Hanapin ang mga Wastong Nakahilig sa Buhay na Walang-hanggan
“Ang lahat ng mga wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan ay naging mga mananampalataya.”—GAWA 13:48.
1. Tungkol sa puso ng tao, ano ang kayang gawin dito ni Jehova?
NABABASA ng Diyos na Jehova ang puso. Ito’y nilinaw nang ang propetang si Samuel ay humayo upang buhusan ng langis ang isang anak ni Jesse bilang hari ng Israel. Pagkakitang-pagkakita kay Eliab, si Samuel ay “agad nagsabi: ‘Tunay na ang kaniyang pinahiran ay nasa harap ni Jehova.’ Ngunit sinabi ni Jehova kay Samuel: ‘Huwag mong tingnan ang kaniyang mukha at ang kaniyang taas, sapagkat aking itinakuwil siya. Sapagkat hindi tumitingin ang Diyos na gaya ng pagtingin ng tao, sapagkat ang tao ay tumitingin sa mukha; ngunit kung para kay Jehova, siya’y tumitingin sa puso.’ ” Kaya naman, iniutos kay Samuel na buhusan ng langis si David, na napatunayang ‘kalugud-lugod sa puso ng Diyos.’—1 Samuel 13:13, 14; 16:4-13.
2. Ano ang nag-uugat sa makasagisag na puso ng isang tao, at sa gayon ano ang ating mababasa sa Kasulatan tungkol dito?
2 Ang isang tao ay makikitaan ng isang ugaling dominante. Siya’y may partikular na ugali na nag-uugat sa kaniyang makasagisag na puso. (Mateo 12:34, 35; 15:18-20) Sa gayon, mayroon tayong mababasa na ang isang tao ay “may puso na mahilig sa away.” (Awit 55:21) Sa atin ay sinasabi na “sinumang magagalitin ay maraming pagsalansang.” At ating mababasa: “May magkakasama na handang magpahamak sa isa’t isa, ngunit may kaibigan na mahigit pa sa isang kapatid.” (Kawikaan 18:24; 29:22) Nakatutuwa naman, marami ang katulad ng mga ibang Gentil sa sinaunang Antioquia sa Pisidia. Pagkarinig nila tungkol sa paglalaan ni Jehova ukol sa kaligtasan, “sila’y nangagalak at niluwalhati nila ang salita ni Jehova, at ang lahat ng mga wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan ay naging mga mananampalataya.”—Gawa 13:44-48.
Ang mga Mananampalataya ay “Dalisay ang Puso”
3, 4. (a) Sino ang mga dalisay ang puso? (b) Papaanong nakikita ang Diyos ng mga taong dalisay ang puso?
3 Yaong mga mananampalataya na nasa Antioquia ay naging bautismadong mga Kristiyano, at ang mga tapat sa kanila ay makapagkakapit sa kanilang sarili ng mga salita ni Jesus: “Maligaya ang mga dalisay ang puso, sapagkat kanilang makikita ang Diyos.” (Mateo 5:8) Subalit sino ba “ang mga dalisay ang puso”? At papaano nila ‘nakikita ang Diyos’?
4 Ang mga dalisay ang puso ay malinis ang kalooban. Nasa kanila ang kadalisayan ng pagpapahalaga, pagmamahal, pagnanasa, at mga motibo. (1 Timoteo 1:5) Kanilang nakikita ang Diyos ngayon sapagkat kanilang nauobserbahan siya na kumikilos sa kapakanan ng mga tapat. (Ihambing ang Exodo 33:20; Job 19:26; 42:5.) Ang salitang Griego na isinalin dito na “makikita” ay nangangahulugan din ng “makakita sa pamamagitan ng isip, ng pandamdam, ng pagkakilala.” Yamang si Jesus ay lubusang larawan ng personalidad ng Diyos, ang matalinong unawa tungkol sa personalidad na iyan ay tinatamasa ng “mga dalisay ang puso,” na sumasampalataya kay Kristo at sa kaniyang nagtatakip-kasalanang hain, nagtatamo ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at naghahandog sa Diyos ng kalugud-lugod na pagsamba. (Juan 14:7-9; Efeso 1:7) Para sa mga pinahiran, ang tugatog ng kanilang pagkakita sa Diyos ay nagaganap pagka sila’y binuhay-muli sa langit, na kung saan aktuwal na makikita nila ang Diyos at si Kristo. (2 Corinto 1:21, 22; 1 Juan 3:2) Ngunit ang pagkakita sa Diyos sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman at ng tunay na pagsamba ay posible para sa lahat ng mga dalisay ang puso. (Awit 24:3, 4; 1 Juan 3:6; 3 Juan 11) Sila ay wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan sa langit o sa isang lupang paraiso.—Lucas 23:43; 1 Corinto 15:50-57; 1 Pedro 1:3-5.
