GURO, PAGTUTURO
Ang guro ay isa na nagtatawid ng impormasyon o kasanayan sa iba sa pamamagitan ng salita o halimbawa. Ang isang mahusay na guro ay kadalasan nang naglalaan ng paliwanag o sumusuportang katibayan o gumagamit ng iba pang paraan na nilayong makatulong sa mga tagapakinig na tanggapin at tandaan ang kanilang narinig.
Ang Diyos na Jehova, na Maylalang, ang siyang Dakilang Tagapagturo, o Guro, ng kaniyang mga lingkod. (1Ha 8:36; Aw 27:11; 86:11; 119:102; Isa 30:20; 54:13) Ang mga gawang paglalang mismo ay nagtuturo na may isang Diyos na marunong-sa-lahat, at naglalaan ang mga ito ng larangan para sa pagsusuri at pagmamasid na hanggang sa kasalukuyang panahon ay bahagya pa lamang nasasaliksik. (Job 12:7-9) Bukod diyan, sa pamamagitan ng pantanging mga pagsisiwalat, itinuro ng Diyos na Jehova sa mga tao ang kaniyang pangalan, mga layunin, at mga kautusan. (Ihambing ang Exo 4:12, 15; 24:12; 34:5-7.) Ang gayong mga pagsisiwalat ay matatagpuan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, at nagsisilbing saligan para sa wastong pagtuturo may kinalaman sa kaniyang kalooban. (Ro 15:4; 2Ti 3:14-17) Ang espiritu ng Diyos ay gumaganap din bilang guro.—Ju 14:26.
Pagtuturo sa Gitna ng mga Israelita. Sa Israel, ang mga magulang ang binigyan ng Diyos ng pananagutang magturo sa kanilang mga anak. (Deu 4:9; 6:7, 20, 21; 11:19-21; Aw 78:1-4) Para naman sa buong bansa, ang mga propeta, mga Levita, lalo na ang mga saserdote, at ang iba pang marurunong na tao ang nagsilbing mga guro.—Ihambing ang 2Cr 35:3; Jer 18:18; tingnan ang EDUKASYON.
Ang mga propeta. Tinuruan ng mga propeta ang bayan tungkol sa mga katangian at mga layunin ni Jehova, inilantad nila ang masasamang gawa ng mga Israelita, at binalangkas nila para sa mga ito ang tamang landasin na dapat tahakin. Kadalasan, bibigang inihahatid ng mga propeta ang kanilang mga turo, anupat isinusulat na lamang nila ang mga ito sa kalaunan. (Ihambing ang 1Sa 12:23-25; Isa 7:3, 4; 22:15, 16; Jer 2:2.) Kabilang sa kanilang mga paraan ng pagtuturo ang paggamit ng mga tanong (Jer 18:13, 14; Am 3:3-8; Hag 2:11-14), mga ilustrasyon (2Sa 12:1-7; Isa 10:15; Jer 18:3-10), mga bugtong (Eze 17:2), at makasagisag na mga pagkilos (1Ha 11:30-32; Jer 13:4-11; 19:1-12; 27:2; 28:10-14; Eze 4:1–5:4).
Ang mga saserdote at mga Levita. Pananagutan noon ng mga saserdote at mga Levita na ituro ang kautusan ng Diyos sa bansang Israel. (Lev 10:11; 14:57; 2Cr 15:3; 35:3) Isinagawa ito sa iba’t ibang paraan. Tuwing taon ng Sabbath, sa panahon ng Kapistahan ng mga Kubol, ang buong Kautusan ay binabasa sa buong bayan—sa mga lalaki, mga babae, mga bata, at mga naninirahang dayuhan. (Deu 31:9-13) Kung minsan, ang mga kautusan ng Diyos ay idiniriin ng mga Levita sa mga taong-bayan sa pamamagitan ng pagganyak sa mga ito na magbigay ng tugon. (Ihambing ang Deu 27:14-26.) Bukod sa pagbasa sa Kautusan, walang alinlangang ipinaliliwanag din ng mga saserdote at mga Levita ang kahulugan nito. (Ihambing ang Ne 8:8.) At ang mga hudisyal na pasiyang inilapat nila ay nagturo ng mga simulain ng katarungan ng Diyos.—Deu 17:8-13; 1Cr 26:29; 2Cr 19:8-11.
