Mga Neutral na Kristiyano sa Tigmak-Dugong Sanlibutan
“Sinumang magbubo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay mabububo ang kaniyang sariling dugo, sapagkat ayon sa larawan ng Diyos ginawa niya ang tao.”—GENESIS 9:6.
1. Anong mga pangyayari sa daigdig sapol noong 1914 ang dapat ikabahala?
PAGKARAMI-RAMING dugo, yaong sa mahigit na isang daang milyong katao, ang nabubo sa digmaan sapol noong 1914. At ano ang maaasahan para sa hinaharap? Sa pagwawasak ng dalawang siyudad na Haponés noong 1945 ay napahamak ang mayroong 200,000 buhay at sa wakas ay bumangon ang isang bagong doktrina, na binaybay ng mga superpowers sa angkop na pangalang “MAD” (Mutually Assured Destruction). Ito ang naging saligan ng isang balance of terror (balanse ng kakilabutan), na nakasalalay sa tala-talaksang mga armas nuklear na maaaring magwasak sa mundo nating ito ng maraming beses. Mga submarino ang nagdadala ng kakila-kilabot na mga armas na ito sa mga karagatan, at kamakailan ang banta ng giyera sa kalawakan ang nagpalawak sa panganib. Ang balance of terror ay nayuyugyog ngayon sa pundasyon. Mayroon bang paraan upang makalabas sa kabaliwang ito?
2. Ano ang inihula ni Jesus tungkol sa mga panahong ito, subalit anong katiyakan ang ibinigay sa mga Kristiyano?
2 Oo, mayroon. Ngunit hindi ito ang pipiliin ng mga bansa. Inihula ni Jesus ang tungkol sa kasalukuyang suliranin: “Magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga bituin, at sa lupa’y manggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon dahilan sa ugong ng dagat at mga daluyong, samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa; sapagkat yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit.” Tinapos ni Jesus ang hulang iyan sa pagsasabi na ang mga Kristiyanong “mananatiling gising . . . ay maaaring magtagumpay ng pag-iwas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari.”—Lucas 21:25, 26, 36.
Pakikipagpayapaan sa Diyos
3. (a) Paanong ang mga bansa ay nagsisilbi sa mga kapakanan ng “diyos ng sanlibutang ito”? (b) Paano lulutasin ni Jehova ang usapin?
3 Ang mga bansa, lalo na yaong mga armado ng mga armas nuklear, ay nagpapaligsahan para sa pananakop sa daigdig, na maaaring humantong sa pagkalipol ng daigdig. Ito ay nagsisilbi sa kapakanan ng “diyos ng sanlibutang ito.” Ang mga bansa ay “nagsama-sama laban kay Jehova at laban sa kaniyang [Kristo],” na ngayo’y nakaluklok sa trono sa langit. Pagka ibinigay na ni Jehova ang utos, pagdudurug-durugin ni Kristo ang mga bansang iyan gaya ng kung gagamitin ang isang setrong bakal. Kung magkagayo’y matutupad ang ipinangako: “Ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan ang dudurog kay Satanas sa ilalim ng inyong mga paa sa madaling panahon.”—2 Corinto 4:4, King James Version; Awit 2:2, 6-9; Roma 16:20.
4. Paano tayo makikipagpayapaan sa Diyos? (1 Pedro 3:11)
4 Tayo, sa ganang atin, ay dapat makipagpayapaan sa Diyos na iyan. Paano natin magagawa ito? Unang-una, ibig nating magkaroon ng katulad na punto-de-vista ng Diyos tungkol sa kabanalan ng buhay ng tao at ng mahal na dugo ng buhay na umaagos sa ating mga arteriya at mga ugat.
5. Anong mga halimbawa ang nagpapakita na ipinaghihiganti ni Jehova ang walang-pakundangang pagbububo ng dugo?
5 Si Jehova ang Maylikha ng tao at ng kamangha-manghang sirkulasyon ng dugo na nagdadala ng pagkain sa katawan ng tao, kaya tayo ay nananatiling buháy. Hindi kailanman nilayon ng Diyos na ang dugo ng tao ay mabubo, lalo na nang walang-pakundangan. Nang magkasala si Cain ng unang pamamaslang, sinabi ng Diyos na ang dugo ni Abel ay humihiyaw upang ipaghiganti. Nang maglaon, isa sa mga inapo ni Cain, si Lamec, ay naging isang mamamatay-tao at sinabi niya sa paraang patula na sakaling siya’y mapatay, dapat na ipaghiganti ang kasalanang ito sa dugo. Sa katagalan, ang isang balakyot na sanlibutan ay napunô ng karahasan. Pinapangyari ni Jehova ang delubyo upang wasakin ang unang sanlibutang iyon ng sangkatauhan. Ang sambahayan lamang ng mapayapang si Noe, na ang pangala’y nangangahulugan ng “Kapahingahan,” ang nakaligtas.—Genesis 4:8-12, 23, 24; 6:13; 7:1.