5. Papaano lamang magiging mananampalataya at tunay na tagasunod ni Jesu-Kristo ang isang tao?
5 Yaong hindi wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan ay hindi magiging mga mananampalataya. Imposible na sila’y sumampalataya. (2 Tesalonica 3:2) Isa pa, walang sinuman na maaaring maging isang tunay na tagasunod ni Jesu-Kristo maliban sa siya’y natuturuan at si Jehova, na nakakakita sa kung ano ang nasa puso, ang maglapit sa taong iyon. (Juan 6:41-47) Mangyari pa, sa pangangaral sa bahay-bahay, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naman patiunang humahatol sa kaninuman. Sila’y hindi makabasa ng puso kundi kanilang ipinauubaya sa maibiging mga kamay ng Diyos ang resulta.
6. (a) Ano ang sinabi tungkol sa personal na pakikipag-usap sa ministeryo sa bahay-bahay? (b) Anong mga paglalaan ang ginawa upang matulungan ang mga Saksi ni Jehova na hanapin ang mga taong wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan?
6 Isang iskolar ang angkop na nagsabi: “[Si Pablo] ay nagturo ng katotohanan sa madla at sa bahay-bahay. Hindi lamang buhat sa plataporma, kundi sa personal na pakikipag-usap sa mga tao ay ipinangaral niya si Kristo. Kalimitan, ang personal na pakikipag-usap ay higit na epektibo kaysa anumang ibang uri o paraan upang marating ang mga kaluluwa.” (August Van Ryn) Ang mga publikasyon na gaya ng Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, at Ang Ating Ministeryo ng Kaharian ay tumutulong sa mga Saksi ni Jehova upang magbigay ng mga pahayag at samantalahing lubusan ang personal na pakikipag-usap sa kanilang paglilingkod sa larangan. Tumutulong din ang mga pagtatanghal sa Pulong Ukol sa Paglilingkod at ang payo sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Yaong mga dumadalo sa paaralan ay tumatanggap ng mahalagang pagsasanay sa mga katangiang kailangan sa pagsasalita tulad baga ng maiinam na pambungad, tumpak na paggamit sa Kasulatan, may lohikong pagbuo ng paksa, nakakukumbinsing argumento, paggamit ng mga ilustrasyon, at epektibong mga konklusyon. Tingnan natin kung papaano pinalalawak ng Bibliya ang pagtuturong ito na gumagawa upang ang bayan ng Diyos ay maging lalong mabisa sa kanilang paghahanap sa mga taong wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan.
Mga Pambungad na Pumupukaw Upang Mag-isip
7. Ang pasimulang mga salita ni Jesus sa Sermon sa Bundok ay nagtuturo ng ano tungkol sa mga pambungad?
7 Buhat sa halimbawa ni Jesus, yaong mga naghahanda para sa pagpapatotoo sa bahay-bahay ay maaaring matuto tungkol sa mga pambungad na pumupukaw ng interes. Sa pasimula ng kaniyang Sermon sa Bundok, ginamit niya ang salitang “maligaya” nang siyam na ulit. Halimbawa, sinabi niya: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, sapagkat ang kaharian ng mga langit ay sa kanila. . . . Maligaya ang maaamo, sapagkat mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:3-12) Ang mga pangungusap ay tuwiran at malinaw. At tiyak na ang pambungad na iyan ay pumukaw ng interes at ang kaniyang tagapakinig ay napasangkot, sapagkat sino nga naman ang hindi gustong lumigaya?