Ang mga eskriba. Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, prominente ang mga eskriba bilang mga guro ng Kautusan. Ngunit hindi sila nagtuon ng pansin sa tunay na mga problema at mga pangangailangan ng mga tao. Tulad ng mga Pariseo, ang mga eskriba ay higit na nagpahalaga sa teknikal na mga tuntunin at mga tradisyon kaysa sa awa, katarungan, at katapatan. Ginawa nilang pabigat sa bayan ang Kautusan. (Mat 23:2-4, 23, 24; Luc 11:45, 46) Hindi naging mabisa ang kanilang pagtuturo gaya ng dapat sana’y nangyari, sapagkat itinuring nilang nakatataas sila kaysa sa karaniwang mga tao at hindi sila naging mga halimbawa na karapat-dapat tularan.—Ihambing ang Mat 23:3, 6, 7; Ju 7:48, 49; tingnan ang ESKRIBA.
Bakit bukod-tangi sa pagiging mabisa ang pagtuturo ni Jesus?
Bagaman maliwanag na hindi taimtim ang relihiyosong mga lider ng Judaismo nang tawagin nilang “Guro [sa Gr., Di·daʹska·los]” si Jesu-Kristo, gayon ang pagkakilala sa kaniya kapuwa ng mga mananampalataya at di-mananampalataya. (Mat 8:19; 9:11; 12:38; 19:16; 22:16, 24, 36; Ju 3:2) Ang mga opisyal na isinugo upang arestuhin siya ay lubhang humanga sa kaniyang pagtuturo anupat hindi nila nagawang dakpin siya, na sinasabi: “Walang sinumang tao ang nakapagsalita nang tulad nito.” (Ju 7:46) Nagturo si Jesus ‘gaya ng isang taong may awtoridad, at hindi gaya ng mga eskriba.’ (Mat 7:29) Ang Diyos ang Pinagmulan ng kaniyang turo (Ju 7:16; 8:28), at itinawid ni Jesus ang impormasyon sa pamamagitan ng simpleng pamamaraan, di-matututulang lohika, nakapupukaw-kaisipang mga tanong, matitingkad na tayutay, at makahulugang mga ilustrasyon na hinalaw sa mga bagay na pamilyar sa kaniyang mga tagapakinig. (Mat 6:25-30; 7:3-5, 24-27; tingnan ang ILUSTRASYON, MGA.) Gumamit din si Jesus ng mga praktikal na halimbawa, gaya noong hugasan niya ang mga paa ng kaniyang mga alagad upang ituro sa kanila na dapat nilang paglingkuran ang isa’t isa.—Ju 13:2-16.
Lumawak ang kaalaman ni Jesus dahil sa matalik na kaugnayan niya sa kaniyang Ama at Diyos bago siya pumarito sa lupa. Kaya naman higit ang pagkakilala niya sa Diyos kaysa sa kaninupamang tao, anupat nakapagturo siya nang may awtoridad tungkol sa kaniyang Ama. Gaya ng sinabi ni Jesus mismo: “Walang sinuman ang lubos na nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, ni may sinumang lubos na nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinuman na sa kaniya ay nais ng Anak na isiwalat siya.”—Mat 11:27; Ju 1:18.
