Manatiling Matatag na Parang Nakikita ang Isa na Di-Nakikita!
“Nagpatuloy [si Moises] na matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.”—HEBREO 11:27.
1. Anong kapansin-pansing pananalita tungkol sa Diyos ang binigkas ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok?
SI Jehova ang di-nakikitang Diyos. Nang hilingin ni Moises na makita ang Kaniyang kaluwalhatian, tumugon si Jehova: “Hindi mo maaaring makita ang aking mukha, sapagkat walang tao ang makakakita sa akin at mabubuhay pa.” (Exodo 33:20) At sumulat si apostol Juan: “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman.” (Juan 1:18) Noong si Jesu-Kristo ay isang tao sa lupa, kahit siya ay hindi maaaring makakita sa Diyos. Gayunman, sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga dalisay ang puso, yamang makikita nila ang Diyos.” (Mateo 5:8) Ano ang ibig sabihin ni Jesus?
2. Bakit hindi natin makikita ang Diyos sa pamamagitan ng ating pisikal na mga mata?
2 Ipinakikilala ng Kasulatan na si Jehova ay isang di-nakikitang Espiritu. (Juan 4:24; Colosas 1:15; 1 Timoteo 1:17) Kaya, hindi sinasabi ni Jesus na tayong mga tao ay aktuwal na makakakita kay Jehova sa pamamagitan ng ating pisikal na mga mata. Totoo, makikita ng mga pinahirang Kristiyano ang Diyos na Jehova sa langit pagkatapos na sila ay buhaying-muli bilang mga espiritung nilalang. Ngunit ang mga taong “dalisay ang puso” at may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa ay maaari ring ‘makakita’ sa Diyos. Paano ito posible?
3. Paano mapag-uunawa ng mga tao ang ilan sa mga katangian ng Diyos?
3 May natututuhan tayo tungkol kay Jehova sa pamamagitan ng maingat na pagmamasid sa mga bagay na nilalang niya. Dahil dito ay maaaring mapahanga tayo sa kaniyang kapangyarihan at mapakilos na kilalanin siya bilang ang Diyos na Maylalang. (Hebreo 11:3; Apocalipsis 4:11) Hinggil dito, sumulat si apostol Pablo: ‘Ang di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.’ (Roma 1:20) Kaya ang mga salita ni Jesus hinggil sa pagkakita sa Diyos ay nagsasangkot ng kakayahang mapag-unawa ang ilan sa mga katangian ni Jehova. Ang gayong pagkakita ay nakasalig sa tumpak na kaalaman at ito ay napag-uunawa sa espirituwal na paraan sa pamamagitan ng ‘mga mata ng puso.’ (Efeso 1:18) Marami ring isinisiwalat tungkol sa Diyos ang mga salita at mga gawa ni Jesus. Kaya naman, sinabi ni Jesus: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Buong-kasakdalang ipinaaninag ni Jesus ang personalidad ni Jehova. Kaya ang kaalaman tungkol sa buhay at mga turo ni Jesus ay makatutulong sa atin na makita, o mapag-unawa, ang ilan sa mga katangian ng Diyos.
Mahalaga ang Espirituwalidad
4. Paano ipinamamalas ng marami sa ngayon ang kawalan ng espirituwalidad?
4 Sa ngayon, totoong bihira na ang pananampalataya at tunay na espirituwalidad. “Ang pananampalataya ay hindi taglay ng lahat ng tao,” ang sabi ni Pablo. (2 Tesalonica 3:2) Marami ang abalang-abala sa kanilang personal na mga gawain at wala silang pananampalataya sa Diyos. Ang kanilang makasalanang paggawi at kawalan ng espirituwalidad ay humahadlang sa kanila na makita siya sa pamamagitan ng mga mata ng unawa, sapagkat sumulat si apostol Juan: “Siya na gumagawa ng masama ay hindi nakakita sa Diyos.” (3 Juan 11) Dahil ang Diyos ay hindi nakikita ng gayong mga indibiduwal sa pamamagitan ng kanilang pisikal na mga mata, kumikilos sila na para bang hindi niya nakikita ang kanilang ginagawa. (Ezekiel 9:9) Hinahamak nila ang mga espirituwal na bagay, kaya hindi nila maaaring matamo “ang mismong kaalaman sa Diyos.” (Kawikaan 2:5) Kaya nga angkop ang isinulat ni Pablo: “Ang isang taong pisikal ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya mapag-aalaman ang mga ito, sapagkat sinusuri ang mga ito sa espirituwal na paraan.”—1 Corinto 2:14.
