Ano ang Kinabukasan sa mga Tupa at mga Kambing?
“Pagbubukud-bukurin niya ang mga tao mula sa isa’t isa, kung paanong pinagbubukud-bukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing.”—MATEO 25:32.
1, 2. Bakit tayo dapat maging interesado sa talinghaga ng mga tupa at mga kambing?
TIYAK na si Jesu-Kristo ang pinakadakilang Guro sa lupa. (Juan 7:46) Ang isa sa mga paraan ng pagtuturo niya ay ang paggamit ng mga talinghaga, o ilustrasyon. (Mateo 13:34, 35) Ang mga ito ay payak ngunit mabibisa sa paghahatid ng malalalim na espirituwal at makahulang katotohanan.
2 Sa talinghaga ng mga tupa at mga kambing, tinukoy ni Jesus ang isang panahon na siya ay kikilos sa isang pantanging tungkulin: “Kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, at . . .” (Mateo 25:31) Dapat tayong maging interesado rito sapagkat ito ang ilustrasyon na doo’y tinapos ni Jesus ang kaniyang sagot sa tanong na: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Subalit ano ang kahulugan nito para sa atin?
3. Sa unang bahagi ng kaniyang diskurso, ano ang sinabi ni Jesus na mangyayari kaagad-agad pagkatapos na magsimula ang malaking kapighatian?
3 Inihula ni Jesus ang kapansin-pansing mga pangyayari na magaganap “kaagad-agad pagkatapos” na sumiklab ang malaking kapighatian, mga pangyayaring hinihintay natin. Sinabi niya na kung magkagayon “ang tanda ng Anak ng tao” ay lilitaw. Ito ay lubhang makaaapekto sa “lahat ng mga tribo sa lupa” na “makikita . . . ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” Kasama ng Anak ng tao ang “kaniyang mga anghel.” (Mateo 24:21, 29-31)a Kumusta naman ang talinghaga ng mga tupa at mga kambing? Nasa Mat kabanata 25 iyon sa modernong mga Bibliya, ngunit bahagi iyon ng sagot ni Jesus, na nagbibigay ng higit pang detalye tungkol sa pagparito niya sa kaluwalhatian at nagtutuon ng pansin sa kaniyang paghatol sa “lahat ng mga bansa.”—Mateo 25:32.
Mga Tauhan sa Talinghaga
4. Ano ang unang binanggit tungkol kay Jesus sa talinghaga ng mga tupa at mga kambing, at sino pa ang nakikita sa larawan?
4 Sinimulan ni Jesus ang talinghaga sa pagsasabi: “Kapag ang Anak ng tao ay dumating.” Malamang na alam ninyo kung sino “ang Anak ng tao.” Madalas ikapit ng mga manunulat ng Ebanghelyo ang pananalitang iyan kay Jesus. Gayundin ang ginawa maging ni Jesus mismo, na ang tiyak na nasa isip ay ang pangitain ni Daniel ng “isang kagaya ng anak ng tao” na lumalapit sa Sinauna ng mga Araw upang tumanggap ng “kapamahalaan at dignidad at kaharian.” (Daniel 7:13, 14; Mateo 26:63, 64; Marcos 14:61, 62) Samantalang si Jesus ang pangunahing tauhan sa talinghagang ito, hindi siya nag-iisa. Sa naunang bahagi ng diskursong ito, ayon sa pagkasipi sa Mateo 24:30, 31, sinabi niya na kapag ang Anak ng tao ay ‘dumating taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian,’ ang kaniyang mga anghel ay gaganap ng isang mahalagang papel. Gayundin naman, sa talinghaga ng mga tupa at mga kambing ay ipinakikita ang mga anghel na kasama ni Jesus nang siya’y ‘umupo sa kaniyang maluwalhating trono’ upang humatol. (Ihambing ang Mateo 16:27.) Subalit ang Hukom at ang kaniyang mga anghel ay nasa langit, kaya ang mga tao ba ay tinalakay sa talinghaga?