Pamilyar na pamilyar din si Jesus sa nasusulat na Salita ng Diyos. Nang tanungin siya kung alin ang pinakadakilang utos sa Kautusan, walang pag-aatubiling binuod niya sa dalawang utos ang buong Kautusan, anupat sumipi siya mula sa Deuteronomio (6:5) at Levitico (19:18). (Mat 22:36-40) Noong panahon ng kaniyang ministeryo, siya ay napaulat na tumukoy o nagpahayag ng mga kaisipang katulad ng nilalaman ng mga talata mula sa mga kalahati ng mga aklat ng Hebreong Kasulatan—Genesis (2:24; Mat 19:5; Mar 10:7, 8), Exodo (3:6; Mat 22:32; Luc 20:37), Levitico (14:2-32; Mat 8:4), Mga Bilang (30:2; Mat 5:33), Deuteronomio (5:16; Mat 15:4; Mar 7:10), Unang Samuel (21:4-6; Mat 12:3, 4), Unang Hari (17:9; Luc 4:26), Job (42:2; Mat 19:26), Mga Awit (8:2; 110:1; Mat 21:16; 22:44), Mga Kawikaan (24:12; Mat 16:27), Isaias (6:9, 10; Mat 13:14, 15; Ju 12:40), Jeremias (7:11; Mat 21:13; Mar 11:17; Luc 19:45, 46), Mga Panaghoy (2:1; Mat 5:35), Daniel (9:27; Mat 24:15), Oseas (6:6; Mat 9:13), Jonas (1:17; Mat 12:40), Mikas (7:6; Mat 10:21, 35, 36), Zacarias (13:7; Mat 26:31), at Malakias (3:1; Mat 11:10).
Karagdagan pa, naging tunay na mapuwersa ang itinuro ni Jesus dahil sa kaniyang sakdal na halimbawa. (Ju 13:15) Hindi siya katulad ng mga eskriba at mga Pariseo, na tungkol sa kanila ay sinabi ni Jesus: “Lahat ng mga bagay na sinasabi nila sa inyo ay gawin ninyo at tuparin, ngunit huwag ninyong gawin ang ayon sa kanilang mga gawa, sapagkat sinasabi nila ngunit hindi isinasagawa.”—Mat 23:3.
Ang iba pang mga aspekto na nagbigay ng awtoridad at bisa sa pagtuturo ni Jesus ay ang pagkaunawa niya sa kalikasan ng tao at ang maibiging pagkabahala niya sa iba. Ang kaniyang matalas na kaunawaan ay naragdagan dahil sa makahimalang kaalaman niya sa mga kalagayan at pangangatuwiran ng iba. (Mat 12:25; Luc 6:8; Ju 1:48; 4:18; 6:61, 64; 13:11) “Alam niya kung ano ang nasa tao.” (Ju 2:25) Gayon na lamang ang pagkahabag niya sa mga tao anupat isinakripisyo niya ang kinakailangang pagpapahinga upang turuan sila. Sa isang pagkakataon, lumulan si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa isang bangka at pumatungo sa isang liblib na lugar upang magpahinga nang kaunti. “Ngunit nakita sila ng mga tao na pumaparoon at marami ang nakaalam nito, at mula sa lahat ng mga lunsod ay magkakasamang nagsitakbo roon ang mga ito at nauna pa sa kanila. Buweno, pagkababa, nakita niya ang isang malaking pulutong, ngunit nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay gaya ng mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila ng maraming bagay.”—Mar 6:31-34.
Naging maunawain si Jesus sa pakikitungo sa kaniyang mga tagapakinig. Nang hindi makuha ng kaniyang mga alagad ang punto ng isang ilustrasyon, buong-tiyaga niyang ipinaliwanag iyon sa kanila. (Mat 13:10-23) Palibhasa’y batid ang kanilang mga limitasyon, hindi niya sila binigyan ng napakaraming impormasyon. (Ju 16:4, 12) Kapag kinakailangan, inuulit ni Jesus ang halos gayunding impormasyon. (Mar 9:35; 10:43, 44) Sa pagsagot sa mga tanong, kadalasang sinusuhayan ni Jesus ang kaniyang tugon sa pamamagitan ng mga ilustrasyon o mga praktikal na halimbawa, sa gayon ay itinitimo ito sa isip ng mga tagapakinig at pinupukaw ang kanilang mga kakayahan sa pag-iisip.—Mat 18:1-5, 21-35; Luc 10:29-37.