5. Batid ng mga taong palaisip sa espirituwal ang anong katotohanan?
5 Subalit kung tayo ay palaisip sa espirituwal, lagi nating nababatid na bagaman si Jehova ay hindi isang Diyos na naghahanap ng pagkakamali, alam naman niya kapag kumikilos tayo ayon sa masasamang kaisipan at mga pagnanasa. Sa katunayan, “ang mga lakad ng tao ay nasa harap ng mga mata ni Jehova, at dinidili-dili niya ang lahat ng kaniyang landas.” (Kawikaan 5:21) Kung madaig tayo ng kasalanan, nauudyukan tayong magsisi at humingi ng kapatawaran kay Jehova dahil iniibig natin siya at ayaw natin siyang pasakitan.—Awit 78:41; 130:3.
Ano ang Nagpapatatag sa Atin?
6. Ano ang ibig sabihin ng pagiging matatag?
6 Bagaman si Jehova ay di-nakikita ng ating mga mata, lagi nating tandaan na nakikita niya tayo. Ang kabatiran na umiiral siya at ang pananalig na malapit siya sa lahat ng tumatawag sa kaniya ay tutulong sa atin na maging matatag—matibay at di-natitinag sa ating katapatan sa kaniya. (Awit 145:18) Maaari tayong maging gaya ni Moises, na tungkol sa kaniya ay sumulat si Pablo: “Sa pananampalataya ay iniwan niya ang Ehipto, ngunit hindi natakot sa galit ng hari, sapagkat nagpatuloy siyang matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.”—Hebreo 11:27.
7, 8. Ano ang dahilan ng lakas ng loob ni Moises sa harap ni Paraon?
7 Sa pagtupad sa kaniyang bigay-Diyos na atas na akayin sa paglaya ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa mga Ehipsiyo, malimit humarap si Moises sa mabagsik na si Paraon sa loob ng isang maharlikang palasyo na punô ng mga pinuno ng relihiyon at militar. Malamang, nakahilera sa mga pader ng palasyo ang mga idolo. Subalit si Jehova, bagaman di-nakikita, ay tunay para kay Moises, di-tulad ng lahat ng mga idolong kumakatawan sa walang-buhay na mga diyos ng Ehipto. Hindi nga kataka-taka na si Moises ay hindi natakot kay Paraon!
8 Ano ang nagbigay kay Moises ng lakas ng loob upang paulit-ulit na humarap kay Paraon? Sinasabi sa atin ng Kasulatan na “ang lalaking si Moises ay totoong pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa.” (Bilang 12:3) Maliwanag, ang kaniyang matibay na espirituwalidad at ang pananalig na sumasakaniya ang Diyos ang nagbigay kay Moises ng lakas na kinakailangan upang katawanin “ang Isa na di-nakikita” sa harap ng malupit na hari ng Ehipto. Ano ang ilang paraan na sa pamamagitan niyaon ay maipamamalas ng mga ‘nakakakita’ sa di-nakikitang Diyos ang kanilang pananampalataya sa kaniya ngayon?
