Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Mula kay Pilato Hanggang kay Herodes at Balik Muli
NANG bintangan ng mga Judio si Jesus ng pagsasabi na siya’y isang hari, si Pilato ay muling pumasok sa palasyo ng gobernador upang tanungin siya. Bagaman si Jesus ay hindi nagtangkang ikubli na siya’y isang hari, kaniyang ipinaliwanag na ang kaniyang Kaharian ay hindi isang banta sa Roma.
“Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito,” ang sabi ni Jesus kay Pilato. “Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, ang aking mga alipin nga ay nakipagbaka sana upang huwag akong maibigay sa mga Judio. Ngunit, ngayon, ang kaharian ko ay hindi rito.” Sa gayo’y kinilala ni Jesus nang tatlong ulit na siya’y may isang Kaharian, bagaman iyon ay hindi rito sa lupa.
Gayunman, siya’y patuloy na ginipit ni Pilato: “Bueno, kung gayon, ikaw ba ay isang hari?” Na ang ibig sabihin, ikaw ba’y isang hari bagaman ang kaharian mo ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.
Ipinaalam ni Jesus kay Pilato na tama ang kaniyang panghihinuha, na ang sagot: “Ikaw na rin ang nagsasabi na ako’y isang hari. Dahil dito kaya ako inianak, at dahil dito kung kaya ako naparito sa sanlibutan, upang ako’y magpatotoo sa katotohanan. Ang bawat isang nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.”
Oo, ang mismong pagparito ni Jesus sa lupa ay upang magpatotoo sa “katotohanan,” lalo ang katotohanan tungkol sa kaniyang Kaharian. Si Jesus ay handang maging tapat sa katotohanang iyan kahit na iyon ay bayaran niya ng kaniyang buhay. Bagaman nagtanong si Pilato: “Ano ba ang katotohanan?” siya’y hindi naghintay ng higit pang paliwanag. Sapat na ang kaniyang narinig upang magbaba ng hatol.
Si Pilato ay nagbalik sa karamihan na naghihintay sa labas ng palasyo. Maliwanag na yamang naroroon sa kaniyang tabi si Jesus, kaniyang sinabihan ang mga punong saserdote at yaong mga kasama nila: “Wala akong masumpungang kasalanan sa taong ito.”
Palibhasa’y nagalit dahilan sa iginawad na hatol, iginiit ng karamihan: “Kaniyang ginugulo ang bayan sa pamamagitan ng pagtuturo sa buong Judea, nagsimula pa nga siya sa Galilea at umabot hanggang dito.”
Kaipala’y nanggilalas si Pilato sa walang katuwirang pagkapanatiko ng mga Judio. Kaya, samantalang ang mga punong saserdote at nakatatandang mga lalaki ay patuloy na nagsisigawan, si Pilato ay bumaling kay Jesus at nagtanong: “Hindi mo ba naririnig kung ilang mga bagay ang kanilang pinatototohanan laban sa iyo?” Kahit gayon, si Jesus ay hindi nagtangkang sumagot. Nanggilalas si Pilato sa kahinahunan na nababakas sa kaniyang mukha sa kabila ng mga matitinding bintang laban sa kaniya.
Nang mapag-alaman na si Jesus ay isang Galileo, natalos ni Pilato ang isang paraan upang siya’y makalibre sa pananagutan. Ang pangulo ng Galilea, si Herodes Antipas (anak ni Herodes na Dakila), ay nasa Jerusalem para sa Paskuwa, kaya’t si Jesus ay sa kaniya ipinadala ni Pilato. Una pa rito, si Juan Bautista ay pinapugutan ng ulo ni Herodes Antipas, at pagkatapos si Herodes ay natakot nang kaniyang mabalitaan ang tungkol sa mga himalang ginagawa ni Jesus, palibhasa’y nangangamba siyang si Jesus ay sa totoo si Juan na binuhay muli sa mga patay.
Ngayon, si Herodes ay labis na nagalak sa pag-asang makikita si Jesus. Ito’y hindi dahil sa ipinagmamalasakit niya si Jesus o na ibig niyang gumawa ng tunay na pagtatangkang alamin kung ang mga bintang laban sa kaniya ay totoo o hindi. Bagkus, siya’y nasasabik lamang at umaasa na makitang naghihimala si Jesus.
Gayunman, tumanggi si Jesus na paunlakan si Herodes sa kaniyang pananabik. Sa katunayan, samantalang tinatanong siya ni Herodes, siya’y hindi nagsalita gaputok man. Palibhasa’y napahiya, si Jesus ay ginawang katatawanan ni Herodes at ng kaniyang kasamang mga bantay na kawal. Kanilang sinuotan siya ng isang matingkad na kasuotan at nilibak siya. Pagkatapos ay kanilang pinabalik siya kay Pilato. Kaya naman, si Herodes at si Pilato, na dati’y magkaaway ay naging matalik na magkaibigan.
Nang bumalik si Jesus, tinawag ni Pilato ang mga punong saserdote, ang mga pinunong Judio, at ang mga mamamayan upang magkatipon at ang sabi: “Ang taong ito’y dinala ninyo sa akin bilang isang nanghihikayat sa mga tao upang maghimagsik, at, narito! aking sinuri siya sa harapan ninyo ngunit wala akong nasumpungan sa taong ito ng pagkakasalang inyong ibinibintang sa kaniya. Sa katunayan, wala ring nasumpungan si Herodes, sapagkat kaniyang pinabalik siya sa atin; at, narito! siya’y walang nagawang kasalanan na karapat-dapat sa kamatayan. Kaya aking siyang parurusahan at siya’y pawawalan.”
Sa gayo’y, makalawang ulit na ipinahayag ni Pilato na si Jesus ay walang kasalanan. Siya ay nasasabik na palayain siya, sapagkat kaniyang natatalos na dahilan lamang sa inggit kung kaya dinala siya roon ng mga saserdote. Ngunit samantalang patuloy na nagsisikap si Pilato na palayain si Jesus, siya’y tumanggap ng isa pang matinding pag-uudyok sa kaniya na gawin iyon. Samantalang siya’y nakaluklok sa kaniyang luklukan ng paghatol, ang kaniyang asawang babae ay nagpadala ng mensahe, na nanghihimok sa kaniya: “Pawalan mo na ang matuwid na taong iyan, sapagkat ako’y nagdurusang mabuti sa araw na ito sa isang panaginip [maliwanag na sa Diyos nagmula] dahilan sa kaniya.”
Gayunman, papaano mapawawalan ni Pilato ang walang-kasalanang taong ito, gaya ng batid niya na dapat niyang gawin? Juan 18:36-38; Lucas 23:4-16; Mateo 27:12-14, 18, 19; 14:1, 2; Marcos 15:2-5.
◆ Papaano sinasagot ni Jesus ang tanong tungkol sa kaniyang pagkahari?
◆ Ano ba “ang katotohanan” na may kinalaman sa pamumuhay ni Jesus sa lupa upang magpatotoo?
◆ Ano ang hatol ni Pilato, papaano tumutugon ang mga tao, at ano ang ginawa ni Pilato kay Jesus?
◆ Sino si Herodes Antipas, bakit labis ang kaniyang kagalakan na makita si Jesus, at ano ang kaniyang ginawa sa kaniya (kay Jesus)?
◆ Bakit si Pilato’y sabik na mapalaya si Jesus?