-
Ano ang Magiging Katayuan Ninyo sa Harap ng Luklukan ng Paghatol?Ang Bantayan—1995 | Oktubre 15
-
-
4. Ano ang pagkaunawa natin sa panahon ng katuparan ng talinghaga ng mga tupa at mga kambing, ngunit bakit natin bibigyang-pansin ngayon ang talinghaga? (Kawikaan 4:18)
4 Matagal na nating naunawaan na ang talinghaga ay naglalarawan kay Jesus na nakaupo bilang Hari noong 1914 at sapol noon ay humahatol na—walang-hanggang buhay para sa mga taong napatutunayang tulad ng tupa, kamatayan magpakailanman para sa mga kambing. Subalit ang muling pagsasaalang-alang ng talinghaga ay nagtuturo ng isang mas malinaw na pagkaunawa sa panahon ng katuparan nito at ng inilalarawan nito. Ang pagdadalisay na ito ay nagdiriin sa kahalagahan ng ating gawaing pangangaral at sa kahulugan ng tugon ng mga tao. Upang makita ang saligan para sa ganitong mas malalim na pagkaunawa sa talinghaga, isaalang-alang natin kung ano ang ipinakikita ng Bibliya tungkol kay Jehova at kay Jesus, kapuwa bilang mga Hari at mga Hukom.
Si Jehova Bilang ang Kataas-taasang Hukom
5, 6. Bakit angkop lamang na malasin si Jehova bilang kapuwa Hari at Hukom?
5 Si Jehova ang namamahala sa sansinukob taglay ang kapangyarihan sa ibabaw ng lahat. Palibhasa’y walang pasimula at walang wakas, siya ang “Haring walang-hanggan.” (1 Timoteo 1:17; Awit 90:2, 4; Apocalipsis 15:3) Siya’y may awtoridad na gumawa ng mga batas, o mga kautusan, at ipatupad ang mga ito. Subalit kasali sa kaniyang awtoridad ang pagiging isang Hukom. Ganito ang sabi ng Isaias 33:22: “Si Jehova ang ating Hukom, si Jehova ang ating Tagapagbigay-batas, si Jehova ang ating Hari; siya mismo ang magliligtas sa atin.”
6 Matagal nang kinikilala ng mga lingkod ng Diyos na si Jehova ang Hukom ng mga kaso at mga isyu. Halimbawa, pagkatapos na pagtimbang-timbangin ng “Hukom ng buong lupa” ang ebidensiya tungkol sa kabalakyutan ng Sodoma at Gomorra, kapuwa niya inihatol na ang mga naninirahan ay karapat-dapat sa pagkalipol at ipinatupad niya ang matuwid na kahatulang iyan. (Genesis 18:20-33; Job 34:10-12) Dapat ngang magbigay-katiyakan ito sa atin na malaman na si Jehova ay isang matuwid na Hukom na palaging isinasagawa ang kaniyang mga kahatulan!
7. Papaano kumilos si Jehova bilang Hukom sa kaniyang pakikitungo sa Israel?
7 Sa sinaunang Israel, kung minsan ay tuwirang humahatol si Jehova. Hindi kaya kayo maaaliw noon sa pagkaalam na isang sakdal na Hukom ang nagpapasiya sa mga bagay-bagay? (Levitico 24:10-16; Bilang 15:32-36; 27:1-11) Naglaan din ang Diyos ng “hudisyal na mga pasiya” na ganap na mabuti bilang mga pamantayan sa paghatol. (Levitico 25:18, 19; Nehemias 9:13; Awit 19:9, 10; 119:7, 75, 164; 147:19, 20) Siya ang “Hukom ng buong lupa,” kaya lahat tayo ay apektado.—Hebreo 12:23.
8. Anong nauugnay na pangitain ang nakita ni Daniel?
8 Tayo ay may patotoo ng “saksing-nakakita” hinggil sa bagay na ito. Si propeta Daniel ay binigyan ng isang pangitain ng mababangis na hayop na kumakatawan sa mga pamahalaan o mga imperyo. (Daniel 7:1-8, 17) Sinabi pa niya: “May mga trono na inilagay at umupo ang Sinauna ng mga Araw. Ang kaniyang kasuutan ay maputing gaya ng niyebe.” (Daniel 7:9) Pansinin na nakakita si Daniel ng mga trono “at umupo ang Sinauna ng mga Araw [si Jehova].” Itanong sa iyong sarili, ‘Pinatótotohánan ba rito ni Daniel na ang Diyos ay naging Hari?’
