Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Sino ang Talagang Maligaya?
IBIG ng bawat isa na maging maligaya. Sa pagkatalos nito, sinimulan ni Jesus ang kaniyang Sermon sa Bundok sa paglalarawan sa mga talagang maliligaya. Gaya ng maguguniguni natin, agad namang nabighani sa kaniyang sinabi ang malaking pulutong ng mga tagapakinig. Gayunman sa kaniyang pambungad na mga salita ay waring hindi sang-ayon ang marami.
Si Jesus ay nagsimula, na kausap ang kaniyang mga alagad: “Maligaya kayong mga dukha, sapagkat inyo ang kaharian ng Diyos. Maligaya kayo na nagugutom ngayon, sapagkat kayo ay bubusugin. Maligaya kayo na nagsisitangis ngayon, sapagkat kayo ay magsisitawa, maligaya kayo kung kayo’y kinapopootan ng mga tao . . . Mangagalak kayo sa araw na iyon at magsilukso kayo, sapagkat, narito! malaki ang ganti sa inyo sa langit.”
Ito ang paglalahad ni Lucas ng pambungad ng sermon ni Jesus. Subalit ayon sa ulat ni Mateo, sinabi rin ni Jesus na ang mga maaamo, mahabagin, malinis ang puso, at mapagpayapa ay maligaya. Ang mga ito ay maligaya, sabi ni Jesus, sapagkat sila’y magmamana ng lupa, sila’y kahahabagan, kanilang makikita ang Diyos, at sila’y tatawaging mga anak ng Diyos.
Ang ibig sabihin ni Jesus na pagiging maligaya ay hindi lamang pagiging masaya o masayahin, pagka ang isa’y natutuwa. Ang tunay na kaligayahan ay mas malalim, may taglay na pagkakontento, kasiyahan at katuparan ng mithiin sa buhay.
Yaong mga talagang maliligaya, ayon sa ipinakita ni Jesus, ay mga taong palaisip sa kanilang espirituwalidad, mga taong nalulungkot dahil sa kanilang makasalanang kalagayan, at nakakakilala at naglilingkod sa Diyos. At, kahit na sila’y kinapopootan o pinag-uusig dahil sa paggawa sa kalooban ng Diyos, sila’y maligaya sapagkat batid nila na sila’y nakalulugod sa Diyos at tatanggap ng gantimpalang buhay na walang hanggan.
Datapuwat, marami sa mga tagapakinig ni Jesus, katulad din ng mga iba sa ngayon, ay naniniwala na ang pagiging asensado sa buhay, at nagtatamasa ng kaluguran ang siyang nagpapaligaya sa isang tao. Hindi ganiyan ang alam ni Jesus. Kaniyang ipinakita ang pagkakaiba at tiyak na pinagtakhan ng marami sa kaniyang mga tagapakinig, nang kaniyang sabihin:
“Sa aba ninyong mayayaman, sapagkat tinanggap na ninyo nang lubusan ang inyong kaaliwan. Sa aba ninyong mga busog ngayon, sapagkat kayo’y magugutom. Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon, sapagkat kayo’y magsisitaghoy at magsisitangis. Sa aba ninyo, pagka ang lahat ng mga tao ay nagsasalita ng magaling tungkol sa inyo, sapagkat mga bagay na katulad nito ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga bulaang propeta.”
Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus? Bakit ang pagiging mayaman, ang pagtatawa at pagpapakalayaw, at pagtanggap ng mga papuri ng mga tao ay nagdadala ng kaabahan? Sapagkat pagka ang isang tao ay mayroon ng mga bagay na ito at pinakamamahal niya ito, ang paglilingkod sa Diyos, na tanging makapagdudulot ng tunay na kaligayahan, ay ipinupuwera niya sa kaniyang buhay. Ngunit, hindi ibig sabihin ni Jesus na ang basta pagiging dukha, nagugutom, at ang pagtangis ay nagpapaligaya sa isang tao. Kadalasan, ang gayong mga tao na nasa binanggit na mga kalagayan ay baka tumugon sa mga turo ni Jesus, at sa ganoo’y nagtatamo ng tunay na kaligayahan.
Pagkatapos, kausap ang kaniyang mga alagad, sinabi ni Jesus: “Kayo ang asin ng lupa.” Siempre, hindi ang ibig niyang sabihin ay sila’y literal na asin. Kundi, ang asin ay isang preserbatiba. Isang malaking bunton nito ang nakalagay malapit sa dambana sa templo ni Jehova, at ang naghahandog na mga saserdote ang gumagamit nito sa pag-aasin sa mga handog.
Ang mga alagad ni Jesus “ang asin ng lupa” sa bagay na sila’y parang preserbatiba na may impluwensiya sa mga tao. Oo, ang mensahe na taglay nila ay pinaka-preserbatiba na magliligtas sa buhay ng lahat ng tumutugon! Dudulutan nito ang buhay ng gayong mga tao ng mga katangian ng pagkanamamalagi, ng katapatan, at pananampalataya, upang sila’y huwag mahulog sa kabulukan sa espirituwal at moral.
“Kayo ang ilaw ng sanlibutan,” ang sabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad. Ang isang ilawan ay hindi inilalagay sa ilalim ng isang basket kundi inilalagay sa talagang lalagyan nito, kaya naman sinabi ni Jesus: “Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao.” Ito’y ginagawa ng mga alagad ni Jesus sa pamamagitan ng kanilang pangmadlang pagpapatotoo at pagsisilbing maningning na mga halimbawa ng pamumuhay na kasuwato ng mga simulain ng Bibliya. Lucas 6:20-26; Mateo 5:3-16.
◆ Sino ang talagang maligaya, at bakit?
◆ Sino ang nasa kaabahan, at bakit?
◆ Paanong ang mga alagad ni Jesus ay “asin ng lupa” at “ilaw ng sanlibutan”?