Mga Sinag ng Liwanag Noong Panahon ng mga Apostol
“Ang mismong liwanag ay suminag para sa isa na matuwid, at ang kasayahan ay para sa may matuwid na puso.”—AWIT 97:11.
1. Papaano nakakatulad ng mga Saksi ni Jehova ngayon ang sinaunang mga Kristiyano?
ANONG laki nga ng pagpapahalaga natin, bilang tunay na mga Kristiyano, sa mga salita ng Awit 97:11! ‘Ang liwanag ay paulit-ulit na suminag’ para sa atin. Sa katunayan, nakita ng ilan sa atin ang sumisinag na kaliwanagan ni Jehova sa loob ng mga dekada. Lahat ng ito ay nagpapaalaala sa atin ng Kawikaan 4:18, na kababasahan: “Ang landas ng matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat nang paliwanág nang paliwanág hanggang sa malubos ang araw.” Yamang pinahahalagahan natin ang Kasulatan sa halip na ang tradisyon, tayong mga Saksi ni Jehova ay nakakatulad ng sinaunang mga Kristiyano. Maliwanag na makikita ang kanilang saloobin mula sa makasaysayang mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan at mula sa mga liham nito, na isinulat sa ilalim ng pagkasi ng Diyos.
2. Ano ang kabilang sa mga unang sinag ng liwanag na natamo ng mga tagasunod ni Jesus?
2 Kabilang sa mga unang sinag ng liwanag na natamo ng sinaunang mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay yaong may kinalaman sa Mesiyas. Sinabi ni Andres sa kaniyang kapatid na si Simon Pedro: “Nasumpungan na namin ang Mesiyas.” (Juan 1:41) Pagkaraan, pinapangyari ng Ama sa langit na patotohanan ni apostol Pedro ang bagay na ito nang sabihin niya kay Jesu-Kristo: “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”—Mateo 16:16, 17; Juan 6:68, 69.
Liwanag Hinggil sa Kanilang Atas na Mangaral
3, 4. Matapos siyang buhaying-muli, anong kaliwanagan ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod hinggil sa kanilang gawain sa hinaharap?
3 Matapos na siya’y buhaying-muli, nagbigay si Jesu-Kristo ng mga sinag ng liwanag hinggil sa pananagutang nakaatang sa lahat ng kaniyang mga tagasunod. Malamang na iyon ay sa 500 alagad na nagkakatipon sa Galilea nang sabihin niya: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:19, 20; 1 Corinto 15:6) Mula noon, lahat ng tagasunod ni Kristo ay kailangang maging mga mángangarál, at ang kanilang atas na mangaral ay hindi lamang sa “nawawalang mga tupa ng bahay ng Israel.” (Mateo 10:6) Ni sila man ay gaganap ng bautismo ni Juan bilang sagisag ng pagsisisi ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan. Sa halip, babautismuhan nila ang mga tao “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.”
4 Mga ilang sandali bago umakyat sa langit si Jesus, nagtanong ang kaniyang 11 tapat na mga apostol: “Panginoon, isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?” Sa halip na sagutin ang tanong na iyan, nagbigay si Jesus ng karagdagan pang tagubilin tungkol sa kanilang atas na mangaral, na sinasabi: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag ang banal na espiritu ay dumating sa inyo, at magiging mga saksi ko kayo kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” Hanggang noon, sila ay naging mga saksi tangi lamang ni Jehova, ngunit ngayon sila ay magiging mga saksi rin ni Kristo.—Gawa 1:6-8.
5, 6. Anong mga sinag ng liwanag ang natamo ng mga alagad ni Jesus noong Pentecostes?
