Ang Tanda—Inuunawa Mo ba Ito?
“IBIG nating ang mga tao ng bawat bansa ay magtamasa ng kasaganaan, kagalingan at kaligayahan. Ang paraan upang makamit ito ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang libre-sa-nuklear, na walang karahasang daigdig.”—Perestroika, sinabi ng lider Sobyet na si Mikhail Gorbachev.
May katuwiran naman, marami ang nag-aalinlangan na talagang magagawa ng tao na papangyarihin ang ganiyang mga kalagayan sa daigdig. Isa pang lider, si Jesu-Kristo, ang nangako ng isang lalong dakilang bagay—sa isang lupang paraiso na kung saan maging ang kalagayan ng kamatayan ay mababaligtad. (Mateo 5:5; Lucas 23:43; Juan 5:28, 29) Mangyari pa, para maisagawa ito ay kailangan na makialam ang Diyos. Bilang sagot sa tanong na “kailan” mangyayari ang gayong pakikialam, sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ng Diyos ay hindi paririto sa kapuna-punang paraan.” Sa una, tangi lamang yaong matalas magmasid na may makasagisag na matang agila ang makatatalos nito. (Lucas 17:20, 37) Bakit nga gayon?
Kung Bakit Kailangan Natin ang Tanda
Magmula nang siya’y umakyat sa langit, si Jesu-Kristo ay “nananahan sa liwanag na di-malapitan, na di-nakita ng sinumang tao o makikita man.” (1 Timoteo 6:16) Samakatuwid, ang literal na mga mata ng tao ay hindi na muling makakakita sa kaniya. Gaya ng sinabi ni Jesus noong huling araw ng kaniyang buhay sa lupa: “Kaunti pang panahon at hindi na ako makikita ng sanlibutan.” (Juan 14:19) Siya’y maaaring makita lamang sa isang makasagisag na paraan.—Efeso 1:18; Apocalipsis 1:7.
Gayunman, sinabi ni Jesus na maaaring maunawaan ng kaniyang mga alagad kung kailan magpapasimulang maghari ang Kaharian ng Diyos. Paano? Sa pamamagitan ng isang tanda. Bilang sagot sa tanong na “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto?” si Jesus ay bumalangkas ng nakikitang patotoo ng kaniyang di-nakikitang paghahari sa hinaharap.—Mateo 24:3.
Kasali sa tanda ay isang ilustrasyon na nagpapakita kung anong uri ng mga tao ang makikinabang dito. “Saanman naroroon ang bangkay,” ang sabi ni Jesus, “doon magtitipong sama-sama ang mga agila.” (Mateo 24:28) Lahat ng ibig na makaligtas sa katapusan ng kasalukuyang sistema tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos ay kailangang ‘magtipong sama-sama’ at magtamasa ng espirituwal na pagkain kasama ng tulad-agilang “mga pinili” ni Kristo.—Mateo 24:31, 45-47.
Iwasan ang Pagkainip
Walang taong maaaring makaalam ng petsa ng katapusan ng kasalukuyang balakyot na sistema. “Tungkol sa araw o sa oras,” ang sabi ni Jesus, “walang nakaaalam, maging ang mga anghel man sa langit o ang Anak, kundi ang Ama.”—Marcos 13:32, 33.
Subalit, maaari kayang maganap ang tanda sa loob ng yugto ng panahon ng maraming salinlahi ng tao? Hindi. Ang tanda ay magaganap sa loob ng isang tanging salinlahi. Ang salinlahi na nakasaksi ng pasimula ng tanda ay siya ring makasasaksi ng sukdulang ito sa “isang kapighatian na hindi pa nangyayari mula sa pasimula ng paglalang.” Tatlong historyador, sina Mateo, Marcos, at Lucas, ang nag-ulat ng katiyakang ibinigay ni Jesus tungkol dito.—Marcos 13:19, 30; Mateo 24:13, 21, 22, 34; Lucas 21:28, 32.