8. Sa ministeryo sa pagbabahay-bahay, papaano dapat ipasok ang isang paksang mapag-uusapan?
8 Ano mang paksang mapag-uusapan na ginagamit sa ministeryo sa pagbabahay-bahay ay dapat ipasok sa isang positibo, kalugud-lugod na paraan. Subalit walang sinuman na dapat gumamit ng isang nakabibiglang pambungad, tulad baga ng, “Ako po’y may balita para sa inyo buhat sa malayong kalawakan.” Ang mabuting balita ay nagmula sa langit, ngunit ang gayong pambungad ay maaaring magpadama sa isang maybahay kung ang Saksi’y dapat paniwalaan sa kaniyang sinasabi o dili kaya’y agad-agad na paalisin.
Tamang Paggamit sa Salita ng Diyos
9. (a) Papaano dapat ipasok, basahin, at ikapit sa ministeryo ang mga kasulatan? (b) Anong halimbawa ang binabanggit upang ipakita kung papaanong gumamit si Jesus ng mga tanong?
9 Sa ministeryo sa larangan, tulad din sa plataporma, ang mga kasulatan ay dapat ipasok sa wastong paraan, basahin iyon na may tamang pagdiriin, at ikapit sa isang malinaw, tumpak na paraan. Ang mga tanong na tumutulong sa maybahay upang mag-isip tungkol sa mga punto sa Kasulatan ay makatutulong din. Muli, ang mga paraan ni Jesus ay nakapagtuturo. Minsan, isang tao na may kaalaman sa Kautusang Mosaiko ang nagtanong sa kaniya: “Guro, sa paggawa po ba ng ano magmamana ako ng buhay na walang-hanggan?” Bilang tugon si Jesus ay nagtanong: “Ano baga ang nasusulat sa Kautusan? Papaano mo binabasa?” Walang alinlangan, batid ni Jesus na ito ay isang tanong na masasagot ng tao. Siya’y tumugon nang tama, na ang sabi: “ ‘Iibigin mo si Jehovang iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong lakas mo at nang buong isip mo,’ at, ‘ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.’ ” Ito’y umakay upang siya’y papurihan ni Jesus, at nagpatuloy ang talakayan.—Lucas 10:25-37.
10. Ano ang dapat isaisip kung tungkol sa paksang pinag-uusapan, at ano ang dapat iwasan pagka nagtatanong sa mga maybahay ng mga katanungan?
10 Ang mga nagpapatotoo sa bahay-bahay ay dapat magdiin sa tema ng paksang pinag-uusapan at kanilang dapat liwanagin ang dahilan ng pagbabasa sa mga teksto sa Bibliya na bumubuo sa paksa. Yamang ang Saksi ay nagsisikap na maabot ang puso ng maybahay, siya’y nararapat na umiwas sa pagtatanong ng mga bagay na maglalagay sa kahihiyan sa maybahay. Sa paggamit sa Salita ng Diyos, ‘sana ang ating pananalita ay laging may biyaya, may timplang asin.’—Colosas 4:6.
11. Sa paggamit ng Kasulatan upang ituwid ang maling paniniwala, anong halimbawa mayroon tayo buhat sa pagtukso ni Satanas kay Jesus?
11 Lalo na sa mga pagdalaw muli marahil ay kakailanganin na ituwid ang mga maling paniwala sa pamamagitan ng pagpapakita ng kung ano ang aktuwal na sinasabi o ibig ipakahulugan ng Kasulatan. Si Jesus ay gumawa ng isang nahahawig na bagay sa tahasang pagtanggi kay Satanas, na nagsabi: “Kung ikaw ay Anak ng Diyos, magpatihulog ka [mula sa taluktok ng templo, tulad ng isang nagpapatiwakal]; sapagkat nasusulat, ‘Siya’y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo, at kanilang aalalayan ka ng kanilang mga kamay, upang kailanma’y huwag matisod sa isang bato ang iyong paa.’ ” Ang Awit 91:11, 12, na sinipi ni Satanas, ay hindi nagbibigay-matuwid sa pagsasapanganib ng buhay, na isang regalo buhat sa Diyos. Sa pagkatanto na maling subukin si Jehova sa pamamagitan ng pagbabakasakali sa kaniyang buhay, sinabi ni Jesus kay Satanas: “Nasusulat din, ‘Huwag mong ilalagay sa pagsubok si Jehova mong Diyos.’ ” (Mateo 4:5-7) Mangyari pa, si Satanas ay hindi isang humahanap ng katotohanan. Subalit pagka ang rasonableng mga tao’y nagpahayag ng mga maling paniwala na hahadlang sa kanilang espirituwal na pagsulong, ang ministro ng Salita ng Diyos ay dapat mataktikang magpaliwanag kung ano talaga ang sinasabi at pakahulugan ng Kasulatan. Ito ay pawang bahagi ng ‘tamang paggamit sa salita ng katotohanan’—isa sa mahalagang aral na itinuturo sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro.—2 Timoteo 2:15.
