-
‘Gawin Ninyo Ito Bilang Pag-alaala sa Akin’Ang Bantayan—2013 | Disyembre 15
-
-
9. Ano ang maling paniniwala ng ilan tungkol sa tinapay na ginamit ni Jesus?
9 Ikinakatuwiran ng ilang relihiyoso na literal na sinabi ni Jesus: ‘Ito ang aking katawan,’ kaya naniniwala sila na ang tinapay ay makahimalang naging laman ni Jesus. Pero hindi ganiyan ang nangyari.a Ang katawan ni Jesus ay nasa harap ng tapat na mga apostol, pati ang kakainin nilang tinapay na walang lebadura. Maliwanag na gumamit si Jesus ng makasagisag na pananalita, gaya ng madalas niyang gawin.—Juan 2:19-21; 4:13, 14; 10:7; 15:1.
10. Ano ang inilalarawan ng tinapay sa Hapunan ng Panginoon?
10 Ang tinapay na nakikita at kakainin ng mga apostol ay nangangahulugan ng katawan ni Jesus. Anong katawan? Dati, iniisip ng mga lingkod ng Diyos na dahil pinagputul-putol ni Jesus ang tinapay pero walang buto niya ang binali noong patayin siya, ang tinapay ay nangangahulugan ng “katawan ng Kristo,” ang kongregasyon ng mga pinahiran. (Efe. 4:12; Roma 12:4, 5; 1 Cor. 10:16, 17; 12:27) Pero nang maglaon, naunawaan nila batay sa lohika at Kasulatan na ang tinapay ay lumalarawan sa katawang-tao ni Jesus. Siya ay “nagdusa sa laman” at ibinayubay pa nga. Kaya sa Hapunan ng Panginoon, ang tinapay ay lumalarawan sa katawan ni Jesus na “nagdala ng ating mga kasalanan.”—1 Ped. 2:21-24; 4:1; Juan 19:33-36; Heb. 10:5-7.
-
-
‘Gawin Ninyo Ito Bilang Pag-alaala sa Akin’Ang Bantayan—2013 | Disyembre 15
-
-
15, 16. Ano ang ginagawa sa tinapay sa Hapunan ng Panginoon?
15 Matapos talakayin ang mga pag-asang iyan, sasabihin ng tagapagsalita na dumating na ang pagkakataon para tularan ang ginawa ni Jesus noong Hapunan ng Panginoon. Gaya ng nabanggit na, dalawang emblema ang gagamitin, tinapay na walang lebadura at pulang alak. Ang mga ito ay maaaring nasa isang mesa malapit sa tagapagsalita. Itatawag-pansin niya ang isang ulat ng Bibliya tungkol sa mga sinabi at ginawa ni Jesus nang pasimulan niya ang okasyong ito. Halimbawa, mababasa natin sa ulat ni Mateo: “Kumuha si Jesus ng tinapay at, pagkatapos bumigkas ng pagpapala, pinagputul-putol niya ito at, nang ibinibigay sa mga alagad, sinabi niya: ‘Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ay nangangahulugan ng aking katawan.’” (Mat. 26:26) Pinagputul-putol ni Jesus ang tinapay para maipasa niya ito sa mga apostol sa magkabilang panig niya. Sa pagtitipon sa Abril 14, may makikita kang tinapay na walang lebadura na pinagputul-putol na at nasa mga plato.
-