9. Ano ang isang kahulugan ng ‘pag-upo’ sa trono? Magbigay ng halimbawa.
9 Buweno, kapag nababasa natin na ang isa ay “umupo” sa trono, maaaring maisip natin na siya ay naging isang hari, sapagkat ang Bibliya ay gumagamit kung minsan ng gayong pananalita. Halimbawa: “Nang magsimulang maghari [si Zimri], nang sandaling umupo siya sa kaniyang trono, siya . . .” (1 Hari 16:11; 2 Hari 10:30; 15:12; Jeremias 33:17) Ganito ang sabi ng isang Mesianikong hula: “Siya’y dapat na umupo at mamahala sa kaniyang trono.” Samakatuwid, ang ‘pag-upo sa trono’ ay maaaring mangahulugan ng pagiging hari. (Zacarias 6:12, 13) Si Jehova ay inilalarawan bilang isang Hari na nakaupo sa trono. (1 Hari 22:19; Isaias 6:1; Apocalipsis 4:1-3) Siya ang “Haring walang-hanggan.” Gayunman, yamang gumaganap siya ng isang bagong aspekto ng soberanya, masasabi na siya ay naging Hari, na parang nakaupo sa kaniyang trono sa isang bagong paraan.—1 Cronica 16:1, 31; Isaias 52:7; Apocalipsis 11:15-17; 15:3; 19:1, 2, 6.
10. Ano ang isang pangunahing tungkulin ng mga haring Israelita? Ilarawan.
10 Subalit narito ang isang mahalagang punto: Ang pangunahing tungkulin ng sinaunang mga hari ay ang pagdinig at paghatol sa mga kaso. (Kawikaan 29:14) Alalahanin ang pantas na paghatol ni Solomon nang dalawang babae ang umangkin sa iisang sanggol. (1 Hari 3:16-28; 2 Cronica 9:8) Isa sa kaniyang mga gusaling pampamahalaan ay “ang Beranda ng Trono na kung saan ginagawa niya ang paghatol,” na tinatawag ding “ang beranda ng paghatol.” (1 Hari 7:7) Ang Jerusalem ay inilarawan bilang ang dako kung saan “nakalagay ang mga trono para sa paghatol.” (Awit 122:5) Maliwanag, ang ‘pag-upo sa trono’ ay maaari ring mangahulugan ng paggamit ng hudisyal na awtoridad.—Exodo 18:13; Kawikaan 20:8.
11, 12. (a) Ano ang kahulugan ng pag-upo ni Jehova, na binanggit sa Daniel kabanata 7? (b) Papaano pinatutunayan ng ibang teksto ang bagay na si Jehova ay umupo upang humatol?
11 Ngayon ay bumalik tayo sa eksena kung saan nakita ni Daniel na ‘umupo ang Sinauna ng mga Araw.’ Sinabi pa ng Daniel 7:10: “Umupo ang Hukuman, at may mga aklat na nabuksan.” Oo, ang Sinauna ng mga Araw ay nakaupo upang magbigay ng hatol hinggil sa pamamahala sa sanlibutan at upang humatol sa Anak ng tao bilang siyang karapat-dapat na mamahala. (Daniel 7:13, 14) Sumunod ay mababasa natin na “dumating ang Sinauna ng mga Araw at ang paghatol mismo ay ibinigay sa mga banal,” yaong nahatulang nararapat na mamahala kasama ng Anak ng tao. (Daniel 7:22) Sa wakas “ang Hukuman mismo ay patuloy na naupo” at nagbigay ng mapait na hatol sa huling kapangyarihang pandaigdig.—Daniel 7:26.a
12 Samakatuwid, ang pagkakita ni Daniel sa Diyos na ‘pag-upo sa trono’ ay nangangahulugan ng Kaniyang pagparito upang magbigay ng hatol. Nauna rito ay umawit si David: “Ikaw [Jehova] ang naglapat ng aking paghatol at ng aking usap; naupo ka sa trono na humahatol sa katuwiran.” (Awit 9:4, 7) At sumulat si Joel: “Hayaang bumangon ang mga bansa at umahon sa mababang kapatagan ni Jehosapat; sapagkat doon ako [si Jehova] mauupo upang humatol sa lahat ng bansa.” (Joel 3:12; ihambing ang Isaias 16:5.) Kapuwa sina Jesus at Pablo ay nasa hudisyal na mga kalagayan na doo’y umupo ang isang tao upang duminig ng isang kaso at magbigay ng hatol.b—Juan 19:12-16; Gawa 23:3; 25:6.
