Mga Hula Tungkol sa Mesiyas
MATAGAL nang pinananabikan ng mga Judio ang pagdating ng Mesiyas dahil alam nila kung ano ang isinulat ni Isaias at ng iba pang mga propeta hinggil sa kaniya. Sa katunayan, noong panahon ni Jesus, maraming Judio ang “naghihintay” sa nalalapit na pagdating ng Mesiyas. (Lucas 3:15) Kapansin-pansin, kahanga-hanga ang mga detalye ng mga hula ng Bibliya hinggil sa buhay ng Mesiyas. Walang sinumang tao, sa kaniyang ganang sarili, ang makapanghuhula ng mga pangyayaring iyon ni makapagmamaniobra man ng mga bagay-bagay para maranasan iyon ni Jesus.
Mga Detalye May Kinalaman sa Pagsilang ng Mesiyas. Inihula ni Isaias na ang Mesiyas, o Kristo, ay ipanganganak ng isang birhen. Pagkatapos ilarawan ang makahimalang pagbubuntis kay Jesus, ganito ang isinulat ng apostol na si Mateo: “Ang lahat ng ito ay talagang nangyari upang matupad yaong sinalita ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propeta, na nagsasabi: ‘Narito! Ang dalaga ay magdadalang-tao at magsisilang ng isang anak na lalaki.’” (Mateo 1:22, 23; Isaias 7:14) Inihula rin ni Isaias na ang Kristo ay magiging inapo ni David, anupat espesipikong binanggit si Jesse, ang ama ni David. Totoo ngang nagmula si Jesus sa angkan ni David. (Mateo 1:6, 16; Lucas 3:23, 31, 32) Kaya bago ipanganak si Jesus, sinabi ng anghel na si Gabriel sa ina ni Jesus na si Maria: “Ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama.”—Lucas 1:32, 33; Isaias 11:1-5, 10; Roma 15:12.
Mga Detalye Hinggil sa Buhay ng Mesiyas. Sa sinagoga sa Nazaret, binasa nang malakas ni Jesus, na noo’y adulto na, ang hula ni Isaias: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin, sapagkat pinahiran niya ako upang magpahayag ng mabuting balita sa mga dukha.” Ikinapit ni Jesus sa kaniyang sarili ang hulang ito nang sabihin niya: “Ngayon ay natutupad ang kasulatang ito na karirinig lamang ninyo.” (Lucas 4:17-21; Isaias 61:1, 2) Inihula rin ni Isaias ang pagiging mabait, mahinahon, at mababang-loob ni Jesus sa pakikitungo sa mga taong lalapit sa kaniya upang mapagaling. Ganito ang isinulat ni Mateo: “Marami rin ang sumunod sa kaniya, at pinagaling niya silang lahat, ngunit mahigpit niya silang inutusan na huwag siyang gawing hayag; upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ni Isaias na propeta . . . ‘Hindi siya makikipagtalo, ni sisigaw nang malakas . . . Ang bugbog na tambo ay hindi niya dudurugin.’”—Mateo 8:16, 17; 12:10-21; Isaias 42:1-4; 53:4, 5.
Mga Detalye Hinggil sa Pagdurusa ng Mesiyas. Inihula ni Isaias na ang Mesiyas ay hindi tatanggapin ng karamihan ng mga Israelita, kundi sa halip, magiging “isang batong katitisuran” siya para sa kanila. (1 Pedro 2: 6-8; Isaias 8:14, 15) Sa katunayan, sa kabila ng maraming himala na ginawa ni Jesus, ‘hindi nanampalataya ang mga tao sa kaniya, anupat natupad ang salita ni Isaias na propeta na sinabi niya: “Jehova, sino ang nanampalataya sa bagay na narinig namin?”’ (Juan 12:37, 38; Isaias 53:1) Nakaragdag pa sa kawalan ng pananampalataya ng mga Judio ang laganap ngunit maling paniniwala na kaagad na palalayain ng Mesiyas ang bansa mula sa pamamahala ng mga Romano at muling ibabalik sa lupa ang kaharian ni David. Dahil nagdusa at namatay si Jesus, hindi matanggap ng mga Judio na siya ang Mesiyas. Pero ang totoo, inihula ni Isaias na magdurusa muna ang Mesiyas bago maging Hari.
