“Panahon Upang Tumahimik at Panahon Upang Magsalita”
ILANG beses mo na bang naibulalas, “Sana’y hindi ko nasabi iyon”? Gayunman, maaalaala mo ang ibang pagkakataon na hindi ka nagkaroon ng lakas ng loob upang magsalita. Sa paggunita, baka naisip mo, ‘Sana’y nagsalita ako.’
Sinasabi ng Bibliya na may “panahon upang tumahimik at panahon upang magsalita.” (Eclesiastes 3:7) Ito, kung gayon, ang problema—ang magpasiya kung kailan magsasalita at kailan tatahimik. Ang ating likas na di-kasakdalan ang malimit mag-udyok sa atin na gawin at sabihin ang mga bagay sa maling panahon. (Roma 7:19) Paano natin masusupil ang ating matabil na dila?—Santiago 3:2.
Mga Paraan Upang Supilin ang Dila
Upang matulungan tayong magpasiya kung kailan magsasalita at kung kailan tatahimik, hindi natin kailangan ang mahabang listahan na nilayon upang masaklaw ang lahat ng posibleng situwasyon. Sa halip, kailangan tayong akayin ng mga katangian na mahahalagang bahagi ng Kristiyanong personalidad. Ano ang mga katangiang ito?
Ipinaliwanag ni Jesu-Kristo na ang pag-ibig ang siyang pangunahing katangian na gumaganyak sa kaniyang mga alagad. “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa,” sabi niya. (Juan 13:35) Habang lalo nating ipinamamalas ang gayong pag-ibig pangkapatid, lalo nating nasusupil ang ating dila.
Malaki rin ang maitutulong sa atin ng dalawang magkaugnay na katangian. Isa sa mga ito ay ang pagpapakumbaba. Pinapangyayari ito na ‘ituring natin na ang iba ay nakatataas sa atin.’ (Filipos 2:3) Ang isa pa ay ang kahinahunan, na pinananatili tayong ‘nagpipigil sa ilalim ng kasamaan.’ (2 Timoteo 2:24, 25) Kay Jesu-Kristo ay mayroon tayong sakdal na halimbawa kung paano ipamamalas ang mga katangiang ito.
Yamang mas mahirap na supilin ang ating dila kapag tayo’y nasa kagipitan, isaalang-alang natin ang gabi bago mamatay si Jesus—ang panahon nang siya’y “lubhang mabagabag.” (Mateo 26:37, 38) Hindi nakapagtataka na ganito ang nadama ni Jesus, yamang nakasalalay sa kaniyang pananatiling tapat sa Diyos ang walang-hanggang kinabukasan ng buong sangkatauhan.—Roma 5:19-21.
Tiyak na ito ang panahon upang makipag-usap si Jesus sa kaniyang makalangit na Ama. Kaya lumayo siya upang manalangin, anupat hiniling sa tatlo sa kaniyang mga alagad na sila’y manatiling nagbabantay. Pagkaraan ng ilang sandali ay bumalik siya at nasumpungan silang natutulog. Doon ay sinabi niya kay Pedro: “Hindi ba ninyo magagawang magbantay kahit man lamang isang oras na kasama ko?” Ang maibiging saway na ito ay may kalakip na mga salitang nagpapakita ng pag-unawa sa kanilang kahinaan. Sinabi niya: “Ang espiritu, sabihin pa, ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.” Pagkaraan, si Jesus ay muling lumapit at nasumpungang natutulog ang mga alagad. May kabaitan siyang nagsalita sa kanila at “umalis at nanalangin sa ikatlong pagkakataon.”—Mateo 26:36-44.
Nang masumpungan niyang natutulog ang mga alagad sa ikatlong pagkakataon, hindi siya naging mabalasik kundi nagsabi: “Sa oras na gaya nito kayo ay natutulog at nagpapahinga! Narito! Ang oras ay malapit na upang ang Anak ng tao ay ipagkanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.” (Mateo 26:45) Tanging ang isa na may pusong punung-puno ng pag-ibig, anupat may totoong mahinahon at mapagpakumbabang kalooban, ang makapagsasalita nang ganito sa gayong napakahirap na panahon.—Mateo 11:29; Juan 13:1.