5 Pagkaraan lamang ng sampung araw, anong ningning na mga sinag ng liwanag ang tinamasa ng mga tagasunod ni Jesus! Nang araw ng Pentecostes 33 C.E., sa unang pagkakataon, lubusang naunawaan nila ang kahulugan ng Joel 2:28, 29: “Ibubuhos ko [sabi ni Jehova] ang aking espiritu sa bawat uri ng laman, at ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay tiyak na manghuhula. Ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip. Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain. At maging sa mga lingkod na lalaki at sa mga lingkod na babae ay ibubuhos ko sa mga araw na iyon ang aking espiritu.” Nakita ng mga alagad ni Jesus ang banal na espiritu, sa anyo ng mga dila na parang apoy, na lumapag sa mga ulo nilang lahat—mga 120 lalaki at babae—na nagtipon sa Jerusalem.—Gawa 1:12-15; 2:1-4.
6 Gayundin noong araw ng Pentecostes, unang naunawaan ng mga alagad na ang mga salita sa Awit 16:10 ay kumapit sa binuhay-muling si Jesu-Kristo. Sinabi ng salmista: “Ang aking kaluluwa ay hindi mo [Diyos na Jehova] iiwan sa Sheol. Ang iyong banal ay hindi mo papayagang makakita ng hukay.” Natanto ng mga alagad na ang mga salitang iyon ay hindi maaaring kumapit kay Haring David, sapagkat ang kaniyang libingan ay nasa kanila hanggang sa araw na iyon. Hindi nakapagtataka na mga 3,000 sa mga nakarinig nang ilahad ang bagong liwanag na ito ang totoong nakumbinsi anupat sila’y nagpabautismo sa mismong araw na iyon!—Gawa 2:14-41.
7. Anong maningning na liwanag ang natamo ni apostol Pedro nang dalawin niya ang Romanong opisyal ng hukbo na si Cornelio?
7 Sa loob ng maraming siglo, naunawaan ng mga Israelita ang sinabi ng Diyos tungkol sa kanila: “Kayo lamang ang aking nakilala sa lahat ng sambahayan sa lupa.” (Amos 3:2) Kaya tunay ngang isang maningning na sinag ng liwanag ang natamo ni apostol Pedro at niyaong mga sumama sa kaniya sa pagtungo sa bahay ng Romanong opisyal ng hukbo na si Cornelio nang sa unang pagkakataon ay bumaba ang banal na espiritu sa di-tuling Gentil na mga mananampalataya. Kapansin-pansin na ito lamang ang tanging pagkakataon na ang banal na espiritu ay ipinagkaloob bago ang bautismo. Subalit kailangang magkagayon. Kung hindi ay di malalaman ni Pedro na ang di-tuling mga Gentil na ito ay kuwalipikado sa bautismo. Palibhasa’y lubusang nauunawaan ang kahulugan ng di-karaniwang pangyayaring ito, nagtanong si Pedro: “Maipagbabawal ba ng sinuman ang tubig upang ang mga [Gentil na] ito na tumanggap ng banal na espiritu na gaya natin ay hindi mabautismuhan?” Mangyari pa, walang sinumang naroroon ang may kawastuang makatututol, at sa gayon ay naganap ang bautismo sa mga Gentil na ito.—Gawa 10:44-48; ihambing ang Gawa 8:14-17.
Wala Nang Pagtutuli
8. Bakit nahirapan ang ilang sinaunang Kristiyano na talikuran ang pagtutuli?
8 Lumitaw ang mas maliwanag na sinag ng katotohanan may kaugnayan sa suliranin ng pagtutuli. Ang pagtutuli ay nagsimulang isagawa noong 1919 B.C.E. sa pamamagitan ng tipan ni Jehova kay Abraham. Iniutos noon ng Diyos kay Abraham na siya at lahat ng iba pang lalaki sa kaniyang sambahayan ay kailangang tuliin. (Genesis 17:9-14, 23-27) Kaya ang pagtutuli ay naging isang pagkakakilanlang tanda ng mga inapo ni Abraham. At gayon na lamang ang kanilang pagmamalaki hinggil sa gawaing ito! Bunga nito, ang pananalitang “di-tuli” ay naging isang katawagan ng paghamak. (Isaias 52:1; 1 Samuel 17:26, 27) Madaling maunawaan kung bakit ibig ng ilang Judiong Kristiyano noong una na panatilihin ang palatandaang ito. Ang ilan sa kanila ay nakipagtalo kina Pablo at Bernabe hinggil dito. Upang lutasin ito, naparoon si Pablo at ang iba pa sa Jerusalem upang sumangguni sa Kristiyanong lupong tagapamahala.—Gawa 15:1, 2.