9. Ano ang isang paraan upang makapagpatuloy tayong matatag?
9 Ang isang paraan upang maipamalas ang pananampalataya at makapagpatuloy na matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita ay sa pamamagitan ng lakas-loob na pangangaral sa kabila ng pag-uusig. Nagbigay ng babala si Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao dahilan sa aking pangalan.” (Lucas 21:17) Sinabi rin niya sa kanila: “Ang isang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa kaniyang panginoon. Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo.” (Juan 15:20) Bilang katuparan ng mga salita ni Jesus, di-nagtagal pagkamatay niya, dumanas ng pag-uusig ang kaniyang mga tagasunod sa anyong mga pagbabanta, pag-aresto, at mga pambubugbog. (Gawa 4:1-3, 18-21; 5:17, 18, 40) Bagaman may daluyong noon ng pag-uusig, buong-tapang na nagpatuloy sa pangangaral ang mga apostol at ang iba pang mga alagad ni Jesus.—Gawa 4:29-31.
10. Paanong ang ating pagtitiwala sa nagsasanggalang na pangangalaga ni Jehova ay nakatutulong sa atin sa ministeryo?
10 Gaya ni Moises, ang unang mga tagasunod ni Jesus ay hindi natakot sa kanilang maraming nakikitang kaaway. May pananampalataya sa Diyos ang mga alagad ni Jesus, at bunga nito, nabata nila ang matinding pag-uusig na kanilang naranasan. Oo, nagpatuloy silang matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita. Sa ngayon, ang patuloy na kabatiran sa nagsasanggalang na pangangalaga ni Jehova ay nakapagpapatapang sa atin, anupat nagbibigay sa atin ng lakas ng loob at kawalang-takot sa ating gawaing pangangaral ng Kaharian. Sinasabi ng Salita ng Diyos na “ang panginginig sa harap ng mga tao ang siyang nag-uumang ng silo, ngunit siyang nagtitiwala kay Jehova ay ipagsasanggalang.” (Kawikaan 29:25) Dahil dito, hindi tayo umuurong dahil sa takot sa pag-uusig; ni ikinahihiya man natin ang ating ministeryo. Inuudyukan tayo ng ating pananampalataya na lakas-loob na magpatotoo sa mga kapitbahay, kamanggagawa, kaeskuwela, at sa iba pa.—Roma 1:14-16.
Pinapatnubayan ng Isa na Di-Nakikita ang Kaniyang Bayan
11. Ayon kina Pedro at Judas, paano ipinamalas ng ilan na kaugnay sa kongregasyong Kristiyano ang kawalan ng espirituwalidad?
11 Tinutulungan tayo ng pananampalataya na makita si Jehova bilang ang isa na pumapatnubay sa kaniyang makalupang organisasyon. Kaya iniiwasan nating magkaroon ng mapamunang saloobin sa mga bumabalikat ng pananagutan sa kongregasyon. Kapuwa sina apostol Pedro at ang kapatid-sa-ina ni Jesus na si Judas ay nagbabala tungkol sa ilan na lubhang salát sa espirituwalidad anupat nagsalita ang mga ito nang may pang-aabuso sa mga lalaking nangunguna sa mga Kristiyano. (2 Pedro 2:9-12; Judas 8) Magsasalita kaya nang ganoon ang gayong mga mapaghanap ng pagkakamali sa harapan ni Jehova kung siya ay literal na nakikita nila noon? Tiyak na hindi! Ngunit dahil ang Diyos ay di-nakikita, hindi naisip ng makalamang mga lalaking iyon na sila ay magsusulit sa kaniya.
12. Anong saloobin ang dapat nating ipamalas sa mga nangunguna sa kongregasyon?
12 Totoo, ang kongregasyong Kristiyano ay binubuo ng di-sakdal na mga tao. Yaong mga naglilingkod bilang matatanda ay nakagagawa ng mga pagkakamali na kung minsan ay maaaring personal na makaapekto sa atin. Gayunman, ginagamit ni Jehova ang gayong mga lalaki bilang mga pastol ng kaniyang kawan. (1 Pedro 5:1, 2) Kinikilala ng mga lalaki at babaing palaisip sa espirituwal na isang paraan ito ng pagpatnubay ni Jehova sa kaniyang bayan. Kaya naman bilang mga Kristiyano, iniiwasan natin ang isang mapamuna at mareklamong espiritu at ipinakikita ang paggalang sa teokratikong mga kaayusan ng Diyos. Sa pagiging masunurin sa mga nangunguna sa atin, ipinamamalas natin na nakikita natin ang Isa na di-nakikita.—Hebreo 13:17.