Di-nagtagal pagkatapos, si Jesus ay inaresto at nilitis. Dito ay matututuhan natin na kung minsan ay pinakamabuti ang manahimik, kahit na kapag nakikibahagi sa ating ministeryong Kristiyano. Palibhasa’y gustong ipahamak si Jesus, ang mga punong saserdote ay walang anumang interes na malaman ang katotohanan. Kaya sa maigting na kalagayang ito, hindi nagsalita si Jesus.—Ihambing ang Mateo 7:6.
Subalit hindi nanatiling tahimik si Jesus nang igiit ng mataas na saserdote: “Sa pamamagitan ng Diyos na buháy ay inilalagay kita sa ilalim ng panunumpa na sabihin sa amin kung ikaw ang Kristo na Anak ng Diyos!” (Mateo 26:63) Yamang si Jesus ay inilagay sa ilalim ng panunumpa, panahon iyon upang siya’y magsalita. Kaya sumagot siya: “Ikaw mismo ang nagsabi nito. Gayunma’y sinasabi ko sa inyo, Magbuhat ngayon ay makikita ninyo ang Anak ng tao na nakaupo sa kanang kamay ng kapangyarihan at dumarating na nasa mga ulap sa langit.”—Mateo 26:64.
Sa mahalagang araw na iyon, kontroladong-kontrolado ni Jesus ang kaniyang dila. Sa kaniyang kalagayan, ang pag-ibig, kahinahunan, at pagpapakumbaba ay likas na mga katangian ng kaniyang personalidad. Paano natin magagamit ang mga katangiang ito upang supilin ang ating dila kapag tayo’y nasa kagipitan?
Pigilin ang Dila Kapag Nagagalit
Kapag nagagalit tayo, malimit na di natin mapigil ang ating dila. Halimbawa, minsan ay hindi nagkasundo sina Pablo at Bernabe. “Si Bernabe ay determinado na isama rin si Juan, na tinatawag na Marcos. Ngunit hindi inisip ni Pablo na wastong isama nila ang isang ito, yamang humiwalay siya sa kanila sa Pamfilia at hindi sumama sa kanila sa gawain. Sa gayon ay naganap ang isang matinding pagsiklab ng galit, anupat humiwalay sila sa isa’t isa.”—Gawa 15:37-39.
Ganito ang inilahad ni Michael,a na nagtrabaho nang ilang taon sa mga proyekto ng pagtatayo: “Sa lugar ng pagtatayo ay may isang tao na kilalang-kilala at iginagalang ko. Pero waring lagi niyang hinahanapan ng mali ang trabaho ko. Ako’y nasaktan at nainis pero sinarili ko na lamang iyon. Umabot sa sukdulan ang mga bagay nang isang araw ay pintasan niya ang katatapos ko lamang na trabaho.
“Inilabas ko na ang aking sama ng loob. Sa tindi ng galit ko, di ko alintana ang masamang impresyon na ibinunga nito sa mga nakapaligid sa amin. Sa nalalabing bahagi ng maghapon, ayaw ko siyang makausap o makita man. Natanto ko ngayon na hindi ko hinarap nang wasto ang problema. Mas mabuti sana kung nanahimik na lamang ako at nagsalita nang ako’y mahinahon na.”
Mabuti na lamang, Kristiyanong pag-ibig ang nag-udyok sa dalawang ito upang lutasin ang kanilang di-pagkakasundo. Ganito ang paliwanag ni Michael: “Pagkatapos ng prangkahang pag-uusap, mas naunawaan namin ang isa’t isa, at matibay ngayon ang pagkakaibigan namin.”
Gaya ng natutuhan ni Michael, kapag nagagalit tayo, mas matalino kung minsan ang manahimik. “Ang taong may kaunawaan ay may malamig na espiritu,” sabi ng Kawikaan 17:27. Tutulungan tayo ng kaunawaan at pag-ibig pangkapatid upang masupil ang simbuyo na ibulalas ang masasakit na salita. Kung nasaktan tayo, kausapin natin ang taong iyon nang sarilinan na may kahinahunan at kapakumbabaan, sa layuning ibalik ang kapayapaan. Ano kung naibulalas na natin ang ating galit? Kung gayon ay pakikilusin tayo ng pag-ibig upang lunukin ang ating amor propyo at mapakumbabang humingi ng tawad. Ito ang panahon upang magsalita, ipahayag ang pagsisisi at gamutin ang nasaktang damdamin sa pamamagitan ng taimtim na pag-uusap.—Mateo 5:23, 24.