Ang Panghihikayat ay May Kaniyang Dako
12, 13. Bakit tama naman na gumamit ng panghihikayat sa ministeryo?
12 Ang panghihikayat ay may wastong dako sa ministeryong Kristiyano. Halimbawa, sa kaniyang kamanggagawang si Timoteo ay ipinayo ni Pablo na magpatuloy sa mga bagay na kaniyang natutuhan at “nahikayat na paniwalaan.” (2 Timoteo 3:14) Sa Corinto, si Pablo ay “nagbibigay ng pahayag sa sinagoga tuwing sabbath at nanghihikayat ng mga Judio at mga Griego.” (Gawa 18:1-4) Sa Efeso, siya’y matagumpay na ‘nagbigay ng mga pahayag at gumamit ng panghihikayat tungkol sa kaharian ng Diyos.’ (Gawa 19:8) At nang siya’y arestuhin at ikulong sa bahay sa Roma, tinawag ng apostol ang mga tao at binigyan sila ng patotoo na, “gumagamit ng panghihikayat,” at ang iba’y naging mga mananampalataya.—Gawa 28:23, 24.
13 Mangyari pa, gaano man ang gawing pagsisikap ng Saksi na makahikayat, yaon lamang mga taong wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan ang magiging mga mananampalataya. Ang nakakukumbinsing mga argumento at malinaw na mga paliwanag, na mataktikang iniharap, ang maaaring humikayat sa kanila na maniwala. Subalit ano pa ang makatutulong upang mahikayat sila?
Gumamit ng Lohika at Mangumbinsi
14. (a) Ano ang ibig sabihin ng may lohika, ugnay-ugnay na pahayag? (b) Ano ang kailangan upang makakumbinsi ang argumento?
14 Isa sa mga katangian sa pagsasalita na idiniin sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay ang may lohika, ugnay-ugnay na pahayag. Kasali rito ang paglalagay sa mga pangunahing ideya at kaugnay na materyal sa kaayusan na rasonable. Kailangan din ang nakakukumbinsing argumento, na nangangailangang maglatag ng mabuting pundasyon at magbigay ng matatag na pruweba. Kaugnay nito ay ang pagtulong sa mga tagapakinig na mangatuwiran sa pamamagitan ng pananatiling kaisa nila sa isang bagay na hindi matututulan, pagbuo nang husto sa mga punto, at epektibong pagkakapit sa mga iyon. Muli, ang Kasulatan ay nagbibigay ng mga alituntuning pinakagiya.
15. (a) Papaano nakaakit ng pansin si Pablo at nagtatag ng isang bagay na pagkakaisahan nila ng kaniyang mga tagapakinig nang siya’y magpahayag sa Buról ng Mars? (b) Sa pagpapahayag ni Pablo, anong ebidensiya mayroon tayo ng may lohika, ugnay-ugnay na pahayag?
