‘Maraming Katawan ng mga Banal ang Nagbangon’
“NAYANIG ang lupa, at nabiyak ang mga bato. At ang mga alaalang libingan ay nabuksan at maraming katawan ng mga banal na natutulog na ang nagbangon, (at ang mga tao, na lumalabas sa mga alaalang libingan pagkatapos na siya’y buhayin, ay pumasok sa banal na lunsod,) at sila’y nakita ng maraming tao.” (Mateo 27:51-53) Ang pangyayaring ito na naganap sa pagkamatay ni Jesus ay tinatawag ng Katolikong iskolar na si Karl Staab na “pinakamahiwaga.” Ano ba ang nangyari?
Itinuro ni Epiphanius at ng iba pang sinaunang mga Ama ng Simbahan na ang mga banal ay literal na nabuhay at sumama sa binuhay-muling si Jesus sa langit. Sina Augustine, Theophylactus, at Zigabenus ay naniwala na ang mga namatay na ito’y tumanggap ng isang pansamantalang pagkabuhay-muli ngunit nang bandang huli ay nagbalik sa kanilang mga libingan. Gayunman, ang huling opinyon ay “hindi kinilala ng marami,” ang komento ng iskolar na si Erich Fascher. Sa pagsasalin sa Mateo 27:52, 53, maraming modernong mga tagapagsalin ng Bibliya ang nagbibigay ng impresyon na isang pagkabuhay-muli ang naganap. Hindi ganiyan ang New World Translation, na ang epekto ng isang lindol ang tinutukoy. Bakit?
Una, sino man ang “mga banal,” hindi sinabi ni Mateo na sila ay ibinangon. Sinabi niya na ang kanilang mga katawan, o mga bangkay, ang ibinangon. Ikalawa, hindi niya sinabi na ang mga katawang ito ay nabuhay. Kaniyang sinabi na sila’y ibinangon, at ang pandiwang Griego na e·geiʹro, ibig sabihin “ibangon,” ay hindi laging tumutukoy sa pagkabuhay-muli. Bukod sa iba pang mga bagay, ito’y maaari rin namang mangahulugang “hanguin” sa hukay o “bumangon” buhat sa lupa. (Mateo 12:11; 17:7; Lucas 1:69) Dahilan sa tindi ng mga pangyayari nang mamatay si Jesus nabuksan ang mga libingan, napahagis sa labas ang mga bangkay na nakalibing. Ang gayong mga pangyayari kung panahon ng lindol ay iniulat noong ikalawang siglo C. E. ng Griegong manunulat na si Aelius Aristides at hindi pa gaanong natatagalan, noong 1962, sa Colombia.
Ang ganitong pangmalas sa pangyayari ay kasuwato ng mga turo ng Bibliya. Sa 1 Corinto kabanata 15, si apostol Pablo ay nagbibigay ng kapani-paniwalang patotoo sa pagkabuhay-muli, ngunit hindi niya binanggit ang Mateo 27:52, 53. Ganiyan din ang lahat ng iba pang mga manunulat ng Bibliya. (Gawa 2:32, 34) Ang mga bangkay na ibinangon nang mamatay si Jesus ay hindi maaaring binuhay-muli ayon sa pag-aakala ni Epiphanius, sapagkat noong ikatlong araw pagkatapos, si Jesus ang naging “panganay sa mga patay.” (Colosas 1:18) Ang pinahirang mga Kristiyano, na tinatawag din na “mga banal,” ay pinangakuan na may bahagi sa unang pagkabuhay-muli sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo, hindi noong unang siglo.—1 Tesalonica 3:13; 4:14-17.
Karamihan ng mga komentarista sa Bibliya ay mahihirapan sa pagpapaliwanag ng Mat 27 talatang 53, bagaman ang iba sa kanila’y nagmumungkahi na ang Mat 27 talatang 52 ay naglalahad ng pagbubukas ng mga libingan nang lumindol at ng pagkalantad ng mga bangkay na bago lamang kalilibing. Halimbawa, ang Alemang iskolar na si Theobald Daechsel ay nagbibigay ng sumusunod na pagkasalin: “At ang mga libingan ay nangabuksan, at maraming bangkay ng mga santo na namamahinga ang nangapahagis sa itaas.”
Sino ba yaong mga “nagsipasok sa banal na lunsod” makalipas ang ilang panahon pagkatapos, samakatuwid nga pagkatapos na si Jesus ay buhaying-muli? Gaya ng nakita sa itaas, ang napalantad na mga bangkay ay nanatiling walang-buhay, kaya tiyak na ang tinutukoy ni Mateo ay ang mga taong dumalaw sa libingan at siyang nagdala sa Jerusalem ng balita ng pangyayaring iyon. Sa gayon, ang pagkasalin ng New World Translation ay nagpapalawak ng kaunawaan sa Bibliya at hindi nililito ang mga mambabasa tungkol sa pagkabuhay-muli.