Pagkakita sa Diyos Bilang Ating Dakilang Tagapagturo
13, 14. Ano ang kahulugan sa iyo ng pagkakita kay Jehova bilang ang Dakilang Tagapagturo?
13 May isa pang pitak na nangangailangan ng espirituwal na unawa. Humula si Isaias: “Ang iyong mga mata ay magiging mga matang nakakakita sa iyong Dakilang Tagapagturo.” (Isaias 30:20) Kailangan ang pananampalataya upang kilalanin na si Jehova ang isa na nagtuturo sa atin sa pamamagitan ng kaniyang makalupang organisasyon. (Mateo 24:45-47) Ang pagkakita sa Diyos bilang ating Dakilang Tagapagturo ay nangangahulugan ng higit pa sa pagpapanatili lamang ng mabubuting kaugalian sa pag-aaral ng Bibliya at regular na pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Nangangahulugan ito na sinasamantala natin ang mga espirituwal na paglalaan ng Diyos. Halimbawa, kailangang magbigay tayo ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa patnubay na ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ni Jesus upang hindi tayo maanod papalayo sa espirituwal.—Hebreo 2:1.
14 Kung minsan ay kailangan ang pantanging pagsisikap upang matamo ang lubos na kapakinabangan mula sa espirituwal na pagkain. Halimbawa, baka may hilig tayong pahapyaw na basahin ang ilang ulat sa Bibliya na nasusumpungan nating mahirap unawain. Kapag nagbabasa ng mga magasing Bantayan at Gumising!, marahil ay nilalaktawan pa nga natin ang ilang artikulo dahil hindi tayo gaanong interesado sa paksang tinatalakay. O baka hinahayaan nating gumala-gala ang ating isipan kapag nasa mga Kristiyanong pagpupulong. Gayunman, maaari tayong manatiling alisto kung maingat tayong mangangatuwiran sa mga puntong tinatalakay. Ang ating masidhing pagpapahalaga sa espirituwal na pagtuturong tinatanggap natin ay nagpapakita na kinikilala natin si Jehova bilang ang ating Dakilang Tagapagturo.
Tiyak na Magsusulit Tayo
15. Paano kumilos ang ilan na para bang hindi sila nakikita ni Jehova?
15 Dahil napakalaganap ng kabalakyutan lalo na sa “panahon[g ito] ng kawakasan,” mahalaga ang pananampalataya sa Isa na di-nakikita. (Daniel 12:4) Palasak ang kawalang-katapatan at seksuwal na imoralidad. Sabihin pa, makabubuting tandaan na pinagmamasdan ni Jehova ang ating mga kilos kahit sa panahong hindi tayo nakikita ng mga tao. Naiwala ng ilan ang kabatiran hinggil sa bagay na ito. Kapag hindi sila nakikita ng iba, baka nakikibahagi sila sa di-makakasulatang paggawi. Halimbawa, hindi pinaglabanan ng ilan ang tukso na manood ng nakapipinsalang libangan at pornograpya sa Internet, telebisyon, at iba pang anyo ng makabagong teknolohiya. Yamang ang pagkakasangkot sa gayong mga bagay ay maaaring maganap kapag nag-iisa, ang ilan ay kumilos na para bang hindi nakikita ni Jehova ang kanilang paggawi.