Ang Espiritu ng Diyos ay Nagtuturo. Noong panahon ng kaniyang tatlo at kalahating taóng ministeryo sa lupa, sinanay ni Jesus ang kaniyang mga apostol na ipagpatuloy ang gawaing sinimulan niya. Bilang mga taong di-sakdal, hindi posibleng matandaan nila ang bawat detalye na kaniyang itinuro. Ngunit nangako si Jesus sa kanila: “Ang katulong, ang banal na espiritu, na ipadadala ng aking Ama sa pangalan ko, ang isang iyon ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at ibabalik sa inyong mga pag-iisip ang lahat ng bagay na sinabi ko sa inyo.” (Ju 14:26) Nangangahulugan ito na ang espiritu ng Diyos ang magtuturo sa kanila ng anumang bagay na kailangan nilang malaman upang magampanan ang kanilang ministeryo. Partikular na, bubuksan nito ang kanilang unawa tungkol sa mga bagay na dati na nilang narinig ngunit hindi naunawaan. Bilang tagapagpaalaala, ibabalik ng banal na espiritu sa kanilang mga pag-iisip ang mga bagay na sinabi ni Jesus noong kasama niya sila. At, bilang guro, ipakikita nito sa kanila ang tamang paraan ng pagkakapit ng kaniyang mga salita.—Ihambing ang Ju 2:19-22; tingnan ang KATOTOHANAN (“Ang Espiritu ng Katotohanan”).
Kapag ang mga alagad ni Jesus ay dinala sa harap ng mga pangmadlang kapulungan, mga hari, at ng iba pang mga taong may mataas na katungkulan sa pamahalaan, panatag silang makapagtitiwala sa espiritu ng Diyos bilang tagapagpaalaala at guro. Tulad ng isang kaibigan, ibabalik nito sa kanilang mga pag-iisip ang mga bagay na dapat sabihin at tutulungan sila nito na gumawa ng angkop na mga pagkakapit. Ito ay magbubunga ng isang mabuting patotoo at magpapatahimik din sa mga sumasalansang. (Mat 10:18-20; Mar 13:11; Luc 12:11, 12; 21:13-15) Iyan ang dahilan kung bakit may-tapang na nakapagsalita sina Pedro at Juan nang pagtatanungin sila ng pinakamataas na hukumang Judio, ang Sanedrin, tungkol sa pagpapagaling nila sa isang lalaking pilay mula pa nang kapanganakan nito. Ang pagkatahasan nila ay hinding-hindi aasahan mula sa “mga taong walang pinag-aralan at pangkaraniwan,” anupat ikinamangha ito ng mga miyembro ng Sanedrin. At dahil sa mga salita ni Pedro, bukod pa sa pagkanaroroon ng lalaking pinagaling, ang may-pinag-aralang mga lalaking iyon ay ‘walang anumang nasabi bilang pagtutol.’—Gaw 4:5-14.
Yamang ang buong Salita ng Diyos ay isinulat sa ilalim ng pagkasi (2Ti 3:16), dito lamang masusumpungan ang turo ng espiritu. Kaya naman hindi dapat bigyang-pansin ng mga Kristiyano ang turong kasalungat ng Salita ng Diyos. Gaya ng isinulat ng apostol na si Juan: “Hindi ninyo kailangang turuan kayo ng sinuman; kundi, kung paanong ang pagkapahid mula sa kaniya ay nagtuturo sa inyo tungkol sa lahat ng mga bagay, at totoo at hindi kasinungalingan, at kung paanong tinuruan kayo nito, manatili kayong kaisa niya.” (1Ju 2:27) Ang sinasabihan ni Juan ng mga salitang ito ay mga Kristiyanong inianak sa espiritu. Nakilala na nila kapuwa ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak na si Kristo Jesus. Alam na alam na nila ang katotohanan ng Diyos. Kaya naman hindi nila kailangan ang mga taong guro na nagkakaila sa Ama at sa Anak. Ililigaw lamang sila ng gayong mga guro mula sa nalaman nila bilang katotohanan gaya ng itinuro ng espiritu ng Diyos at malinaw na nakasaad sa Sagradong mga Akda. (1Ju 2:18-26) Dahil dito, hindi dapat tanggapin ng mga Kristiyano sa kanilang mga tahanan ang mga apostatang guro ni dapat man silang magsabi sa mga ito ng isang pagbati.—2Ju 9-11.