6. Ano ang batas ng Diyos kung tungkol sa dugo, at kanino ito kapit?
6 Pagkatapos ay ipinabatid ni Jehova kay Noe ang Kaniyang ipinahayag na kalooban tungkol sa dugo. Ang sukdulan nito ay nang kaniyang sabihin: “Sinumang magbubo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay mabububo ang kaniyang sariling dugo, sapagkat ayon sa larawan ng Diyos ginawa niya ang tao.” (Genesis 9:3-6) Lahat ng tao ngayon ay inapo ni Noe; kaya, ang batas ng Diyos na ito na nagdiriin sa paggalang sa buhay ay kapit sa lahat ng tao na naghahangad ng pagsang-ayon ng Diyos. Ang ikaanim ng Sampung Utos ay nagsasabi rin, “Huwag kang papatay.” Ang kasalanan sa dugo ay humihingi ng nararapat na pagkilos at kagantihan.—Exodo 20:13; 21:12; Deuteronomio 21:1-9; Hebreo 10:30.
7. (a) Bakit wasto para kay Jehova na iutos sa Israel na makipagdigma? (b) Nasa anong espirituwal na pakikipagbaka ang mga Kristiyano ngayon?
7 Yamang ang pagbububo ng dugo ay buong linaw na ipinagbawal, bakit nga pinayagan ni Jehova, at ipinag-utos pa niya, na ang bansang Israel ay makidigma? Tandaan natin na ito ay isang banal na pakikidigma, at sa pamamagitan nito ay pinapangyari ni Jehova, ang Hukom ng buong lupa, na malipol ang mga bansang mananamba sa demonyo. Halimbawa, ang mga Cananeo ay mga iskuwater sa Lupang Pangako at may makademonyo at imoral na istilo ng pamumuhay na magsasapanganib sa banal na bayan ng Diyos. Pinapangyari ni Jehova na “isuka” ng lupain ang imoral na mga taong iyon buhat sa kanilang teritoryo, at ginamit ang teokratikong pakikidigma para maisagawa ito. (Levitico 18:1-30; Deuteronomio 7:1-6, 24) Pinagmamatuwid nito ang espirituwal na pakikipagbaka ng mga Kristiyano ngayon.—2 Corinto 10:3-5; Efeso 6:11-18.
8. Ano ang nagpapakita ng di-pagsang-ayon ng Diyos sa pagbububo ng dugong walang sala?
8 Datapuwat, hindi sinang-ayunan ni Jehova ang walang pakundangang pagbububo ng dugo. Kaya, nasusulat tungkol sa isang hari ng Juda: “Bukod dito’y nagbubong mainam si Manases ng dugong walang sala, hanggang sa kaniyang napunô ang Jerusalem mula sa isang dulo hanggang sa kabila.” Bagama’t nagsisi rin noong bandang huli si Manases at nagpakumbaba kay Jehova, ang kasalanang iyon sa dugo ay namalagi sa kaniya at sa kaniyang dinastiya. Ang may-takot sa Diyos na apo ni Manases, si Haring Josias, ay kumilos upang linisin ang lupain at ipanumbalik ang tunay na pagsamba. Subalit hindi niya naalis ang kasalanang iyon sa dugo. Sa panahon ng paghahari ng anak ni Josias na si Jehoiakim, si Jehova ay kumilos upang ibangon si Nabukodonosor laban sa Juda, upang parusahan ang bansang iyan. “Tunay na sa utos ni Jehova dumating ito sa Juda, upang alisin yaon sa kaniyang paningin dahil sa mga kasalanan ni Manases, ayon sa lahat niyang ginawa; at dahil din sa walang salang dugo na kaniyang ibinubo, sapagkat kaniyang pinunô ang Jerusalem ng walang salang dugo, at hindi pinatawad ni Jehova.”—2 Hari 21:16; 24:1-4; 2 Cronica 33:10-13.