5. Papaano natin makikilala ang “mga kapatid” ni Jesus?
5 Ang isang sulyap sa talinghaga ay nagsisiwalat ng tatlong grupo na kailangan nating makilala. Bukod sa mga tupa at mga kambing, idinaragdag ng Anak ng tao ang ikatlong grupo na ang pagkakakilanlan ay lubhang mahalaga upang makilala ang mga tupa at mga kambing. Tinatawag ni Jesus ang ikatlong grupong ito bilang kaniyang espirituwal na mga kapatid. (Mateo 25:40, 45) Sila’y kailangang maging tunay na mga mananamba, sapagkat sinabi ni Jesus: “Sinumang gumagawa ng kalooban ng aking Ama . . . , siya rin ang aking kapatid na lalaki, at kapatid na babae, at ina.” (Mateo 12:50; Juan 20:17) Kaugnay pa rito, sumulat si Pablo tungkol sa mga Kristiyano na bahagi ng “binhi ni Abraham” at mga anak ng Diyos. Tinawag niya ang mga ito bilang “mga kapatid” ni Jesus at “mga kabahagi sa makalangit na pagtawag.”—Hebreo 2:9–3:1; Galacia 3:26, 29.
6. Sino ang “pinakamababa” sa mga kapatid ni Jesus?
6 Bakit bumanggit si Jesus ng “pinakamababa” sa kaniyang mga kapatid? Inuulit ng pananalitang iyon ang nauna niyang sinabi na narinig ng mga apostol. Nang ipinakikita ang pagkakaiba sa pagitan niyaong nagtatamo ng makalangit na buhay at ni Juan Bautista, na naunang namatay kay Jesus at samakatuwid ay may makalupang pag-asa, ganito ang sabi ni Jesus: “Walang ibinangon na isang mas dakila kaysa kay Juan Bautista; ngunit ang isa na nakabababa sa kaharian ng mga langit ay mas dakila kaysa sa kaniya.” (Mateo 11:11) Ang ilan na aakyat sa langit ay maaaring naging prominente sa kongregasyon, tulad ng mga apostol, at ang iba naman ay hindi gaanong prominente, subalit silang lahat ay espirituwal na kapatid ni Jesus. (Lucas 16:10; 1 Corinto 15:9; Efeso 3:8; Hebreo 8:11) Sa gayon, kahit na kung ang ilan ay waring di-mahalaga sa lupa, sila ay kaniyang mga kapatid at nararapat na pakitunguhan nang gayon.
Sino ang mga Tupa at ang mga Kambing?
7, 8. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga tupa, kaya ano ang mahihinuha natin tungkol sa kanila?
7 Ganito ang mababasa natin hinggil sa paghatol sa mga tupa: “Sasabihin [ni Jesus] doon sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, kayo na mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkakatatag ng sanlibutan. Sapagkat ako ay nagutom at binigyan ninyo ako ng makakain; ako ay nauhaw at binigyan ninyo ako ng maiinom. Ako ay naging estranghero at mapagpatuloy ninyo akong tinanggap; hubad, at dinamtan ninyo ako. Ako ay nagkasakit at inalagaan ninyo ako. Ako ay nasa bilangguan at pinuntahan ninyo ako.’ Kung magkagayon ang mga matuwid ay sasagot sa kaniya sa mga salitang, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom at pinakain ka, o uhaw, at binigyan ka ng maiinom? Kailan ka namin nakitang estranghero at mapagpatuloy kang tinanggap, o hubad, at dinamtan ka? Kailan ka namin nakitang may-sakit o nasa bilangguan at pinaroonan ka?’ At bilang tugon ay sasabihin ng hari sa kanila, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung paanong ginawa ninyo iyon sa isa sa pinakamababa sa mga ito na aking mga kapatid, ay ginawa ninyo iyon sa akin.’ ”—Mateo 25:34-40.