Paggawa ng mga Alagad at Pagtuturo sa Kanila. Matapos siyang buhaying-muli, inatasan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad, na binabautismuhan sila at itinuturo sa kanila ang lahat ng mga bagay na iniutos niya. (Mat 28:19, 20) Ang gayong malawakang gawaing pagtuturo ay nagsimula noong araw ng Pentecostes ng 33 C.E., nang mga 3,000 Judio at proselita ang tumanggap kay Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas at pagkatapos ay nabautismuhan. Ang pagtuturo sa mga bagong alagad na ito ay hindi natapos sa diskurso ng apostol na si Pedro na umakay upang maging mga tagasunod sila ni Kristo Jesus. Marami pa silang dapat matutuhan. Dahil dito, yaong mga pumaroon sa Jerusalem mula sa malalayong lugar upang dumalo sa Kapistahan ng Pentecostes ay nanatili pa upang maiukol nila ang kanilang sarili sa turo ng mga apostol. Sa araw-araw ay nagtitipon sila sa lugar ng templo, maliwanag na upang makinig sa mga apostol. Doon din narinig ng ibang mga Judio at mga proselita ang mabuting balita, at nang maglaon, ang bilang ng nananampalatayang mga lalaki ay umabot nang mga 5,000. (Gaw 2:14–4:4) Bukod sa hayagang pagtuturo sa templo, ipinahayag din ng mga apostol ang mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo sa bahay-bahay.—Gaw 5:42; tingnan ang MANGANGARAL, PANGANGARAL (“Sa Bahay-bahay”).
Nang maglaon, dahil nangalat ang mga mananampalataya bilang resulta ng pag-uusig at dahil pinasimulan din ang pangangaral sa mga di-Judio, ang paggawa ng alagad ay umabot sa malalayong lugar. (Gaw 8:4-12; 11:1-26) Gayunman, gaya sa Jerusalem, kadalasa’y hayagang pangangaral at pagtuturo ang ginagamit noon upang matagpuan ang mga taong interesado, pagkatapos ay patuloy pang tinuturuan yaong nagiging mga alagad. Halimbawa, sa Efeso, hayagang nagturo sa sinagoga ang apostol na si Pablo. Nang bumangon ang pagsalansang, inihiwalay niya ang mga alagad mula sa di-sumasampalatayang mga Judio, pagkatapos ay ginamit niya ang awditoryum ng paaralan ni Tirano sa kaniyang mga diskurso sa kanila. (Gaw 19:8-10) Nagturo rin si Pablo sa mga alagad sa kanilang mga tahanan at humanap siya ng iba pang mga taong interesado sa pamamagitan ng pagtuturo sa bahay-bahay. Gaya ng ipinaalaala niya sa matatandang lalaki ng kongregasyon sa Efeso: “Hindi ko ipinagkait ang pagsasabi sa inyo ng alinman sa mga bagay na kapaki-pakinabang ni ang pagtuturo sa inyo nang hayagan at sa bahay-bahay.”—Gaw 20:20, 21; ihambing ang Gaw 18:6, 7 hinggil sa gawain ni Pablo sa Corinto; tingnan ang ALAGAD.
