KABANATA 112
Aral sa Pagiging Mapagbantay—Ang mga Dalaga
INILAHAD NI JESUS ANG ILUSTRASYON TUNGKOL SA 10 DALAGA
Sinagot ni Jesus ang tanong ng mga apostol tungkol sa tanda ng kaniyang presensiya at ng katapusan ng sistemang ito. May kinalaman dito, nagbigay siya ngayon ng magandang payo sa pamamagitan ng isa pang ilustrasyon. Ang katuparan nito ay makikita ng mga taong mabubuhay sa panahon ng presensiya ni Jesus.
Ganito niya sinimulan ang ilustrasyon: “Ang Kaharian ng langit ay gaya ng 10 dalaga na nagdala ng kanilang lampara at lumabas para salubungin ang lalaking ikakasal. Ang lima sa kanila ay mangmang, at ang lima ay matalino.”—Mateo 25:1, 2.
Hindi ibig sabihin ni Jesus na kalahati sa kaniyang mga alagad na magmamana ng Kaharian ng langit ay mangmang at ang kalahati ay matalino. Sa halip, gusto niyang idiin na may kinalaman sa Kaharian, nasa pagpapasiya ng bawat alagad kung magiging mapagbantay sila o hindi. Pero tiwala si Jesus na lahat ng kaniyang lingkod ay mananatiling tapat at makatatanggap ng pagpapala ng kaniyang Ama.
Sa ilustrasyon, lumabas ang 10 dalaga para salubungin ang lalaking ikakasal at sumama sa prusisyon ng kasal. Kapag dumating ang lalaking ikakasal, iilawan ng mga dalaga ang daraanan niya gamit ang lampara nila, na pinararangalan siya habang dinadala niya ang kaniyang magiging asawa sa bahay na inihanda niya. Pero ano ang nangyari?
Sinabi ni Jesus: “Dinala ng mga mangmang ang mga lampara nila pero hindi sila nagdala ng langis. Ang matatalino naman ay nagdala ng reserbang langis kasama ng kanilang mga lampara. Hindi agad dumating ang lalaking ikakasal, kaya silang lahat ay inantok at nakatulog.” (Mateo 25:3-5) Hindi dumating ang lalaking ikakasal sa oras na inaasahan. Matagal na naghintay ang mga dalaga hanggang sa nakatulog sila. Maaaring naalala ng mga apostol ang inilahad ni Jesus tungkol sa isang taong ipinanganak na maharlika na umalis at nang maglaon ay bumalik “matapos na makuha ang kapangyarihan bilang hari.”—Lucas 19:11-15.
Sa ilustrasyon tungkol sa 10 dalaga, inilarawan ni Jesus ang nangyari nang dumating ang lalaking ikakasal: “Nang hatinggabi na, may sumigaw, ‘Nandiyan na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo para salubungin siya.’” (Mateo 25:6) Kumusta ang mga dalaga? Handa ba sila at nagbabantay?
Nagpatuloy si Jesus: “Kaya tumayo ang lahat ng dalagang iyon at inayos ang mga lampara nila. Sinabi ng mga mangmang sa matatalino, ‘Bigyan ninyo kami ng kaunting langis dahil mamamatay na ang mga lampara namin.’ Sumagot ang matatalino: ‘Baka hindi na ito magkasya sa ating lahat. Mabuti pa, magpunta kayo sa mga nagtitinda nito, at bumili kayo ng para sa inyo.’”—Mateo 25:7-9.
Hindi naging mapagbantay ang limang mangmang na dalaga at hindi sila handa sa pagdating ng lalaking ikakasal. Kulang ang langis nila para sa kanilang lampara kaya kailangan nilang maghanap nito. Sinabi ni Jesus: “Pag-alis nila para bumili, dumating ang lalaking ikakasal. Ang mga dalagang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa bahay na pagdarausan ng handaan, at isinara na ang pinto. Pagkatapos, dumating din ang ibang mga dalaga at nagsabi, ‘Ginoo, Ginoo, pagbuksan mo kami!’ Sumagot siya, ‘Hindi ko kayo kilala.’” (Mateo 25:10-12) Masaklap ang naging resulta dahil hindi sila handa at mapagbantay!
Malinaw sa mga apostol na kay Jesus tumutukoy ang lalaking ikakasal. Tinukoy na dati ni Jesus ang kaniyang sarili bilang lalaking ikakasal. (Lucas 5:34, 35) Kanino naman tumutukoy ang matatalinong dalaga? Tungkol sa “munting kawan,” na magmamana ng Kaharian, sinabi ni Jesus: “Magbihis kayo at maging handa, at sindihan ninyo ang inyong mga lampara.” (Lucas 12:32, 35) Mauunawaan ng mga apostol na sa mga tulad nila tumutukoy ang mga dalaga. Kaya ano ang gustong itawid ni Jesus sa ilustrasyong ito?
Malinaw ang mensahe ni Jesus. Sinabi niya: “Patuloy kayong magbantay dahil hindi ninyo alam ang araw o ang oras.”—Mateo 25:13.
Pinapayuhan ni Jesus ang kaniyang mga tapat na tagasunod na ‘patuloy na magbantay’ sa panahon ng kaniyang presensiya. Darating siya, at kailangang handa sila at mapagbantay—tulad ng limang matatalinong dalaga—para hindi nila maiwala ang kanilang napakahalagang pag-asa at ang gantimpalang naghihintay sa kanila.