8 Maliwanag, ang mga tupa na hinatulang karapat-dapat sa pagiging nasa kanan ng karangalan at pabor ni Jesus ay kumakatawan sa isang grupo ng mga tao. (Efeso 1:20; Hebreo 1:3) Ano ang ginawa nila at kailan? Sinasabi ni Jesus na sila’y may kabaitan, magalang, at bukas-palad na nagbigay sa kaniya ng pagkain, inumin, at pananamit, anupat tinulungan siya nang siya’y may sakit o nasa bilangguan. Kapag sinasabi ng mga tupa na hindi nila ginawa ito nang personal kay Jesus, binabanggit niya na ang sinuportahan nila ay ang kaniyang espirituwal na mga kapatid, ang nalabi ng pinahirang mga Kristiyano, kaya sa diwang iyan ay ginawa nila iyon sa kaniya.
9. Bakit hindi kumakapit ang talinghaga sa panahon ng Milenyo?
9 Ang talinghaga ay hindi kumakapit sa panahon ng Milenyo, sapagkat sa panahong iyon ang mga nalabi ay hindi na mga tao na dumaranas ng gutom, uhaw, sakit, o pagkabilanggo. Gayunman, marami sa kanila ang dumaranas ng gayon sa panahon ng katapusan ng sistemang ito ng mga bagay. Mula nang si Satanas ay ihagis sa lupa, ang mga nalabi ay ginawa niyang pantanging tudlaan ng kaniyang poot, anupat dinudulutan sila ng panunuya, pagpapahirap, at kamatayan.—Apocalipsis 12:17.
10, 11. (a) Bakit di-makatuwirang isipin na kasali sa mga tupa ang lahat ng gumagawa ng kabaitan sa mga kapatid ni Jesus? (b) Sino ang angkop na inilalarawan ng mga tupa?
10 Ang ibig bang sabihin ni Jesus ay na ang lahat ng gumagawa ng bahagyang kabaitan sa isa sa kaniyang mga kapatid, tulad ng pagbibigay ng isang piraso ng tinapay o isang baso ng tubig, ay kuwalipikado nang maging isa sa mga tupang ito? Ipagpalagay nang sa paggawa ng gayong mga pabor ay masasalamin ang kabaitan ng tao, pero ang totoo, waring higit pa ang nasasangkot sa mga tupa sa talinghagang ito. Halimbawa, tiyak na hindi tinutukoy ni Jesus ang mga ateista o mga klerigo na nagkataong gumagawa ng kabaitan sa isa sa kaniyang mga kapatid. Sa kabaligtaran, dalawang ulit na tinawag ni Jesus ang mga tupa na “mga matuwid.” (Mateo 25:37, 46) Kaya ang mga tupa ay tiyak na yaong sa loob ng isang yugto ng panahon ay tumutulong—aktibong sumusuporta—sa mga kapatid ni Kristo at nagsagawa ng pananampalataya hanggang sa punto na sila’y magtamo ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos.
11 Sa mga nakalipas na siglo, maraming tulad ni Abraham ang nagtamasa ng isang matuwid na katayuan. (Santiago 2:21-23) Sina Noe, Abraham, at iba pang tapat ay kabilang sa “ibang mga tupa” na magmamana ng buhay sa Paraiso sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Kamakailan ay milyun-milyon pa ang nagtaguyod ng tunay na pagsamba bilang mga ibang tupa at naging “isang kawan” kasama ng mga pinahiran. (Juan 10:16; Apocalipsis 7:9) Ang mga ito na may makalupang pag-asa ay kumikilala sa mga kapatid ni Jesus bilang mga embahador ng Kaharian at sa gayo’y tinulungan sila—sa literal at espirituwal na paraan. Ang ginagawa ng mga ibang tupa para sa kaniyang mga kapatid sa lupa ay itinuturing ni Jesus na ginawa na rin sa kaniya. Ang gayong mga tao na nabubuhay kapag siya’y dumating upang hatulan ang mga bansa ay hahatulan bilang mga tupa.