Mga Guro sa Kristiyanong Kongregasyon. Sa pamamagitan ng gawain ng apostol na si Pablo at ng iba pa, may mga kongregasyong Kristiyano na naitatag sa maraming lugar, at ang mga ito ay patuloy na lumago. Kinailangan ang kuwalipikadong mga guro na tutulong sa lahat ng kaugnay sa mga kongregasyong ito upang ‘makamtan ang pagkakaisa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos, upang maging isang tao na husto ang gulang, hanggang sa sukat ng laki na nauukol sa kalubusan ng Kristo.’ (Efe 4:11-13) Kaya naman mabigat ang pananagutang nakaatang sa mga naglilingkod bilang mga guro, yamang tuwiran itong nakaaapekto sa buhay ng mga kapuwa Kristiyano. Gayon na lamang kahalaga ang posisyon ng mga guro anupat itinala ito nang ikatlo sa pagkakasunud-sunod ng mga miyembro ng kongregasyon, kasunod mismo ng mga apostol at mga propeta. (1Co 12:28) Hindi ito isang posisyon na ginampanan ng lahat ng mga Kristiyano (1Co 12:29), at hindi ito kailanman ginampanan ng mga babae. Sumulat ang apostol na si Pablo: “Hindi ko pinahihintulutan ang babae na magturo, o magkaroon ng awtoridad sa lalaki.” (1Ti 2:12) Mga tagapangasiwa, o matatandang lalaki, na inatasan sa kanilang posisyon ng banal na espiritu ang naglingkod sa katungkulang ito.—Gaw 20:17, 25-30; 1Ti 3:1, 2; 5:17.
Ang matatandang lalaking ito ay dapat maging mga halimbawa na karapat-dapat tularan at dapat ding magturo nang may katumpakan, anupat laging nanghahawakan sa kinasihang Salita ng Diyos. Bilang kuwalipikadong mga guro, sila’y nagsilbing balwarte na makahahadlang sa paghiwalay mula sa tunay na paniniwala, anupat laging mapagbantay upang ituwid yaong mga naging biktima ng maling turo at gumawa ng pagkilos laban sa mga nagtataguyod ng mga sekta.—1Ti 4:6, 7, 16; 6:2b-6; 2Ti 2:2, 14-26; 3:14-17; Tit 1:10, 11; 2:1, 6, 7; 3:9-11; ihambing ang Apo 2:14, 15, 20-24.
Ang matatandang lalaki (sa Gr., pre·sbyʹte·roi) na nagpapagal noon sa pagtuturo sa kanilang mga kapuwa Kristiyano ay karapat-dapat sa paggalang, konsiderasyon (ihambing ang Heb 13:17), at maging sa kusang-loob na materyal na tulong. Ito ang tinutukoy ng apostol na si Pablo nang sumulat siya: “Bukod diyan, ang sinumang bibigang tinuturuan [sa literal, pinariringgan] ng salita ay magbahagi ng lahat ng mabubuting bagay sa isa na nagbibigay ng gayong bibigang pagtuturo.” (Gal 6:6, tlb sa Rbi8) “Ang matatandang lalaki na namumuno sa mahusay na paraan ay kilalaning karapat-dapat sa dobleng karangalan, lalo na yaong mga nagpapagal sa pagsasalita at pagtuturo. Sapagkat ang kasulatan ay nagsasabi: ‘Huwag mong bubusalan ang toro kapag ito ay gumigiik ng butil’; gayundin: ‘Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang kabayaran.’”—1Ti 5:17, 18.
