‘Pagkakilala Kung Ano Tayo’—Sa Panahon ng Memoryal
“Kung ating makikilala kung ano tayo, tayo ay hindi hahatulan . . . upang tayo’y huwag mahatulan nang laban sa atin.”—1 CORINTO 11:31, 32.
1. Ano ang talagang ibig maiwasan ng mga tunay na Kristiyano, at bakit?
ANG talagang ibig maiwasan ng isang Kristiyano ay ang hatulan siya ni Jehova nang laban sa kaniya. Ang hindi pagbibigay-lugod sa “Hukom ng buong lupa” ay maaaring umakay tungo sa ating ‘pagiging nahatulang kasama ng sanlibutan’ at pagkawala ng ating kaligtasan. Iyan ay totoo, tayo man ay umaasang magtatamo ng buhay sa langit kasama ni Jesus o ng walang-hanggang buhay sa isang makalupang paraiso.—Genesis 18:25; 1 Corinto 11:32.
2, 3. Sa anong bagay maaari tayong mahatulan, at ano ang sinabi ni Pablo tungkol dito?
2 Sa 1 Corinto kabanata 11, tinalakay ni apostol Pablo ang isang bagay na kung saan tayo’y maaaring mahatulan. Bagaman ang kaniyang mga sinabi ay nakaukol sa pinahirang mga Kristiyano, ang kaniyang payo ay mahalaga sa lahat, lalo na sa panahong ito. Ang ating pagkakilala kung ano nga tayo ay makatutulong sa atin na tamuhin ang pagsang-ayon ng Diyos at huwag mahatulan. Sa pagtalakay sa taunang selebrasyon ng Hapunan ng Panginoon, si Pablo ay sumulat:
3 “Ang Panginoong Jesus nang gabing siya’y ipagkakanulo ay dumampot ng tinapay at, pagkatapos magpasalamat, kaniyang pinagputul-putol iyon at sinabi: ‘Ito’y nangangahulugan ng aking katawan alang-alang sa inyo. Patuloy na gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.’ At gayon din ang ginawa niya sa kopa, pagkatapos na makapaghapunan, na ang sabi: ‘Ang kopang ito’y nangangahulugan ng bagong tipan dahil sa bisa ng aking dugo. Patuloy na gawin ninyo ito, kasindalas ng pag-inom ninyo nito, bilang pag-alaala sa akin.’ Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, patuloy na inihahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa dumating siya.”—1 Corinto 11:23-26.a
4. Ano ang gaganapin sa gabi ng Abril 10, 1990?
4 Pagkalubog ng araw sa Abril 10, 1990, ipagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Karaniwan, ang grupong nagtitipon ay isang kongregasyon; samakatuwid ay magkakalugar doon ang mga taong hindi pa mga Saksi. Ano ba ang ayos ng pagtitipong iyon? Magkakaroon ng isang pahayag sa Bibliya. Kasunod ng isang panalangin, ipapasa na ang tinapay. Isa pang panalangin ang ihahandog bago ipasa ang kopa. Sa halip na lahat nito ay isunod sa isang pormal na rituwal o istriktong kaayusan, ang dami ng tinapay o mga kopa at ang paraan ng pagpapasa ay isinasaayos ayon sa lokal na kalagayan. Ang mahalaga ay maipasa ang mga bagay na iyon sa lahat ng dumalo, bagaman karamihan ay basta magpapasa lamang ng mga iyon nang hindi nakikibahagi. Ngayon, ano bang mga bagay ang ipinapasa, at ano ang kahulugan ng mga iyon? Isa pa, ano ba ang dapat nating pag-isipan bago pa man upang makilala natin kung ano nga ba tayo?
“Ito’y Nangangahulugan ng Aking Katawan”
5, 6. (a) Ano ang ginawa ni Jesus sa isang tinapay? (b) Anong klase ng tinapay ang ginamit niya?
5 Ating mababasa kung ano ang “tinanggap [ni Pablo] sa Panginoon” tungkol sa Memoryal. Mayroon ding mga paglalahad ang tatlong manunulat ng Ebanghelyo, na isa sa kanila ay naroroon nang itatag ni Jesus ang selebrasyong ito. (1 Corinto 11:23; Mateo 26:26-29; Marcos 14:22-25; Lucas 22:19, 20) Ang mga ulat na ito ay nagsasabing kumuha muna si Jesus ng isang tinapay, nanalangin, at pagkatapos ay pinagputul-putol iyon at ipinamahagi iyon. Ano ba ang tinapay na iyon? Sa katulad na paraan, ano ba ang ginagamit sa ngayon? Ano ba ang kahulugan o isinasagisag nito?