Ang Pamantayan Para sa mga Kristiyano
9. Anong pamantayan ang ibinigay ni Jesus para sa mga Kristiyano kung tungkol sa pagbububo ng dugo?
9 Aasahan natin na si Jesus, ang Pundador ng Kristiyanismo, ay magbibigay ng pamantayan para sa mga Kristiyano kung tungkol sa pagbububo ng dugo. Nagbigay ba siya? Bueno, noong sandaling matapos na niya na maitatag ang Memoryal ng kaniyang kamatayan, pinangyari ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay magkaroon ng dalawang tabak. Para sa ano? Upang maitatag ang isang mahalagang prinsipyo, na kailangang sundin ng lahat ng Kristiyano. Nang ang pangkat ng mga kawal ay dumating upang arestuhin si Jesus sa Getsemani, ang mapusok na si Pedro ay naglabas ng tabak, at tinagpas ang kanang tainga ni Malcus, isang alipin ng mataas na saserdoteng Judio. Hindi baga isang karangalan na makipaglaban alang-alang sa Anak ng Diyos? Hindi gayon ang kaisipan ni Jesus. Kaniyang pinagaling ang tainga ng alipin at ipinaalala kay Pedro na ang kaniyang makalangit na Ama ay makapagpapadala ng 12 pulutong ng mga anghel upang tumulong kay Jesus. Noon ipinahayag ni Jesus ang mahalagang simulain: “Lahat ng nagtatangan ng tabak ay sa tabak mamamatay.”—Mateo 26:51-53; Lucas 22:36, 38, 49-51; Juan 18:10, 11.
10. (a) Anong mahalagang prinsipyo ang nasa Juan 17:14, 16, at Juan 18:36? (b) Anong hakbangin ang nagbunga ng kaligtasan para sa mga Kristiyano noong unang siglo?
10 Pagkatapos ay magugunita ng mga Kristiyano noong sinaunang siglo ang marubdob na panalangin ni Jesus kay Jehova, na doo’y sinabi niya tungkol sa kaniyang mga alagad: “Sila’y hindi bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” Matatandaan nila ang paliwanag ni Jesus kay Pilato sa kasagutan niya na: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, ang aking mga alipin nga ay nakipagbaka sana upang huwag akong maibigay sa mga Judio. Ngunit, ngayon, ang kaharian ko ay hindi rito.” (Juan 17:14, 16; 18:36) Noong mga araw na iyon, pangkat-pangkat ng mga Judio ang nagbabaka-baka, kapuwa sa pagtatalu-talo at sa pamamagitan ng pagbububo ng dugo. Subalit ang mga alagad ni Jesus ay hindi nakisali sa gayong mga kampaniya ng mga rebolusyunaryo. Sa loob ng mga 30 taon ay naghintay sila sa Jerusalem. Pagkatapos ay sinunod nila ang ibinigay ni Jesus na makahulang tanda sa pamamagitan ng ‘pagtakas sa mga bundok.’ Ang kanilang neutral na paninindigan at pagtakas ay nagbunga ng kanilang kaligtasan.—Mateo 24:15, 16.
11, 12. (a) Anong pasiya ang kinailangang gawin ni Cornelio at ni Sergius Paulus nang sila’y maging mga mananampalataya? (b) Saan sila tumanggap ng tulong upang makapagpasiya nang tama? (c) Ano ang pinatutunayan nito sa atin sa ngayon?
11 Baka itanong ng iba, ‘Kumusta naman si Cornelio, ang senturion, at si Sergius Paulus, ang prokonsul sa Cyprus na taguyod ng army? Hindi ba kaugnay ng militar ang mga lalaking ito?’ Oo, noong panahon na tanggapin nila ang mensaheng Kristiyano. Subalit, hindi sinasabi sa atin ng Kasulatan kung ano ang ginawa ni Cornelio at ng mga iba pagkatapos na sila’y makumberte. (Hebreo 6:1) Walang alinlangan na si Sergius Paulus, na isang matalinong lalaki at “nanggilalas sa turo ni Jehova,” ay sa pinakamadaling panahon magsusuri ng kaniyang sekular na posisyon sa liwanag ng kaniyang bagong katutuklas na pananampalataya at siya’y magpapasiya ng tama. Tiyak na ganoon din ang gagawin ni Cornelio. (Gawa 10:1, 2, 44-48; 13:7, 12) Walang sinasabi na sinabihan sila ng mga alagad kung ano ang kailangan nilang gawin. Iyan ay makikita na nila buhat sa kanilang sariling pag-aaral ng Salita ng Diyos.—Isaias 2:2-4; Mikas 4:3.