16. Ano ang dapat tumulong sa atin na sumunod sa matatayog na pamantayan ni Jehova?
16 Makabubuting isaisip ang mga salita ni apostol Pablo: “Ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.” (Roma 14:12) Kailangang batid natin na tuwing magkakasala tayo, nagkakasala tayo kay Jehova. Ang pagkaalam nito ay dapat tumulong sa atin na sumunod sa kaniyang matatayog na pamantayan at umiwas sa maruruming paggawi. Pinaaalalahanan tayo ng Bibliya: “Walang nilalang na hindi hayag sa kaniyang paningin, kundi ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” (Hebreo 4:13) Totoo, tiyak na magsusulit tayo sa Diyos, ngunit walang-alinlangan na ang ating masidhing pag-ibig kay Jehova ang pangunahing dahilan kung bakit ginagawa natin ang kaniyang kalooban at sinusunod ang kaniyang matutuwid na pamantayan. Kung gayon ay maging maingat tayo sa mga bagay na gaya ng ating pagpili ng libangan at ng ating paggawi sa di-kasekso.
17. Minamasdan tayo ni Jehova taglay ang anong uri ng interes?
17 Si Jehova ay lubhang interesado sa atin, ngunit hindi ito nangangahulugan na inaabangan niya na tayo ay magkamali upang maparusahan niya tayo. Sa halip, pinagmamasdan niya tayo taglay ang maibiging pagmamalasakit, gaya niyaong sa isang ama na gustong gantimpalaan ang kaniyang masunuring mga anak. Tunay ngang nakaaaliw na malaman na ang ating makalangit na Ama ay nalulugod sa ating pananampalataya at siya ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya”! (Hebreo 11:6) Magtaglay nawa tayo ng lubos na pananampalataya kay Jehova at ‘maglingkod sa kaniya nang may sakdal na puso.’—1 Cronica 28:9.
18. Dahil pinagmamasdan tayo ni Jehova at binibigyang-pansin ang ating katapatan, anong katiyakan ang natatanggap natin mula sa Kasulatan?
18 Sinasabi ng Kawikaan 15:3: “Ang mga mata ni Jehova ay nasa lahat ng dako, nagbabantay sa masasama at sa mabubuti.” Oo, patuloy na binabantayan ng Diyos ang masasamang tao at pinakikitunguhan sila ayon sa kanilang paggawi. Subalit kung tayo ay kabilang sa “mabubuti,” makatitiyak tayo na binibigyang-pansin ni Jehova ang ating tapat na mga gawa. Tunay na nakapagpapatibay ng pananampalataya na malaman na ang ‘ating pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan’ at na ang isa na di-nakikita ay hindi ‘makalilimot sa ating gawa at sa pag-ibig na ipinakita natin para sa kaniyang pangalan’!—1 Corinto 15:58; Hebreo 6:10.
Inaanyayahan si Jehova na Suriin Tayo
19. Ano ang ilan sa mga kapakinabangang ibinubunga ng matibay na pananampalataya kay Jehova?
19 Bilang tapat na mga lingkod ni Jehova, mahalaga tayo sa kaniya. (Mateo 10:29-31) Bagaman siya ay di-nakikita, maaari siyang maging tunay sa atin, at maaari nating pakaingatan ang ating napakahalagang kaugnayan sa kaniya. Nagdudulot sa atin ng maraming kapakinabangan ang pagkakaroon ng gayong saloobin sa ating makalangit na Ama. Ang ating matibay na pananampalataya ay tumutulong sa atin na magkaroon ng malinis na puso at mabuting budhi sa harap ni Jehova. Ang pananampalatayang walang pagpapaimbabaw ay humahadlang din sa atin sa pagkakaroon ng dobleng pamumuhay. (1 Timoteo 1:5, 18, 19) Ang ating di-natitinag na pananampalataya sa Diyos ay nagbibigay ng isang mabuting halimbawa at maaaring magdulot ng positibong epekto sa mga nakapalibot sa atin. (1 Timoteo 4:12) Bukod dito, ang gayong pananampalataya ay nagtataguyod ng makadiyos na paggawi, na nagpapasaya sa puso ni Jehova.—Kawikaan 27:11.