Gayunman, nariyan ang panganib na ikaw ay maging mainipin. Pitumpu’t-apat na taon na ang lumipas sapol nang magsiklab ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914. Buhat sa punto-de-vista ng tao, baka ito ay waring isang napakahabang panahon. Subalit ang ilang mga Kristiyanong may matang tulad-agila na nakasaksi sa Digmaang Pandaigdig I ay mga buháy na buháy. Hindi pa lumilipas ang kanilang salinlahi.
Nang kaniyang banggitin ang tanda, si Jesus ay nagbabala tungkol sa panganib na maging mainipin. Binanggit niya ang mga indibiduwal na magsasabi sa kanilang puso: “Naaantala ang aking Panginoon.” Ipinakita ni Jesus na ang ganiyang mga damdamin, kung hindi susupilin, ay maaaring humantong sa may kamangmangang pagkilos. (Mateo 24:48-51) Ang mga apostol ni Kristo ay may masasabi pa tungkol dito.
“Mga Manunuya”
Ayon sa manunulat ng Bibliya na si Judas, ang mga apostol ni Kristo ay nagbigay ng ganitong babala: “Sa huling panahon ay magkakaroon ng mga manunuya, na magsisilakad ayon sa kani-kanilang masasamang pita sa mga bagay na masasama.”—Judas 17, 18.
Ang pagnanais ng buhay sa isang malinis na bagong sanlibutan ay madaling mahahalinhan ng mga “pita sa mga bagay na masasama.” Ito ay lalo nang mapanganib ngayon dahilan sa mga pamamaraan ng sanlibutan sa pagpapahayag at pakikipagtalastasan. Ngayon lamang sa kasaysayan ng tao nagkaroon ng karahasan, espiritismo, at seksuwal na imoralidad na lumaganap na nang husto. Malimit na ang mga ito ang tema ng pagsasahimpapawid sa radyo at ng musika, at siyang mapapanood sa maraming programa sa TV, sa video, mga anunsiyo, aklat, at magasin.
Ang tanda ay tumatawag-pansin sa katapusan ng gayong kasamaan. Kung gayon, natural na ang mga taong maibigin sa mga masasamang bagay ay manunuya sa tanda. Gaya ng inihula, sila’y mangangatuwiran na “lahat ng bagay naman ay nagpapatuloy na kagayang-kagaya simula ng paglalang.”—2 Pedro 3:3, 4.
‘Nanlalamig ang Pag-ibig’
Kamakailan, isang 75-anyos na Amerikanong autor, si Paul Bowles, ay kinapanayam ng magasing Newsweek. Bilang sagot sa tanong na “Ano po ang inyong pananaw tungkol sa daigdig?” Sinabi ni Bowles: “Ang daigdig ay nagkaluray-luray na kung sa moral. Walang isa mang tapat kagaya noong 60 taóng nakalipas. Noon ay may ideya kung ano ang isang maginoo; iyon ay isang mahalagang katangian ng ating Kanlurang kultura. Ngayon ay walang isa man na dito’y [interesado]. Mayroon ding malaking pagpapahalaga sa salapi.”
Ang ganitong situwasyon ang inihula mismo ng Bibliya. Si Jesus ay humula: “Dahilan sa pagsagana ng katampalasanan ang pag-ibig sa Diyos ay umuurong naman. Parami nang paraming mga tao ang nagpapakita na ang kanilang sariling mga hangarin ay inuuna sa mga kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng ginagawang mga krimen, terorismo, pagdaraya sa negosyo, imoralidad sa sekso, at abuso sa droga.
Ang iba naman ay nakakakilala sa katuparan ng tanda subalit sila’y hindi kumikilos ayon doon dahilan sa sila’y haling na haling sa pagpapalugod sa kanilang hilig. Sa kabilang dako naman, bahagi ng pag-unawa sa tanda ang pagtitiis sa pagpapakita ng walang imbot na pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa.—Mateo 24:13, 14.