Kapag ang Katahimikan Ay Hindi Siyang Lunas
Dahil sa galit o pagkainis ay baka hindi na natin kausapin ang isang tao. Ito ay totoong nakapipinsala. “Noong unang taon namin bilang mag-asawa, may mga pagkakataon na hindi ko kakausapin nang maraming araw ang aking asawa,” pagtatapat ni María.b “Karaniwan, hindi iyon dahilan sa malalaking problema kundi, sa halip, dahil lamang sa naipong maliliit na diperensiya. Palagi kong iniisip ang mga diperensiyang ito hanggang sa lumaki iyon na tulad sa gabundok na hadlang. Pagkatapos ay dumating ang panahon na nasagad na ako, at basta hindi ko na lamang kinausap ang aking asawa hanggang sa lumipas ang aking sama ng loob.”
Sinabi pa ni María: “Isang partikular na teksto sa Bibliya—‘huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit’—ang tumulong sa akin na ituwid ang aking pag-iisip. Sinikap naming mag-asawa na pasulungin ang aming komunikasyon upang hindi lumaki ang mga problema. Hindi naging madali iyon, pero pagkaraan ng sampung taon ng pagsasama, nagagalak akong sabihin na bihira na ang ganitong panahon ng matigas na katahimikan. Gayunman, kailangan kong aminin na sinisikap ko pa ring supilin ang hilig na ito.”—Efeso 4:26.
Gaya ng natuklasan ni María, kapag may namamagitang tensiyon sa dalawang tao, hindi solusyon ang huminto ng pakikipag-usap. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, lalong titindi ang paghihinanakit, at mapipinsala ang relasyon. Sinabi ni Jesus na tayo’y dapat na ‘makipag-ayos nang madali.’ (Mateo 5:25) “Ang salitang binigkas sa tamang panahon” ay makatutulong sa atin na ‘itaguyod ang kapayapaan.’—Kawikaan 25:11; 1 Pedro 3:11.
Kailangan din nating magsalita kapag kailangan natin ng tulong. Kung nagdurusa tayo dahil sa ilang suliranin sa espirituwal, maaaring nag-aatubili tayo na pabigatan ang iba. Subalit kung tatahimik tayo, lalo lamang lulubha ang suliranin. Nagmamalasakit sa atin ang hinirang na matatanda at, kung pahihintulutan natin, tiyak na sabik silang makatulong. Ito ang panahon na dapat tayong magsalita.—Santiago 5:13-16.
Higit sa lahat, dapat tayong makipag-usap kay Jehova nang palagian sa isang taos-pusong panalangin, gaya ng ginawa ni Jesus. Oo, ating ‘ibuhos ang ating puso’ sa ating makalangit na Ama.—Awit 62:8; ihambing ang Hebreo 5:7.
“Panahon Upang Magsalita” Tungkol sa Kaharian ng Diyos
Ang Kristiyanong ministeryo ay isang banal na atas na dapat tuparin bago dumating ang wakas. Higit kailanman, napakahalaga kung gayon na ipahayag ng mga lingkod ni Jehova ang mabuting balita ng Kaharian. (Marcos 13:10) Tulad ng mga apostol, ‘hindi magawang tumigil ng mga tunay na Kristiyano sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na kanilang nakita at narinig.’—Gawa 4:20.
Sabihin pa, hindi lahat ay ibig na makarinig ng mabuting balita. Sa katunayan, nang isugo ang kaniyang mga alagad upang mangaral, pinayuhan sila ni Jesus na ‘hanapin yaong mga karapat-dapat.’ Yamang hindi pinipilit ni Jehova ang sinuman na sumamba sa kaniya, hindi natin pipiliting ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa isang taong matigas na tumatanggi sa mensahe ng Kaharian. (Mateo 10:11-14) Ngunit nalulugod tayong sabihin ang tungkol sa paghahari ni Jehova doon sa mga “wastong nakaayon para sa buhay na walang-hanggan.”—Gawa 13:48; Awit 145:10-13.
Ang pag-ibig, kahinahunan, at pagpapakumbaba ay mga katangiang makatutulong sa atin na supilin ang ating di-sakdal na hilig na magsalita nang padalus-dalos o magsawalang-kibo na lamang. Habang napasusulong natin ang mga katangiang ito, lalo tayong masasangkapan na makilala ang tamang panahon at maling panahon upang magsalita.
[Mga talababa]
a Hindi niya tunay na pangalan.
b Hindi niya tunay na pangalan.
[Larawan sa pahina 23]
Malulutas ang mga suliranin sa pamamagitan ng mabuting komunikasyon