12. Bakit maitatanong ng mga tupa kung papaano sila gumawa ng kabaitan kay Jesus?
12 Kung ang mga ibang tupa ay nangangaral ngayon ng mabuting balita kasama ng mga pinahiran at tinutulungan sila, bakit nila itatanong: “Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom at pinakain ka, o uhaw, at binigyan ka ng maiinom?” (Mateo 25:37) Maaaring may iba’t ibang dahilan. Ito ay isang talinghaga. Sa pamamagitan nito, ipinamamalas ni Jesus ang kaniyang taimtim na pagmamalasakit sa kaniyang espirituwal na mga kapatid; nadarama niya ang nadarama nila, nagdurusa siya kasama nila. Nauna rito ay sinabi ni Jesus: “Siya na tumatanggap sa inyo ay tumatanggap din sa akin, at siya na tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa kaniya na nagsugo sa akin.” (Mateo 10:40) Sa ilustrasyong ito, pinalalawak ni Jesus ang simulain, anupat ipinakikita na anuman ang ginawa (mabuti o masama) sa kaniyang mga kapatid ay umaabot maging sa langit; na para bang iyon ay ginawa sa kaniya sa langit. Gayundin, idiniriin dito ni Jesus ang pamantayan ni Jehova sa paghatol, anupat nililiwanag na ang paghatol ng Diyos, maging iyon man ay pagsang-ayon o pagsumpa, ay may saligan at makatarungan. Hindi maaaring idahilan ng mga kambing na, ‘Buweno, kung sana’y nakita ka namin nang tuwiran.’
13. Bakit ang mga taong tulad-kambing ay tatawag kay Jesus bilang “Panginoon”?
13 Kapag naunawaan natin kung kailan isasagawa ang paghatol na inilalarawan sa talinghagang ito, nagiging mas maliwanag sa atin kung sino ang mga kambing. Ang katuparan ay kapag “ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit, at kung magkagayon ay hahampasin ng lahat ng mga tribo sa lupa ang kanilang sarili sa pananaghoy, at makikita nila ang Anak ng tao na dumarating . . . taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” (Mateo 24:29, 30) Yaong mga nakaligtas sa kapighatian ng Babilonyang Dakila na may-kapootang nakitungo sa mga kapatid ng Hari ay walang-pagsalang tatawag ngayon sa Hukom bilang “Panginoon,” sa pag-asang mailigtas ang kanilang buhay.—Mateo 7:22, 23; ihambing ang Apocalipsis 6:15-17.
14. Sa ano ibabatay ni Jesus ang kaniyang paghatol sa mga tupa at mga kambing?
14 Gayunpaman, ang paghatol ni Jesus ay hindi batay sa desperadong pag-aangkin ng mga dating nagsisimba, ateista, o ng iba pa. (2 Tesalonica 1:8) Sa halip, rerepasuhin ng hukom ang kalagayan ng puso at nakaraang pakikitungo ng mga tao kahit man lamang sa “isa sa mga ito na pinakamababa [sa kaniyang mga kapatid].” Totoo na lumiliit ang bilang ng mga pinahirang Kristiyano na nalalabi pa sa lupa. Gayunman, hangga’t ang mga pinahiran, na bumubuo sa “tapat at maingat na alipin,” ay patuloy na naglalaan ng espirituwal na pagkain at pag-akay, ang inaasahang mga tupa ay may pagkakataon na gumawa ng mabuti sa uring alipin, kagaya ng ginawa ng ‘malaking pulutong mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan.’—Apocalipsis 7:9, 14.
15. (a) Papaano ipinakikita ng marami na sila ay tulad ng mga kambing? (b) Bakit natin dapat iwasang magpahayag kung ang isa ay tupa o isang kambing?
15 Papaano ba pinakitunguhan ang mga kapatid ni Jesus at ang milyun-milyon sa mga ibang tupa na kaisa nila bilang isang kawan? Maraming tao ang marahil ay hindi personal na umatake sa mga kinatawan ni Kristo, ngunit hindi rin naman nila maibiging pinakitunguhan ang kaniyang bayan. Palibhasa’y mas gusto ang balakyot na sanlibutan, tinatanggihan ng mga taong tulad-kambing ang mensahe ng Kaharian, maging iyon man ay naririnig nila nang tuwiran o di-tuwiran. (1 Juan 2:15-17) Mangyari pa, sa katapusan, si Jesus ang isa na inatasan upang humatol. Hindi para sa atin ang tumiyak kung sino ang mga tupa at kung sino ang mga kambing.—Marcos 2:8; Lucas 5:22; Juan 2:24, 25; Roma 14:10-12; 1 Corinto 4:5.
