-
Ang Banal na Espiritu—Ang Aktibong Puwersa ng DiyosDapat Ba Kayong Maniwala sa Trinidad?
-
-
Sa Mateo 28:19 ay binabanggit ang “pangalan . . . ng banal na espiritu.” Subalit, sa Griyego man o sa Ingles, ang “pangalan” ay hindi laging nangangahulugan ng personal na pangalan. Kapag sinabing “sa pangalan ng batas,” hindi natin tinutukoy ang isang persona. Ang tinutukoy natin ay yaong kinakatawanan ng batas, ang autoridad nito. Sinasabi ng Word Pictures in the New Testament ni Robertson: “Ang paggamit dito ng pangalan (onoma) ay karaniwan sa Septuagint at sa mga papiro bilang katumbas ng kapangyarihan o autoridad.” Kaya ang pagbautismo ‘sa pangalan ng banal na espiritu’ ay ang pagkilala sa kapangyarihan ng espiritu, na ito’y mula sa Diyos at kumikilos ayon sa banal na kalooban.
-
-
Kumusta ang “Mga Tekstong Patotoo” sa Trinidad?Dapat Ba Kayong Maniwala sa Trinidad?
-
-
ANG New Catholic Encyclopedia ay naghaharap ng tatlong “tekstong patotoo” nguni’t inaamin din nito na: “Ang doktrina ng Santisima Trinidad ay hindi itinuturo sa M[atandang] T[ipan]. Sa B[agong] T[ipan] ang pinakamatandang katibayan ay ang mga liham ni Pablo, lalo na ang 2 Cor 13.13 [talatang 14 sa ilang Bibliya], at 1 Cor 12.4-6. Sa mga Ebanghelyo ang ebidensiya ng Trinidad ay maliwanag na matatagpuan lamang sa balangkas ng bautismo na nasa Mt 28.19.”
Sa mga talatang yaon ang tatlong “persona” ay itinatala ayon sa pagkakasunudsunod sa The New Jerusalem Bible. Ang tatlo ay pinagsasamasama ng 2 Corinto 13:13 (14) sa ganitong paraan: “Ang biyaya ng Panginoong Jesu-Kristo, ang pag-ibig ng Diyos at ang pakikisama ng Espiritu Santo ay sumainyong lahat.” Ang 1 Corinto 12:4-6 ay nagsasabi: “May iba’t-ibang kaloob, datapuwat iisa ang Espiritu; may iba’t-ibang paraan ng paglilingkod, datapuwat iisa ang Panginoon. May iba’t-ibang gawain, datapuwat sa lahat ay iisa ang Diyos na gumagawa sa lahat.” At sa Mateo 28:19 ay mababasa: “Humayo, kung gayon, at gumawa ng mga alagad sa lahat ng bansa; binyagan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.”
Sinasabi ba ng mga talatang ito na ang Diyos, si Kristo, at ang banal na espiritu ay bumubuo ng isang Trinitaryong pagka-Diyos, na pantay-pantay sila sa sangkap, kapangyarihan, at kawalang-hanggan? Hindi, hindi nga, kung papaanong ang pagtatala ng tatlong tao, gaya ng Tito, Vic, at Joey, ay hindi nangangahulugan na ang tatlo ay iisa.
Ang pagtukoy na ito, ayon sa Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature nina McClintock at Strong, “ay patotoo lamang na umiiral nga ang tatlong personang nabanggit, . . . nguni’t, sa ganang sarili, hindi ito patotoo na ang tatlo ay may pagka-diyos, at magkakapantay sa maka-diyos na karangalan.”
Bagaman nagtataguyod sa Trinidad, sinasabi ng reperensiyang ito hinggil sa 2 Corinto 13:13 (14): “Hindi namin mahihinuha nang may kawastuan na sila ay may pantay-pantay na kapamahalaan, o iisa ang kalikasan.” At sinasabi nito tungkol sa Mateo 28:18-20: “Ang teksto, sa ganang sarili, ay hindi tiyakang magpapatunay sa personalidad ng tatlong tauhang nabanggit, ni sa pagkakapantay o pagka-diyos” nila.
-