Ang Posisyon ni Jesus
13, 14. (a) Anong katiyakan ang taglay ng bayan ng Diyos na si Jesus ay magiging Hari? (b) Kailan umupo si Jesus sa kaniyang trono, at sa anong diwa siya ay namahala mula noong 33 C.E. patuloy?
13 Si Jehova ay kapuwa Hari at Hukom. Kumusta naman si Jesus? Ang anghel na nagpatalastas ng kaniyang pagsilang ay nagsabi: “Ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, . . . at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:32, 33) Si Jesus ang magiging permanenteng tagapagmana ng Davidikong pagkahari. (2 Samuel 7:12-16) Siya’y mamamahala mula sa langit, sapagkat sinabi ni David: “Ang kapahayagan ni Jehova sa aking Panginoon[g Jesus] ay: ‘Umupo ka sa aking kanang kamay hanggang sa mailagay ko ang iyong mga kaaway na isang tuntungan sa iyong mga paa.’ Ang tungkod ng iyong kalakasan ay pararatingin ni Jehova mula sa Sion, anupat nagsasabi: ‘Humayo ka at manupil sa gitna ng iyong mga kaaway.’ ”—Awit 110:1-4.
14 Kailan mangyayari iyan? Hindi namahala si Jesus bilang Hari samantalang siya’y isang tao. (Juan 18:33-37) Noong 33 C.E., siya’y namatay, binuhay-muli, at umakyat sa langit. Ganito ang sabi ng Hebreo 10:12: “Ang taong ito ay naghandog ng isang hain ukol sa mga kasalanan nang walang katapusan at umupo sa kanang kamay ng Diyos.” Anong awtoridad ang taglay ni Jesus? ‘Pinaupo siya ng Diyos sa kaniyang kanang kamay sa makalangit na mga dako, na lubhang mataas pa sa bawat pamahalaan at awtoridad at kapangyarihan at pagkapanginoon . . . at ginawa siyang ulo sa ibabaw ng lahat ng mga bagay sa kongregasyon.’ (Efeso 1:20-22) Dahil sa noon ay nagkaroon si Jesus ng maharlikang awtoridad sa mga Kristiyano, maisusulat ni Pablo na “iniligtas tayo [ni Jehova] mula sa awtoridad ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng Anak ng kaniyang pag-ibig.”—Colosas 1:13; 3:1.
15, 16. (a) Bakit natin sinasabi na si Jesus ay hindi naging Hari ng Kaharian ng Diyos noong 33 C.E.? (b) Kailan nagsimula si Jesus ng pamamahala sa Kaharian ng Diyos?
15 Subalit nang panahong iyon, hindi kumilos si Jesus bilang Hari at Hukom sa mga bansa. Siya’y nakaupo sa tabi ng Diyos, anupat naghihintay ng panahon upang kumilos bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Tungkol sa kaniya ay isinulat ni Pablo: “May kinalaman sa kanino sa mga anghel sinabi niya kailanman: ‘Umupo ka sa aking kanang kamay, hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway na tuntungan ng iyong mga paa’?”—Hebreo 1:13.
16 Ang mga Saksi ni Jehova ay naglathala ng maraming ebidensiya na ang panahon ng paghihintay ni Jesus ay natapos noong 1914, nang siya’y naging tagapamahala ng Kaharian ng Diyos sa di-nakikitang mga langit. Ganito ang sabi ng Apocalipsis 11:15, 18: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging ang kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo, at siya ay mamamahala bilang hari magpakailan kailanman.” “Subalit ang mga bansa ay napoot, at ang iyong sariling poot ay dumating.” Oo, ang mga bansa ay nagpahayag ng poot sa isa’t isa noong Digmaang Pandaigdig I. (Lucas 21:24) Ang mga digmaan, lindol, salot, kakapusan sa pagkain, at ang mga katulad nito, na nasasaksihan natin sapol noong 1914 ay nagpapatunay na si Jesus ay namamahala na ngayon sa Kaharian ng Diyos, at malapit na ang ganap na katapusan ng sanlibutan.—Mateo 24:3-14.