6 Mayroon doong mga bagay na kinuha sa Judiong hapunan ng Paskuwa, ang isa’y yaong tinapay na walang lebadura, na tinawag ni Moises na “di-pinakasim na mga biskwit, ang tinapay ng kadalamhatian.” (Deuteronomio 16:3; Exodo 12:8) Ang tinapay na ito ay ginamitan ng harina ng trigo na hindi ginamitan ng lebadura, asin, o mga pantimpla. Palibhasa’y walang lebadura (Hebreo, mats·tsahʹ), ito ay lapad at malutong; kailangang ito’y pagpira-pirasuhin na isang subo bawa’t piraso.—Marcos 6:41; 8:6; Gawa 27:35.
7. Anong tinapay ang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa pagdiriwang ng Memoryal?
7 Si Jesus ay gumamit ng tinapay na walang lebadura sa Hapunan ng Panginoon, kaya ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay ganiyan din ang dapat gamitin. Ang regular na matzoth ng mga Judio ay tamang-tama naman kung ang mga ito’y hindi na hinahaluan ng karagdagang mga sangkap, tulad halimbawa ng malt, sibuyas, o itlog. (Ang matzoth na mayroon ng ganitong mga sahog ay malayo sa pagkalarawan sa “tinapay ng kadalamhatian.”) O kaya ang matatanda sa kongregasyon ay maaaring magpagawa sa isa roon ng tinapay na walang lebadura buhat sa masa ng harinang trigo at tubig. Kung sakaling walang harina ng trigo, ang di-pinakasim na tinapay ay maaaring gawin na ang sangkap ay harina buhat sa sebada, bigas, mais, o ibang butil. Ang masa ay pinipipî nang manipis at inihuhurno sa isang cookie sheet na nilangisan nang bahagya.
8. Bakit ang tinapay na walang lebadura ay angkop na simbolo, at ano ang kahulugan ng pakikibahagi roon? (Hebreo 10:5-7; 1 Pedro 4:1)
8 Ang gayong tinapay ay angkop sapagkat walang lebadura (pampaalsa), na ginagamit ang Bibliya upang sumagisag sa kabulukan o kasalanan. Si Pablo ay nagpayo tungkol sa isang lalaking imoral sa isang kongregasyon: ‘Ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak. Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo’y huwag kumasim. Si Kristo na ating paskuwa ay naihain na. Ipangilin natin ang kapistahan, hindi sa lebadura ng kasamaan at kabalakyutan, kundi sa walang lebadurang mga tinapay ng kataimtiman at katotohanan.’ (1 Corinto 5:6-8; ihambing ang Mateo 13:33; 16:6, 12.) Ang tinapay na walang lebadura ay isang nababagay na simbolo ng katawan ni Jesus nang siya’y tao, sapagkat siya’y “tapat, walang sala, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan.” (Hebreo 7:26) Si Jesus ay naroroon presente sa kaniyang sakdal na katawang tao nang kaniyang sabihin sa mga apostol: “Kumuha kayo at kanin ninyo itong [tinapay], ito’y nangangahulugan ng aking katawan.” (Mateo 26:26, A New Translation of the Bible, ni James Moffatt) Ang pakikibahagi sa tinapay ay nangangahulugan na pinaniniwalaan ng isang tao ang pakinabang na dulot ng inihandog na hain ni Jesus alang-alang sa kaniya at tinatanggap iyon. Ngunit, higit pa ang nasasangkot.
Ang Alak na May Kahulugan
9. Ano pang emblema ang sinabi ni Jesus na dapat gamitin?
9 Gumamit si Jesus ng isa pang simbolo: “Siya’y kumuha rin ng isang kopa, at pagkatapos na magpasalamat sa Diyos kaniyang ibinigay iyon sa kanila na ang sabi, ‘Uminom kayo, lahat kayo; ito’y nangangahulugan ng aking dugo, ang bagong tipang-dugo, na itinigis para sa marami, upang makamit ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.’ ” (Mateo 26:27, 28, Moffatt) Ano ba ang naroon sa pangkalahatang kopang iyon na kaniyang ipinasa, at ano ang kahulugan niyaon para sa atin kung tayo’y magsisikap na ating makilala kung ano baga tayo?