9. Anong mga sinag ng liwanag ang isiniwalat sa lupong tagapamahala noong una, gaya ng nakaulat sa Mga Gawa kabanata 15?
9 Sa pagkakataong ito, hindi sa pamamagitan ng nakikitang himala kung kaya natamo ng sinaunang mga Kristiyanong iyon ang liwanag na hindi na isang kahilingan ang pagtutuli para sa mga lingkod ni Jehova. Sa halip, natamo nila ang karagdagang liwanag na iyon sa pamamagitan ng pagsusuri sa Kasulatan, anupat umaasa sa banal na espiritu ukol sa patnubay, at pinakinggan ang mga karanasan nina Pedro at Pablo hinggil sa pagkakumberte ng di-tuling mga Gentil. (Gawa 15:6-21) Ang pasiya ay inilabas sa isang liham na ang isang bahagi ay kababasahan ng ganito: “Minagaling ng banal na espiritu at namin mismo na huwag nang magdagdag ng higit pang pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan, na patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga bagay na binigti at sa pakikiapid.” (Gawa 15:28, 29) Sa gayon ay pinalaya na ang sinaunang mga Kristiyano buhat sa utos na isagawa ang pagtutuli at buhat sa iba pang kahilingan ng Batas Mosaiko. Kaya naman, masasabi ni Pablo sa mga Kristiyanong taga-Galacia: “Ukol sa gayong kalayaan ay pinalaya tayo ni Kristo.”—Galacia 5:1.
Liwanag sa Mga Ebanghelyo
10. Ano ang ilan sa mga sinag ng liwanag na isiniwalat sa Ebanghelyo ni Mateo?
10 Walang alinlangan na ang Ebanghelyo ni Mateo, na isinulat humigit-kumulang noong 41 C.E., ay naglalaman ng maraming sinag ng liwanag sa kapakinabangan ng mga mambabasa nito. Halos iilan lamang sa unang-siglong mga Kristiyano ang personal na nakarinig kay Jesus sa pagpapaliwanag ng kaniyang mga turo. Higit sa lahat, idiniin ng Ebanghelyo ni Mateo na ang tema ng pangangaral ni Jesus ay ang Kaharian. At gayon na lamang ang pagdiriin ni Jesus sa kahalagahan ng pagkakaroon ng tamang motibo! Kayrami ngang sinag ng liwanag ang matatagpuan sa kaniyang Sermon sa Bundok, sa kaniyang mga talinghaga (tulad niyaong nakaulat sa Mat kabanata 13), at sa kanyang dakilang hula sa mga Mat kabanata 24 at 25! Lahat ng ito ay itinawag-pansin sa sinaunang mga Kristiyano ayon sa salaysay sa Ebanghelyo ni Mateo na isinulat halos mga walong taon lamang pagkalipas ng Pentecostes 33 C.E.
11. Ano ang masasabi tungkol sa nilalaman ng Mga Ebanghelyo nina Lucas at Marcos?
11 Pagkaraan ng mga 15 taon, isinulat ni Lucas ang kaniyang Ebanghelyo. Samantalang ang kalakhang bahagi nito ay katulad ng salaysay ni Mateo, ang 59 na porsiyento ay karagdagan. Itinala ni Lucas ang anim sa mga himala ni Jesus at mahigit sa dalawang ulit ng dami ng Kaniyang mga ilustrasyon na hindi binanggit ng ibang manunulat ng Ebanghelyo. Lumilitaw na mga ilang taon lamang pagkaraan, isinulat naman ni Marcos ang kaniyang Ebanghelyo, na nagdiriin kay Jesu-Kristo bilang isang lalaking kilala sa gawa, isa na gumagawa ng mga himala. Samantalang karamihan sa inilahad ni Marcos ay mga pangyayaring naiulat na nina Mateo at Lucas, itinala naman niya ang isang talinghaga na hindi nila itinala. Sa ilustrasyong iyan, inihalintulad ni Jesus ang Kaharian ng Diyos sa binhi na sumibol, lumaki, at unti-unting namunga.a—Marcos 4:26-29.