12 Gayundin naman, ang mga Kristiyano sa ngayon ay di-dapat personal na magpayo sa iba ng kung anong paninindigan ang dapat nilang gawin tungkol sa mga suliranin na may kinalaman sa neutralidad Kristiyano. Bawat isa ay kailangang gumawa ng kaniyang sariling maingat na mga pasiya ayon sa kaniyang pagkaunawa sa mga simulain ng Bibliya.—Galacia 6:4, 5.
Sa Modernong Panahon
13. Ano ang nangyari sa mga Bible Students sa pagsisikap nila na maiwasan ang pagkakasala sa dugo noong Digmaang Pandaigdig I?
13 Noong 1914 unang naganap sa daigdig ang lubus-lubusang digmaan. Ang buong kayamanan ng mga bansa, kasali na ang kanilang mga kalalakihan, ay ginamit sa digmaan. Marami sa mga Bible Students, na siyang tawag sa mga Saksi ni Jehova noon, ang nagsumikap na iwasan ang kasalanan sa dugo. Sila’y mahigpit na pinag-usig, gaya ng sinabi ni Jesus na mangyayari sa kanila.—Juan 15:17-20.
14, 15. (a) Paano naglaan si Jehova ng patnubay noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II? (b) Ano ang malinaw na paninindigan na ginawa noon ng mga Saksi ni Jehova? (c) Paano ito naiiba sa ginagawa noon ng makasanlibutang mga relihiyonista?
14 Nang muling sumiklab noong 1939 ang pangglobong digmaan, si Jehova ay naglaan ng malinaw na patnubay para sa kaniyang mga lingkod. Hindi lumampas ang dalawang buwan pagkatapos na maideklara ang digmaan, ang patnubay na ito ay dumating sa kaanyuan ng materyal sa pag-aaral sa Bibliya na pinamagatang “Neutrality” (Neutralidad) sa Nobyembre 1, 1939, na labas ng The Watchtower. Nagtapos ito sa pangungusap na: “Lahat ng mga nasa panig ng Panginoon ay magiging neutral kung tungkol sa nagdidigmaang mga bansa, at lubusan at buung-buo na sasa-panig ng dakilang TEOKRATA at ng kaniyang Hari.”
15 Ano ang resulta? Bilang isang pambuong-daigdig na pagkakapatiran, ang mga Saksi ni Jehova ay di-nagbabago sa kanilang pag-iwas sa pagbububo ng dugo ng mga taong walang sala, kasali na ang kanilang mga kapatid sa mga ibang bansa. Samantalang ang mga Katoliko, Protestante, Budhista, at mga iba pa ay nagpapatayan, ang mga tunay na alagad ni Jesus ay sumusunod sa kaniyang bagong utos: “Kung paano inibig ko kayo, . . . kayo man ay mag-ibigan din sa isa’t isa.”—Juan 13:34.
16. (a) Paano ipinakita ng mga Saksi ni Jehova na sila’y matuwid na mga mamamayan? (b) Paano nanatili ang mga Saksi ng pagbibigay sa Diyos ng mga bagay na sa Diyos, at kung minsan ay ano ang resulta?
16 Ang mga Kristiyanong ito ay patuloy na nagbibigay kay Cesar ng mga bagay na kay Cesar. Kanilang sinusunod ang mga batas ng lupain bilang matuwid na mga mamamayan. (Mateo 22:17-21; Roma 13:1-7) Subalit lalong mahalaga, kanilang ibinibigay sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos, kasali na ang kanilang inialay na mga buhay at pagsamba bilang mga Kristiyano. Kaya, nang hingin ni Cesar ang mga bagay na sa Diyos, sila’y kumilos na kasuwato ng mga simulain na nasa Gawa 4:19 at 5:29. Ang isyu man ay ang pagbububo ng dugo, ang trabahong sibilyan sa hukbo, ang alternatibong serbisyo, o ang pagsaludo sa isang larawan na tulad baga ng pambansang bandila, ang paninindigan ng mga tapat na Kristiyano ay na hindi sila maaaring kumompromiso. May mga ilan na pinatay dahilan sa ganitong paninindigan.—Mateo 24:9; Apocalipsis 2:10.