17. Anong mahahalagang punto ang natiyak na natin?
17 Bilang maikling repaso: Masasabi na ang Diyos ay nakaupo sa trono bilang Hari, ngunit sa isang diwa siya ay makauupo sa kaniyang trono upang humatol. Noong 33 C.E., si Jesus ay umupo sa kanang kamay ng Diyos, at siya ngayon ay Hari ng Kaharian. Ngunit si Jesus kaya, na ngayo’y namamahala bilang Hari, ay naglilingkod din bilang Hukom? At bakit tayo dapat na mabahala rito, lalo na sa panahong ito?
18. Anong patotoo mayroon na si Jesus ay magiging Hukom din?
18 Si Jehova, na may karapatang humirang ng mga hukom, ay pumili kay Jesus bilang isang Hukom na nakaaabot sa Kaniyang mga pamantayan. Ipinakita ito ni Jesus nang bumabanggit tungkol sa mga tao na nagiging buháy sa espirituwal na paraan: “Ang Ama ay hindi humahatol sa kaninuman, kundi kaniyang ipinagkatiwala ang lahat ng paghatol sa Anak.” (Juan 5:22) Gayunman, ang hudisyal na tungkulin ni Jesus ay higit pa sa ganiyang uri ng paghatol, sapagkat siya ay hukom ng mga buháy at ng mga patay. (Gawa 10:42; 2 Timoteo 4:1) Minsa’y ipinahayag ni Pablo: “Nagtakda [ang Diyos] ng isang araw kung kailan nilalayon niyang hatulan ang tinatahanang lupa sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaking [si Jesus na] kaniyang inatasan, at naglaan siya ng garantiya sa lahat ng mga tao sa bagay na binuhay niya siyang muli.”—Gawa 17:31; Awit 72:2-7.
19. Bakit wastong banggitin na si Jesus ay nakaupo bilang Hukom?
19 Samakatuwid ba’y may katuwiran tayo sa panghihinuha na si Jesus ay umupo sa isang maluwalhating trono sa espesipikong tungkulin ng Hukom? Oo. Sinabi ni Jesus sa mga apostol: “Sa muling-paglalang, kapag ang Anak ng tao ay umupo sa kaniyang maluwalhating trono, kayo na sumunod sa akin ay uupo rin mismo sa labindalawang trono, na humahatol sa labindalawang tribo ng Israel.” (Mateo 19:28) Bagaman si Jesus ay Hari ngayon ng Kaharian, sa kaniyang karagdagang gawain na binabanggit sa Mateo 19:28 ay kasali ang pag-upo sa trono upang humatol sa panahon ng Milenyo. Sa panahong iyon ay hahatol siya sa buong sangkatauhan, sa matuwid at sa di-matuwid. (Gawa 24:15) Makatutulong na isaisip ito habang ibinabaling natin ang ating pansin sa isa sa mga talinghaga ni Jesus na may kaugnayan sa ating panahon at sa ating buhay.
Ano ang Sinasabi ng Talinghaga?
20, 21. Ano ang itinanong ng mga apostol ni Jesus na may kinalaman sa ating panahon, anupat umaakay sa anong tanong?
20 Di pa natatagalan bago mamatay si Jesus, tinanong siya ng kaniyang mga apostol: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Inihula ni Jesus ang mahahalagang pangyayari sa lupa bago ‘dumating ang wakas.’ Sandali pa bago ang wakas na iyan, “makikita [ng mga bansa] ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.”—Mateo 24:14, 29, 30.
21 Subalit kumusta kaya ang mga tao sa mga bansang iyon kapag dumating ang Anak ng tao sa kaniyang kaluwalhatian? Alamin natin buhat sa talinghaga ng mga tupa at mga kambing, na nagsisimula sa mga salitang: “Kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, at ang lahat ng mga anghel na kasama niya, kung magkagayon siya ay uupo sa kaniyang maluwalhating trono. At ang lahat ng mga bansa ay titipunin sa harap niya.”—Mateo 25:31, 32.
22, 23. Anong mga punto ang nagpapakita na ang katuparan ng talinghaga ng mga tupa at mga kambing ay hindi nagpasimula noong 1914?
