging “pasimula [lamang] ng mga hapdi ng kabagabagan.” Lalala pa ito. Tunay ngang nakatatakot ang mangyayari!—Mateo 24:3, 7, 8, 15-22; Lucas 21:10, 11.
2 Mula noong 1914, ang karamihan sa mga aspekto ng hula ni Jesus ay natupad na. Lubusan nang nararanasan ng sangkatauhan ang “mga hapdi ng kabagabagan.” Gayunman, hindi kailangang matakot ang tunay na mga Kristiyano. Nangako si Jesus na tutustusan niya sila ng nakapagpapalusog na espirituwal na pagkain. Yamang nasa langit na ngayon si Jesus, paano niya isinaayos na matanggap nating mga narito sa lupa ang ating suplay ng espirituwal na pagkain?
3. Anu-anong kaayusan ang ginawa ni Jesus upang matanggap natin ang “pagkain sa tamang panahon”?
3 Itinawag-pansin mismo ni Jesus ang sagot sa tanong na iyan. Samantalang ipinahahayag ang kaniyang dakilang hula, itinanong niya: “Sino talaga ang tapat at maingat na alipin na inatasan ng kaniyang panginoon sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan, upang magbigay sa kanila ng kanilang pagkain sa tamang panahon?” Pagkatapos ay sinabi niya: “Maligaya ang aliping iyon kung sa pagdating ng kaniyang panginoon ay masumpungan siyang gayon ang ginagawa! Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Aatasan niya siya sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” (Mateo 24:45-47) Oo, magkakaroon ng isang “alipin” na inatasang maglaan ng espirituwal na pagkain, isang “alipin” na magiging kapuwa tapat at maingat. Ang alipin bang iyon ay isang indibiduwal lamang, mga indibiduwal na isa-isang umiral sa sunud-sunod na yugto ng panahon, o iba pa rito? Yamang inilalaan ng tapat na alipin ang lubhang kinakailangang espirituwal na pagkain, mahalaga na malaman natin ang sagot.
Isang Indibiduwal o Isang Grupo?
4. Paano natin nalalaman na “ang tapat at maingat na alipin” ay hindi maaaring maging iisang tao?
4 “Ang tapat at maingat na alipin” ay hindi maaaring maging iisang tao. Bakit hindi? Dahil ang alipin ay nagsimulang magbigay ng espirituwal na pagkain noon pang unang siglo, at ayon kay Jesus, ginagawa pa rin ito ng alipin nang dumating ang Panginoon noong 1914. Mangangahulugan ito ng mga 1,900 taon na tapat na paglilingkod ng iisang indibiduwal. Kahit si Matusalem ay hindi nabuhay nang gayon katagal!—Genesis 5:27.
5. Ipaliwanag kung bakit hindi kumakapit ang terminong “tapat at maingat na alipin” sa bawat indibiduwal na Kristiyano.
5 Kung gayon, hindi kaya kumakapit ang terminong “tapat at maingat na alipin” sa bawat indibiduwal na Kristiyano sa pangkalahatang diwa? Totoo na dapat maging tapat at maingat ang lahat ng Kristiyano; gayunman, maliwanag na higit pa rito ang nasa isip ni Jesus nang banggitin niya ang tungkol sa “tapat at maingat na alipin.” Paano natin ito nalalaman? Dahil sinabi niya na ‘pagdating ng panginoon’ ay aatasan niya ang alipin “sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” Paano aatasan sa lahat ng bagay—sa “lahat” ng mga pag-aari ng Panginoon—ang bawat indibiduwal na Kristiyano? Imposible!