“Pagsusumakit Ukol sa Buhay”
Si Jesus ay nagbabala rin na, ukol sa mapag-imbot na kalayawan, ang pag-aasikaso ng mga pangangailangan sa buhay ang maaaring labis na pagkaabalahan ng iba na anupa’t kanilang ipinagwawalang-bahala ang tanda. Siya’y nagpayo: “Pakaingat kayo na ang inyong puso ay huwag malugmok sa katakawan at sa kalasingan at sa pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na iyon na gaya ng silo. Sapagkat gayon darating sa lahat ng nananahan sa buong lupa.”—Lucas 21:34, 35.
Mangyari pa, ang Bibliya ay nanghihimok ng pagkakaroon ng maligayang buhay pampamilya. (Efeso 5:24–6:4) Kadalasan ito’y nangangailangan na ang isang ulo ng pamilya ay magkaroon ng isang hanapbuhay o negosyo upang matustusan ang kaniyang asawa at mga anak. (1 Timoteo 5:8) Gayunman, isang kaiklian ng isip na ang pamumuhay ng isang tao’y lubusang mapasentro lamang sa pamilya, negosyo, at materyal na mga bagay. Dahilan sa panganib na ito, si Jesus ay nagbabala: “Kung paano ang nangyari noong mga araw ni Noe, gayundin ang mangyayari sa mga araw ng Anak ng tao: sila’y nagsisikain, sila’y nagsisiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa, ang mga babae ay pinag-aasawa, hanggang sa araw na si Noe ay pumasok sa arka, at dumating ang baha at nilipol silang lahat. . .. Ganiyan din ang mangyayari sa araw na ang Anak ng tao ay mahayag.”—Lucas 17:26-30; Mateo 24:36-39.
“Kukunin” o “Iiwan”?
Ang oras ay atrasado na. Sa hindi na magtatagal, ang Kaharian ng Diyos ay makikialam na upang ituwid ang mga bagay. Kung magkagayon ang bawat tao ay maaapektuhan sa isa sa dalawang paraan. Gaya ng ipinaliwanag ni Jesus: “Kung magkagayon dalawang lalaki ang sasa-bukid: ang isa’y kukunin at ang isa’y iiwan; dalawang babae ang nagsisigiling sa isang gilingan: ang isa’y kukunin at ang isa’y iiwan.”—Mateo 24:40, 41.
Pagsapit ng pinakasukdulang panahong iyon, ano kaya ang magiging katayuan mo? Ikaw ba ay iiwan upang mapuksa, o ikaw ay kukunin para iligtas? Upang umakay sa iyo sa tamang direksiyon, muling isaalang-alang ang ilustrasyon na ibinigay ni Jesu-Kristo: “Kung saan naroroon ang bangkay, doon din magkakatipong sama-sama ang mga agila.”—Lucas 17:34-37; Mateo 24:28.
Sa gayo’y idiniriin ni Jesus ang pangangailangan ng may malayong-pananaw, na nagkakaisang pagkilos. Yaong mga kinukuha para iligtas ay regular na nagtitipong sama-sama at nakikinabang sa espirituwal na pagkain na inilalaan ng Diyos. Angaw-angaw ang nakaranas na ang gayong espirituwal na pagkain ay nakakamit sa pamamagitan ng palagiang pakikisama sa isa sa mahigit na 55,000 mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova at sa pamamagitan ng pag-aaral ng salig-Bibliyang mga lathalain gaya na nga nitong iyong binabasa.
Mahigit na tatlong angaw na mga Saksi ni Jehova ang nagpapakita ng pananampalataya sa tanda sa pamamagitan ng pakikibahagi sa pangangaral sa kanilang kapuwa ng “mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 24:14) Ikaw ba ay may positibong pagtugon sa mabuting balita? Kung gayon, maisasa-puso mo ang pangako ng kaligtasan tungo sa isang makalupang paraiso.
[Larawan sa pahina 5]
Marami ang lulong na lulong sa mga kalayawan kung kaya’t kanilang ipinagwawalang-bahala ang tanda
[Larawan sa pahina 6]
Kasali sa pag-unawa sa tanda ang pagtitipong sama-sama upang makinabang sa Salita ng Diyos