22 Kumakapit ba ang talinghagang ito nang umupo si Jesus sa maharlikang kapangyarihan noong 1914, gaya nang matagal na nating pagkaunawa? Buweno, bumabanggit ang Mateo 25:34 tungkol sa kaniya bilang Hari, kaya makatuwiran na ang talinghaga ay may katuparan sapol nang si Jesus ay maging Hari noong 1914. Subalit anong paghatol ang ginawa niya kaagad buhat noon? Hindi iyon ang paghatol sa “lahat ng mga bansa.” Sa halip, ibinaling niya ang kaniyang pansin sa mga nag-aangking bumubuo ng “bahay ng Diyos.” (1 Pedro 4:17) Kasuwato ng Malakias 3:1-3, si Jesus, bilang mensahero ni Jehova, ay nagsagawa ng hudisyal na pagsisiyasat sa pinahirang mga Kristiyano na nalalabi sa lupa. Iyon ay panahon din para sa hudisyal na paghatol sa Sangkakristiyanuhan, na huwad na nag-aangking “bahay ng Diyos.”c (Apocalipsis 17:1, 2; 18:4-8) Gayunma’y walang anumang ipinahihiwatig na noong panahong iyon, o mula noon, si Jesus ay umupo upang sa wakas ay hatulan ang mga tao sa lahat ng mga bansa bilang mga tupa o mga kambing.
23 Kung susuriin natin ang gawain ni Jesus sa talinghaga, makikita natin siya na sa wakas ay humahatol sa lahat ng mga bansa. Hindi ipinakikita ng talinghaga na ang gayong paghatol ay magpapatuloy sa isang mahabang yugto ng maraming taon, na waring bawat taong namamatay nitong nakaraang mga dekada ay hinatulang karapat-dapat sa walang-hanggang kamatayan o walang-hanggang buhay. Lumilitaw na ang karamihan ng namatay sa nakaraang mga dekada ay nagtungo sa karaniwang libingan ng sangkatauhan. (Apocalipsis 6:8; 20:13) Subalit inilalarawan ng talinghaga ang panahon na hinahatulan ni Jesus ang mga tao ng “lahat ng mga bansa” na noo’y nabubuhay at nakaharap sa paglalapat ng kaniyang hudisyal na hatol.
24. Kailan matutupad ang talinghaga ng mga tupa at mga kambing?
24 Sa ibang pananalita, ang talinghaga ay tumutukoy sa hinaharap na ang Anak ng tao ay darating sa kaniyang kaluwalhatian. Siya’y uupo upang hatulan ang mga taong nabubuhay sa panahong iyon. Ang kaniyang paghatol ay salig sa kung papaano nila ipinakikilala ang kanilang sarili. Sa panahong iyon “ang kaibahan ng isa na matuwid sa isa na balakyot” ay maliwanag na natiyak na. (Malakias 3:18) Ang aktuwal na paghahayag at paglalapat ng hatol ay isasagawa sa isang limitadong panahon. Gagawa si Jesus ng matuwid na mga pasiya salig sa napatunayan tungkol sa mga indibiduwal.—Tingnan din ang 2 Corinto 5:10.
25. Ano ang inilalarawan ng Mateo 25:31 sa pagbanggit tungkol sa Anak ng tao na nakaupo sa isang maluwalhating trono?
25 Kung gayon, nangangahulugan ito na ang ‘pag-upo ni Jesus sa kaniyang maluwalhating trono’ para sa paghatol, na binanggit sa Mateo 25:31, ay kumakapit sa isang panahon sa hinaharap na ang makapangyarihang Haring ito ay uupo upang ipahayag at ilapat ang paghatol sa mga bansa. Oo, ang eksena sa paghatol na kinasasangkutan ni Jesus sa Mateo 25:31-33, 46 ay maihahambing sa eksena sa Daniel kabanata 7, kung saan ang namamahalang Hari, ang Sinauna ng mga Araw, ay umupo upang ganapin ang kaniyang tungkulin bilang Hukom.
26. Ano ang lumilitaw na bagong paliwanag tungkol sa talinghaga?
26 Ang ganitong pagkaunawa sa talinghaga ng mga tupa at mga kambing ay nagpapakita na ang paghatol sa mga tupa at mga kambing ay sa hinaharap pa. Magaganap iyon pagkatapos na sumiklab ang “kapighatian” na binanggit sa Mateo 24:29, 30 at ang Anak ng tao ay ‘dumating sa kaniyang kaluwalhatian.’ (Ihambing ang Marcos 13:24-26.) Kung magkagayon, habang nasa kawakasan na nito ang buong balakyot na sistema, si Jesus ay hahatol, magpapataw at maglalapat ng kahatulan.—Juan 5:30; 2 Tesalonica 1:7-10.