15 Ang mga katangiang ito sa pagpapahayag ay mahahalata sa kilaláng pahayag ni apostol Pablo sa Buról ng Mars sa sinaunang Atenas. (Gawa 17:22-31) Ang kaniyang pambungad ay nakatawag ng pansin at nagtatag ng isang bagay na hindi matututulan, sapagkat kaniyang sinabi: “Kayong mga lalaking taga-Atenas, napapansin ko na sa lahat ng bagay ay waring higit sa mga iba’y kayo ang lalong malaki ang takot sa mga diyus-diyusan.” Sa kanila, walang alinlangan na ito’y waring isang pagpuri pa nga. Pagkatapos na banggitin ang isang dambana na nakatalaga “Sa Isang Di-kilalang Diyos,” si Pablo’y nagpatuloy sa kaniyang may lohika, ugnay-ugnay na pagpapahayag at nakakukumbinsing argumento. Kaniyang binanggit na ang Diyos na ito na hindi nila nakikilala ang “gumawa ng sanlibutan at lahat ng mga bagay na naririto.” Di-tulad ni Atena o ng iba pang mga diyos na Griego, ‘siya’y hindi tumatahan sa gawang-kamay na mga templo, ni kinakailangan mang siya’y paglingkuran ng mga kamay ng tao.’ Pagkatapos ay binanggit ng apostol na ang Diyos na ito ang nagbigay sa atin ng buhay at hindi niya pinangyayari na tayo’y mag-apuhap sa kaniya na para bang tayo’y bulag. Pagkatapos ay nangatuwiran si Pablo na ang ating Maylikha, yamang nilimot na niya ang mga panahon ng kawalang-alam, ‘ay sinasabihan niya ang sangkatauhan sa lahat ng dako na magsisi.’ Ito ay makatuwirang lohika na umakay hanggang sa punto na ‘hahatulan ng Diyos ang mga nananahan sa lupa sa katuwiran sa pamamagitan ng isang hinirang na lalaking kaniyang binuhay-muli buhat sa mga patay.’ Yamang si Pablo’y “naghahayag ng mabuting balita tungkol kay Jesus at sa pagkabuhay-muli,” ang mga taga-Atenas na iyon ay nakababatid na ang Hukom na ito ay si Jesu-Kristo.—Gawa 17:18.
16. Papaanong ang ministeryo ng isa ay maaapektuhan ng pahayag ni Pablo sa Buról ng Mars at ng pagsasanay sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro?
16 Totoo, si Pablo ay hindi nagpatotoo sa bahay-bahay sa Buról ng Mars. Subalit buhat sa kaniyang pahayag at sa pagsasanay na ibinibigay sa kanila sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, malaki ang matututuhan ng mga Saksi ni Jehova na makapagpapasulong sa kanilang ministeryo sa larangan. Oo, lahat na ito ay tutulong upang sila’y gawing lalong epektibong mga ministro, gaya ng kung papaanong ang may lohikang pagpapahayag at nakakukumbinsing argumento ni Pablo ay nakahikayat sa ilan sa mga taga-Atenas na iyon na maging mga mananampalataya.—Gawa 17:32-34.
Gumamit ng Nakapagtuturong mga Ilustrasyon
17. Anong klase ng mga ilustrasyon ang dapat gamitin sa ministeryo?
17 Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay tumutulong din sa mga ministro ng Diyos na gumamit ng maiinam na ilustrasyon sa pagpapatotoo sa bahay-bahay at sa iba pang mga pitak ng kanilang ministeryo. Upang idiin ang mahahalagang punto, ang simpleng mga ilustrasyon na angkop ang dapat na gamitin. Ang mga ito ay dapat kunin ng Saksi sa palasak na mga kalagayan at magpakaingat na ang mga ito’y ikapit nang malinaw. Ang mga ilustrasyon na ibinigay ni Jesus ay nakatugon sa lahat ng mga kahilingang ito.
18. Papaanong ang Mateo 13:45, 46 ay makatutulong sa ministeryo?
18 Halimbawa, isaalang-alang ang mga salita ni Jesus: “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang naglalakbay na mangangalakal na humahanap ng magagandang perlas. At pagkasumpong ng isang mahalagang perlas, siya’y yumaon at agad niyang ipinagbili ang lahat ng kaniyang mga ari-arian at binili iyon.” (Mateo 13:45, 46) Ang mga perlas ay mahalagang mga hiyas na matatagpuan sa loob ng mga kabibe ng talaba at ng mga iba pa. Ngunit tanging ang ilang mga perlas ang “magaganda.” Taglay ng mangangalakal ang talas ng pagkakilala na kailangan upang maunawaan niya ang nakahihigit na kamahalan ng kaisa-isang perlas na ito at sa gayo’y handa siyang ipagbili ang lahat ng kaniyang ari-arian upang mabili naman iyon. Marahil sa panahon ng pagdalaw-muli o sa isang pantahanang pag-aaral ng Bibliya, ang ilustrasyong ito ay maaaring gamitin upang ipakita na ang isang taong talagang nagpapahalaga sa Kaharian ng Diyos ay kikilos na katulad ng mangangalakal na iyon. Ang gayong tao ay uunahin sa kaniyang buhay ang Kaharian, yamang batid niya na sulit naman anuman ang gawin niyang pagsasakripisyo.