Sila’y Hindi Nakipagkompromiso
17. (a) Sang-ayon sa isang aklat, paano tinrato ng mga Nazi ang mga Saksi ni Jehova? (b) Sa pagharap sa hamon, paanong ang mga Saksi ni Jehova ay naiiba?
17 Isang kamakailang aklat na pinamagatang Of Gods and Men ang nagsabi na noong Ikatlong Reich ni Hitler, ang mga Saksi ni Jehova ang relihiyosong grupo na dumanas ng “pinakasukdulang pananalansang.” Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakipagkompromiso. Yaong mga ibang relihiyon sa Alemanya ay sumunod sa utos ng kanilang mga military chaplain, at sa ganoo’y gumawa ng relihiyosong pagsiserbisyo sa estadong Aleman at sila’y tumanggap ng “tatak” ng pulitikal na mabangis na hayop “sa kanilang kanang kamay o sa kanilang noo.” (Apocalipsis 13:16) Ang mga ito ay nagbigay ng aktibong kanang kamay ng pagsuporta sa pulitikal na sistemang Aleman at ang kanilang paninindigan ay malinaw na ipinakita nila sa pamamagitan ng pagbubunyi kay Hitler at pagsaludo sa bandilang swastika.
18. (a) Anong rekord ang nagpapakita kung baga ang mga Saksi ni Jehova ay mga ‘neutral’ sa pulitika? (b) Paano tayo dapat maapektuhan bilang mga indibiduwal ngayon ng ulat na ito ng kasaysayan?
18 Ano ang naging paninindigan ng mga tunay na Kristiyano sa bansang iyan? Ang binanggit na pag-aaral ay nagsasabi: “Tanging ang mga Saksi ni Jehova ang sumalungat sa pamahalaang ito. Sila’y puspusang nakipagbaka at ang resulta’y kalahati sa kanila ang ibinilanggo at isang-kaapat na bahagi ang pinatay. . . . Sila, na kabaligtaran ng [mga ibang relihiyon], ay hindi makasanlibutan sa diwa na sila’y hindi naghahangad ng pagsang-ayon o ng mga kagantihan ng materyal na daigdig at hindi nila itinuturing na sila’y bahagi nito. Sila’y mga ‘neutral’ sa pulitika yamang sila’y kabilang na sa ibang daigdig—ang sa Diyos. . . . Sila’y hindi naghahangad o nag-aalok ng mga kompromiso. . . . Ang pagsisilbi sa hukbo, ang pagboto, o ang pagsaludo ng gaya ng saludo kay Hitler ay pagkilala na ang pag-aangkin ng sanlibutang ito ay nakahihigit sa mga pag-aangkin ng Diyos.” Ang pagtataguyod ng kapayapaan at ang di-paggamit ng karahasan ng mga Saksi ni Jehova ay kinilala pa man din sa mga concentration camp. Paano ngang nagkagayon? Sa bagay na “tanging mga Saksi lamang ang pinayagan na mag-ahit sa mga guwardiyang SS na doo’y ginagamit ang mga labahang maaaring gumilit ng lalamunan, yamang sila lamang ang mapagtitiwalaan na hindi pumapatay.”
19. Paanong ang mga Saksi ni Jehova ay tumulad sa magiting na halimbawa ni Jesus, at ano ang resulta?
19 Noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang mga Saksi ni Jehova ay naging litaw na halimbawa ng pagkaneutral ng Kristiyano. Pare-pareho, sa buong lupa kanilang lakas-loob na tinularan ang halimbawa ni Jesus sa pagiging “hindi bahagi ng sanlibutan”; kanilang dinaig ang sanlibutang itong nagkakasala sa dugo gaya rin ng pagdaig dito ni Jesus.—Juan 17:16; 16:33; 1 Juan 5:4.
Pagkasumpong ng Kanlungan Para sa mga Nagkasala sa Dugo
20. (a) Bakit kailangang apurahang lumabas sa huwad na relihiyon? (b) Saan lamang matatagpuan ang tunay na kanlungan sa ngayon?
