Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ang Ilustrasyon ng mga Talento
IPINAGPATULOY ni Jesus ang pakikipagtalakayan sa kaniyang mga apostol sa Bundok ng Olibo sa pagsasabi sa kanila ng isa pang ilustrasyon, ang pangalawa sa sunud-sunod na tatlo. Mga ilang araw bago pa noon, samantalang siya’y nasa Jerico, kaniyang isinaysay ang ilustrasyon ng mga mina upang ipakita na ang Kaharian ay matagal pa bago dumating. Ang ilustrasyon na kaniyang isinasaysay ngayon, bagaman may mga nahahawig na bahagi, ay naglalarawan sa katuparan niyaon ng mga aktibidades sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian. Ipinakikita nito na ang kaniyang mga alagad ay kailangang gumawa habang sila’y naririto pa sa lupa upang palaguin ang “kaniyang mga ari-arian.”
Si Jesus ay nagsisimula nang ganito: “Sapagkat iyon [samakatuwid nga, ang mga kalagayang may kinalaman sa Kaharian] ay katulad ng isang tao, na nang paroroon na sa ibang lupain, tinawag niya ang kaniyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang mga ari-arian.” Si Jesus ang taong, bago pumaroon sa langit, nagkatiwala sa kaniyang mga alipin—mga alagad na nakahanay para sa makalangit na Kaharian—ng kaniyang mga ari-arian. Ang mga ari-ariang ito ay hindi literal na mga pag-aari kundi sumasagisag sa isang bukid na tinamnan at kaniyang inaasahan na pagmumulan ng marami pang mga alagad.
Sandali na lamang bago umakyat si Jesus sa langit ang kaniyang mga ari-arian ay ipinagkakatiwala niya sa kaniyang mga alipin. Sa papaanong paraan? Sa pamamagitan ng paghahabilin sa kanila na patuloy na gumawa sa tanimang bukid sa pamamagitan ng pangangaral ng balita ng Kaharian hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Gaya ng sinasabi ni Jesus: “At ang isa’y binigyan niya ng limang talento, ang isa’y dalawa, at ang isa’y isa, sa bawat isa’y ayon sa kani-kaniyang kaya, at siya’y yumaon sa kaniyang paglalakbay.”
Ang walong talento—mga ari-arian ni Kristo—ay ipinamamahagi sa gayon ayon sa kaya, o espirituwal na mga kakayahan, ng mga alipin. Ang mga alipin ay kumakatawan sa mga uri ng alagad. Noong unang siglo, sa uri na tumanggap ng limang talento ay maliwanag na kasali ang mga apostol. Si Jesus ay patuloy na naglahad na ang mga aliping tumanggap ng lima at ng dalawang talento ay kapuwa nagkaroon ng doble pa ng mga ito dahil sa kanilang pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad. Subalit, ang alipin na tumanggap ng isang talento ay humukay sa lupa at doon itinago iyon.
“Pagkatapos ng mahabang panahon,” patuloy ni Jesus, “ay dumating ang panginoon ng mga aliping iyon at nakipagtuos sa kanila.” Pagkatapos lamang na sumapit ang ika-20 siglo, mga 1,900 taon ang nakalipas, nang bumalik si Kristo upang makipagtuos sa kanila, samakatuwid nga, “pagkatapos ng mahabang panahon.” Saka nagpatuloy na nagpaliwanag si Jesus:
“Ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento, na nagsasabi, ‘Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento; tingnan mo, ako’y nakinabang ng lima pang talento.’ Sinabi sa kaniya ng kaniyang panginoon, ‘Mabuti ang ginawa mo, ikaw na mahusay at tapat na alipin! Nagtapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.’ ” Para sa alipin na tumanggap ng dalawang talento ay kaniya ring dinoble ang kaniyang mga talento, at siya’y tumanggap ng ganoon ding papuri at gantimpala.
Ngunit, papaano nga pumapasok ang tapat na mga aliping ito sa kagalakan ng kanilang Panginoon? Bueno, ang kagalakan ng kanilang Panginoon, si Jesu-Kristo, ay ang pagtanggap ng ari-arian ng Kaharian nang siya’y bumalik na sa langit sa kaniyang Ama. Kung para sa tapat na mga alipin sa modernong panahon, sila’y may malaking kagalakan dahil sa pagkakatiwala sa kanila ng higit pang mga pananagutan sa Kaharian, at samantalang tinatapos nila ang kanilang makalupang takbuhin, tatanggapin nila ang sukdulang kagalakan na bunga ng kanilang pagkabuhay-muli sa makalangit na Kaharian. Subalit kumusta naman ang ikatlong alipin?
“Panginoon, nakikilala kita na ikaw ay isang taong mapagmatigas,” ang reklamo ng aliping ito. “Kaya’t ako’y natakot at ako’y yumaon at aking itinago sa lupa ang talento mo. Narito, nasa iyo ang sa iyong sarili.” Ang alipin ay kusang tumangging gumawa sa tanimang bukid sa pamamagitan ng pangangaral at paggawa ng mga alagad. Kaya ang itinawag sa kaniya ng panginoon ay “balakyot at tamad” at hinatulan siya: “Bawiin sa kaniya ang talento . . . At ang walang-kabuluhang alipin ay ihagis sa kadiliman sa labas. Nariyan na ang pagtangis niya at ang pagngangalit ng kaniyang ngipin.” Ang uring masamang aliping ito, yamang inihagis sa labas, ay pinagkaitan ng anumang espirituwal na kagalakan.
Ito’y nagbibigay ng isang mahalagang aral para sa lahat ng nag-aangking mga tagasunod ni Kristo. Sila’y kailangang gumawa upang mapalago ang mga ari-arian ng kanilang makalangit na Panginoon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng lubusang bahagi sa gawaing pangangaral kung ibig nilang kamtin ang kaniyang papuri at gantimpala at kung ibig nilang huwag silang maihagis sa kadiliman sa labas at sa pangwakas na pagkapuksa. Ikaw ba ay masigasig sa paggamit ng iyong mga kakayahan sa bagay na ito? Mateo 25:14-30.
◆ Anong aral ang itinuturo ng kasunod na ilustrasyong ito?
◆ Sino ang mga alipin, at ano ang mga ari-arian na ipinagkatiwala sa kanila?
◆ Kailan bumabalik ang panginoon upang makipagtuos, at ano ang kaniyang nadatnan?
◆ Sa anong kagalakan pumapasok ang tapat na alipin, at ano ang nangyari sa balakyot na alipin?