10. Papaanong ang alak ay nagkaroon ng dako sa Paskuwa ng mga Judio?
10 Nang sa simula’y balangkasin ni Moises ang kapistahan ng Paskuwa, wala siyang binanggit na inumin. Maraming iskolar ang naniniwala na ang alak ay noong bandang huli na ipinasok sa pagdiriwang ng Paskuwa, marahil noong ikalawang siglo B.C.E.b Magkagayon man, ang paggamit ng alak sa hapunang ito ay naging karaniwan na noong unang siglo, at hindi naman tinutulan iyon ni Jesus. Kaniyang ginamit ang alak ng Paskuwa nang itatag niya ang Memoryal.
11. Anong klase ng alak ang angkop na gamitin sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon?
11 Yamang ang Paskuwa ng mga Judio ay ginaganap matagal na pagkatapos ng anihan ng ubas, marahil ang ginagamit ni Jesus ay, hindi katas na di-pinakasim, kundi mapulang alak na tunay na kumakatawan sa kaniyang dugo. (Ihambing ang Apocalipsis 14:20.) Ang dugo ni Kristo ay hindi na kailangang dagdagan pa, kaya kahit alak lamang ay angkop, imbis na mga alak na hinaluan ng brandy (tulad baga ng port, sherry, o muscatel) o dili kaya dagdagan ng mga pampalasa o mga herbs (vermouth, Dubonnet, o maraming aperitifs). Gayunman, tayo’y hindi kailangang mabahala tungkol sa kung papaano ang pagkahanda sa isang alak, kung baga may kaunting asukal na idinagdag sa panahon ng pagkasim upang magkaroon iyon ng katamtamang lasa o ng laman na alkohol o kung ginamitan iyon ng bahagyang asupre upang mahadlangan ang pagkasira.c Maraming kongregasyon ang gumagamit ng isang komersiyal na pulang alak (tulad baga ng Chianti, Burgundy, Beaujolais, o claret) o simpleng gawang-bahay na pulang alak. Ang alak at ang tinapay ay mga emblema, o simbolo lamang; kung gayon, anumang natira na hindi nagamit ay maaaring iuwi sa bahay at gamitin pagkatapos gaya ng paggamit sa mga ibang pagkain o mga inumin.
12. Ipinaliwanag ni Jesus na ang alak ay sumasagisag sa ano?
12 Ang bagay na binanggit ni Jesus ang kaniyang dugo noong gabi ng Paskuwa ay maaaring magpagunita ng dugo ng mga kordero noong sinaunang panahon sa Ehipto. Subalit pansinin kung papaano aktuwal na gumawa si Jesus ng isang naiibang paghahambing, na nagsasabi: “Ang kopang ito’y nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na ibubuhos alang-alang sa inyo.” (Lucas 22:20) Maaga rito’y gumawa ang Diyos ng isang tipan sa bansa ng likas na Israel, at iyon ay pinasinayaan ng dugo ng mga haing hayop. May pagkakahawig ang dugo ng mga haing iyon at ang dugo ni Jesus. Kapuwa kasangkot ang mga iyan sa pagpapasinaya ng isang tipan sa isang bansa ng kaniyang bayan. (Exodo 24:3-8; Hebreo 9:17-20) Ang isang katangian ng tipang Kautusan ay na may pag-asa ang likas na Israel na maging isang bansa ng mga haring-saserdote. (Exodo 19:5, 6) Subalit, pagkatapos na hindi tuparin ng Israel ang tipan ni Jehova, kaniyang sinabi na kaniyang papalitan “ang dating tipan” ng “isang bagong tipan.” (Hebreo 9:1, 15; Jeremias 31:31-34) Ang kopa ng alak na ngayo’y ipinasa ni Jesus sa mga tapat na apostol ay sumasagisag sa bagong tipan na ito.
13, 14. (a) Ang pagiging kalakip sa bagong tipan ay nangangahulugan ng ano? (b) Ano ang isinasagisag ng pakikibahagi ng isang tao sa mga emblema?
13 Ang mga Kristiyanong inilakip sa bagong tipan na ito ay bumubuo ng isang espirituwal na bansa ng mga haring-saserdote. (Galacia 6:16) Si apostol Pedro ay sumulat: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang tanging pag-aari, upang ihayag ninyo sa madla ang mga kaningningan’ niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kagila-gilalas na liwanag.” (1 Pedro 2:9) Maliwanag kung anong kaligtasan ang kanilang tinanggap—buhay sa langit bilang mga kasama ni Jesus sa paghahari. Ang Apocalipsis 20:6 ang nagpapatunay nito: “Maligaya at banal ang sinuman na may bahagi sa unang pagkabuhay-muli; . . . sila’y magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at maghaharing kasama niya nang isang libong taon.”