6. Paano nilayong kumilos bilang “lingkod,” o “alipin,” ng Diyos ang bansang Israel?
6 Kung gayon, ang tanging makatuwirang konklusyon ay na tinutukoy ni Jesus ang isang grupo ng mga Kristiyano bilang “ang tapat at maingat na alipin.” Mayroon bang gayong kalipunang alipin? Oo. Pitong daang taon bago umiral si Kristo, tinukoy ni Jehova ang buong bansang Israel bilang “aking mga saksi” at ‘aking lingkod na aking pinili.’ (Isaias 43:10) Ang bawat miyembro ng bansang Israel mula noong 1513 B.C.E., nang ibigay ang Kautusang Mosaiko, hanggang noong Pentecostes 33 C.E. ay kabilang sa uring lingkod na ito. Ang karamihan sa mga Israelita ay walang tuwirang papel sa pangangasiwa sa mga gawain ng bansa o sa pagsasaayos sa programa nito sa espirituwal na pagpapakain. Ginamit ni Jehova ang mga hari, hukom, propeta, saserdote, at mga Levita upang ganapin ang mga atas na iyon. Gayunman, bilang isang bansa, ang Israel ang kakatawan sa soberanya ni Jehova at magpapahayag ng mga papuri sa kaniya sa gitna ng mga bansa. Ang bawat Israelita ay kinailangang maging isang saksi ni Jehova.—Deuteronomio 26:19; Isaias 43:21; Malakias 2:7; Roma 3:1, 2.
Pinaalis ang Isang “Lingkod”
7. Bakit hindi na naging kuwalipikado bilang “lingkod” ng Diyos ang sinaunang bansang Israel?
7 Yamang ang Israel ay naging “lingkod” ng Diyos noong nakalipas na mga siglo, hindi kaya ito rin ang alipin na binanggit ni Jesus? Hindi, sapagkat nakalulungkot na hindi naging tapat ni maingat ang sinaunang Israel. Binuod ni Pablo ang situwasyon nang sipiin niya ang sinabi ni Jehova sa bansa: “Ang pangalan ng Diyos ay nalalapastangan dahil sa inyo sa gitna ng mga bansa.” (Roma 2:24) Sa katunayan, umabot sa sukdulan ang mahabang kasaysayan ng paghihimagsik ng Israel nang itakwil nila si Jesus, at nang panahong iyon ay itinakwil sila ni Jehova.—Mateo 21:42, 43.
8. Kailan inatasan ang isang “lingkod” na hahalili sa Israel, at sa ilalim ng anong mga kalagayan?
8 Ang kawalang-katapatang ito ng “lingkod,” ang Israel, ay hindi nangahulugan na hindi na kailanman muling tatanggap ng suplay ng espirituwal na pagkain ang tapat na mga mananamba. Noong Pentecostes 33 C.E., 50 araw matapos buhaying muli si Jesus, ibinuhos ang banal na espiritu sa mga 120 sa kaniyang mga alagad na nasa silid sa itaas sa Jerusalem. Nang sandaling iyon, isinilang ang isang bagong bansa. Angkop naman, inihayag sa madla ang pagsilang nito nang buong-katapangang sabihin ng mga miyembro nito sa mga tumatahan sa Jerusalem ang tungkol sa “mariringal na mga bagay ng Diyos.” (Gawa 2:11) Sa gayon, ang bagong bansang ito, na isang espirituwal na bansa, ang naging “lingkod” na magpapahayag ng kaluwalhatian ni Jehova sa mga bansa at maglalaan ng pagkain sa tamang panahon. (1 Pedro 2:9) Angkop naman, nang dakong huli ay tinawag itong “Israel ng Diyos.”—Galacia 6:16.
9. (a) Sinu-sino ang mga bumubuo sa “tapat at maingat na alipin”? (b) Sinu-sino ang “mga lingkod ng sambahayan”?
9 Ang bawat miyembro ng “Israel ng Diyos” ay isang nakaalay at bautisadong Kristiyano na pinahiran ng banal na espiritu at may makalangit na pag-asa. Kaya naman, ang pananalitang “tapat at maingat na alipin” ay tumutukoy sa lahat ng miyembro ng pinahirang espirituwal na bansang iyon bilang isang grupo na nasa lupa sa anumang partikular na panahon simula noong 33 C.E. hanggang sa ngayon, kung paanong ang bawat Israelitang nabuhay sa alinmang panahon mula noong 1513 B.C.E. hanggang Pentecostes 33 C.E. ay bahagi ng uring lingkod bago ang panahong Kristiyano. Subalit sinu-sino ang “mga lingkod ng sambahayan,” na tumatanggap ng espirituwal na pagkain mula sa alipin? Noong unang siglo C.E., ang bawat Kristiyano ay may makalangit na pag-asa. Dahil dito, ang mga lingkod ng sambahayan ay mga pinahirang Kristiyano rin, na minamalas, hindi bilang isang grupo, kundi bilang mga indibiduwal. Ang lahat, pati na ang mga humawak ng mga posisyong may mabibigat na tungkulin sa kongregasyon, ay nangailangan ng espirituwal na pagkain mula sa alipin.—1 Corinto 12:12, 19-27; Hebreo 5:11-13; 2 Pedro 3:15, 16.