12. Gaano kalawak ang kaliwanagan na inilaan ng Ebanghelyo ni Juan?
12 Pagkatapos ay nariyan ang Ebanghelyo ni Juan, na isinulat mahigit na 30 taon matapos sulatin ni Marcos ang kaniyang ulat. Gayon na lamang ang ipinasinag na liwanag ni Juan hinggil sa ministeryo ni Jesus, lalo na sa pamamagitan ng maraming pagbanggit tungkol sa Kaniyang pag-iral bago siya naging tao! Si Juan lamang ang nag-ulat tungkol sa pagkabuhay-muli ni Lazaro, at siya lamang ang nagbibigay sa atin ng marami sa maiinam na pangungusap ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol gayundin ng kaniyang nakapagpapasigla-sa-pusong panalangin noong gabing siya’y ipagkanulo, gaya ng nakaulat sa mga Ju kabanata 13 hanggang 17. Sa katunayan, sinasabi na 92 porsiyento ng Ebanghelyo ni Juan ay walang-katulad.
Mga Sinag ng Liwanag sa mga Liham ni Pablo
13. Bakit minalas ng ilan ang liham ni Pablo sa mga taga-Roma na waring ito ay isang Ebanghelyo?
13 Si apostol Pablo ay pantanging ginamit upang magdala ng mga sinag ng katotohanan sa mga Kristiyanong nabubuhay noong panahon ng mga apostol. Halimbawa, nariyan ang liham ni Pablo sa mga taga-Roma, na isinulat noong mga 56 C.E.—humigit-kumulang kasabay ng pagsulat ni Lucas ng kaniyang Ebanghelyo. Sa liham na ito ay itinatampok ni Pablo ang bagay na ang katuwiran ay itinuturing na bunga ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo. Ang pagdiriin ni Pablo sa katangiang ito ng mabuting balita ay nag-udyok sa ilan upang malasin ang kaniyang liham sa mga taga-Roma na waring ito ay ikalimang Ebanghelyo.
14-16. (a) Sa kaniyang unang liham sa mga Kristiyano sa Corinto, anong liwanag ang pinasinag ni Pablo tungkol sa pangangailangang magkaisa? (b) Anong karagdagang liwanag hinggil sa paggawi ang nilalaman ng Unang Corinto?
14 Sumulat si Pablo tungkol sa ilang bagay na bumabagabag sa mga Kristiyano sa Corinto. Kasali sa kaniyang liham sa mga taga-Corinto ang maraming kinasihang payo na pinakikinabangan ng mga Kristiyano hanggang sa ating panahon. Una, kinailangan niyang bigyan ng kaliwanagan ang mga taga-Corinto hinggil sa pagkakamaling ginagawa nila sa pagbubuo ng mga kulto na nakasentro sa labis na pagpapahalaga sa ilang tao. Itinuwid sila ng apostol, anupat buong-tapang na sinasabi sa kanila: “Masidhi kong pinapayuhan kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay dapat magsalita nang magkakasuwato, at na hindi dapat na magkaroon ng mga pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo, kundi na kayo ay lubos na magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.”—1 Corinto 1:10-15.