14 Sa katunayan, pagkatapos na itawag-pansin sa mga apostol ang pakikibahagi sa mga emblemang tinapay at alak, kaniyang sinabi sa kanila na sila’y ‘kakain at iinom sa kaniyang mesa sa kaniyang kaharian, at mangauupo sa mga trono upang humatol sa labindalawang tribo ng Israel.’ (Lucas 22:28-30) Kung gayon, ang pakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal ay nangangahulugan ng higit kaysa paniniwala lamang sa inihandog ni Jesus na hain. Ang pantubos ay kailangang tanggapin ng bawat Kristiyano at sumampalataya roon kung ibig niyang magtamo ng buhay na walang-hanggan saanman. (Mateo 20:28; Juan 6:51) Subalit ang pakikibahagi sa mga emblema ay sumasagisag sa bagay na ang isang tao ay nasa bagong tipan, pinili upang makasama ni Jesus sa kaniyang Kaharian.
Kailangang Makakilala Ka Kung Panahon ng Memoryal
15. Papaano ipinakilala ni Jesus ang isang bagong pag-asa para sa mga lingkod ng Diyos?
15 Gaya ng ipinaliwanag ng naunang artikulo, bago noong panahon ni Jesus ang tapat na mga lingkod ng Diyos ay walang pag-asang pumaroon sa langit. Ang kanilang inaasahan ay ang pagtatamo ng buhay na walang-hanggan sa lupa, ang unang-unang tahanan ng tao. Si Jesu-Kristo ang unang binuhay-muli bilang isang espiritu, at siya ang naging unang-una buhat sa sangkatauhan na napapunta sa langit. (Efeso 1:20-22; 1 Pedro 3:18, 22) Pinatunayan ito ni Pablo, na sumulat: “May kalayaan tayong makapasok sa dakong banal sa pamamagitan ng dugo ni Kristo, na kaniyang itinalaga para sa atin bilang isang bago at buháy na daan.” (Hebreo 10:19, 20) Sino ba ang susunod, pagkatapos na buksan ni Jesus ang daan na iyan?
16. Ano ang kinabukasan para sa mga nakikibahagi sa tinapay at sa alak?
16 Nang gabing itatag ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon, sinabi niya sa kaniyang tapat na mga apostol na siya’y maghahanda ng isang dako para sa kanila sa langit. (Juan 14:2, 3) Alalahanin, ngayon, na sinabi rin ni Jesus na ang mga makikibahagi sa tinapay at sa alak ay doroon sa kaniyang Kaharian at mangauupo sa trono upang maghukom. Iyon ba ay mga apostol lamang? Hindi, sapagkat noong may dakong huli napag-alaman ni apostol Juan na ang mga ibang Kristiyano man ay magtatagumpay at ‘luluklok na kasama ni Jesus sa kaniyang trono,’ at sama-samang sila ay magiging ‘isang kaharian at mga saserdote, at kanilang paghaharian ang lupa.’ (Apocalipsis 3:21; 5:10) Napag-alaman din ni Juan ang kabuuang bilang ng mga Kristiyano na “binili sa lupa”—144,000. (Apocalipsis 14:1-3) Dahilan sa ito’y isang maliit na grupo lamang, isang “munting kawan” kung ihahambing sa lahat ng mga sumasamba sa Diyos sa loob ng nalakarang mga panahon, kailangan ang natatanging pagkakilala pagsapit ng panahon ng Memoryal.—Lucas 12:32.
17, 18. (a) Ang ilang mga Kristiyano sa Corinto ay nahulog sa anong kaugalian? (b) Bakit ang pagmamalabis sa pagkain at pag-inom ay napakalubha? (Hebreo 10:28-31)
17 Ito’y binanggit ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Corinto sa isang panahon na ang ilang mga apostol ay buháy pa at nang nananawagan ang Diyos ng mga Kristiyano na magiging “mga banal.” Sinabi ni Pablo na isang masamang pag-uugali ang nauuso noon sa gitna ng mga napilitang makibahagi sa mga emblema. Ang ilan ay naghahapunan antimano na kung saan sila’y nagmamalabis sa pagkain o sa pag-inom, anupa’t sila’y inaantok, mapurol ang kanilang mga pakiramdam. Kaya naman, hindi nila “makilala ang katawan,” ang pisikal na katawan ni Jesus na isinasagisag ng tinapay. Iyon ba ay napakalubha? Oo! Sa pamamagitan ng pakikibahagi bagaman sila’y di-karapat-dapat, sila’y “nagkakasala tungkol sa katawan at sa dugo ng Panginoon.” Kung sila’y gising sa pag-iisip at sa espirituwalidad, ‘kanilang makikilala kung ano sila at sila’y hindi hahatulan.’—1 Corinto 1:2; 11:20-22, 27-31.
