Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
“Tunay na Ito ay Anak ng Diyos”
HINDI pa gaanong nagtatagal na nakabayubay si Jesus sa tulos nang, sa katanghaliang tapat, isang mahiwagang kadiliman sa loob ng tatlong oras ang naganap. Hindi iyon dahil sa pag-eeklipse ng araw, yamang ang gayon ay nagaganap lamang sa panahon ng bagong buwan, at ang buwan ay nasa kabilugan sa panahon ng Paskuwa. Isa pa, ang mga eklipse ng araw ay tumatagal lamang ng mga ilang minuto. Kaya ang kadilimang iyon ay nagmula sa Diyos! Marahil sandaling napatahimik ang mga lumilibak kay Jesus, anupa’t pati kanilang panunuya ay napahinto.
Kung ang mahiwagang pangyayaring iyon ay naganap bago ang isang manlalabag-batas ay nagsalita sa kaniyang kasama bilang pagsaway at hiniling kay Jesus na alalahanin siya, baka iyon ay isang dahilan ng kaniyang pagsisisi. Marahil ay sa panahon na umiiral ang kadiliman na ang apat na babae, samakatuwid nga, ang ina ni Jesus at ang kaniyang kapatid na babaing si Salome, si Maria Magdalena, at si Maria na ina ng apostol Santiago na Bata, ay nagsikap na makalapit sa pahirapang tulos. Si Juan, na minamahal na apostol ni Jesus, ay kasama nila roon.
Ang puso ng ina ni Jesus ay ‘mistulang tinutusok’ habang kaniyang pinagmamasdan ang anak na kaniyang inaruga at pinalaki samantalang nakabayubay roon at naghihirap! Gayunman, ang inisip ni Jesus ay, hindi ang kaniyang sariling paghihirap kundi ang kapakanan ng kaniyang ina. Bagaman malaking pagsisikap ang kinailangan, siya’y tumangô sa dakong kinaroroonan ni Juan at sinabi sa kaniyang ina: “Babae, narito! Ang iyong anak!” Pagkatapos, tumangô siya sa dakong kinaroroonan ni Maria, at sinabi niya kay Juan: “Narito! Ang iyong ina!”
Sa ganitong paraan ang pag-aasikaso sa kaniyang ina, na marahil isang biyuda na ngayon, ay ipinagkatiwala ni Jesus sa kaniyang apostol na higit sa lahat kaniyang minahal. Kaniyang ginawa ito sapagkat ang mga ibang anak na lalaki ni Maria ay hindi pa nagpapakita ng pananampalataya sa kaniya. Sa gayo’y nagpakita siya ng mainam na halimbawa hindi lamang ukol sa pisikal na mga pangangailangan ng kaniyang ina kundi pati na rin sa kaniyang espirituwal na mga pangangailangan.
Mga ikatlo ng hapon, sinabi ni Jesus: “Ako’y nauuhaw.” Pagkatapos, nang mahalata na ang kaniyang Ama, wika nga, ay nag-urong ng proteksiyon sa kaniya upang masubok ang kaniyang katapatan hanggang sa sukdulan, siya’y humiyaw sa malakas na tinig: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Sa pagkarinig nito, ang ilan na nakatayo sa malapit ay bumulalas: “Narito! Kaniyang tinatawag si Elias.” Karakaraka isa sa kanila ang tumakbo at, pagkatapos na kumuha ng isang espongha na itinubog sa pinakasim na alak at inilagay sa dulo ng isang tangkay ng isopo, ito’y nagbigay sa kaniya ng maiinom. Subalit ang sabi naman ng iba: “Pabayaan ninyo siya! Tingnan natin kung paparito si Elias upang siya’y ibaba.”
Nang tanggapin na ni Jesus ang pinakasim na alak, siya’y humiyaw: “Naganap na!” Oo, kaniyang natapos dito sa lupa ang lahat na ipinagawa sa kaniya ng kaniyang Ama. Sa wakas, kaniyang sinabi: “Sa iyong mga kamay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu.” Sa ganoo’y ipinagkatiwala ni Jesus sa Diyos ang puwersa ng kaniyang buhay sa pagtitiwala na muling ibabalik iyon sa kaniya ng Diyos. Pagkatapos ay kaniyang iniyukayok ang kaniyang ulo at namatay.
Nang sandaling huminga si Jesus ng kaniyang huling paghinga, naganap ang isang malakas na lindol, anupa’t nabiyak pati ang mga batong-bundok. At pagkalakas-lakas ang lindol kung kaya’t ang mga alaalang libingan sa labas ng Jerusalem ay nangabiyak, at ang mga bangkay ay nangapahagis sa labas. Ang mga nagdaraan, na nakakita sa mga bangkay na napahantad, ay pumasok sa siyudad at ibinalita nila iyon.
Gayundin, nang sandaling mamatay si Jesus, ang pagkalaki-laking tabing na naghihiwalay sa Banal buhat sa Kabanal-banalan sa templo ng Diyos ay nahati sa dalawa, mula itaas hanggang ibaba. Marahil ang magandang panggayak na tabing na ito ay mga 18 metro ang taas at pagkabigat-bigat! Ang nakapagtatakang himala ay hindi lamang nagpakita ng galit ng Diyos sa mga pumatay sa Kaniyang Anak kundi nagpapakita na ang pagpasok sa Kabanal-banalan, ang mismong langit, ay maaari nang mangyari dahil sa kamatayan ni Jesus.
Bueno, nang ang lindol ay maramdaman ng mga tao at makita nila ang mga bagay na nangyayari, sila’y lubhang natakot. Ang opisyal ng hukbo na nangasiwa sa pagpatay ay nagbigay-papuri sa Diyos. “Tunay na ito ay Anak ng Diyos,” ang kaniyang bulalas. Malamang na siya’y naroroon nang mapag-usapan ang pag-aangkin na si Jesus ay Anak ng Diyos sa paglilitis sa kaniya sa harap ni Pilato. At ngayon siya’y kumbinsido na si Jesus ang Anak ng Diyos, oo, na siya nga ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman.
Ang iba ay nanggilalas din sa kahima-himalang pangyayaring ito, at sila’y nagsibalik sa tahanan na dinadagukan ang kanilang dibdib, bilang tanda ng kanilang matinding pagdadalamhati at kahihiyan. Nagmamasid sa himalang iyon sa malayo ang maraming babaing mga alagad ni Jesus na naantig nang ganiyan na lamang ang damdamin sa pambihirang mga pangyayaring ito. Naroon din si apsotol Juan. Mateo 27:45-56; Marcos 15:33-41; Lucas 23:44-49; 2:34, 35; Juan 19:25-30.
◆ Bakit ang isang eklipse ng araw ay hindi siyang sanhi ng tatlong oras na kadiliman?
◆ Mga ilang saglit bago siya mamatay, anong mainam na halimbawa ang ipinakita ni Jesus para sa mga taong may matatanda nang mga magulang?
◆ Ano ang huling apat na pangungusap ni Jesus bago siya namatay?
◆ Ano ang nagawa ng lindol, at ano ang kahulugan ng pagkahati ng tabing ng templo sa dalawang bahagi?
◆ Papaano naapektuhan ng mga himalang iyon ang opisyal ng hukbo?