Ano ang Kinabukasan sa Bawat Grupo?
16, 17. Anong kinabukasan ang inaasahan ng mga tupa?
16 Ibinigay ni Jesus ang kaniyang hatol sa mga tupa: “Halikayo, kayo na mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.” Anong init na paanyaya—“Halikayo”! Sa ano? Sa walang-hanggang buhay, gaya ng ipinahayag niya sa kabuuan: “Ang matuwid [ay papasok] sa walang-hanggang buhay.”—Mateo 25:34, 46.
17 Sa talinghaga ng mga talento, ipinakita ni Jesus kung ano ang kahilingan para sa mga mamamahalang kasama niya sa langit, subalit ipinakikita niya sa talinghagang ito kung ano ang inaasahan sa mga sakop ng Kaharian. (Mateo 25:14-23) Hinggil dito, dahil sa kanilang di-nababahaging suporta sa mga kapatid ni Jesus, ang mga tupa ay nagmamana ng isang dako sa makalupang sakop ng kaniyang Kaharian. Tatamasahin nila ang buhay sa isang paraisong lupa—ang pag-asa na inihanda ng Diyos para sa kanila “mula sa pagkakatatag ng sanlibutan” ng mga taong karapat-dapat tubusin.—Lucas 11:50, 51.
18, 19. (a) Anong hatol ang igagawad ni Jesus sa mga kambing? (b) Papaano natin matitiyak na ang mga kambing ay hindi daranas ng walang-hanggang pagdurusa?
18 Anong laking pagkakaiba sa paghatol na iginawad sa mga kambing! “Nang magkagayon ay kaniyang sasabihin naman, doon sa mga nasa kaliwa niya, ‘Lumayo kayo sa akin, kayo na mga isinumpa, patungo sa walang-hanggang apoy na inihanda para sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel. Sapagkat ako ay nagutom, ngunit wala kayong ibinigay sa akin na makakain, at ako ay nauhaw, ngunit wala kayong ibinigay sa akin na maiinom. Ako ay naging estranghero, ngunit hindi ninyo ako mapagpatuloy na tinanggap; hubad, ngunit hindi ninyo ako dinamtan; may-sakit at nasa bilangguan, ngunit hindi ninyo ako inalagaan.’ Kung magkagayon sila rin ay sasagot sa mga salitang, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom o uhaw o estranghero o hubad o may-sakit o nasa bilangguan at hindi kami naglingkod sa iyo?’ Kung magkagayon siya ay sasagot sa kanila sa mga salitang, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung paanong hindi ninyo ginawa iyon sa isa sa mga ito na pinakamababa, ay hindi ninyo ginawa iyon sa akin.’ ”—Mateo 25:41-45.
19 Batid ng mga Estudyante ng Bibliya na hindi ito maaaring mangahulugan na ang imortal na kaluluwa ng mga taong tulad-kambing ay magdurusa sa walang-hanggang apoy. Hindi, sapagkat ang mga tao ay mga kaluluwa; hindi sila nagtataglay ng imortal na kaluluwa. (Genesis 2:7; Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4) Sa pamamagitan ng paghatol ng “walang-hanggang apoy” sa mga kambing, ang ibig sabihin ng Hukom ay pagkalipol na walang anumang pag-asa sa hinaharap, na siya ring ganap na katapusan para sa Diyablo at sa kaniyang mga demonyo. (Apocalipsis 20:10, 14) Kaya naman, ipinahahayag ng Hukom ni Jehova ang magkasalungat na hatol. Sinasabi niya sa mga tupa, “Halikayo”; sa mga kambing naman ay, “Lumayo kayo sa akin.” Mamanahin ng mga tupa ang “walang-hanggang buhay.” Tatanggap naman ang mga kambing ng “walang-hanggang pagkaputol.”—Mateo 25:46.b
Ano ang Kahulugan Nito Para sa Atin?
