Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ang mga tao ba ay bubuhaying-muli kung hindi nila tatanggapin ang tunay na pagka-Kristiyano ngayon at sila’y mamatay bago magsimula ang malaking kapighatian?
Makabubuti para sa lahat sa atin na iwasan ang anumang hilig na kumilos na parang mga hukom, kinikilala na sa dakong huli, ang hatol ni Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ang mahalaga. (Juan 5:22; Gawa 10:42; 2 Timoteo 4:1) Subalit ang Kasulatan ay nagbibigay ng ilang nakatutulong na impormasyon bilang sagot sa naunang tanong.
Ang pandaigdig na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay isang mahalagang bahagi ng ‘tanda ng pagkanaririto ni Jesus.’ Ang tanda na ito ay nakikita na sapol nang pasimula ng siglong ito. Ang resulta ng pangangaral ay ang pagkakabukud-bukod ng mga tao ng lahat ng bansa bilang katuparan ng ilustrasyon ni Jesus ng “mga tupa” at “mga kambing.” Pagka nakumpleto na ang pangangaral at ang pagbubukud-bukod na ito, ang “malaking kapighatian” ang tatapos sa kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay.—Mateo 24:3, 21, 22; 25:31-46.
Si Jehova, kasama ng kaniyang Anak, ang hahatol kung ang sinuman na tatanggi sa balita ng Kaharian at mamamatay bago magsimula ang malaking kapighatian ay uuriin bilang mga kambing. Sinabi ni Jesus na ang mga kambing ay “tutungo sa walang-hanggang pagkalipol.” Samakatuwid, mahihinuha natin na yaong hinatulang mga kambing ay hindi na bubuhaying-muli. Sila’y may hatol na katulad niyaong mga “tatanggap ng kaparusahang walang-hanggang pagkapuksa” sa panahon ng malaking kapighatian.—2 Tesalonica 1:9.
Subalit kumusta naman yaong waring hindi sapat na napahantad sa balita ng Kaharian upang makagawa ng isang matalinong pagpili na pabor o laban sa katotohanan bago sila namatay sa panahon ng “mga huling araw” na ito?—2 Timoteo 3:1.
Marami na nangamatay samantalang nagaganap ang gawaing pangangaral bago sumapit ang malaking kapighatian ay maliwanag na bubuhaying-muli. Ito’y ipinakikita ng ating mababasa sa Apocalipsis 6:7, 8 tungkol sa pagsakay ng makasagisag na mangangabayo. Maraming tao ang nangamatay na biktima ng mga digmaan, kakapusan ng pagkain, at nakamamatay na mga salot. Yamang ang “Hades” ang umangkin sa mga biktimang ito ng “Kamatayan,” sila’y bubuhaying-muli sa panahon ng Isang Libong Taóng Paghahari ni Kristo, pagka ibinigay ng Hades ang lahat ng mga patay na naroroon. (Apocalipsis 20:13) Ang iba sa mga bubuhaying iyon ay maaaring may kaunting kaalaman sa balita ng Kaharian bago sila namatay.
Anong laki ng ating pasasalamat na hindi ipinaubaya ni Jesus sa mga tao ang magpasiya kung sino ang mga tulad-tupa at kung sino ang mga tulad-kambing! Ang di-sakdal na mga tao ay hindi wastong makapagsasabi kung gaanong pagkakataon ang kailangan ng isang tao upang mapakinggan niya at matanggap ang mabuting balita. Maaari ba nating malaman kung ano ang kalagayan ng kaniyang puso noon o kung talagang umiibig siya sa katuwiran? Masusukat ba natin kung papaano naapektuhan ang kaniyang pagtugon marahil ng kaniyang pamilya, ng kaniyang dating relihiyon, o ng iba pang mga impluwensiya? Maliwanag na hindi. Subalit, matitiyak natin na masasagot ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo ang gayong mga bagay at saka hahatol nang may kasakdalan, katarungan, at katuwiran.—Deuteronomio 32:4; Isaias 11:1-5.
Kung gayon, walang dahilan na tayo’y humaka tungkol sa kung sino sa mga namatay kamakailan ang maaaring buhayin o maaaring hindi buhayin. Ito’y isang bagay na hindi tayo binigyang pahintulot na gawin. (Ihambing ang Lucas 12:13, 14.) Mas katalinuhan para sa atin na maghintay sa mga pasiya ng matuwid ng mga Hukom, ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo. Ito’y magbibigay sa atin ng higit na katahimikan ng isip bilang mga lingkod ni Jehova. Tutulong din ito sa atin na lalong magbigay pansin sa iniatas na gawin natin—‘humayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ni Jesus.’—Mateo 28:19, 20.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Ang tupang Leicester, Meyers