20, 21. (a) Bakit kanais-nais na nakatuon sa atin ang mapagbantay na mata ni Jehova? (b) Paano natin maikakapit ang Awit 139:23, 24 sa ating sarili?
20 Kung tayo ay totoong marunong, nalulugod tayo na laging nakabantay sa atin si Jehova. Hindi lamang natin nais na makita niya tayo kundi hangad din natin na lubusan niyang suriin ang ating mga iniisip at ikinikilos. Sa panalangin, makabubuting anyayahan natin si Jehova na siyasatin tayo at alamin kung mayroon tayong anumang di-wastong mga hilig. Tiyak na matutulungan niya tayo na harapin ang ating mga suliranin at gawin ang anumang kinakailangang mga pagbabago. Angkop ang inawit ng salmistang si David: “Siyasatin mo ako, O Diyos, at kilalanin mo ang aking puso. Suriin mo ako, at alamin mo ang aking mga nakababalisang kaisipan, at tingnan mo kung sa akin ay may anumang nakasasakit na lakad, at patnubayan mo ako sa daan ng panahong walang takda.”—Awit 139:23, 24.
21 Nagsumamo si David na siyasatin siya ni Jehova upang makita kung may anumang “nakasasakit na lakad” sa kaniya. Gaya ng salmista, hindi ba natin hinahangad na siyasatin ng Diyos ang ating puso at tingnan kung mayroon tayong di-wastong mga motibo? Kung gayon, may-pananampalataya nating hilingin kay Jehova na suriin tayo. Ngunit paano kung tayo ay binabagabag ng kabalisahan hinggil sa isang kamalian o may isang bagay sa atin na nakasasakit? Kung gayon ay patuloy tayong manalangin nang taimtim sa ating maibiging Diyos, si Jehova, at mapagpakumbabang magpasakop sa patnubay ng kaniyang banal na espiritu at sa payo ng kaniyang Salita. Makapagtitiwala tayo na aalalayan niya tayo at tutulungan tayo na maitaguyod ang isang landasin na aakay sa buhay na walang hanggan.—Awit 40:11-13.
22. Ano ang dapat na maging determinasyon natin may kinalaman sa Isa na di-nakikita?
22 Oo, pagpapalain tayo ni Jehova ng walang-hanggang buhay kung maaabot natin ang kaniyang mga kahilingan. Sabihin pa, dapat nating kilalanin ang kaniyang kapangyarihan at awtoridad, gaya ng ginawa ni apostol Pablo nang kaniyang isulat: “Sa Haring walang hanggan, walang kasiraan, di-nakikita, ang tanging Diyos, ay maukol nawa ang karangalan at kaluwalhatian magpakailan-kailanman. Amen.” (1 Timoteo 1:17) Lagi nawa nating ipakita ang gayong taos-pusong pagpipitagan kay Jehova. At anuman ang mangyari, huwag nating hayaang matinag kailanman ang ating determinasyong magpatuloy na matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.
Paano Ka Tutugon?
• Paano posibleng makita ng mga tao ang Diyos?
• Kung si Jehova ay tunay sa atin, paano tayo kikilos kapag pinag-usig tayo?
• Ano ang kahulugan ng makita si Jehova bilang ang ating Dakilang Tagapagturo?
• Bakit dapat nating naisin na suriin tayo ni Jehova?
[Larawan sa pahina 18]
Palibhasa ay hindi natakot kay Paraon, kumilos si Moises na parang nakikita niya si Jehova, ang di-nakikitang Diyos
[Larawan sa pahina 21]
Huwag tayong kumilos kailanman na parang hindi nakikita ni Jehova ang ating ginagawa
[Larawan sa pahina 23]
Taimtim nating hinahanap ang kaalaman sa Diyos dahil nakikita natin siya bilang ang ating Dakilang Tagapagturo