27. Ano ang dapat na interesado tayong malaman tungkol sa huling talinghaga ni Jesus?
27 Nililiwanag nito ang pagkaunawa natin sa panahon ng katuparan ng talinghaga ni Jesus, na nagpapakita kung kailan hahatulan ang mga tupa at mga kambing. Ngunit papaano ito nakaaapekto sa atin na masigasig na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian? (Mateo 24:14) Ginagawa ba nitong di-gaanong makabuluhan ang ating gawain, o nagbibigay ito ng mas mabigat na pananagutan? Tingnan natin sa susunod na artikulo kung papaano tayo nagiging apektado.
-
-
Ano ang Kinabukasan sa mga Tupa at mga Kambing?Ang Bantayan—1995 | Oktubre 15
-
-
2 Sa talinghaga ng mga tupa at mga kambing, tinukoy ni Jesus ang isang panahon na siya ay kikilos sa isang pantanging tungkulin: “Kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, at . . .” (Mateo 25:31) Dapat tayong maging interesado rito sapagkat ito ang ilustrasyon na doo’y tinapos ni Jesus ang kaniyang sagot sa tanong na: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Subalit ano ang kahulugan nito para sa atin?
3. Sa unang bahagi ng kaniyang diskurso, ano ang sinabi ni Jesus na mangyayari kaagad-agad pagkatapos na magsimula ang malaking kapighatian?
3 Inihula ni Jesus ang kapansin-pansing mga pangyayari na magaganap “kaagad-agad pagkatapos” na sumiklab ang malaking kapighatian, mga pangyayaring hinihintay natin. Sinabi niya na kung magkagayon “ang tanda ng Anak ng tao” ay lilitaw. Ito ay lubhang makaaapekto sa “lahat ng mga tribo sa lupa” na “makikita . . . ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” Kasama ng Anak ng tao ang “kaniyang mga anghel.” (Mateo 24:21, 29-31)a Kumusta naman ang talinghaga ng mga tupa at mga kambing? Nasa Mat kabanata 25 iyon sa modernong mga Bibliya, ngunit bahagi iyon ng sagot ni Jesus, na nagbibigay ng higit pang detalye tungkol sa pagparito niya sa kaluwalhatian at nagtutuon ng pansin sa kaniyang paghatol sa “lahat ng mga bansa.”—Mateo 25:32.
Mga Tauhan sa Talinghaga
4. Ano ang unang binanggit tungkol kay Jesus sa talinghaga ng mga tupa at mga kambing, at sino pa ang nakikita sa larawan?
4 Sinimulan ni Jesus ang talinghaga sa pagsasabi: “Kapag ang Anak ng tao ay dumating.” Malamang na alam ninyo kung sino “ang Anak ng tao.” Madalas ikapit ng mga manunulat ng Ebanghelyo ang pananalitang iyan kay Jesus. Gayundin ang ginawa maging ni Jesus mismo, na ang tiyak na nasa isip ay ang pangitain ni Daniel ng “isang kagaya ng anak ng tao” na lumalapit sa Sinauna ng mga Araw upang tumanggap ng “kapamahalaan at dignidad at kaharian.” (Daniel 7:13, 14; Mateo 26:63, 64; Marcos 14:61, 62) Samantalang si Jesus ang pangunahing tauhan sa talinghagang ito, hindi siya nag-iisa. Sa naunang bahagi ng diskursong ito, ayon sa pagkasipi sa Mateo 24:30, 31, sinabi niya na kapag ang Anak ng tao ay ‘dumating taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian,’ ang kaniyang mga anghel ay gaganap ng isang mahalagang papel. Gayundin naman, sa talinghaga ng mga tupa at mga kambing ay ipinakikita ang mga anghel na kasama ni Jesus nang siya’y ‘umupo sa kaniyang maluwalhating trono’ upang humatol. (Ihambing ang Mateo 16:27.) Subalit ang Hukom at ang kaniyang mga anghel ay nasa langit, kaya ang mga tao ba ay tinalakay sa talinghaga?
-
-
Ano ang Kinabukasan sa mga Tupa at mga Kambing?Ang Bantayan—1995 | Oktubre 15
-
-
PANSININ ANG PAGKAKATULAD
Pagkasimula ng malaking Dumarating ang
kapighatian, dumarating Anak ng tao
ang Anak ng tao
Dumarating taglay ang Dumarating sa
dakilang kaluwalhatian kaluwalhatian
at uupo sa
maluwalhating
trono
Kasama niya ang mga anghel Dumarating siya
kasama ang mga
anghel
-