18 Ano ba ang kailangang makilala ng mga Kristiyanong iyon at sa papaano? Unang-una, kailangang makilala nila sa puso at isip na sila’y tinawag upang makabilang sa 144,000 mga tagapagmana ng buhay sa langit. Papaano nila nakilala ito, at dapat bang marami sa ngayon ang maniwala na sila’y bahagi ng maliit na grupong ito na pinipili ng Diyos magbuhat pa noong kaarawan ng mga apostol?
19. Anong nagsisiwalat na kalagayan ang umiral sa panahon ng 1989 Memoryal?
19 Sa katunayan, isang napakaliit na bilang ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon ang nakakakilala sa bagay na ito tungkol sa kanilang sarili. Sa selebrasyon ng Hapunan ng Panginoon noong 1989, mahigit na 9,479,000 ang nagkatipon sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa. Mga 8,700 ang nagpakilalang sila’y may pag-asang ‘maligtas ukol sa makalangit na kaharian.’ (2 Timoteo 4:18) Ang lubhang karamihan—oo, milyun-milyong mga iba pang tapat, pinagpalang mga Kristiyano na nakipagtipon—ang nakakilala na ang kanilang makatuwirang pag-asa’y mabuhay magpakailanman sa lupa.
20. Papaano nakilala ng mga kabilang sa 144,000 na sila’y tinawag? (1 Juan 2:27)
20 Noong Pentecostes 33 C.E., sinimulan ng Diyos ang pagpili sa 144,000 para sa buhay sa langit. Yamang ang pag-asang ito ay bago, hindi taglay ng mga lingkod ng Diyos bago noong panahon ni Jesus, papaanong yaong mga pinili ay makaaalam o makatitiyak ng pag-asang ito? Kanilang nakikilala ito sa pamamagitan ng pagtanggap sa patotoo tungkol dito na ibinigay ng banal na espiritu ng Diyos. Hindi ibig sabihin na aktuwal na nakikita nila ang espiritu (ito’y hindi isang persona) o nakikita nila sa kanilang kaisipan na ang espiritu ay nakikipag-usap sa kanila, anupa’t hindi rin naman sila nakaririnig ng mga tinig buhat sa dako ng mga espiritu. Ganito ang paliwanag ni Pablo: “Ang espiritu na rin ang nagpapatotoong kasama ng ating espiritu na mga anak tayo ng Diyos . . . Mga tagapagmana rin tayo: mga tagapagmana nga ng Diyos, ngunit mga kasamang tagapagmana ni Kristo, kung magtitiis tayo nang sama-sama upang luwalhatiin din tayo nang sama-sama.”—Roma 8:16, 17.
21. (a) Papaano nalalaman ng mga pinahiran na sila’y may makalangit na pag-asa? (1 Corinto 10:15-17) (b) Anong uri ng mga tao ang mga pinahiran, at papaano sila nagpapatotoo nang may kahinhinan tungkol sa kanilang pag-asa?
21 Sa ganitong pagkaunawa, o pagkaalam, ang kanilang pag-iisip at pag-asa ay naibabagay nila. Sila’y mga tao pa, na nasisiyahan sa mabubuting bagay ng makalupang paglalang ni Jehova, gayunman ang pangunahing tunguhin ng kanilang buhay at pinagkakaabalahan ay ang pagiging mga kasama ni Kristo bilang mga tagapagmana. Ang ganitong pangmalas ay hindi bunga ng kanilang emosyon. Sila’y normal na mga indibiduwal, balanse sa kanilang mga pangmalas at asal. Yamang sila’y pinabanal ng espiritu ng Diyos, sila’y kumbinsido ng pagkatawag sa kanila, wala silang pag-aalinlangan na namamalagi. Kanilang natatalos na ang kanilang kaligtasan ay ipagkakaloob sa kanila sa langit kung sila’y mapatutunayang tapat. (2 Tesalonica 2:13; 2 Timoteo 2:10-12) Sa pagkaunawa nila kung ano ang kahulugan para sa kanila ng hain ni Jesus at sa kanilang pagkakilala na sila’y pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano, sila’y may kahinhinang nakikibahagi sa mga sagisag o emblema sa Memoryal.