Ang mga lalaking walang-pag-iimbot na nagsisikap noon upang maging mga tagapangasiwa, na kuwalipikadong magturo sa iba sa kongregasyon, ay “nagnanasa ng isang mainam na gawa.” (1Ti 3:1) Samakatuwid, maliwanag na hindi pinipigilan ng alagad na si Santiago ang gayong mga lalaki mula sa pagnanais na maging kuwalipikadong magturo nang isulat niya: “Hindi marami sa inyo ang dapat na maging mga guro, mga kapatid ko, yamang nalalamang tatanggap tayo ng mas mabigat na hatol.” (San 3:1) Sa halip, idiniriin ng mga salitang ito ang mabigat na pananagutang napapasabalikat ng mga guro sa kongregasyon. Maliwanag na ang ilan ay nag-astang mga guro, bagaman hindi sila inatasan o kuwalipikado sa gayong posisyon. Malamang na ang mga taong nasa isip ni Santiago ay kagayang-kagaya niyaong mga tinutukoy ni Pablo nang sumulat siya kay Timoteo: “Bumaling ang ilan tungo sa walang-saysay na usapan, na nagnanais na maging mga guro ng kautusan, ngunit hindi napag-uunawa kahit ang mga bagay na kanilang sinasabi o ang mga bagay na mapilit nilang iginigiit.” (1Ti 1:6, 7) Maliwanag na ninasa ng gayong mga tao ang pagiging prominente na kalakip ng pagiging guro ng mga kapananampalataya. Ngunit inilagay ni Santiago ang mga bagay-bagay sa wastong punto de vista nang ipakita niya na mas malaki ang hihingin sa mga guro sa kongregasyon. Mas seryoso ang kanilang pakikipagsulit kaysa sa mga Kristiyano sa pangkalahatan. (Ihambing ang Ro 14:12.) Gayunman, tulad ng iba, natitisod din sila sa salita.—San 3:2.
Kung paanong lahat ng mga Kristiyano ay dapat maging mga guro. Bagaman iilan lamang sa loob ng kongregasyon ang naglilingkod noon bilang mga guro, isang kanais-nais na tunguhin para sa lahat ng mga Kristiyano ang magkaroon ng kakayahang magturo ng kanilang mga paniniwala sa iba, kahit man lamang sa pribado. Ang puntong ito ay nilinaw sa mga Kristiyanong Hebreo: “Bagaman dapat nga sanang maging mga guro na kayo dahilan sa panahon, kayo ay muling nangangailangan na may magturo sa inyo mula sa pasimula ng mga panimulang bagay ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos.” Yamang ang mga Judio ang unang tumanggap ng mabuting balita tungkol sa Kristo, dapat sana’y hindi na sila mga sanggol sa espirituwal kundi mga halimbawa sa Kristiyanong pagkamaygulang at sa kakayahang magturo sa iba. (Heb 5:12–6:2) Kaya dito ay maliwanag na nagsasalita ang kinasihang manunulat tungkol sa pagtuturo sa pangkalahatang diwa, sa halip na sa pagtuturo ng isang inatasan sa tungkulin. Samakatuwid, waring kahawig ito ng pagtukoy niya sa Judio na salig sa kaalaman nito ay naging “tagapagtuwid ng mga di-makatuwiran, guro ng mga sanggol.” (Ro 2:17-20) Gayunman, ipinakikita ni Pablo na sa gayong pagtuturo, ang landasin ng buhay ng guro ay dapat ding makasuwato ng kaniyang itinuturo kung nais niyang magdulot ng karangalan sa Diyos ang kaniyang pagtuturo.—Ro 2:21-24.
Maaari ring matuto sa isa’t isa ang mga Kristiyano. Halimbawa, ang mga nakababatang babae ay maaaring turuan ng matatandang babae kung paano magiging ‘maibigin sa kani-kanilang asawa, maibigin sa kanilang mga anak, matino ang pag-iisip, malinis, mga manggagawa sa tahanan, mabuti, mapagpasakop sa kani-kanilang asawa, upang ang salita ng Diyos ay hindi mapagsalitaan nang may pang-aabuso.’ Mabisa ang gayong pribadong pagtuturo kapag sinusuhayan ng mabuting halimbawa.—Tit 2:3-5; ihambing ang 2Ti 1:5; 3:14, 15.