15 Ang malubhang imoralidad ay pinababayaan sa Kristiyanong kongregasyon sa Corinto. Kinuha ng isang lalaki roon ang asawa ng kaniyang ama, sa gayo’y nagsasagawa ng ‘gayong pakikiapid na hindi masusumpungan kahit sa gitna man ng mga bansa.’ Ganito ang maliwanag na isinulat ni Pablo: “Alisin ninyo ang taong balakyot mula sa gitna ninyo.” (1 Corinto 5:1, 11-13) Iyan ay isang bagay na bago para sa Kristiyanong kongregasyon—ang pagtitiwalag. Isa pang bagay na doo’y nangangailangan ng kaliwanagan ang kongregasyon sa Corinto ay may kinalaman sa bagay na ang ilan sa mga miyembro nito ay naghahabla ng kanilang espirituwal na mga kapatid sa makasanlibutang mga hukuman upang lutasin ang mga reklamo. Matinding sinaway sila ni Pablo dahil sa paggawa nito.—1 Corinto 6:5-8.
16 Isa pang suliranin na sumasalot sa kongregasyon sa Corinto ay may kinalaman sa seksuwal na mga ugnayan. Sa 1 Corinto kabanata 7, ipinakita ni Pablo na dahil sa laganap na seksuwal na imoralidad, makabubuti para sa bawat lalaki na magkaroon ng kaniyang sariling asawa at para sa bawat babae ng kaniyang sariling asawa. Ipinakita rin ni Pablo na samantalang ang mga taong walang-asawa ay nakapaglilingkod kay Jehova nang walang gaanong abala, hindi lahat ay may kaloob ng pagiging walang-asawa. At kung mamatay ang asawa ng isang babae, siya’y malayang muling makapag-asawa ngunit “tangi lamang sa Panginoon.”—1 Corinto 7:39.
17. Anong liwanag ang pinasinag ni Pablo hinggil sa pagkabuhay-muli?
17 Napakaningning na mga sinag ng liwanag hinggil sa pagkabuhay-muli ang pinasikat ng Panginoon sa pamamagitan ni Pablo! Sa anong uri ng katawan ibabangon ang pinahirang mga Kristiyano? “Inihahasik itong isang katawang pisikal, ibinabangon itong isang katawang espirituwal,” ang sulat ni Pablo. Walang mga katawang laman na dadalhin sa langit, sapagkat “ang laman at dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Diyos.” Sinabi pa ni Pablo na hindi lahat ng pinahiran ay matutulog sa kamatayan kundi sa panahon ng pagkanaririto ni Jesus ang ilan ay ibabangon tungo sa walang-kamatayang buhay karaka-raka pagkamatay.—1 Corinto 15:43-53.
18. Anong liwanag hinggil sa hinaharap ang nilalaman ng unang liham ni Pablo sa mga taga-Tesalonica?
18 Sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Tesalonica, ginamit si Pablo upang magbigay-liwanag hinggil sa hinaharap. Ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw sa gabi. Ipinaliwanag din ni Pablo: “Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay biglang pagkapuksa ang kagyat na mapapasa-kanila gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao; at hindi sila sa anumang paraan makatatakas.”—1 Tesalonica 5:2, 3.
19, 20. Anong mga sinag ng liwanag ang natamo ng mga Kristiyano sa Jerusalem at Judea mula sa mga liham ni Pablo sa mga Hebreo?
19 Sa pamamagitan ng kaniyang liham sa mga Hebreo, ipinatalastas ni Pablo ang mga sinag ng liwanag sa sinaunang mga Kristiyano sa Jerusalem at sa Judea. Gayon na lamang kahusay na ipinakita niya ang kahigitan ng Kristiyanong sistema sa Mosaikong sistema ng pagsamba! Sa halip na sundin ang Batas na ibinigay sa pamamagitan ng mga anghel, may pananampalataya ang mga Kristiyano sa kaligtasan na unang sinalita ng Anak ng Diyos, na makapupong nakahihigit sa gayong anghelikong mga mensahero. (Hebreo 2:2-4) Si Moises ay isang lingkod lamang sa bahay ng Diyos. Subalit, si Jesu-Kristo ang nangangasiwa sa buong bahay. Si Kristo ay isang mataas na saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec, anupat nagtataglay ng posisyon na totoong nakahihigit sa pagkasaserdote ni Aaron. Binanggit din ni Pablo na ang mga Israelita ay hindi nakapasok sa kapahingahan ng Diyos dahil sa kawalan ng pananampalataya at ng pagkamasunurin, ngunit pumapasok dito ang mga Kristiyano dahil sa kanilang katapatan at pagkamasunurin.—Hebreo 3:1–4:11.