20, 21. (a) Anong mahalagang gawain ang kailangang gampanan ng mga Kristiyano? (b) Anong pagbubukud-bukod ang nagaganap ngayon? (c) Ano ang magiging kalagayan ng mga tao kapag nagsisimula nang matupad ang talinghaga ng mga tupa at mga kambing?
20 Maraming dapat isaalang-alang ang apat na apostol na nakarinig ng sagot ni Jesus tungkol sa tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema. Kailangang sila’y manatiling gising at nagbabantay. (Mateo 24:42) Kailangan ding gampanan nila ang gawaing pagpapatotoo na binanggit sa Marcos 13:10. Masiglang tinutupad ngayon ng mga Saksi ni Jehova ang gawaing iyan.
21 Subalit ano naman ang kahulugan sa atin ng karagdagang pagkaunawang ito sa talinghaga ng mga tupa at mga kambing? Buweno, ang mga tao ay pumipili na ng papanigan. Ang ilan ay nasa ‘malapad na daan na umaakay patungo sa pagkapuksa,’ samantalang ang iba ay nagsisikap na manatili sa ‘masikip na daan na umaakay patungo sa buhay.’ (Mateo 7:13, 14) Subalit ang panahon ng pagpapahayag ni Jesus ng pangwakas na hatol sa mga tupa at mga kambing na inilarawan sa talinghaga ay sa hinaharap pa. Kapag dumating ang Anak ng tao bilang isang Hukom, titiyakin niya na maraming tunay na Kristiyano—sa aktuwal ay “isang malaking pulutong” ng nakaalay na mga tupa—ang karapat-dapat na makaligtas sa huling bahagi ng “malaking kapighatian” patungo sa bagong sanlibutan. Ang pag-asang iyan ay nararapat na pagmulan ngayon ng kagalakan. (Apocalipsis 7:9, 14) Sa kabilang dako, patutunayan ng karamihan mula sa “lahat ng mga bansa” ang kanilang sarili na kagaya ng matitigas-ulong kambing. Sila’y “magtutungo sa walang-hanggang pagkaputol.” Anong laking kaginhawahan para sa lupa!
22, 23. Yamang sa hinaharap pa ang katuparan ng talinghaga, bakit napakahalaga ng ating gawaing pangangaral sa ngayon?
22 Samantalang sa hinaharap pa ang paghatol na inilarawan sa talinghaga, ngayon pa lamang ay nagaganap na ang isang mahalagang bagay. Tayong mga Kristiyano ay gumaganap ng isang nagliligtas-buhay na gawain ng paghahayag ng mensahe na nagiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi sa mga tao. (Mateo 10:32-39) Sumulat si Pablo: “Sapagkat ‘ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.’ Gayunman, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila napaglagakan ng pananampalataya? Paano naman sila maglalagak ng pananampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? Paano naman nila maririnig kung walang mangangaral?” (Roma 10:13, 14) Ang ating pangmadlang ministeryo ay nakaaabot sa mga tao sa mahigit na 230 lupain taglay ang pangalan ng Diyos at ang kaniyang mensahe ng kaligtasan. Nangunguna pa rin sa gawaing ito ang mga pinahirang kapatid ni Kristo. Mga limang milyon ng mga ibang tupa ang nakikisama na ngayon sa kanila. At ang mga tao sa buong daigdig ay tumutugon sa mensahe na ipinahahayag ng mga kapatid ni Kristo.