22. Ano ang makikilala ng karamihan ng mga dumadalo sa Hapunan ng Panginoon?
22 Karamihan niyaong mga masunuring makikipagtipon pagsapit ng Abril 10 ay wala ng ganiyang pag-asa, sapagkat sila’y hindi pinahiran ng Diyos ng espiritu, na tumatawag sa kanila sa makalangit na buhay. Gaya ng ating nangalaman, ang 144,000 ay sinimulang piliin ng Diyos noon pang kaarawan ng mga apostol. Subalit pagka nakumpleto na ang bilang na iyan ng mga tinawag, maaasahan na ang mga ibang sasamba pa sa kaniya ay magkakaroon ng pag-asang gaya niyaong pag-asa nina Moises, David, Juan Bautista, at iba pang mga tapat na nangamatay bago binuksan ni Jesus ang daan tungo sa buhay sa langit. Kaya naman, milyun-milyong tapat at masisigasig na Kristiyano sa ngayon ang hindi nakikibahagi sa mga sagisag sa Memoryal. Makikilala ng gayong mga Kristiyano kung ano sila sa harap ng Diyos sa diwa na kanilang nauunawa kung ano ang kanilang makatuwirang pag-asa. Sila’y nakikinabang sa dugo at katawan ni Jesus sa bagay na pinatawad na ang kanilang mga kasalanan at pagkatapos ay magtatamo ng walang-hanggang buhay sa lupa.—1 Pedro 1:19; 2:24; Apocalipsis 7:9, 15.
23. Bakit ang Memoryal ay isang selebrasyon ng kagalakan? (Ihambing ang 2 Cronica 30:21.)
23 Kung gayon, ating asam-asamin ang masayang selebrasyon sa Abril 10. Iyon ay magiging isang panahon para gamitin ang pang-unawa ngunit magiging isang panahon din ng kagalakan. Kagalakan para sa isang munting bilang ng may makalangit na pag-asa na may karapatan at pagkamasunurin na makikibahagi sa tinapay at sa alak. (Apocalipsis 19:7) Kagalakan din para sa milyun-milyong masasayang Kristiyano na sa gabing iyon ay magmamasid at matututo at umaasang aalalahanin nila magpakailanman sa lupa ang makahulugang selebrasyong iyon.—Juan 3:29.
[Mga talababa]
a “Nang gabi na Siya’y ipagkanulo ang Panginoong Jesus ay kumuha ng tinapay; pagkatapos magpasalamat, Kaniyang pinagputul-putol iyon at sinabi: ‘Ito ang aking katawan na para sa inyo; gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.’ Sa ganoon ding paraan Siya’y kumuha ng kopa nang matapos na ang hapunan, at ang sabi: ‘Ang kopang ito ay siyang bagong tipan, may tatak ng aking dugo; tuwing iinumin ninyo, gawin ninyo iyon bilang pag-alaala sa akin.’ ”—An Expanded Paraphrase of the Epistles of Paul, ni F. F. Bruce.
b Isang iskolar ang nagbibigay ng ganitong opinyon tungkol sa kung bakit idinagdag ang alak: “[Ang Paskuwa] ay hindi na itinakdang maging isang pormal na taunang pangangalap ng mga adultong lalaki; iyon ay magiging okasyon para sa kapistahan ng pamilya, na kung saan ang pag-inom ng alak ay nakasumpong ng isang natural na dako.”—The Hebrew Passover—From the Earliest Times to A.D. 70, ni J. B. Segal.
c Mula sa sinaunang panahon ang asin, puti ng itlog, at iba pang mga sustansiya ay ginagamit upang dalisayin o patingkarin ang kulay at lasa ng alak, ang mga Romano ay gumagamit pa man din ng asupre bilang isang disinpektante sa paggawa ng alak.
Ano ba ang Sagot Mo?
◻ Bakit ang tinapay na walang lebadura ay ipinapasa sa panahon ng Memoryal, at ano ang isinasagisag nito?
◻ Ano ang alak na ipinapasa sa panahon ng Hapunan ng Panginoon, at ano ang isinasagisag nito?
◻ Bakit kailangan ang pagkakilala may kaugnayan sa selebrasyon ng Memoryal?
◻ Bakit mo inaasam-asam ang dumarating na Memoryal?