20 Sa lumipas na mga siglo, ang mga organisasyong relihiyoso ay nakibahagi sa pagbububo ng walang salang dugo sa pamamagitan ng mga krusada, mga “banal” na digmaan, at mga inkisisyon. Sila’y nakipagkasunduan sa uhaw-sa-dugong mga diktador. Sila’y sumang-ayon nang ang mga diktador na iyon ay kumilos upang ang mga Saksi ni Jehova ay ipakulong sa mga bilangguan at mga concentration camp, kung saan marami sa kanila ang nangamatay. Sila’y kusang sumuporta sa mga führer (mga lider) na ang mga ito ang bumaril at pumugot ng ulo ng mga Saksi. Ang mga pamamalakad na ito ng relihiyon ay hindi makaliligtas sa matuwid na hatol ni Jehova. Ito’y hindi maaantala. Ang sinumang umiibig sa katuwiran ay di-dapat magpaliban ng paglabas sa huwad na relihiyon—ang tigmak-dugong “Babilonyang Dakila”—at pagkatapos ay humanap ng kanlungan sa organisasyon ng Diyos.—Apocalipsis 18:2, 4, 21, 24.
21. Ano ang inilarawan ng kaayusan ng Diyos ng mga kanlungang lunsod?
21 Marami sa atin, bago tayo nag-aral ng Salita ng Diyos, ang baka nagbubo ng dugo ng tao o naging mga miyembro ng relihiyoso o pulitikal na mga organisasyong nagkakasala sa dugo. Dito ay maihahalintulad tayo sa taong di-sinasadyang nakamatay sa Israel. Maaari siyang tumakas tungo sa isa sa anim na binanggit na mga lunsod na doo’y makakasumpong siya ng kanlungan, at, sa wakas, ng kalayaan pagkamatay ng mataas na saserdote ng Israel. Sa ngayon, iyan ay nangangahulugan ng pagtanggap at pananatiling nasa ilalim ng mga pakinabang dahil sa aktibong paglilingkod sa kaniyang Mataas na Saserdote ng Diyos, si Jesu-Kristo. Sa pamamagitan ng pananatili roon kasama ng pinahirang bayan ng Diyos, tayo ay maaaring makaligtas pagka ang “tagapaghiganti ng dugo” sa modernong panahon, si Kristo Jesus, ay kumilos na upang isakatuparan ang hatol ng Diyos sa mga nagbububo ng dugo. Ang “malaking pulutong” na tumakas ngayon tungo sa organisasyon ng Diyos ay kailangang manatili sa kanlungang iyan hanggang sa si Kristo, bilang Mataas na Saserdote, ay ‘mamatay’ kaugnay ng pagkatapos ng kaniyang gawaing pagtubos.—Bilang 35:6-8, 15, 22-25; 1 Corinto 15:22-26; Apocalipsis 7:9, 14.
22. Kung tungkol sa Isaias 2:4, paanong ang mga bansa ng UN ay naiiba sa banal na bansa ng Diyos?
22 Sa pader ng UN plasa sa New York, E.U.A., mababasa mo ang ganitong mga salitang salig sa Isaias 2:4 (King James Version): “They shall beat their swords into plowshares. And their spears into pruning hooks: Nation shall not lift up sword against nation. Neither shall they learn war any more.” Subalit sino ang kumikilos na kasuwato ng mga salitang iyan sa ngayon? Walang isa man sa mga miyembro ng umano’y Nagkakaisang mga Bansa. Tanging ang nagtataguyod-kapayapaang pangglobong “bansa” ng tatlong milyon at higit pang mga Saksi ni Jehova ang malinaw na nagpapakita kung paanong ang mga Kristiyano ay makapananatiling neutral sa isang tigmak-dugong sanlibutan.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Paano tayo makapagtataguyod ng pakikipagpayapaan sa Diyos?
◻ Ano ba ang pangmalas ni Jehova sa walang pakundangang pagbububo ng dugo?
◻ Ano ang ibig sabihin ng neutralidad Kristiyano?
◻ Anong maiinam na halimbawa ng katapatan mayroon tayo?
◻ Paano tayo makakasumpong ng kanlungan ukol sa kaligtasan?