23 Marami ang nakaririnig ng ating mensahe habang nangangaral tayo sa bahay-bahay o sa impormal na paraan. Ang iba ay maaaring nakaaalam tungkol sa mga Saksi ni Jehova at sa kung ano ang ating kinakatawanan sa mga paraan na lingid sa ating kabatiran. Kapag dumating ang panahon ng paghatol, hanggang saan isasaalang-alang ni Jesus ang pananagutan ng pamayanan at kabutihan ng pamilya? Hindi natin masasabi, at walang-saysay ang mag-akala. (Ihambing ang 1 Corinto 7:14.) Marami ngayon ang nagbibingi-bingihan, nanunuya, o tuwirang umuusig sa bayan ng Diyos. Kaya naman, ito ay isang maselang na panahon; ang gayong mga tao ay maaaring nagiging yaong mga hahatulan ni Jesus bilang mga kambing.—Mateo 10:22; Juan 15:20; 16:2, 3; Roma 2:5, 6.
24. (a) Bakit mahalaga para sa mga indibiduwal na positibong tumugon sa ating pangangaral? (b) Ang pag-aaral na ito ay nakatulong sa iyo upang personal na magkaroon ng anong saloobin sa iyong ministeryo?
24 Gayunpaman, nakaliligaya na marami ang positibong tumutugon, nag-aaral ng Salita ng Diyos, at nagiging mga Saksi ni Jehova. Ang ilan na sa kasalukuyan ay waring mga tulad-kambing ay maaaring magbago at maging tulad-tupa. Ang mahalaga ay na yaong mga tumutugon at aktibong sumusuporta sa nalabi ng mga kapatid ni Kristo ay sa gayong paraan nagbibigay ngayon ng patotoo na magiging batayan upang sila’y mailagay sa kanang kamay ni Jesus kapag sa malapit na hinaharap, umupo siya sa kaniyang trono upang humatol. Ang mga ito ay pinagpapala at patuloy na pagpapalain. Samakatuwid, ang talinghagang ito ay dapat magpasigla sa atin upang maging mas masigasig sa Kristiyanong ministeryo. Bago maging huli ang lahat, ibig nating gawin ang ating buong makakaya upang maipahayag ang mabuting balita ng Kaharian at sa ganiyang paraan ay binibigyan ang iba ng pagkakataong tumugon. Pagkatapos ay nakasalalay na kay Jesus ang paghatol, maging sumpa man iyon o pagsang-ayon.—Mateo 25:46.
[Mga talababa]]
b Ganito ang sabi ng El Evangelio de Mateo: “Ang walang-hanggang buhay ay ganap na buhay; ang kabaligtaran nito ay ganap na kaparusahan. Ang Griegong pang-uri na aionios ay hindi pangunahing nagpapahiwatig ng tagal ng panahon, kundi ng kalidad. Ang ganap na kaparusahan ay kamatayan magpakailanman.”—Retiradong propesor na si Juan Mateos (Pontifical Biblical Institute, Roma) at Propesor Fernando Camacho (Theological Center, Seville), Madrid, Espanya, 1981.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong pagkakatulad sa Mateo 24:29-31 at Mateo 25:31-33 ang nagpapakita na ang talinghaga ng mga tupa at mga kambing ay kumakapit sa hinaharap, at kailan iyon?
◻ Sino ang “pinakamababa” sa mga kapatid ni Jesus?
◻ Papaanong ang paggamit ni Jesus ng pananalitang “mga matuwid” ay nakatutulong sa atin na makilala kung kanino kumakatawan ang mga ito at kanino sila hindi kumakatawan?
◻ Bagaman ang talinghaga ay matutupad sa hinaharap, bakit mahalaga at apurahan ang ating pangangaral ngayon?
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
PANSININ ANG PAGKAKATULAD
Pagkasimula ng malaking Dumarating ang
kapighatian, dumarating Anak ng tao
ang Anak ng tao
Dumarating taglay ang Dumarating sa
dakilang kaluwalhatian kaluwalhatian
at uupo sa
maluwalhating
trono
Kasama niya ang mga anghel Dumarating siya
kasama ang mga
anghel
Makikita siya ng Titipunin ang
lahat ng tribo sa lupa lahat ng bansa;
hahatulan sa
wakas ang mga
kambing
(matatapos ang
malaking
kapighatian)
[Credit Line]
Garo Nalbandian