“Sa Bawat Isa ay ang Kaniyang Gawain”
10, 11. Paano natin nalalaman na hindi lahat ng miyembro ng uring alipin ay magkakapareho ng atas na gawain?
10 Bagaman ang “Israel ng Diyos” ang uring tapat at maingat na alipin na may atas na gawain, may personal na mga pananagutan din ang bawat miyembro. Nililiwanag ito ng mga salita ni Jesus na nakaulat sa Marcos 13:34. Sinabi niya: “Tulad ito ng isang taong naglalakbay sa ibang bayan na nag-iwan ng kaniyang bahay at nagbigay ng awtoridad sa kaniyang mga alipin, sa bawat isa ay ang kaniyang gawain, at nag-utos sa bantay-pinto na patuloy na magbantay.” Kaya bawat miyembro ng uring alipin ay tumanggap ng isang atas—ang paramihin ang mga pag-aari ni Kristo sa lupa. Ginaganap niya ang atas na ito ayon sa kaniyang sariling kakayahan at mga pagkakataon.—Mateo 25:14, 15.
11 Bukod dito, sinabi ni apostol Pedro sa mga pinahirang Kristiyano noong kaniyang panahon: “Ayon sa kaloob na tinanggap ng bawat isa, gamitin ito sa paglilingkod sa isa’t isa bilang mabubuting katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ipinamamalas sa iba’t ibang paraan.” (1 Pedro 4:10) Kaya naman, may pananagutan ang mga pinahirang iyon na maglingkod sa isa’t isa na ginagamit ang mga kaloob na ibinigay ng Diyos sa kanila. Karagdagan pa, ipinahihiwatig ng mga salita ni Pedro na hindi lahat ng mga Kristiyano ay magkakaroon ng magkakaparehong mga kakayahan, pananagutan, o pribilehiyo. Gayunman, ang bawat miyembro ng uring alipin ay may maitutulong sa paglago ng espirituwal na bansa. Paano?
12. Paano nakatulong ang bawat miyembro ng uring alipin, lalaki man o babae, sa paglago ng alipin?
12 Una, ang bawat isa ay may pananagutang maging saksi ni Jehova, na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Isaias 43:10-12; Mateo 24:14) Nang malapit na siyang umakyat sa langit, inutusan ni Jesus ang lahat ng kaniyang tapat na mga alagad, kapuwa lalaki at babae, na maging mga guro. Sinabi niya: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mateo 28:19, 20.
13. Anong pribilehiyo ang tinamasa ng lahat ng pinahiran?
13 Kapag nakasumpong ng bagong mga alagad, kailangan silang turuan nang mabuti na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ni Kristo sa kaniyang mga alagad. Nang dakong huli, ang mga tumugon ay naging kuwalipikadong magturo sa iba. Ibinigay ang nakapagpapalusog na espirituwal na pagkain sa potensiyal na mga miyembro ng uring alipin sa maraming bansa. Nakibahagi ang lahat ng pinahirang Kristiyano, lalaki at babae, sa pagganap sa atas na gumawa ng mga alagad. (Gawa 2:17, 18) Magpapatuloy ang gawaing ito mula nang pasimulan ng alipin ang gawain nito hanggang sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay.
14. Kanino lamang iniatas ang mga pribilehiyo ng pagtuturo sa kongregasyon, at ano ang nadarama ng tapat na mga pinahirang babae hinggil dito?