[Kahon sa pahina 21]
Isang Rekord ng Pananampalataya, Lakas ng Loob, at Katapatan
Ang aklat na New Religious Movements: A Perspective for Understanding Society ay nagkukomento pa tungkol sa katapatan ng mga Saksi ni Jehova sa pagharap sa mga mang-uusig na Nazi:
“Sa kanilang pagtangging sumunod, ang mga Saksi ni Jehova ay nagharap ng hamon sa kaisipang totalitaryo ng bagong lipunan, at ang hamon na ito, pati na rin ang patuloy na pag-iral nito, ay nakabahala sa mga arkitekto ng bagong kalakaran. Mentras pinag-uusig ang mga Saksi, lalo namang sila’y nagiging isang tunay na hamon. Ang antigong paraan ng pag-uusig, pagpaparusa, pagbibilanggo at paglibak ay hindi nagbunga ng pagbabago sa kaninumang Saksi para kumampi sa mga Nazi at ang totoo’y tumatalbog pa nga sa kanilang mga mang-uusig. Ang mga Nazi ay nagpanik sa ganitong di-mawaring pagtugon.”
“Sa pagitan ng dalawang magkaribal na pag-aangking ito tungkol sa kung kanino papanig, ang pagbabaka ay mahigpit, lalo na, yamang ang lalong malalakas ang katawang mga Nazi ay kadalasan di-gaanong sigurado, di-gaanong matatag sa katiyakan ng kanilang sariling paniniwala, hindi nila gaanong natitiyak na makapananatili ang kanilang 1,000 taóng Reich. Ang mga Saksi ay walang alinlangan tungkol sa kanilang sariling mga pinagmulan, sapagkat ang kanilang pananampalataya ay hayag na sapol noong panahon ni Abel. Samantalang ang mga Nazi ay kailangang sumupil sa pananalansang at mapapaniwala nila ang kanilang mga tagatangkilik, kadalasa’y humihiram ng pananalita at paglalarawan sa mga sektang Kristiyano, ang mga Saksi ay nakasisiguro sa lubusan, walang pagbabagong katapatan ng kanilang mga miyembro, hanggang sa kamatayan.”
Magiging isang maligayang araw nga pagka natamo na ang tagumpay na ito sa pamamagitan ng katapatang Kristiyano. (Roma 8:35-39) Pagkatapos, sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng “Prinsipe ng Kapayapaan,” ang niluwalhating si Jesu-Kristo, “ang kasaganaan ng maharlikang pamamahala at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.”—Isaias 9:6, 7.
[Kahon sa pahina 22]
Mga Kabataang Nag-ingat ng Katapatan
Ang sumusunod ay sinipi sa isang talaarawan na inilathala kamakailan ng isang tagapagmasid sa isang bansa sa Europa. Ipinakikita nito kung paanong ang mga kabataang Saksi ay nagtagumpay nang pagharap sa usapin ng pagiging “hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 17:14.
‘1945, Marso 12: May ginawang paglilitis sa ilalim ng batas militar. Ang akusado ay dalawang kabataang Jehovist. Ang paratang: pagtangging magserbisyo sa hukbo (ayon sa turo ng kanilang relihiyon). Ang nakababata, na wala pang 20 taóng gulang, ay hinatulan ng 15 taon na pagkabilanggo. Subalit, ang nakatatanda ay hinatulan ng kamatayan, at agad dinala siya sa kaniyang sariling bayan upang doon bitayin sa publiko para magsilbing halimbawa sa ganoon ding mga kaso. Siya ang ika-14 na biktima dito. Harinawang mamahinga na siya sa kapayapaan. Ang kasong ito ay totoong nakaapekto sa akin. Laban sa mga Jehovist ay hindi kayo makakakilos ng ganiyan. Ang kabataang ito ay hindi nagsilbing isang babalang halimbawa kundi isang martir. Siya’y isang malusog na bata. Ikinalulungkot ko ang nangyari sa kaniya.
‘Sa hapon, nabalitaan namin ang mga bagay-bagay ng pagkamatay ng binatang ito, na naganap sa harap ng marami-rami ring mga tao sa lugar ng pamilihan. Isa sa mga sundalo na naroroon ay nagbaril sa sarili nang dahil sa kahihiyan bago naganap ang pagpatay. Ito’y dahilan sa ibig ng isang koronel na siya’y tumulong sa berdugo. Subalit hindi niya nais na gawin iyon. Kaya kaniyang kinitil ang kaniyang sariling buhay. Ang binata mismo ay namatay nang buong katapangan. Hindi siya bumigkas ng kahit isang salita.’
Sa pagkabuhay-muli, anong laki ng kaligayahan ng ganiyang mga kabataan sapagkat ang pinili nila’y ang maranasan ang tibo ng kamatayan imbis na iwala ang kanilang dako sa bagong sistema ng mga bagay ni Jehova!—Ihambing ang Oseas 13:14.