20 Kung gayon ay totoong nakahihigit din ang bagong tipan sa tipang Batas. Gaya ng inihula 600 taon bago nito sa Jeremias 31:31-34, yaong nasa bagong tipan ay nagtataglay ng batas ng Diyos na nakasulat sa kanilang mga puso at nagtatamasa ng tunay na kapatawaran ng mga kasalanan. Sa halip na may isang mataas na saserdote na kailangang maghandog ng mga hain taun-taon para sa mga kasalanan niya at niyaong sa bayan, ang Mataas na Saserdote ng mga Kristiyano ay si Jesu-Kristo, na walang kasalanan at naghandog ng hain para sa kasalanan nang minsanan. Sa halip na pumasok sa isang dakong banal na ginawa ng mga kamay upang iharap ang kaniyang handog, siya’y pumasok sa langit mismo, upang doon magpakita sa harap ng persona ni Jehova. Isa pa, ang mga hayop na inihahain sa ilalim ng tipang Batas Mosaiko ay hindi lubusang makapag-aalis ng mga kasalanan, o kung gayon ay hindi na sana kailangang maghandog ng mga ito sa taun-taon. Subalit ang hain ni Kristo, na inihandog nang minsanan, ay nag-aalis ng mga kasalanan. Lahat ng ito ay nagbibigay-liwanag sa dakilang espirituwal na templo, na sa mga looban nito ay naglilingkod ngayon ang pinahirang nalabi at ang “ibang mga tupa”.—Juan 10:16; Hebreo 9:24-28.
21. Ano ang ipinakita ng pagtalakay na ito hinggil sa katuparan ng Awit 97:11 at Kawikaan 4:18 noong panahon ng mga apostol?
21 Hindi sapat ang espasyo upang bumanggit ng higit pang mga halimbawa, tulad ng mga sinag ng liwanag na masusumpungan sa mga liham ni apostol Pedro at niyaong sa mga alagad na sina Santiago at Judas. Subalit ang mga nabanggit ay makasasapat na upang ipakita na ang Awit 97:11 at Kawikaan 4:18 ay may kapuna-punang katuparan noong panahon ng mga apostol. Ang katotohanan ay nagsimulang sumulong buhat sa mga tipo at anino hanggang sa mga katuparan at katunayan.—Galacia 3:23-25; 4:21-26.
22. Ano ang nangyari pagkamatay ng mga apostol, at ano ang ipakikita ng susunod na artikulo?
22 Pagkamatay ng mga apostol ni Jesus at sa pasimula ng inihulang apostasya, dumilim ang sinag ng liwanag ng katotohanan. (2 Tesalonica 2:1-11) Gayunman, kaayon ng pangako ni Jesus, makalipas ang maraming siglo ang Panginoon ay bumalik at nasumpungan “ang tapat at maingat na alipin” na nagbibigay sa “mga lingkod ng sambahayan” ng kanilang pagkain sa tamang panahon. Bunga nito, inatasan ni Jesus ang aliping iyan “sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” (Mateo 24:45-47) Anong mga sinag ng liwanag ang sumunod? Ito’y tatalakayin sa sumusunod na artikulo.
[Talababa]
a Ang lupa rito ay tumutukoy sa kapaligiran na doo’y pinili ng Kristiyano na linangin ang mga katangian ng personalidad.—Tingnan Ang Bantayan, Disyembre 15, 1980, pahina 22-3.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong mga teksto sa Bibliya ang nagpapakita na pasulong ang pagkaunawa sa katotohanan?
◻ Ano ang ilan sa mga sinag ng liwanag na nakaulat sa aklat ng Mga Gawa?
◻ Anong liwanag ang masusumpungan sa Mga Ebanghelyo?
◻ Anong mga sinag ng liwanag ang nilalaman ng mga liham ni Pablo?