Magtapos Kasabay ng Pangganyak
19. Sa ministeryo sa pagbabahay-bahay, ano ang dapat ipakita sa maybahay ng mga bahaging pagtatapos?
19 Sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, natututuhan din ng bayan ng Diyos na ang katapusan ng isang pahayag o talakayan ay dapat magkaroon ng tuwirang kaugnayan sa tema at dapat magpakita sa mga tagapakinig kung ano ang kailangang gawin at himukin sila na gawin iyon. Sa ministeryo sa pagbabahay-bahay, sa maybahay ay kailangang tiyakang ipakita kung anong hakbangin ang inaasahang kukunin niya, tulad halimbawa ng pagtanggap ng isang lathalain sa Bibliya o pagsang-ayon na siya’y muling dalawin.
20. Anong mainam na halimbawa ng isang gumaganyak na pagtatapos ang makikita natin sa Mateo 7:24-27?
20 Ang katapusang bahagi ng Sermon sa Bundok ni Jesus ay nagbibigay ng isang mainam na halimbawa. Sa pamamagitan ng isang madaling maunawaang ilustrasyon, ipinakita ni Jesus na ang matalinong hakbangin ay pakinggan ang kaniyang mga salita. Siya’y nagtapos: “Kaya’t sinumang nakakapakinig ng mga salita kong ito at ginagawa ay maihahalintulad sa isang taong pantas, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng batong-bundok. At lumagpak ang ulan at bumaha at humihip ang hangin at hinampas ang bahay na iyon, subalit hindi bumagsak, sapagkat nakatayo sa ibabaw ng batong-bundok. Isa pa, bawat nakakapakinig ng aking mga salitang ito at hindi ginagawa ay maihahalintulad sa isang taong mangmang, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng buhanginan. At lumagpak ang ulan at bumaha at humihip ang hangin at bumayo sa bahay na iyon at bumagsak iyon, at kakila-kilabot ang pagbagsak.” (Mateo 7:24-27) Anong inam na ipinakikita nito na ang mga ministro ng Diyos ay dapat magsikap na ganyakin ang mga maybahay!
21. Ano ang ipinakita ng ating talakayan, ngunit ano ang kailangang kilalanin?
21 Ang binanggit na mga punto ay halimbawa ng kung papaanong ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay makatutulong sa marami upang maging may kakayahang mga tagapagbalita ng Kaharian. Mangyari pa, ang pagkakaroon ng sapat na kakayahan ay nanggagaling unang-una sa Diyos. (2 Corinto 3:4-6) At gaano mang kalaki ang kakayahan ng ministro, walang sinuman na makahihikayat sa mga tao na maniwala maliban na sila’y ilapit ng Diyos sa kaniya sa pamamagitan ni Kristo. (Juan 14:6) Gayunman, tiyakang dapat samantalahin ng bayan ng Diyos ang lahat ng espirituwal na mga paglalaan na ginawa ni Jehova samantalang kanilang hinahanap ang mga taong wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan.
Ano ba ang Iyong mga Sagot?
◻ Sino ang mga “dalisay ang puso,” at papaano nila ‘nakikita ang Diyos’?
◻ Anong mga salik ang dapat isaalang-alang pagka ipinakikilala ang balita ng Kaharian sa gawaing pagbabahay-bahay?
◻ Papaanong ang Salita ng Diyos ay tamang magagamit sa ministeryo?
◻ Ano ang tutulong upang makagawa nang may lohika, nakakukumbinsing mga presentasyon sa paglilingkod sa larangan?
◻ Ano ang dapat tandaan tungkol sa mga ilustrasyong ginagamit sa ministeryo?
◻ Ano ang dapat maisagawa ng mga konklusyon na ginagamit sa gawaing pagpapatotoo?
[Larawan sa pahina 16]
Sinabi ni Jesus na “ang dalisay ang puso” ay “makakakita sa Diyos.” Ano ba ang ibig sabihin nito?
[Larawan sa pahina 18]
Ang mga kasulatan ay dapat na wastong ipinasok, binasa nang may nararapat na pagdidiin, at ikinapit sa isang malinaw, tumpak na paraan