Sa aklat ng Isaias, ganito ang makahulang sinabi ng Mesiyas: “Ang aking likod ay iniharap ko sa mga nananakit . . . Ang aking mukha ay hindi ko ikinubli sa kahiya-hiyang mga bagay at sa dura.” Ganito ang iniulat ni Mateo hinggil sa nangyari nang litisin si Jesus: “Dinuraan nila siya sa mukha at sinuntok siya. Sinampal siya ng iba sa mukha.” (Isaias 50:6; Mateo 26:67) “Hinayaan niyang pighatiin siya; gayunma’y hindi niya ibinubuka ang kaniyang bibig,” ang isinulat ni Isaias. Kaya nang tanungin ni Pilato si Jesus tungkol sa mga akusasyon ng mga Judio ‘hindi sumagot si Jesus sa kaniya, hindi, ni isa mang salita, kung kaya labis na namangha ang gobernador.’—Isaias 53:7; Mateo 27:12-14; Gawa 8:28, 32-35.
Mga Detalye Hinggil sa Kamatayan ng Mesiyas. Patuloy na natupad ang mga hula ni Isaias nang mamatay si Jesus at maging pagkatapos nito. Inihula ni Isaias: “Ang kaniyang dakong libingan ay gagawin niyang kasama nga ng mga balakyot, at kasama ng mga uring mayaman sa kaniyang kamatayan.” (Isaias 53:9) Paano natupad ang waring magkasalungat na hulang ito? Nang mamatay si Jesus, ibinayubay siya kasama ng dalawang magnanakaw. (Mateo 27:38) Pero nang maglaon, inilibing ng mayamang si Jose na taga-Arimatea ang bangkay ni Jesus sa kaniyang bagong libingan na inuka sa bato. (Mateo 27:57-60) Panghuli, nang mamatay si Jesus, natupad ang isa sa pinakamahalagang detalye ng hula ni Isaias. Hinggil sa Mesiyas, ganito ang sinabi ni Isaias: “Ang matuwid, ang aking lingkod, ay magdadala ng matuwid na katayuan sa maraming tao; at ang kanilang mga kamalian ay kaniyang papasanin.” Oo, ang kamatayan ni Jesus ay naglaan ng pantubos kaya ang pasan na dulot ng kasalanan ay maaari nang alisin sa lahat ng matapat.—Isaias 53:8, 11; Roma 4:25.
Mga Hulang May Tiyak na Katuparan
Para patunayan mula sa Kasulatan kung sino talaga ang Mesiyas, maraming ulit na sumipi ang mga apostol at si Jesus mismo sa mga hula ni Isaias kaysa sa ibang aklat ng Bibliya. Gayunman, hindi lamang ang aklat ng Isaias ang humuhula ng mangyayari sa hinaharap. Marami pang hula sa Hebreong Kasulatan ang natupad o matutupad pa kay Jesus, sa kaniyang Kaharian, at sa mabubuting bagay na gagawin ng Kahariang iyon sa hinaharap.a (Gawa 28:23; Apocalipsis 19:10) Talaga bang matutupad ang mga hulang ito? Ganito ang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga Judiong tagapakinig: “Huwag ninyong isipin na ako ay pumarito upang sirain ang Kautusan o ang mga Propeta [samakatuwid, ang Hebreong Kasulatan]. Ako ay pumarito, hindi upang sumira, kundi upang tumupad; sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo na mauuna pang lumipas ang langit at lupa kaysa lumipas sa anumang paraan ang isang pinakamaliit na titik o ang isang katiting na bahagi ng isang titik mula sa Kautusan at hindi maganap ang lahat ng mga bagay.”—Mateo 5:17, 18.
Tinukoy rin ni Jesus ang katuparan ng mga hula ng Bibliya sa mga pangyayaring naganap noong panahon niya at sa magaganap pa. (Daniel 9:27; Mateo 15:7-9; 24:15) Karagdagan pa, humula mismo si Jesus at ang kaniyang mga alagad ng mga pangyayaring magaganap pagkamatay nila, pati na yaong nagaganap sa ngayon. Tatalakayin sa susunod na artikulo ang katuparan ng mga hulang ito ng Bibliya, pati na yaong magaganap pa sa hinaharap.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon hinggil sa mga hulang natupad kay Jesus, tingnan ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? pahina 200, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 4]
“Ang dalaga ay . . . magsisilang ng isang anak na lalaki”
[Larawan sa pahina 5]
“Ang aking mukha ay hindi ko ikinubli sa kahiya-hiyang mga bagay”