14 Ang bagong bautisado na pinahirang mga indibiduwal ay naging bahagi ng alipin, at sinuman ang nagturo sa kanila sa simula, tumanggap pa rin sila ng tagubilin mula sa mga miyembro ng kongregasyon na nakaabot sa maka-Kasulatang mga kuwalipikasyon upang maglingkod bilang matatandang lalaki. (1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:6-9) Ang hinirang na mga lalaking ito kung gayon ay nagkapribilehiyo na makatulong sa paglago ng bansa sa pantanging paraan. Hindi ipinaghinanakit ng tapat na mga pinahirang babaing Kristiyano ang bagay na mga lalaking Kristiyano lamang ang inatasang magturo sa kongregasyon. (1 Corinto 14:34, 35) Sa halip, natutuwa silang makinabang sa masikap na paggawa ng mga lalaking miyembro ng kongregasyon at nagpapasalamat sa mga pribilehiyong bukás sa mga kababaihan, kasali na ang paghahatid ng masayang pabalita sa iba. Ipinamamalas ng masisigasig na pinahirang babae sa ngayon ang gayunding mapagpakumbabang saloobin, pinahiran man o hindi ang hinirang na mga matatanda.
15. Ano ang isa sa pangunahing pinagmumulan ng espirituwal na pagkain noong unang siglo, at sino ang nanguna sa paglalaan nito?
15 Ang pangunahing espirituwal na pagkain na inilaan noong unang siglo ay tuwirang nanggaling sa mga isinulat ng mga apostol at ng iba pang mga alagad na nangunguna. Ang mga liham na isinulat nila—lalo na yaong mga masusumpungan sa 27 kinasihang mga aklat na bumubuo sa Kristiyanong Griegong Kasulatan—ay ipinadala sa mga kongregasyon at walang pagsalang naging saligan ng pagtuturo ng lokal na matatanda. Sa ganitong paraan, buong-katapatang ipinamahagi ng mga kinatawan ng alipin ang saganang espirituwal na pagkain sa taimtim na mga Kristiyano. May-katapatang ginanap ng uring alipin noong unang siglo ang atas nito.
Ang “Alipin” Pagkalipas ng 19 na Siglo
16, 17. Paano pinatunayan ng uring alipin na tapat ito sa pagganap ng atas nito sa paglipas ng mga taon hanggang noong 1914?
16 Kumusta naman ngayon? Nang magsimula ang pagkanaririto ni Jesus noong 1914, nakasumpong ba siya ng grupo ng mga pinahirang Kristiyano na buong-katapatang naglalaan ng pagkain sa tamang panahon? Oo, nakasumpong siya. Malinaw na makikilala ang grupong ito dahil sa maiinam na bungang iniluluwal nito. (Mateo 7:20) Mula pa noon ay pinatutunayan na ng kasaysayan na tama ang pagkakilalang ito.
17 Nang panahong dumating si Jesus, mga 5,000 lingkod ng sambahayan ang abala sa pagpapalaganap ng katotohanan sa Bibliya. Kakaunti noon ang mga manggagawa, ngunit ang alipin ay gumamit ng maraming malikhaing mga pamamaraan upang mapalaganap ang mabuting balita. (Mateo 9:38) Halimbawa, gumawa ng mga kaayusan para mailathala ang mga sermon hinggil sa mga paksa sa Bibliya sa halos 2,000 pahayagan. Sa ganitong paraan, nakarating kaagad ang katotohanan ng Salita ng Diyos sa sampu-sampung libong mambabasa. Bukod dito, inihanda ang walong-oras na programa na binubuo ng pinagsamang makukulay na slide at pelikula. Dahil sa bagong presentasyong ito, ang mensahe ng Bibliya, mula sa pasimula ng Paglalang hanggang sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, ay naipaabot sa mga tagapakinig na binubuo ng mahigit na siyam na milyon katao sa tatlong kontinente. Ang isa pang paraan na ginamit ay ang nakalimbag na literatura. Halimbawa, noong 1914, mga 50,000 kopya ng babasahing ito ang nailathala.
18. Kailan inatasan ni Jesus ang alipin sa lahat ng kaniyang mga pag-aari, at bakit?
18 Oo, nang dumating ang Panginoon, nasumpungan niya ang kaniyang tapat na alipin na buong-sikap na nagpapakain sa mga lingkod ng sambahayan at nangangaral ng mabuting balita. Mas maraming pananagutan ngayon ang naghihintay sa aliping iyan. Sinabi ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Aatasan niya siya sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” (Mateo 24:47) Ginawa ito ni Jesus noong 1919, pagkaraang dumanas ang alipin ng isang yugto ng pagsubok. Subalit bakit tumanggap ng mas maraming pananagutan “ang tapat at maingat na alipin”? Dahil nakatanggap ang Panginoon ng karagdagang mga pag-aari. Ibinigay ang pagkahari kay Jesus noong 1914.
19. Ipaliwanag kung paano natutustusan ang espirituwal na mga pangangailangan ng “malaking pulutong.”
19 Anu-ano ang mga pag-aari na iniatas ng bagong kinoronahang Panginoon sa kaniyang tapat na alipin? Ang lahat ng espirituwal na mga bagay na pag-aari Niya rito sa lupa. Halimbawa, dalawang dekada matapos iluklok sa trono si Kristo noong 1914, nakilala ang “isang malaking pulutong” ng “ibang mga tupa.” (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16) Ang mga ito ay hindi pinahirang mga miyembro ng “Israel ng Diyos,” kundi taimtim na mga lalaki at babae na may makalupang pag-asa, na umiibig kay Jehova at nagnanais na maglingkod sa kaniya gaya ng mga pinahiran. Sa diwa, sinabi nila sa “tapat at maingat na alipin”: “Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.” (Zacarias 8:23) Ang bagong bautisadong mga Kristiyanong ito ay nakibahagi sa saganang espirituwal na pagkain na kinakain din ng pinahirang mga lingkod ng sambahayan, at ang dalawang uring ito ay magkasalo sa espirituwal na mesang ito mula pa noon. Isa nga itong pagpapala para sa mga miyembro ng “malaking pulutong”!
20. Anong papel ang ginampanan ng “malaking pulutong” sa pagpaparami sa mga pag-aari ng Panginoon?
20 Malugod na sumama ang mga miyembro ng “malaking pulutong” sa pinahirang uring alipin bilang mga mangangaral ng mabuting balita. Habang nangangaral sila, dumarami ang mga pag-aari ng Panginoon sa lupa, anupat nadaragdagan ang mga pananagutan ng “tapat at maingat na alipin.” Habang dumarami ang bilang ng mga humahanap sa katotohanan, kinailangang palawakin ang mga pasilidad sa paglilimbag upang matugunan ang pangangailangan para sa mga literatura sa Bibliya. Itinatag sa maraming lupain ang mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Ipinadala ang mga misyonero “sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Mula sa humigit-kumulang sa limang libong pinahiran noong 1914, ang mga hanay ng mga tagapuri sa Diyos ay lumago tungo sa mahigit na anim na milyon sa ngayon, na ang karamihan sa kanila ay kabilang sa “malaking pulutong.” Oo, talagang dumami nang maraming ulit ang mga pag-aari ng Hari mula nang makoronahan siya noong 1914!
21. Anong dalawang talinghaga ang isasaalang-alang natin sa ating susunod na pag-aaral?
21 Ipinakikita ng lahat ng ito na ang alipin ay kapuwa “tapat at maingat.” Pagkatapos na pagkatapos banggitin ang tungkol sa “tapat at maingat na alipin,” nagbigay si Jesus ng dalawang talinghaga na nagtampok sa mga katangiang ito: ang talinghaga tungkol sa maiingat at mangmang na mga dalaga at ang talinghaga hinggil sa mga talento. (Mateo 25:1-30) Nakapupukaw ito ng ating interes! Ano ang kahulugan ng mga talinghagang ito para sa atin sa ngayon? Isasaalang-alang natin ang tanong na ito sa susunod na artikulo.
Ano ang Masasabi Mo?
• Sinu-sino ang mga bumubuo sa “tapat at maingat na alipin”?
• Sinu-sino ang “mga lingkod ng sambahayan”?
• Kailan inatasan ang tapat na alipin sa lahat ng mga pag-aari ng Panginoon, at bakit noong panahong iyon?
• Sino ang tumulong sa pagpaparami sa mga pag-aari ng Panginoon nitong nakalipas na mga dekada, at paano?
[Mga larawan sa pahina 10]
Napatunayang tapat sa atas nito ang uring alipin noong unang siglo